Dapat at hindi dapat gawin para mamuhay nang komportable
- Justine Daguno
- Jun 20, 2020
- 2 min read

“HINDI mo kasalanan na ipinanganak ka na mahirap, pero kasalanan mo na mamamatay ka na mahirap.” Ito ang gasgas na paalala sa atin ng mga nakatatanda upang magsumikap tayo sa buhay. Sa totoo lang, habang tumatagal, pahirap nang pahirap ang buhay at dumating pa nga ang pandemya na lalong nagpahirap sa sitwasyon ng marami sa atin.
Well, wala namang permanente, kaya kung feeling natin ay hirap na tayo sa buhay, worry no more dahil puwedeng maging maayos ang lahat.
Anu-ano nga ba ang mga dapat nating gawin upang magkaroon tayo ng komportableng pamumuhay?
HUWAG MAGING NEGATIVE. Oks lang maging negative sa mga sakit pero kung gusto nating mag-improve ang ating buhay at madagdagan ang ating income, itigil natin ang pag-iisip ng mga negatibong bagay. Halimbawa, nagpaplano tayong magsimula ng negosyo, ‘wag isipin na paano kung hindi kumita o paano kung malugi? Iwasan ang ganyang mindset dahil kung negative ang pumapasok sa ating isipan, walang mangyayari at wala talaga tayong masisimulan.
HUWAG ISIPING TALUNAN ANG SARILI. Kung gusto nating mag-level up sa buhay, solusyon at hindi problema ang dapat pinagtutuunan ng panahon. Never nating tatawaging loser ang ating sarili dahil hangga’t gusto nating mabago ang ating buhay in a better way, palagi tayong panalo. Kaya ngayon pa lang, pag-isipan na ang mga bagay na makakatulong upang maging maayos ang ating buhay.
HUWAG UMASA SA TULONG NG IBA. ‘Wag mag-expect na ibang tao ang magso-solve ng ating problema. Mag-isip tayo ng mga paraan para maging self-sufficient dahil aminin man natin o hindi, napakahirap ng kalagayan ng mga taong palaging umaasa sa tulong ng iba. Imbes na mag-rely sa kanila, ibang suporta ang hingin natin, tulad ng pagbili nila sa ating produkto, pag-like o pag-share ng ating business page sa social media at iba pa.
HUWAG SAYANGIN ANG ORAS SA WALANG KUWENTANG BAGAY. ‘Wag puro TikTok o pag-i-scroll sa FB ang ating aatupagin. Wala namang problema sa paglilibang dahil kailangan din ‘yan sa buhay pero kung ang oras mo ay nauubos lang d’yan, pag-isipang mabuti kung makakatulong ba ‘yan para mabayaran ang bills natin sa lalong madaling panahon. Kung palagi tayong chill sa buhay, hindi tayo maggo-grow. Hindi tayo aasenso kung palagi lang tayong magrereklamo pero hindi naman tayo kumikilos o walang kuwentang bagay ang inuuna natin.
UMIWAS SA MGA BAD INFLUENCE. Iwasan ang mga taong wala namang maidudulot na mabuti sa ating buhay. Walang ibang ginawa kundi ang ayain tayong mag-happy-happy na lang palagi. Tipong inom dito, games doon, travel d’yan, etc.. Muli, walang masama sa YOLO pero hindi sapat na dahilan ‘yan para gumastos nang gumastos lalo na kung hindi sapat ang income natin.
HUWAG MAGSAYANG NG PERA. Sa totoo lang, napatunayan natin noong enhanced community quarantine na puwede tayong mabuhay nang hindi kumakain sa restaurant o fast-food chain, hindi umiinom ng mamahaling kape o hindi bumibili ng milk tea, hindi nagta-travel at hindi bumibili ng bagong damit o sapatos. Kaya bago maglabas ng pera, pag-isipang mabuti kung kailangan o mahalaga ba talaga ang pagkakagastusan natin.
Walang masama sa pagdarasal gabi-gabi na sana ay maging okay ang buhay natin, pero mas oks kung sasamahan natin ito ng pagkilos, diskarte at pag-iwas sa bad habits. Ang pagyaman o ang pagkakaroon ng magandang buhay ay hindi nangyayari overnight. Mahabang proseso ang kailangan nating gawin at magsisimula ito sa ating sarili. Kuha mo?








Comments