Kaligtasan natin sa banta ng terorismo, paano magagawa?
- Nympha
- Jun 11, 2020
- 3 min read
Bagama’t tapos na ang laban ng bansa kontra ISIS sa Marawi City at nalipol na ang mga pinuno ng mga terorista, hindi pa rin nakasisiguro ang lahat na buwag na ang kanilang samahan o organisasyon.

May mga ulat na nagpaparamdam pa rin ang ilang tauhan ng terorista na aktibo pa rin ang grupo sa mga banta ng paghahasik ng takot sa mamamayan, partikular na sa Mindanao.
Target nila ang mga sibilyan at kung magkakaroon ng pagkakataon na makabuo ng mga mekanismo sa isang lugar, doon na sila magpupugad at paplanuhin ang masamang balakin laban sa gobyerno at militar.
Upang hindi na maulit ang digmaang naganap sa Marawi at Zamboanga kung saan libu-libo ang naapektuhan, maraming nasawi at bumagsak ang kabuhayan, paano tayo makaliligtas sa pag-atake nila? Heto ang payo ng isang sikologo na si Rohan Gunaratna, Ph. D.
Kinakailangan ng bawat gobyerno na magkaroon ng seryosong diplomasyang ugnayang pampubliko hindi lamang sa gobyernong sumasaklaw sa kanilang lugar kundi maging sa kanilang publiko.
Alam naman ng mga kapatid nating nasa Mindanao o iba pang malalayong lugar na ang gobyerno ay gumagawa ng paraan upang masugpo ang kahirapan, mapag-ibayo ang edukasyon at tumaas ang standard sa pangangalaga ng kalusugan sa umuunlad na bansa.
Sa kabilang banda, ang gobyerno naman ang dapat makipag-ugnayan sa pribadong sektor upang maprotektahan ang mga ito sa kanilang pag-aari sa lahat ng sulok ng bansa.
Ang gobyerno ay dapat may sapat na sandata at bigyan ng sapat na kaalaman ang mga private security professional at organisasyon.
Dapat ding nakikipag-ugnayan sa politicians, leaders at mga edukador upang makuha ang mensahe na ang mga terorista ay nalilihis sa utos ng kanilang mga relihiyon.
1. Banta nga ba ang iba pang terrorist groups sa bansa?
Halimbawa na lang ang isang ISIS group na humihikayat ng maraming sumusulpot na teroristang grupo at nagre-recruit ng bago. Nagagamit pa ang mga ito sa social media upang makakuha ng mga bata at bagong tauhan.
Sa bawat tatlong teroristang nalalagas o nahuhuli, lima agad ang lumalahok sa grupo bilang kapalit. May kapasidad silang pasukin ang mga kumpanya o mambiktima ng turista.
2. Anong uri ng mga sandata ang ginagamit ng mga teroristang ito?
Ang banta nga ba ng chemical, biological o nuclear attack ay nagagamit? Halimbawa na lang ang Al-Qaeda, mahirap sa kanila na makagamit ng biological o fissionable weapons dahil ang global control nito ay mahigpit.
Gayunman, sa ilang punto, pinagsuspetsahan na ang organisasyon ay nakapagsagawa ng pag-atake sa pamamagitan ng paggamit ng chemical agents o radio local dispersal device o dirty bomb.
Ang mga dirty bomb ay conventional explosive na ibinabalot sa mga radio active waste material. Habang hirap ang mga terorista sa pagbili ng nuclear bomb, ang mga nuclear waste naman ay pawang 'readily available' kung saan-saan. Ang mga nuclear power plant ay nagpo-produce ng tone-toneladang dumi sa lahat ng dako ng mundo kada taon.
Ang ulap ng radio activity mula sa dirty bomb ay maaaring makawasak ng isang malaking siyudad at malagay sa peligro ang libu-libong tao sa pamamagitan ng radiation poisoning.
3. Kailangan bang mangamba ang sambayanan sakaling pasukin na naman ng terorismo?
Ang mamamayan ay kinakailangang maging vigilante, preparado at depensibo. Kung ang publiko at security agencies ay mananatiling mapagmasid, nakikiramdam at may malasakit, mabibigo ang mga terorista sa pag-atake at hindi makapagplano ng sunud-sunod na pagpapasabog sa matataong lugar at kumitil sa buhay ng mga sibilyan.
Ito ay upang hindi sila makapag-ipon ng pera at sandata mula sa supporting members. I-report agad sa mga awtoridad ang mga hinihinalang terorista.








Comments