‘Wag na ‘wag iismolin, mga bes... Barya, puwedeng maging lifesaver!
- Jersy Sanchez
- May 31, 2020
- 2 min read

Ngayong nahaharap tayo sa krisis, maraming nawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan kaya unti-unti nating natutunan ang halaga ng bawat sentimo o barya na kinikita natin. Kung noon, dedma tayo sa barya dahil halos wala na itong halaga, ngayon, nahalughog na natin ang ating mga wallet at bulsa para maghanap ng barya na pandagdag sa kulang sa grocery o ipinamili at mare-realize nating hindi basta-basta ang halaga nito.
Habang natututunan ng marami sa atin ang halaga ng bawat sentimo, anu-ano pa ang kayang gawin nito?
LIFESAVER. For sure, may mga pagkakataong hindi mo napapansin na ubos na ang iyong perang papel o paper billsat kulang na ang pambayad mo sa pamasahe o binili sa tindahan. Sa ganitong pagkakataon, napapahinga ka nang maluwag kapag may nakapa kang barya sa iyong bulsa o bag at mararamdaman mo na may halaga pa rin ang barya.
IPON NG PAMILYA. Madaling ipunin ang barya at kahit ang mga bagets, sure na matututong mag-ipon gamit ito. Paano? Gamit ang lumang garapon o alkansiya at araw-araw na maghulog dito kahit piso. Magandang paraan ito para sa mga batang gustong mag-ipon. Maganda na habang bata ay matuto silang magtabi kahit maliit na halaga at ‘di nila namamalayan na unti-unting lumalaki ang kanilang ipon.
BARYA SA PAMASAHE. Kung komyuter ka, kailangan mo laging magbitbit ng barya dahil malaki itong tulong sa mga tsuper gayung ito ang kailangan nila bilang panukli sa mga kapwa mo pasahero. Gayundin, nakatutulong ito sa mga pamilihan, lalo na kung maaga at wala pang gaanong kostumer.
PUWEDENG I-DONATE. Kung marami kang naipon na barya, puwede kang makatulong sa mga nangangailangan. Paano? Kung mapapansin mo, may mga alkansiya sa mga counter sa grocery o department store na nakalaan para sa Non-Government Organizations (NGOs) na nanghihingi ng mga barya. Kung nabibigatan ka sa wallet mo dahil sa mga barya, why not ibigay ito sa organisasyong nangangailangan? Ang bawat baryang natatanggap nila ay napakikinabangan ng marami, kaya go na!
Gulat ka, ‘noh? ‘Yung akala mong simpleng sukli sa dyip o grocery na wala nang pakinabang, eh, malayo pa pala ang mararating. ‘Ika nga, bawat barya ay mahalaga at kung gagamitin natin at pahahalagahan natin ito nang tama, walang pera na masasayang. Make sure na isasabuhay ninyo ang ilang money lessons na ito, ha? Gets mo?








Comments