top of page

Sagipin ang kaibigang depressed at sobrang malungkutin at sign ng suicide tendency

  • Nympha
  • May 30, 2020
  • 3 min read

Marami na naman tayong nababalitaan na kinikitil ang sariling buhay dahil sa bigat ng dinadalang problema. Guys, tanggapin natin na nasa gitna tayo ng krisis sa pandemic. Habang tayo ay humihinga, malakas ang katawan, walang sakit, isang malaking biyaya na ‘yan mula sa Diyos.

Pero bakit may sumusuko, lalo na ang mga nakababata pa ang edad? Para ring virus ang pagpapatiwakal na kung sinuman ang biglang tatamaan na magulong-magulo ang isipan ay bigla na lang tatapusin ang sarili. Walang sabi-sabi dahil produkto ng stress ngayong may COVID-19 pandemic. Noon, buma-banner sa mga balita na 9 sa bawat Pinoy kada araw ang nagpapatiwakal maging sa ibang bansa tulad ng U.S. at baka ngayon ay mas tumaas pa ito.

Paraan na ‘yan ng mga ilang kabataan na takasan ang anumang tensiyon at masasakit na pinagdaraanan kaya ang pagsu-suicide ang ikatlong pinaka-unang dahilan ng kamatayan sa mga edad na ‘yan. Kung minsan, wala silang warning sign sa masama niyang balakin. Ang masama pa, matapos ang suicide ay sobrang guilt ang nadarama ng buong pamilya at mga kaibigan dahil hindi nila nasagip ang minamahal nilang biktima. Para mailigtas siya, heto ang ilang senyales para malaman kung may tangka nang mag-suicide ang kaibigan o mahal sa buhay at kung paano sila sasagipin.

1. Makinig kapag may idinaraing nang mabigat na problema ang mahal sa buhay. Bigyang atensiyon ang mga salitang may pagkadesperado na. Kadalasan, ang suicide ay mula sa sama ng loob at depresyon na kanyang nararamdaman, gayundin, sa panahon na dama niyang parang wala na ang lahat sa kanya. Tulad ng kalungkutang hatid ng pagka-quarantine sa isang lugar na hindi siya pamilyar, kawalan ng trabaho o pagkakakitaan, nakadaranas ng kaunting kalinga, hindi nakakapiling ang pamilya, pakiramdam na wala nang masusulingan dahil na rin sa takot na mahawaan ng coronavirus at kung anu-ano nang negatibo na naiisip. ‘Yung iba naman ay namatayan pa ng mahal sa buhay o pagkaubos ng kanyang kabuhayan. Ito na ang mga negatibong bagay na nagtutulak sa kanya na kitlin ang sariling buhay.

2. Kausapin siya hinggil sa kanyang nadarama. Hayaan siyang magsalita nang magsalita. Seryosohin mo ang anumang senyales na ito na tatapusin niya ang kanyang buhay kahit pabiro lang ito. Marami kasi ang nagkakamali na nagbiro lang siya at hindi niya gagawin. Sa ilang kaso ay nagkakatotoo ito, pero dahil nasabi niyang puwedeng intensiyon niya talagang ituloy ito. Kaya seryoso kang magbantay sa anumang masasabi ng naturang tao.

3. Tawagan o bisitahin siya nang madalas. Ito ay para malaman niya nar’yan ka at sumusuporta sa kanya. Mapag-aaralan mo ring mabuti ang nakababahalang mga pagbabago niya sa tuwing tumatawag o bumibisita ka. Halimbawa, bigla na lang siyang tumahimik makaraan ng ilang linggong sobrang kalungkutan, umiiyak, pagrereklamo o pagsasalita at naroon pa rin ang labis na kalungkutan at hindi nagbabago. Napapansin mo ba na humihinga ka na nang malalim at nakikita mong nasa isang sulok na lang siya parati, tahimik at madilim at nakakapag-alala, ‘di ba? Masamang senyales ‘yan dahil ibig sabihin, dumating na siya sa isang desisyon na lunasan ang problema – sa pamamagitan ng pag-suicide.

4. Ipaalam na agad sa iba pang mahal sa buhay niya at mga kaibigan ang sitwasyon ng tao o kaya ay sa mga awtoridad tulad ng 117. Sabihin na sa kanila kung ano ang iyong nakikita at naririnig. Mahalaga ito dahil maaaring sinasabi at ipinakikita niya ang senyales ng suicide na hindi niya ibinabahagi sa loved ones niya. Halimbawa, gumawa ba siya ng update sa mga pamamanahan? Ipinamimigay na ba niya ang mga personal na gamit sa mga kaibigan? Ang maliliit na senyales na ito na ‘inilalagay sa ayos ang kanyang relasyon’ ay isang malakas na pasya na siyang kitlin ang sarili.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page