Kalabaw, simbolo ng masaganang buhay; Babala na dapat magtipid at mag-ipon habang ‘di naghihirap
- Socrates Magnus
- May 29, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Raumond Bigboy na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na nakasakay ako sa kalabaw, tapos napadaan kami sa parang ilog pero ‘di naman kadamihan ng tubig. Tapos, nako-kontrol ko ‘yung bilis ng kalabaw at kapag gusto kong pabilisin ang paglakad ay napapabilis ko.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Raymond Bigboy
Sa iyo Raymond Bigboy,
Alam mo, may isang pinakasikat na nabuhay sa mundo na nag-i-interpret ng mga panaginip. Sa sobrang galing niya, ginawa siya gobernador ng Ehipto noong kanyang panahon.
Ganito ang kuwento ng isang pastol ng mga tupa, pero siya ay tinawag na Joseph the Dreamer. Nanaginip ang hari at walang makapagbigay ng kahulugan ng kanyang panaginip na pitong baka na mataba at pitong baka na payat.
Maraming nag-aanalisa ng mga panaginip ang pumunta sa hari, pero bigo silang maibigay ang tamang kahulugan. Dahil dito, nagpasya ang hari na ipatawag si Joseph the Dreamer at sinabi ni Joseph na ang matatabang baka ay simbolo ng kasaganaan at ang payat naman ay simbolo ng taggutom o kahirapan. Dagdag pa ni Joseph, pitong taon na makakaranas ng masaganang ani ang Ehipto at pagkatapos ay pitong taon na walang ani.
Sa hanga ng hari, si Joseph ay ginawang gobernador at inutos niya na gumawa ng maraming bodega at punuin ito sa panahon ng masaganang ani.
Wala namang kalabaw sa Ehipto noon at baka ang ginagamit sa bukid para makapagtanim. Dito sa atin, may baka pero kalabaw ang gamit ng mga magsasaka sa bukid. Dahil dito, ang baka at kalabaw kung sa kasasayasan ng pag-ani ang pag-uusapan ay parehas lang. Kaya ang kalabaw sa iyong panaginip ay simbolo ng kasaganaan. Ibig sabihin, mananagana ang iyong buhay, kumbaga, ang kasaganaan ay iyong mararanasan. Kaya tulad ng payo ni Joseph the Dreamer, mag-ipon ka sa panahon na ang buhay ay nasa kasaganaan.
May pahabol na payo ang iyong panaginip na nagsasabing, huwag kang tutulad sa marami na kung kailan kapos sa buhay ay saka nagtitipid. Ibig sabihin, kapag masagana ang buhay ng tao, roon niya isabuhay ang pagtitipid, pagsisinop at pagpapahalaga sa kabuhayan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments