Sabay sa uso pero dapat healthy... Prutas at gulay oks gawing infused drink!
- Justine Daguno
- May 23, 2020
- 2 min read

Bukod sa banta ng COVID-19 na walang pinipiling edad o estado kung sino ang tatamaan, nagsisimula na ring magpabagu-bago ang panahon na madalas pagmulan ng iba’t ibang sakit kaya mahalaga na malakas ang ating resistensiya.
Pamilyar ba kayo sa mga infused drink o ‘yung karaniwang tubig ay hinahaluan ng iba’t ibang prutas o gulay upang mas maging healthy? Halos kapareho lamang ng mga paborito nating fruit juices, pero mas maganda ang epekto nito sa kalusugan dahil natural ito at mas mababa ang sugar content.
Sa mga gustong mag-try nito, narito ang mga fruits at veggies na best gawin bilang infused drinks:
1. Cucumbers. Ito ay nagtataglay ng minerals at vitamins na kailangan ng ating katawan. Nakatutulong ito upang magkaroon ng good digestion at pampabawas din ng timbang. Upang makagawa ng “cucumber infused drink”, maglagay lamang ng 8-10 slices nito sa tubig saka ilagay sa refrigerator sa loob ng 4 oras.
2. Lemon. Maraming health benefits ang lemon tulad ng pang-hydrate o pampaganda ng kutis, makatutulong din ito upang makaiwas sa kidney stones, good source ng Vitamin C at iba pa. Maglagay lamang ng 3-4 slices nito sa tubig, maaari itong palamigin sa refrigerator, pero ayos lang din kahit hindi pero dapat ubusin ito agad.
3. Orange. Isa ang “orange infused drink” sa mga best drinks ngayong mainit ang panahon at advisable rin ito para sa mga nagwo-workout dahil mayaman ito sa Vitamin C at minerals na kailangan ng katawan upang magkaroon ng maraming energy. Makatutulong din ito upang mapabuti ang daloy ng dugo sa ating katawan. Upang makagawa ay ihalo lamang ang 3-4 slices ng oranges sa tubig at ibabad ito ng overnight sa refrigerator.
4. Ginger. Ang pag-inom ng ginger water ay makatutulong upang mapalakas ang ating resistensiya, maiwasan ang indigestion, pagsusuka at heartburn. Epektib din itong pampayat at pampaganda ng buhok at balat. Maglagay lamang ng malilit na piraso nito tubig, maaari itong gawin 3-4 araw kada linggo kapag nag-uumpisa pa lamang.
5. Grapes. Bukod sa mayaman ito sa antioxidants, maganda rin itong panlaban sa heart diseases, pang-improve ng eye health, pagkontrol ng blood sugar at iba pa. Mas oks kung ilalagay muna ang mga ito sa freezer ng overnight bago ihalo sa tubig.
6. Pineapple. Nagtataglay naman ng anti-inflammatory at cleansing properties ang pineapple water at subok na rin bilang weight loss supplement. Maghiwa lamang ng ilang piraso nito saka ilagay sa tubig. Pero tandaan lamang na dapat itong inumin pagkatapos kumain.
Siguro naman ay alam nating health is wealth ngayon, kaya gawin nating healthy ang ating sarili at ang bawat miyembro ng pamilya. Kung sasabay lang din tayo sa mga trending ngayon, eh, sa healthy living na lang tayo makiuso. Ganern!








Comments