Patay sa coronavirus, 80 na.. OFWs sa China, hindi ililikas — Malacañang
- Mylene Alfonso
- Jan 27, 2020
- 1 min read

Inamin ng Malacañang na wala pang plano sa posibleng paglikas sa mga Pinoy na nasa Wuhan City sa China sa gitna ng pagkalat ng novel coronavirus (N-CoV).
Ang nasabing lungsod ang epicenter ng nakakamatay na NCoV outbreak.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi mapipilit ng pamahalaan ang mga Pinoy na nasa Wuhan na basta iwan na lamang ang kanilang trabaho roon.
“Wala tayong narinig na mayroong ganu’ng patakaran si Presidente.” ani Panelo.
“‘Yung Filipino na nasa ibang bansa, they are working there. If they feel that they are safe, hindi mo mapapaalis ‘yun don, kasi livelihood nila ‘yun,” ani Panelo.
Kaugnay nito, pumalo na sa 2,744 ang kumpirmadong kaso ng 2019NCoV o tinatawag ngayong Wuhan virus dahil sa hinihinalang pinanggalingan nitong lungsod sa China.
Sa huling tala, 80 ang nasawi sa sakit sa mainland China, kung saan din may pinakamaraming nagpositibo sa misteryosong virus.
Maliban sa China, mayroon na ring mga kaso ng 2019 NCoV sa Australia, France, Japan, Malaysia, Singapore, Nepal, South Korea, Taiwan, Thailand at Vietnam.
Samantala, sa ngayon ay wala pang kumpirmadong kaso ng virus sa Pilipinas, bagamat may ilang indibidwal at grupo ang sinusuri at inoobserbahan matapos magpakita ng sintomas ng sakit.





Comments