Presyo ng produktong nakalagay sa price tag ang dapat sundin kahit nagkamali lang ang tindahan
- Persida Acosta
- Jan 15, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Bibili sana ako ng mga laruang panregalo sa department store sa isang mall dito sa Maynila. Pero nang magbabayad na sana ako ay biglang sinabi ng kahera na ang halaga nito ay mas mataas sa nakalagay sa price tag nito. Dahil sa pagkakaiba ng halaga na nakalagay sa price tag na mas mababa kontra sa sinasabing halaga ng kahera na ayon daw sa system nila, nagdesisyon na lang ako na huwag nang bumili. Ikinuwento ko ito sa pinsan ko at sabi niya ay dapat daw iginiit ko ang presyo na nakalagay sa price tag. Totoo ba ‘yun? - Tata
Dear Tata, Nasasaad sa Republic Act (R.A.) No. 7394 o “Consumer Act of the Philippines” na ang produkto na mayroong naaayon na price tag ay hindi maaaring ibenta sa halagang mas mataas pa sa nakasaad sa price tag nito. Ayon sa Artikulo 81 ng R.A. No. 7394:
“Article 81. Price Tag Requirement. – It shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without discrimination to all buyers: Provided, that lumber sold, displayed or offered for sale to the public shall be tagged or labeled by indicating thereon the price and the corresponding official name of the wood: Provided, further, that if consumer products for sale are too small or the nature of which makes it impractical to place a price tag thereon price list placed at the nearest point where the products are displayed indicating the retail price of the same may suffice.” (Binigyang-diin)
Dahil sa nasabing batas, maaari ninyo sanang igiit na ang halaga na nakalagay sa price tag ang dapat sundin, at hindi ang mas mataas na halaga na hindi naman nakalagay sa price tag.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments