Search
  • BULGAR

2020 WNBA, magsisimula na ang playoffs bukas

ni Anthony Servinio - @Sports | September 15, 2020




Magsisimula na bukas ang 2020 Women’s National Basketball Association (WNBA) AT&T Playoffs sa loob ng bubble sa IMG Academy sa Bradenton, Florida. Walong koponan sa pangunguna ng Las Vegas Aces at Seattle Storm na lang ang nananatili para paglabanan ang tropeo matapos ang pitong linggo ng matinding bakbakan.


Tinalo ng Aces ang Storm sa huling araw ng regular season, 86-84, upang maagaw ang liderato ng liga. Parehong nagtapos na may kartadang 18-4 panalo-talo ang dalawa subalit nakuha ng Las Vegas ang tiebreaker bunga ng dalawang panalo nila sa Seattle noong Lunes at 82-74 noong Agosto 22.


Pasok na agad ang Las Vegas at Seattle sa best-of-five semifinals at maghihintay na lang ng makakalaro sa Setyembre 21. Ang WNBA Finals ay best-of-five din at nakatakdang magsimula sa Oktubre 3.


Samantala, kinailangan ng defending champion Washington Mystics ang 85-79 na panalo sa Atlanta Dream upang makuha ang ika-walo at huling upuan sa playoffs. Umangat ang Mystics sa 9-13 at umiwas na tumabla sa ika-siyam na Dallas Wings (8-14).


Haharapin ng Mystics ang #5 Phoenix Mercury (13-9) habang magtatapat ang #6 Chicago Sky (12-10) at #7 Connecticut Sun (10-12) sa knockout games. Ang mga magtatagumpay ay tutuloy sa isa pang knockout game kontra sa naghihintay na #3 Los Angeles Sparks (15-7) at #4 Minnesota Lynx (14-8).


Hindi pinalad na pumasok sa playoffs ang Dallas (8-14), Atlanta (7-15), Indiana Fever (6-16) at New York Liberty (2-20). Kahit nahahati ang 12 sa Eastern at Western Conference, kinuha ang walong may pinakamataas na kartada kahit mas nakakarami ang Western Conference.


Noong nakaraang taon, tinalo ng Mystics ang Connecticut, 3-2, para sa unang kampeonato sa kanilang kasaysayan. Ang Minnesota ang may pinakaraming tropeo sa mga kasalukuyang koponan matapos magwagi noong 2011, 2013, 2015 at 2017 at tumabla sa nagsarang Houston Comets na nag-reyna sa unang apat na taon ng WNBA mula 1997 hanggang 2000.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.