- Mylene Alfonso
P6.8-B shabu nakalusot, lahat ng Customs officials sinibak | LAPEÑA NA-PROMOTE

SA gitna ng panawagan na sibakin, ipinromote pa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña bilang cabinet member makaraang ilipat sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito ang inianunsiyo ni Pangulong Duterte sa ika-117 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Port Area, Manila sa harap ng kontrobersiyang kinahaharap ni Lapeña kaugnay sa pagkakapuslit ng P6.8 bilyong halaga ng shabu sa pamamagitan ng magnetic lifters sa Bureau of Customs (BOC).“Now for the… General Lapeña will move to TESDA. I will promote you to a cabinet member position,” ani Duterte.
Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa lahat ng department at section chiefs sa Bureau of Customs (BOC).
Ani Duterte, ilalagay niya sa ‘floating status’ ang lahat ng mga opisyal sa BoC upang magkaroon ng ‘free-hand’ ang bagong commissioner sa pagtatalaga ng mapagkakatiwalaang tauhan.
Kasabay nito, inianunsiyo rin ni Pangulong Duterte ang pagtatalaga kay Maritime Industry Authority Chief Rey Leonardo “Jagger” Guerrero bilang kapalit ni Lapeña sa BOC.