- BULGAR
20 bus, palit sa LRT, bibiyahe sa Roosevelt at Balintawak
ni Lolet Abania | September 6, 2020

Naglagay ng 20 bus carousel ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbibiyahe upang makatulong sa mga pasahero na apektado ng pansamantalang pagsasara ng LRT-1 Roosevelt Station, Quezon City.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Fidel Igmedio T. Cruz, nagtakda ng ruta sa 20 bus na ide-deploy na magmumula sa LRT-1 Roosevelt Station hanggang Balintawak Station at pabalik nito. Bibiyahe ang mga ito nang alas-4:30 ng madaling-araw hanggang alas-10 ng gabi, kasabay ng pagbubukas operasyon ng LRT-1.
Gayundin, halagang P13 ang pamasahe sa bus ng bawat pasaherong sasakay mula Roosevelt hanggang Balintawak at pabalik na ruta nito.
Samantala, ayon sa LTFRB, tatlong buwan pansamantalang isasara ang Roosevelt Station ng LRT-1, mula September 5 hanggang December 28, 2020 upang isagawa ang konstruksiyon ng naturang istasyon.
Gayunman, maaari pa ring makabili ng Beep Card sa Roosevelt Station sa kabila ng pagsasaayos ng istasyon dahil may itinalagang tenant na magseserbisyo sa mga pasahero nito.