Search
  • BULGAR

2 sekyu, arestado sa pamemeke ng COVID-19 test result

ni Lolet Abania | October 4, 2020



Dalawang staff ng Rizal provincial security division ang inaresto ng operatiba ng Antipolo Police dahil sa pamemeke ng COVID-19 test results.


Kinilala ang dalawang suspek na sina Arnel Ignacio at Edgardo Juanilo, pawang mga security guard sa nasabing lugar.


Sa report ng Antipolo Police, naghain ng reklamo si Jonathan Berutso sa dalawang security guard dahil sa ibinigay na pekeng resulta ng kanyang COVID-19 test. Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya sa insidente at naaresto ang dalawang suspek.


Sa salaysay ni Berutso, nagpunta siya sa kapitolyo para magpa-rapid testing na gagamitin niya sa paghahanap ng trabaho. Tinanong niya ang guwardiya kung saan ang pila para sa testing.


Sa halip na ituro ang pilahan, nag-alok ang guwardiya na bibigyan na lamang siya ng kanyang COVID-19 test results.


“Huwag ka na pumila doon, dito ka na lang sa akin. I-negative natin ‘yung result mo," sabi ni Berutso na naging sagot sa kanya ng sekyu. Gayunman, humihingi ang guwardiya ng P1,700 para sa pekeng resulta at dagdag na P200 para sa pagkain.


Hindi pumayag si Berutso sa alok ng guwardiya at itinuloy niya ang pagpapa-rapid testing. Nagpositibo siya sa rapid test sa Coronavirus subali’t agad namang nagsagawa ng swab testing ang nurse ng kapitolyo para kay Berutso.


Sa takot ni Berutso sa naging resulta ng test, binalikan niya ang guwardiya at nakipagkasundo na rito subali’t wala pa siyang ibinigay na pera.


Agad na nagpunta si Berutso sa police station para maghain ng reklamo. “Huwag nang tularan ang ginawa ng dalawang ito. Kawani pa naman sila ng gobyerno natin na sana, sila ang nangunguna upang protektahan ang mamamayan natin.


Ngunit sila pa ang pasimuno, lalung-lalo na sa pamemeke ng mga resulta ng COVID-19 test,” sabi ni P/ Lt. Col. Jose Arandia.


Nakumpiska ng awtoridad sa dalawang suspek ang pekeng COVID-19 test results, marked money at isang motorsiklo. Wala namang ibinigay na komento ang dalawang sekyu.


Nahaharap ang dalawang suspek na sekyu sa kasong robbery, extortion at falsification of public documents. Samantala, nagnegatibo si Berutso sa swab test para sa COVID-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.