- BULGAR
16 seaman na na-stranded sa China, nakauwi na sa ‘Pinas
ni Thea Janica Teh | September 29, 2020

Nakauwi na sa Pilipinas ngayong Martes ang 16 marino na na-stranded sa China simula pa noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic.
Mga kapwa nakasuot ng personal protective equipment (PPE) ang mga naturang seafarers pagdating sa Ninoy Aquino International Airport.
Pagkatapos sumailalim sa swab test, inihatid ang mga ito sa isang hotel sa Pasig City kung saan sila tutuloy habang hinihintay ang resulta ng test.
Kuwento ng isang marino na si Anthony Medina, sobrang saklap umano ng kanilang karanasan. Wala na umano silang makain at wala na ring pampaligo.
Ayon naman sa kasama nitong si Albert Lopez, tanging filtered seawater na lamang ang iniinom nila.
Kaya naman lubos na nagpapasalamat ang mga marino sa pamahalaan sa pagtulong na makauwi muli sila sa kani-kanilang pamilya.
“Nagpapasalamat po talaga kami nang lubos dahil ‘di po sila tumigil hanggang huli, ‘di po sila bumitiw. Binigyan din po kami ng relief goods at saka po ‘yung mga tawag namin, lagi nilang sinasagot,” sabi ni Lopez.
Sinisigurado naman ng Philippine Consulate General sa Xiamen na maibibigay sa mga ito ang kanilang sahod at iba pang benepisyo galing sa kanilang mga employers.