- BULGAR
100% balik-operasyon sa negosyo, dapat paghandaan
@Editorial | October 2, 2020
Isinusulong ng Department of Trade and Industry ang full-operation sa ilang mga negosyo sa Metro Manila.
Kasabay nito ang pagbibigay-diin na walang dapat ipag-alala ang ma residente bagama’t nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).
Hanggang sa ngayon ay talagang binabalanse pa rin ang sitwasyon — patuloy ang paglaban sa COVID-19 habang kailangan ding labanan ang gutom at kahirapan.
Matatandaang malamig ang Metro Manila Council sa hirit ng mga negosyante na gawin nang 100 percent ang kanilang operasyon para makabawi na rin sila sa pagkakalugi.
Kaya ipinaliwanag ng DTI na mga “safe” na sektor o negosyo naman ang kanilang binubuksan na kailangan din ng mga authorized persons outside residence o APOR.
Isa pa, kailangan na ring magtrabaho para sa mga pangangailangan sa araw-araw. Mula nang makapasok ang virus hanggang sa kumalat ay hindi naman natigil ang mga bayarin. Ang nangyari ay naipon lang at kailangan pa ring bayaran.
Ang kailangan lang tiyakin, habang papalapit tayo sa ‘new normal’ ay mas dagdagan natin ang pag-iingat para malayo sa anumang uri ng sakit.