ni Mary Gutierrez Almirañez | April 9, 2021
Hinabol ng Chinese Navy ang Filipino vessel na sinakyan ng media papuntang Ayungin Shoal para sana makapanayam ang mga Pinoy na naapektuhan ang pangingisda dahil sa daan-daang barko ng China na nakakalat sa West Philippine Sea.
Batay sa pahayag ng ABS-CBN Reporter na si Chiara Zambrano ngayong umaga, “Isa du'n sa mga bakurang pupuntahan sana natin ay ‘yung Ayungin Shoal dahil alam naman natin na mayroong detachment ang Armed Forces of the Philippines doon kaya naisip namin, baka puwedeng pumunta roon ang mga mangingisdang Pinoy dahil magiging kampante sila dahil may nakabantay sa kanilang taga-AFP.”
Isinalaysay ni Zambrano na kaagad silang nilapitan at hinarangan ng Chinese Navy kaya nagpasya silang bumalik na lamang sa Palawan, subalit hindi pa rin sila tinantanan ng Chinese Coast Guard 5101 na aktong may dalawang missile boat na sumunod sa kanila sa loob nang mahigit kalahating oras.
“Tiningnan namin ang location namin sa GPS, kami ay nasa 90 nautical miles lamang mula sa pinakamalapit na kalupaan ng Palawan. Malinaw na malinaw na nasa loob kami ng exclusive economic zone kung saan dapat, malaya na nakakapangisda, nakakapaglayag ang lahat ng Pilipino, at lahat ng yamang-dagat dito ay para sa Pilipinas. Tayo dapat ang nakikinabang.”
Paliwanag pa niya, “Pumunta kami dito para itanong sa mga mangingisdang Pilipino kung ano ang ikinatatakot nila sa paglalayag sa West Philippine Sea at hindi namin inaasahan na mismong kami ay mararanasan at makikita namin ‘yung ganitong powerful na mga vessel o sasakyang pandagat ng China.”
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si US Secretary of State Antony Blinken sa ‘Pinas hinggil sa kontrobersiyal na West Philippine Sea at South China Sea. Iginiit din niyang makikipagkita siya kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. upang pag-usapan ang tungkol doon at iba pang isyu.
Batay sa kanyang tweet, “Substantive conversation today with my Philippine counterpart, @teddyboylocsin, discussing our concerns with People’s Republic of China militia vessels in the South China Sea and our efforts to combat anti-Asian hate and violence.”
Kaugnay ito sa naging pahayag ni US State Department Spokesperson Ned Price na susuportahan ng Amerika ang Pilipinas laban sa China.
"We will always stand by our allies and stand up for the rules-based international order," sabi pa ni Price.