top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | September 1, 2024


Sports News

Kinumpirma ni Premier Volleyball League commissioner Sherwin Malonzo ang pagkatanggap ng pormal na hiling ng PLDT High Speed Hitters na mag-backout na sa Invitationals noon pang Huwebes, mula sa initial semis game day pero hindi natuloy dahil sa power outage.

Ayon naman sa pag-aanalisa ng liga ang ginawang protesta ng PLDT at pagkatalo ay wala namang kaugnayan sa pasya ng team, nakasentro lang anila ang lahat sa naisin ng team na makapagpahinga at makapagpagaling dahil sa rami ng players nila na may injuries.


Una nang nagpahayag ang PLDT na hindi na masisilayan ang k kanilang laro sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.


Gayunman, hindi ito dahil sa kontrobersiyal nilang pagkatalo laban sa Akari Chargers sa nakaraang semifinal round sa Reinforced Conference nitong Sabado sa MOA Arena, Pasay City.

Una nang lumiham ang High Speed Hitters sa PVL noong nakaraang linggo, ayon sa ulat at aprubado na umano ito ng liga.


Ayon sa source ng PLDT, batbat ng injuries ang kanilang players at hirap na umanong mairaos ang kanilang laro at wala naman anilang kaugnayan ang nangyari noong Sabado.


Magpapahinga raw muna ang PLDT matapos ang kanilang bronze medal match ngayong Lunes dahil nais ng team na makapagpagaling muna ang kanilang players mula sa matitinding injuries.

Napuno ng kontrobersiya ang kanilang pagkatalo lalo na sa Set 5 kung saan humiling ang coaching staff ng challenge sa net fault pero hindi tinanggap.


Ang semifinalists ng Reinforced Conference ay eligible na maglaro para sa Invitational tilt na nakatakda ngayong darating na Linggo.


Pasok na ang Akari, Creamline, Cignal at guest teams Kurashiki Ablaze at EST Cola sa kompetisyon kabilang na ang ipapalit sa team ng PLDT.


Napag-alaman na ang mga injured na players ay sina Fil-Canadian ace Savi Davison at debut spiker Kianna Dy.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2024


Sports News

Hindi nakisama ang lipad ng mga palaso ni Agustina Bantiloc at nagtapos na ang kanyang kampanya nang manaig sa kanya ang Brazilian para archer sa women's individual compound open elimination-round-of-16 kahapon at nagtapos din siya na ika-28 at huli sa Women’s Individual Compound Ranking Round ng 2024 Paris Paralympics Archery Huwebes ng gabi sa Les Invalides.  


Nanaig ang bigatin na si #5 Jane Karla Gogel ng Brazil sa knockout round. Nakapagtala lang ng 51 sa perpektong 60 puntos si Bantiloc sa kanyang unang anim na palaso na katabla ni Jeong Jinyoung ng Timog Korea.  Kung nakabawi si Jeong at umakyat sa ika-18, hindi na nakaahon ang Pinay at nanatili sa pinakailalim at nagtapos na may 618 mula sa 72 palaso na kanyang pinakamataas na iskor ngayong taon. 


Si Gogel ay nagtapos na may iskor na 691.  Ang papalarin ay haharapin ang magwawagi sa pagitan nina #12 Zhou Jiamin ng Tsina (676) at #21 Kerrie Leonard ng Ireland (653) sa Round of 16 sa Agosto 31. 


Numero uno si Oznur Cure Girdi ng Turkiye na nagtala ng bagong World at Paralympic Record na 704.  Inabot ng huling tira kung saan tinamaan niya ang 10 at siyam lang si Sheetal Devi ng India para magtapos sa 703 na hinigitan din ang dating World Record na 698 ni Phoebe Patterson Pine ng Gran Britanya at Paralympic Record na 694 ni Jessica Stretton ng Gran Britanya noong Tokyo 2020. 


Sa lakas ng mga kalahok, linampasan din ng 696 ng pangatlong si Fatemeh Hemmati ng Iran ang Paralympic Record.  Sina Girdi, Devi, Hemmati ang #4 Jodie Grinham ng Gran Britanya (693) ay pasok na sa Round of 16 at maghihintay ng makakalaban mula sa Round of 32.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2024


Sports News

Magbabalik ang malakasang 3x3 sa Half Court 3x3 Basketball Training Camp and Tournament na tatakbo ng tatlong linggo sa Okada Manila ngayong Setyembre.  Bubuhayin muli ang laro na ang malaking layunin ang makapasok ang Pilipinas sa Los Angeles 2028 Olympics. 


Binubuo ang organizer Half Court Group nina Coach Mau Belen at kanyang mga dating manlalaro sa TNT Triple Giga Samboy de Leon, Matthew Salem at Chester Saldua. Matapos mahinto ang PBA 3x3, nakahanap ng pagkakataon ang grupo na ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng laro na napatunayang angkop sa panlasang Filipino dahil ito ay mabilis at puno ng aksyon. 


Magkakaroon ng mga torneo para sa lalake at babae sa Set. 7 at 8 at 14 at 15 at tutuldukan ng Grand Finals sa Set. 21 at 22. Kasabay nito ay magkakaroon ng 3x3 kampo sa umaga para sa mga kabataan na hahatiin sa edad 7 hanggang 11 at 12 hanggang 18. 


Ang magiging kampeon sa lalake ay ipadadala sa Pocheon Challenger sa Timog Korea mula Okt. 12 at 13. Qualifier ito para sa World Tour Shenzhen Masters sa Tsina sa Nob. 16 at 17. Ayon kay Coach Belen, maganda ang maagang tugon at malapit na mabuo ang inaasam na 16 koponan.  Asahan na mapapanood muli ang ilang mga beterano ng Chooks 3x3 at PBA 3x3. 


Sa panig ng kababaihan, napipisil na makabuo ng mga koponan para sa 2025 FIBA 3x3 Women's Series. Ngayon pa lang ay nagpahiwatig ng paglahok ang Gilas Pilipinas, Uratex Dream at ilang mga dating manlalaro ng UAAP. 


Sa pagwakas, nangako ang Half Court Group na itataas ang bansa sa World Ranking. Kasalukuyang nasa ika-37 ang mga lalake habang ika-23 ang mga babae. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page