top of page
Search

ni Angela Fernando @Entertainment News | September 5, 2024



Showbiz News

Muling sumiklab ang word war sa pagitan nina two-time gold medalist Carlos Yulo at ng kanyang pamilya nang magkomento si Mark Andrew Yulo sa post ng Olympian at sinabing dapat itong matuto na magpakumbaba sa kanyang ina lalo pa't tinawag niya itong magnanakaw at sinagot ito ng dyowa niyang si Chloe Anjeleigh San Jose.


Bilang palaban ang nobya ni Carlos na si Chloe, hindi ito nangiming sumagot sa komento ng ama ng nobyo. Binigyang-diin nitong ilang beses na nilang sinubukang humingi ng tawad sa pamilya Yulo ngunit panunumbat lang ang naibalik sa Olympian.


Sey ni Chloe, aware siyang hindi ang ama ni Caloy ang nag-comment sa nasabing post. "[...] pero kung gusto niyo po talaga ng ganito, bat hindi niyo din po sabihin na sinumpa po siya ni tita angge na gagapang si caloy sa lupa before po siya mag qualify sa olympics last year... :))," saad ni Chloe.


Pagbabahagi ng dyowa ni Carlos, sinabi raw ng ina nitong si Angelica Yulo na kahit ilang rosaryo pa ang ipadala sa Olympian ay hinding-hindi na raw ito mananalo. "[...] kinuwento pa po sakin ni caloy before siya lumipad po sa olympics na sinabihan niyo po siyang galingan niya at ipagdarasal niyo po siya para pag nanalo po siya eh wala na silang masabi po jan sa bahay. "Dahil ang sabi niyo po kay caloy ay marami po kayong naririnig na hindi magagandang salita sakanila," dagdag pa nito.


Nilinaw naman ni Chloe na matagal na silang nakapagpatawad ng Olympian. "matagal na panahon at ilang beses na po kami nag sorry ni caloy at nag try makipag usap po sainyong lahat, pero bakit po ganito? "pero wala na po yun tito eh, nakapag patawad na po kami and we're always praying for you po. godbless us all po, let's all pray na lang po for healing, guidance and love from HIM," pagtatapos niya.


Sumagot naman si Mark kalaunan at sinabing gusto niyang makausap ang dalawa at tinatawagan niya ang mga ito ngunit wala pa siyang sagot na nakukuha. Hindi na bago sa publiko ang isyu ng pamilya ng mga Yulo na pumutok kasabay ng laban ni Carlos sa 2024 Paris Olympics. Wala pang sagot ang panig nina Chloe sa mga bagong reply ng ama ni Caloy.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 3, 2024



Sports News

Nakuntento si Ernie Gawilan sa ika-anim na puwesto sa Men’s 400-M Freestyle S7 Finals ng Paris 2024 Paralympics Swimming sa La Defense Arena. Isang mabigat na paborito magkaroon ng medalya, hindi naulit ni Gawilan ang kanyang malakas na inilangoy sa qualifying at wakasan ang kanyang kampanya.


Umoras si Gawilan ng 5:03.18 upang higitan sina Huang Xiaquan ng Tsina (5:09.53) at Yurii Shenhur ng Ukraine (5:13.31). Linampasan ng Pinoy si Huang makalipas ang 250 metro subalit masyadong malayo na ang mga nangunguna.


Napunta ang ginto kay Federico Bicelli ng Italya sa 4:38.70 at sinundan nina pilak Andrii Trusov ng Ukraine (4:40.17) at tanso Inaki Basiloff ng Argentina (4:40.27). Ang iba pang nagtapos ay sina Evan Austin ng Estados Unidos (4:48.91) at Aleksei Ganiuk ng Neutral Athletes (4:57.66).


Noong qualifying round ay nagwagi si Gawilan sa pangalawa ng dalawang karera at nagsumite ng oras na 5:00.13 at dinaig ang mga medallist Trusov (5:16.03) at Basiloff (5:19.46). Ang oras ng Pinoy ay ang pangatlong pinakamabilis na hinigitan lang nina Austin (4:56.54) at Ganiuk (4:56.68) na nanguna sa naunang karera kasama si Bicelli na pangatlo lang sa 5:06.51.


Naghintay ng walong oras bago bumalik ang mga kalahok sa tubig. Nakahanap ng lakas si Bicelli sa huling 150 metro kung saan siya at si Trusov ay naagaw ang liderato sa biglang bumagal na si Basiloff. Lumahok din sa 200-M Individual kung saan nagtapos siya sa ika-11 at huli sa oras na 2:56.39.


Nakamit ni Basiloff ang ginto sa 2:29.81, pilak kay Trusov sa 2:29.93 at tanso sa isa pang taga-Ukraine Yevhenii Bohodaiko sa 2:33.24. Nakatakdang lumangoy ang isa pang kinatawan ng bansa Angel Mae Otom sa Women’s 50-M Backstroke S5 ngayong Martes simula 4:30 ng hapon. Pagkatapos niyan ay sasabak siya sa 50-M Butterfly S5 sa Biyernes ng 3:53 ng hapon.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 2, 2024



Sports News

Nais ng parating na Galaxy Watch Manila Marathon na maging pangunahing karera sa bansa na maipagmamalaki ng mga Filipino sa buong daigdig. Ang nasabing takbuhan ay gaganapin sa Oktubre 6 sa Mall of Asia at inaasahang aakit ng mahigit 10,000 mananakbo. 


Kasama ang Department of Tourism at mga pamahalaang lokal ng mga daraanang lungsod, magiging bahagi ng ruta ang ilang tanyag na lugar sa lungsod gaya ng Rizal Park at Intramuros. Napipisil na malaki ang maitutulong ng mga karera tulad nito sa turismo sa paglahok ng mga galing mga lalawigan at ibayong dagat. 


Sa kanyang muling pagbisita sa lingguhang Philippine Sportswriters Forum, inamin ni race organizer Coach Rio dela Cruz na marami pang kailangan upang mapabilang sa Abbott Marathon Majors na naghahanap ng bagong mga karera na mahahanay sa Boston, Chicago, New York, London, Berlin at Tokyo Marathon. Subalit may panukala siya na magbuo ng katulad na serye sa Timog Silangang Asya at nakikipag-ugnayan siya sa mga marathon sa Bangkok, Kuala Lumpur, Jakarta, Hanoi at Singapore.


Ipinakilala din ni Coach ang Galaxy Watch Cebu Half-Marathon sa Nobyembre 24 sa City di Mare at tampok ang Cebu-Cordova Link Expressway na pinakamahabang tulay sa bansa. Ang nasabing karera ay huling patikim para sa Philippine Half-Marathon Series 2025 na magsisimula sa Baguio International Half-Marathon sa Enero 26 at tutuloy sa New Clark, Balanga, Maynila, Imus, Legazpi, Iloilo, Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Dapitan at Davao. 


Samantala, nagdagdag ng dalawang yugto sa matagumpay na serye ng Takbo Para Sa West Philippine Sea sa Baguio sa Oktubre 13 at Dapitan sa Nobyembre 10. Kasama ang Setymbre 8 sa Cagayan de Oro, layunin ng fun run na ipagkaisa ang mga Filipino at ipaglaban ang karapatan sa karagatan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page