top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | September 12, 2024



Sports News

Maaaring  magbukas muli ang pintuan para kay Filipino mixed-martial artists Danny “King” Kingad para makalaban sa World championships matapos pormal na magretiro ang ONE Flyweight champion na si Demetrious “Mighty Mouse” Johnson nitong nagdaang linggo sa jampacked crowd na 21,000-capacity na Ball Arena sa Denver, Colorado.


Pitong taong hinintay ng No.3 flyweight contender na si Kingad ang pagkakataon na muling makaharap si dating ONE Championship titlist Adriano “Mikinho” Moraes ng Brazil sa pagtalatag ng rematch sa ONE 169: Atlanta na gaganapin sa Nobyembre 8 sa State Farm Arena sa Atlanta, Georgia.


Ito na marahil ang isa sa hinihintay na pagkakataon ng 28-anyos mula Lions Nation MMA fighter na maisakatuparan ang kanyang kagustuhang makalapit sa titulo kasunod ng dalawang beses na pagkabigo laban kay Moraes noong Nobyembre 10, 2017 sa bisa ng first round submission sa SM Mall of Asia Arena, habang muling nadismaya kontra kay Johnson sa unanimous decision noong Oktubre 13, 2019 sa ONE: Century sa Tokyo, Japan. “I’m happy that now the flyweight division can move on. Chatri and the matchmakers can start putting together next, you know, a flyweight championship,” pahayag ni Johnson. “Adriano, and I think it’s Danny Kingad, are fighting next. So they can move on.”


Wala pa mang pinal na kumpirmasyon sa magiging kalalabasan ng 26-pounds gold title, kasalukuyang tangan ni Moraes ang No.1 contender, habang gigil ang tubong Sadanga, Mountain Province na muling makabalik sa tuktok ng tagumpay, na planong makabawi sa nakadidismayang pagkatalo kay Yuya “Little Piranha” Wakamatsu sa ONE 165 nitong Enero 28 sa Tokyo, Japan.


Hawak ni Moraes ang pagiging No.1 ranked sa flyweight division matapos na dalawang beses na matalo kay Johnson sa rematch noong Agosto 27, 2022 sa 4th-round knockout para mawala ang korona nito at sa ikatlong paghaharap noong Mayo 5, 2023 sa ONE Fight Night sa U.S. sa unanimous decision. 

 
 

ni Ambet Nabus @Let's See | September 10, 2024



Showbiz News

Mukhang nag-e-enjoy talaga itong si Carlos Yulo sa nagiging sagutan nila ng kanyang pamilya kasama ang girlfriend niyang obvious namang gusto ng limelight at social media fame. 


Last Sunday sa ASAP (uy, bakit nga raw hindi na binabanggit ang "Natin Ito" sa title?) ay binigyan nga siya ng tribute ng show. 


In high heavens ang Olympian dahil puro sikat na mga personalidad nga naman ang nagpa-picture sa kanya at nakipag-usap. Kilig na kilig pa nga ito nu’ng binigyan siya ng mensahe ni Andrea Brillantes na inamin niyang kanyang big showbiz crush. 


At dahil hindi nga niya binanggit ang sinuman sa pamilya niya para pasalamatan, natural na binabato siya pati ang jowa niya ng mga salitang nakaugat sa pagiging ‘walang utang na loob’ at iba pa. 


Nagtataka lang talaga kami dahil mukhang edukado naman at dapat maging civil ang mga taong humahawak ng “sports career” ni Caloy, pero tila hindi nila magawan ng paraan, kundi man ng solusyon, ang ngayo’y nagiging national issue nang away-pamilya ng Olympics medalist. 


Sa dami ng sumasakay sa isyu, tila naggagamitan na nga ang lahat para sa balita, sensationalism, commercialism, atbp.. 


Obvious na usaping pera at disgusto sa love life ni Caloy ang sentro ng bangayan ng mga Yulo with Chloe San Jose behind kasama na ang respeto at paggalang sa kanilang mga choices. 


Nagmumukha tuloy na walang saysay at napunta sa mga usaping “cheap, bastos, at walang edukasyon” ang mga gintong naiuwi ng isang Carlos Yulo. 

Money talks indeed!



SANAY na kami sa klase ng humor ni Luis Manzano. Sa pagpatol niya sa isang commenter sa kanyang socmed (social media) account matapos niyang maging guest at mainterbyu si Carlos Yulo, puwedeng isipin ng iba na “bastos” ang actor-host. 


May nag-comment kasi na parang kinukuwestiyon si Luis kung bakit pinatulan ng kanyang YouTube (YT) channel na i-guest ang Olympics medalist. 


Sinagot ito ni Luis kung available ba ang commenter para sabihing siya na lang kaya ang maging guest. 


Well, gets namin ang humor ni Luis dahil kilala namin ito na kahit sa family niya ay kaya niya ang mga “paandar”.


Si Luis talaga 'yung tipo ng influencer na either mahal mong okrayin or dedmahin na lang kung pikon ka. 


Kaya sa umasang kahit paano ay maririnig ang paliwanag ni Caloy sa mga isyu niya sa kanyang pamilya at jowa, as per Luis questioning, sorry na na-disappoint sila dahil hindi nga ‘yun ang pinagtuunan ng pansin ng show ni Luis. 


Kaya may dagdag-komento ang mga naniniwalang “walang utang na loob” si Caloy sa show ni Luis at kay Luis mismo. 


Sabi ng mga ito, “Nasaan ang tapang at talino n’ya? Ang hilig-hilig n’yang gawing humorous at funny ang laman ng show n’ya, pero ‘forda’ engagement at hits din pala siya, dahil duwag naman siyang tanungin ang mga ganu’ng pinag-uusapan?”



MARAMING mga SB19 fans ang nagre-react every time na naikukumpara ito sa BINI. May mga sobra kung maka-react dahil sinasabi nilang mas naunang sumikat here and abroad ang SB19, nakapagtala ng bonggang records-concerts at may mga individual members ang grupo na kering mag-solo. 


Pati ang tapatang Jollibee at McDonald's ay ginawang labanan, though maraming nagkokomento na hindi dapat ikine-claim ng BINI na sumikat ang fast food chain nang dahil sa endorsement nila. 


Ayaw talaga nilang ikumpara man lang ang BINI sa SB19 dahil kahit sabihin pa raw na ang girl group ang nagsisilbing female counterpart ng SB19, marami pa raw itong kailangang patunayan at kaining bigas para maabot man lang ang nagawa na ng SB19. 


Nakakaloka, pero wala naman talagang dapat na kompetisyon maliban na lang sa mga endorsements nila na may product, company, at services/brands lock-out. 

Basta kami, ATIN supporter at keri ring BLOOM. Hahahaha!

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | September 10, 2024



Sports News

Muling inukit ng Cebuanang si Rubilen 'Bingkay' Amit ang pangalan niya sa kasaysayan bilang kampeon matapos mangibabaw sa prestihiyosong World 9-Ball Women's Championships na nagwakas (Linggo) sa Hamilton, New Zealand.


Tinalo ni "Bingkay" Amit si Chen Siming ng China sa finals sa iskor na 1-4, 4-2, 4-2, 4-3, upang maipatong sa ulo ang korona bilang reyna ng 9-ball sa buong daigdig. Ibinulsa rin ng Pinay ang gantimpalang $50,000 bilang numero uno sa nabanggit na larangan ng pagtumbok.


Maagang regalo rin ito para sa batikang lady cue artist ng Pilipinas na magdiriwang ng kanyang ika-43 kaarawan sa susunod na buwan. Bukod dito, ang tagumpay ay nagsilbing solidong resbak din ni Amit matapos itong kapusin sa World 9-Ball finals noong 2007. Ito rin ang nagbigay sa kanya ng kanyang pangatlong indibidwal na world title matapos itong maging reyna ng 10-ball sa globo (2009 at 2013).


Maliban sa pag-angat sa finals, nangibabaw ang pamosong anak ng Cebu kontra kay Taiwan gem Tzu Chien Wei sa makapigil-hiningang quarterfinals na duwelo, 0-4, 4-0, 4-0, 1-4, 4-2, bago dinaig sa semis si Kristina Tkach ng Russia sa isa pang 5-setter (2-4, 4-3, 2-4, 4-1, 4-1).


Naging tuntungan din ni Amit papuntang trono ng paligsahang may basbas ng World Pool Billiards Association (WPA) ang kababayang si Chezka Centeno. Tinalo ni Amit sa All-Pinay round-of-16 na duwelo si "The Flash" Centeno sa iskor na 4-0, 4-1, 1-4, 4-2 kaya nasipa na sa kangkungan ang kasalukuyang World 10-Ball women's champ mula sa Zamboanga.


Matatandaan ding naobligang humataw sa one-loss side si Amit at kinailangan pang daigin sina Gemma Schuman (New Zealand, 2-0), Han Yu (China, 2-0) at Chieh Yu Chou (Taiwan, 2-1). Nauna rito, nakasibad ang Pinay laban kay Canadian Veronique Menard, 2-0, pero kinapos ang 2-time World 10-Ball Championships winner mula sa Cebu nang masargo siya papunta sa losers' bracket ni Chinese Chia Hua Chen sa iskor na 1-2. (Eddie M. Paez Jr.)

 
 
RECOMMENDED
bottom of page