top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | Nov. 26, 2024



Photo: Itinanghal na Most Valuable Player si Bella Belen, habang Best Opposite Spiker si Alyssa Solomon, Best Libero si Shaira Jardio at si Camilla Lamina ang Best Setter sa katatapos na Shakey's Super League Tournament.


Kasunod ng makasaysayang three-peat grand slam title na iginiya ng National University Lady Bulldogs sa 2024 Shakey’s Super League, plano namang ipagpatuloy at dalhin ang nakuhang momentum sa pagkuha ng back-to-back na korona sa 87th University Athletics Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa 2025.


Nakahandang pangunahan nina Alas Pilipinas standout Bella Belen at Alyssa Solomon, na ginawaran din bilang MVP at Best opposite spiker, kaagapay ang paggabay ng dekoradong coach na si Sherwin Meneses, ipaparada ng Lady Bulldogs ang ikatlong sunod na titulo sa Collegiate Pre-Season Championships bago ang pinananabikang UAAP tourney.


Kinumpleto ng powerhouse squad ang matinding laban sa finals series nang walisin ang De La Salle University sa bisa ng 23-25, 25-18, 25-16, 25-20 sa Game 2 nitong Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum upang makuha ang ikatlong kampeonato upang patuloy na mag-reyna sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor.


“Siyempre sobrang excited din ako na nanalo kami. Malaking tulong talaga ‘to sa preparation for UAAP. ‘Yun naman talaga ‘yung goal kaya sumali kami rito,” wika ng multi-titled tactician.


Babalik bilang coach sa UAAP ang multi-titlist coach mula sa Cool Smashers matapos ang huling paggabay sa Adamson Lady Falcons noong 2016, hinalinhinan si coach Norman Miguel bilang coach ng Lady Bulldogs kasunod ng kauna-unahang National Invitationals championship noong Hulyo.


Nagtulong sina Solomon at Belen para dalhin pabalik sa kampeonato ang NU at talunin ang mahigpit na karibal na Lady Spikers sa inaugural SSL titular showdown makalipas ang dalawang taon.


Kumamada si Solomon ng 19 puntos sa lahat ng atake, habang nagdagdag pa si Belen ng 15 puntos, katuwang si Vange Alinsug sa 10 puntos kabilang ang championship kill.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 25, 2024



Photo: NU Lady Bulldogs - Shakey’s Super League


Walang nakapigil sa National University at kinolekta nila ang pangatlong sunod na Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Champion kontra De La Salle University Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.


Kinuha ng Lady Bulldogs ang Game Two sa apat na set – 23-25, 25-18, 25-16 at 25-20 – at tapusin ng maaga ang seryeng best-of-three, 2-0. Idinampot ng NU ang sarili matapos madulas sa unang set at inilabas ang bangis.


Nagpalitan ng pagkakataon ang mga bumida noong Game One noong Biyernes na sina Bella Belen, Alyssa Solomon at Evangeline Alinsug para sa kanilang bagong talagang coach Sherwin Meneses patungo sa kanyang unang tropeo para sa paaralan. Bumanat ng 19 puntos si Solomon habang 15 ang ambag ni Belen at 10 galing kay Alinsug.


Walang naka-10 sa Lady Spikers at siyam lang ang nagawa ni Angel Canino na hindi napigil ang kanilang pangalawang sunod na pagkabigo matapos walisin ang walong laro ng elimination hanggang semifinals.


Samantala, napunta ang pangatlong puwesto Far Eastern University na kinailangan ang limang set para manaig sa University of Santo Tomas. Kinuha ng Lady Tamaraws ang huling dalawang set – 20-25, 25-19, 23-25, 25-19 at 15-12 – tampok ang 18 puntos ni Tin Ubaldo.


Pagkatapos ng mga mainitang laro ay pinarangalan si Belen bilang Most Valuable Player at Best Open Spiker. Dinomina ang seremonya ng mga kakamping sina Best Opposite Spiker Solomon, Best Setter Camilla Lamina at Best Libero Shaira Jardio.


Ang iba pang mga tumanggap ng parangal ay sina Best Middle Blocker Amie Provido ng DLSU, Second Best Middle Blocker Jazlyn Ellarina ng FEU at Second Best Open Spiker Angeline Poyos ng UST. Paghahandaan na ng 18 lumahok na koponan ang kanilang mga liga na UAAP at NCAA na nalalapit na ang pagbubukas.

 
 

ni Clyde Mariano @Sports News | Nov. 19, 2024



Photo: Ang mga batang cyclist ng Batang Pinoy na sasabak sa Puerto Princesa, Palawan. (fbpix)


Tiyak magsusumikap, magkukumahog at determinado ang mga siklistang kalahok sa Batang Pinoy para makapaglaro sa 31st Asian Junior Cycling Championship na gagawin sa Pebrero sa Thailand bago gawin ang 2025 Southeast Asian Games kung saan kasama ang cycling sa 44 sports na lalaruin sa 33rd edition ng 11-nation biennial meet na huling nilaro sa Cambodia.


Ang mga siklista na makakatuntong sa podium ay makakakuha ng slots sa Asian Cycling Championships. Gagawin ang Asian Championships sa Peb. 7-16 sa susunod na taon na sanctioned ng Asian Cycling Confederation kasama ang 44th championships para sa elite at under-23 at 13th staging para sa championships.


Kasabay ba sinabi ni POC president at cycling head Abraham 'Bambol' Tolentino na gagawin ang 2025 National Cycling Championships Road Race sa Peb. 24-28 matapos ang Valentine's Day sa Tagaytay City kasama ang Ternate at Maragondon.


Sinabi ni Tolentino na magpapadala ang cycling ng full contingent sa Thailand na tulad ng ginawa nila sa Kazakhstan noong nakaraang Hunyo. Isang slot sa national junior team boys and girls na individual time trial at individual road race (massed start) na isasabak sa Asian Championship mula sa Batang Pinoy.


Tiyak na lalahok ang mga siklista ni Go for Gold organizer Jeremy Go sa nasabing kompetisyon. Idaraos ang ITT sa Nob. 26 at IRR sa Nob. 27 na magsisimula at magtatapos sa Iwahig Penal Colony na kilala sa tawag na “Prison without Walls”.


Sa national championship road race, criterium at ITT ay idaraos ito sa Tagaytay Atrium at Lian-Tuy national highway sa Batangas. Ang criterium sa 2025 national road race ay idaraos sa Peb. 24 , ITT Peb. 25, at ang road race for men and juniors ay sa Peb. 26, men under 23 at women Elite sa Peb. 28.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page