top of page
Search

ni MC @Sports News | Dec. 15, 2024



Photo: Patuloy ang paghahanap ng susunod na superstar ng volleyball sa Cebu sa pangunguna ni 1Pacman Partylist No. 1 nominee Milka Romero kasama ang Capital1 players na nakapag-recruit na para sa isang training clinic na inorganisa ng batang entrepreneur sa Cebu. (GV)



Walang tigil ang mga programang naghahanap para maging susunod na superstar sa volleyball tulad ni Alyssa Valdez.


Sa pangunguna ng PVL team Capital1 itataguyod ang volleyball clinics nina Solar Spikers stars Iris Tolenada, Leila Cruz, Roma Mae Doromal, Jorelle Singh, at Des Clemente at coach Roger Gorayeb.


Ito ang unang inisyatibo ni 1Pacman Partylist at Capital1 co-owner Milka Romero - ang palakasin ang sports sa mga komunidad, makapagpayabong ng mga binhi at masuportahan ang mga grassroots program ng mga volleyball clinics sa Cebu City at Lapu-Lapu City.


Ang mga PVL games sa pagitan ng Capital1 at Galleries Towers, at Cignal at NXLED ay idinaos doon para bigyang inspirasyon ang 5,000 Cebuanos na nanood sa Minglanilla Sports Complex.


“Ako po bilang atleta na-experience ko yung laban, yung pride to play for your country and I want to make that accessible for any dreamers, for any Filipino, young or experienced to be able to have the needs and essentials to grow in their field of sports,” ani Romero, na naging recipient ng Honorary Modern Filipina Heroism of the Year sa nagdaang 7th Nation Builders at MOSLIV Awards.


At dahil ilalapit ang PVL stars sa mga bagong henerasyon, layon ni Milka na maging inspirasyon ang mga volleyball players.


“Di ito nalalayo sa mga ginagawa na natin ngayon which is empowering women in sports not just volleyball but in all sports across the Philippines,” saad pa ni Romero.


“Yung sports in the Philippines are very important. It is actually an integral part of the development not just for youth but for every Filipino. Mentally and physically, lumalakas ‘yung loob natin with sports,” aniya.

 
 

ni Eddie M. Paez, Jr. @Sports News | Dec. 15, 2024



Photo: Darter Lourence Ilagan / World Darts


Sisimulan ni Lourence Ilagan ang kampanya ng Pilipinas sa malupit na World Darts Championships kapag nakipagtagisan na ng husay ang Pinoy kontra kay Englishman Luke Woodhouse ngayong Lunes sa United Kingdom.


Bitbit sa tudlaan sa Alexandra Palace ng katunggaling si world no. 35 "Woody" Woodhouse ang kumpiyansa ng pagiging semifinalist niya sa European Championships.


Sa kabilang dako, hindi naman nagpapaiwan ang 46-taong-gulang na si "The Gunner" Ilagan dahil sa pangingibabaw nito sa PDC Asian Championships noong Oktubre.


Bukod dito, pumangalawa rin ang Pinoy sa PDC Asian Tour Order of Merit. Ito na rin kanyang pangsiyam na pagtapak sa nasabing pandaigdigang palaruan.


Kung makakalusot sa opening round ng paligsahan, ang bigating si World Grand Prix winner Mike De Decker ng Belgium naman ang sasagupain ni Ilagan sa pangalawang round ngayong Martes.


Si Paolo Nebrida naman ang papagitna para sa tatlong kulay ng bansa sa darating na Miyerkules kapag hinarap nito ang hamon ni Welsh Jim Williams na minsan naman nang humawak ng BDO World Trophy.


Araw naman ng Biyernes tatapat ang spotlight kay Sandro Sossing na nakatakdang humarap kay Zwaantje Masters king Ian White na isa pa rin sa sinasandalan ng punong-abala.


Kasama sa pupuntiryahin ng mga darters sa prestihiyosong paligsahan ang pabuyang £60,000 na ibubulsa ng sinumang makakapagposte ng mabangis na 9-darter.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024



Photo: EGilas Pilipinas - Samahang Basketbol ng Pilipinas - SBP


Mga laro ngayong Miyerkules – SMX Clark

11 AM Pilipinas vs. New Zealand

4 PM Turkiye vs. Pilipinas

7 PM Pilipinas vs. Brazil


Walo sa pinakamahusay na pambansang koponan ang magtatagisan para sa eFIBA Season Three World Finals ngayong Dis. 11 at 12 sa SMX Convention Center Clark sa Pampanga. Pangungunahan ang mga kalahok ng punong-abala at kampeon ng Asya eGilas Pilipinas at defending champion Estados Unidos.


Nabunot ang mga Amerikano (Hilagang Amerika) sa Grupo A kasama ang Algeria (Aprika), Portugal (Europa) at Saudi Arabia (Gitnang Silangan).


Nasa Grupo ang Pilipinas, Brazil (Timog Amerika), Aotearoa New Zealand (Oceania) at Turkiye (Europa). Ang eGilas ay binubuo nina Clark Banzon, Prich Jayrald Diez, Isaiah Vincent Alindada, Kenneth Gutierrez at Julian Mallillin na lahat ay naglaro noong nakaraang taon sa Sweden.


Nais nilang higitan ang ika-apat na puwesto matapos matalo sa Turkiye. Lahat ng mga kalahok ay kinailangang dumaan na qualifier sa mga nakalipas na buwan sa kani-kanilang mga kontinente.


Maglalaro ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo ang tutuloy sa semifinals at finals sa Huwebes.


Tatanggap ang kampeon ng $20,000, $10,000 sa pangalawa, $6,000 sa pangatlo at $4,000 sa pang-apat.


Ang tatanghaling MVP at Defensive Player ay parehong bibigyan ng P2,500 habang may $1,000 ang bawat kasapi ng All-Star Five. Gagamitin sa torneo ang pinakabagong edisyon ng NBA 2K.


Sabay-sabay maglalaro ang limang kasapi ng koponan na gaganap ng papel ng mga gwardiya, forward at sentro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page