top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 29, 2025



Photo: Laforte



Susubukang makaporma ng puwesto sa bisa ng World at Continental rankings para sa 2025 World Games ni Southeast Asian Games Individual Kata gold medalist Sakura Alforte sakaling hindi palarin na magwagi sa isinasagawang Karate1 Premier League – Paris 2025 sa France, upang makapasok sa 2025 World Games sa Chengdu, China.


Kasalukuyang nakalagay bilang No. 14 sa buong mundo ang Filipino-Japanese karateka na susubukang magamit ang mga nakuhang kaalaman sa training camp sa Miami, Florida, gayundin ang pagsasanay sa Japan sa ilalim ni sensei Shin Tsukii, ama ni 2022 Birmingham World Games gold medalist Junna.


Maituturing na isa sa malalaking pagsubok na kakaharapin ng 2023 Cambodia SEAG champion ang preparasyon sa World Games na umaasang makakakuha ng kailangang puntos upang maka-entra sa 2025 sa Chengdu simula Agosto 7-Agosto 17.


“Of course, it will be one of my biggest challenges probably in my whole career, so I know how difficult to qualify which makes it more fun I guess to enjoy the journey of qualifying for each competition and it also shows how competitions are very important so that I can able to stand in the World Games, [which] only eight athletes can compete per weight category. It’s gonna be a fun challenge,” pahayag ni Alforte sa panayam ng Radyo Pilipinas 2.


Isang panalo lang ang nakuha ni Alforte sa Pool 3 ng Final Pool Standings kung saan dinaig si Kitaguchi Kao sa iskor na 39.40 kontra 38.70, subalit yumuko kina World No.19 Ana Cruz ng Portugal sa 39.00-39.80 at World No.11 Paola Garcia Lozano sa 37.90-39.10.


Malaking puntos ang nakalaan sa mga paliga ng Karate1 Premier League sakaling makakuha ng podium finish higit na ang gold medal na nagbibigay ng mahigit sa 1000 puntos para makapaglaro kasama ang 5 Pinoy, dragon boat at floorball.



 
 

ni Jordan Santoyo-OJT @Sports News | Jan. 28, 2025



Photo: Kobe at Gianna Bryant - Lakers IG



Nagbigay-pugay ang mundo ng basketball sa ika-limang anibersayo ng pagpanaw ni Kobe Bryant at ng kanyang anak na si Gianna. Nasawi ang mag-ama kasama ang pito pang pasahero sa helicopter crash sa bulubundukin ng Calabasas, California noong Enero 26, 2020, habang papunta sa Mamba Academy para sa isang basketball tournament.


Sa social media post ng Lakers makikita ang litrato ni Kobe at Gianna na masayang nanonood ng laro, kalakip ang mensaheng “Always in our hearts”.


Ang simpleng pahayag na ito ay umantig sa puso ng maraming tagahanga at nagsilbing alaala sa hindi makakalimutang kontribusyon ni Kobe sa larangan ng basketball.


Sa iba’t ibang panig ng mundo patuloy ang pagpupugay habang sa Los Angeles, tampok ang estatwa ni Kobe at Gianna sa labas ng Crypto.com Ang alamat ni Kobe ay buhay na buhay din sa ibang atleta tulad ni Carmelo Anthony na nagbahagi ng litrato na kasama si Kobe na may caption na “Sometimes you never know the value of a moment until it becomes a memory”.


Ang Italian tennis star na si Jannik Sinner ay nagpakita ng parangal kay Bryant matapos manalo sa Australian open, habang suot ang sapatos ng NBA legend sa kanyang trophy ceremony. Ang alaala ni Kobe ay hindi rin nakalimutan ng dati niyang kakampi.


"Thinking of you today and EVERYDAY #GIGI #KOBE,” anang dating kakampi ni Kobe na si Byron Scott. Maging si Caron Butler na dati niyang kasamahan ay nagpahayag ng, “Forever missed… Never forgetten…”.


Sa bawat estatwa, at alaalang ibinahagi ay nanatiling buhay ang diwa ni Kobe at Gianna. Kahit limang taon na ang nakalipas ,ang alaala nila ay patuloy na nagbibigay inspirasyon at hindi malilimutang kontribusyon sa larangan ng basketball.


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 23, 2025



Photo: Premier Volleyball League (PVL)


Mga laro ngayong Huwebes

(Philsports Arena)

4 n.h. – Akari vs NXLed

6:30 n.g. – Choco Mucho vs PLDT


Asahan na ang matinding paluan at hampasan sa pagitan ng 4 na koponan na magtatagisan ngayong Huwebes ng hapon upang makuha ang kani-kanilang panalo sa pagpapatuloy ng aksyon sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Tatangkain ng Akari Chargers na hindi pahabain ang losing skid laban sa  sister-team na NXLed Chameleons na  susundan ng birahan ng 2-time finalists na Choco Mucho Flying Titans at kokonektang PLDT High Speed Hitters. 


Nais ng Akari na makabawi sa pangwawalis na naranasan kontra PLDT sa 22-25, 16-25, 15-25 noong Sabado, tanging si Faith Nisperos ang tumapos ng doble pigura sa 11 puntos habang may ambag sina Ivy Lacsina, Erika Raagas at Princess Madrigal ng 6,5,4 puntos. 


Bumagsak sa 3-4 rekord ang Chargers na inaabangan ang pagbabalik sa laro nina Gretchel Soltones at Ced Domingo. Nablangko ang Chameleons na galing sa pambobokya ng Farm Fresh Foxies noong Sabado na nasayang ang doble pigura ni Jaila Atienza sa 11 pts, mas matatag ang opensa ng koponan kina EJ Laure, gayundin ang tulong nina Lycha Ebon, Kirch Macaslang at Chiara Permentilla.


Hindi man makakasama ng Choco Mucho sa koponan si Kat Tolentino na naoperahan sa appendix, sasandalan sina Cherry Ann “Sisi” Rondina, Dindin Manabat, Isa Molde, ace playmaker Deanna Wong, floor defender Thang Ponce at rookie middle blocker Lorraine Pecan na natakasan ang batang Zus Coffee Thunderbelles sa reverse sweep sa bisa ng 20-25, 20-25, 25-22, 25-19, 15-9 sa huling laro nito.  


Patuloy naman babanat para sa High Speed Hitters si Fil-Canadian Savi Davison katulong sina Majoy Baron, Erika Santos, Dell Palomata, Fiola Ceballos, playmaker Angelica Alcantara, ace libero Kath Arado at beteranong si Mika Reyes. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page