top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 3, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang dyowa ko na si Andrei ay isang banyagang arkitekto. Lumipad siya rito sa Pilipinas upang tuparin ang kanyang pangako na magdisenyso ng pangarap na bahay ng mga magulang ko. Nais kong malaman kung maaari ba siyang magtrabaho bilang arkitekto rito sa ating bansa. -- Kathlyn



Dear Kathlyn, 


Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 9266 o mas kilala bilang “The Architecture Act of 2004” dahil kinikilala ng ating Estado ang kahalagahan ng mga arkitekto sa pagbuo ng mga gusali at sa pag-unlad ng bansa. Layunin ng batas na ito na gumawa at magsanay ng mga karampatan, huwaran at mahusay na mga propesyonal na arkitekto, na ang mga pamantayan ng pagsasanay at serbisyo ay mahusay at pandaigdigang mapagkumpitensya sa pamamagitan ng tapat, mabisa, at mapagkakatiwalaang mga pagsusuri para makakuha ng lisensya at sa pamamagitan ng mga panukalang regulasyon, mga programa, at aktibidad na nagtataguyod ng kanilang propesyonal na paglago at pag-unlad. Kaugnay nito, nakasaad sa Section 25 ng batas na ito na:


SEC. 25. Registration of Architects Required. – No person shall practice architecture in this country, or engage in preparing architectural plans, specification or preliminary data for the erection or alteration of any building located within the boundaries of this country or use the title ‘Architect,’ or display or use any title, sign, card, advertisement, or other device to indicate such person practices or offers to practice architecture, or is an architect, unless such person shall have received from the Board a Certificate of Registration and be issued a Professional Identification Card in the manner hereinafter provided and shall thereafter comply with the provisions of this Act. 


A foreign architect or any person not authorized to practice architecture in the Philippines, who shall stay in the country and perform any of the activities mentioned in Sections 3 and 4 of this Act, or any other activity analogous thereto, in connection with the construction of any building/structure/edifice or land development project, shall be deemed engaged in the unauthorized practice of architecture.”


Alinsunod sa nasabing batas, walang sinumang tao ang dapat magsanay ng arkitektura sa bansang ito, o makisali sa paghahanda ng mga planong pang-arkitektura, ispesipikasyon o paunang datos para sa pagtatayo o pagbabago ng anumang gusaling matatagpuan sa loob ng bansa, o gagamit ng titulong “Arkitekto,” o magpapakita o gagamit ng anumang titulo, karatula, kard, patalastas, o iba pang kagamitan upang ipahiwatig na nagsasanay o nag-aalok ng gawaing pang-arkitektura, maliban kung siya ay nakatanggap ng certificate of registration mula sa Professional Regulatory Board of Architecture at naisyuhan ng kaukulang professional identification card. 


Nakasaad din sa nasabing batas na ang isang dayuhang arkitekto o sinumang tao na hindi awtorisadong magsanay ng arkitektura sa Pilipinas, na mananatili sa bansa at magsasagawa ng alinman sa mga aktibidad na nauugnay sa arkitektura na binanggit sa nasabing batas, o anumang iba pang aktibidad na kahalintulad nito, na may kaugnayan sa pagtatayo ng anumang gusali/istruktura/edipisyo o proyekto sa pagpapaunlad ng lupa, ay dapat ituring na kasangkot sa hindi awtorisadong pagsasanay ng arkitektura.


Kung kaya’t sa kaso ng iyong kasintahan na si Andrei, kinakailangan niya munang magkaroon ng certificate of registration at maisyuhan ng professional identification card bago siya makapagtrabaho bilang arkitekto rito sa Pilipinas. Kung hindi, maaari siyang masentensyahan ng multang hindi bababa sa P100,000.00, ngunit hindi hihigit sa P5,000,000,00 o pagkakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o hindi hihigit sa anim na taon, o pareho, sa pagpapasya ng korte. Ayon sa Section 29 ng parehong batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA P207B ‘NA-SCAM’ NG MAG-ASAWANG DISCAYA, P180B LANG ANG NA-FREEZE KAYA DAPAT I-SEARCH WARRANT ANG MANSYON NILA BAKA ROON NAKATAGO ANG P27B -- Sa kuwentada ni Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson ay nasa P207 billion ang kabuuang pera ng bayan na nasa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya mula year 2016 hanggang year 2025 sa raket nilang flood control projects scam, at ayon naman sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay 427 bank accounts na may kabuuang halaga na P180B ng pamilya Discaya ang kanila nang ipina-freeze.


Aba teka, P207B minus P180B, ibig sabihin may natira pang P27B, at kung wala ang halagang iyan sa bangko ay malamang itinago sa bahay.


Dapat humirit ng search warrant sa korte ang mga otoridad at halughugin ang mala-palasyong bahay ng pamilya Discaya para mabawi ang P27B na iyan dahil pera ‘yan ng bayan at hindi ng pamilya Discaya, period!


XXX


MAJORITY NG MGA SENADOR, PRO-DUTERTE PA RIN – Nasa 15 senador ang bumoto sa resolusyon na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na pansamantalang palayain si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at isailalim ito sa house arrest (sa Davao City), tatlong senador naman ang kumontra, dalawang senador ang nag-abstain at apat na senador ang hindi nakaboto dahil absent.


Nang pagbotohan ang pag-remand o pagbalik sa Kamara ng mga article of impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay 18 senador ang pumabor at nang pagbotohan ang pag-archive sa mga kasong impeachment sa bise presidente ay 19 na senador ang pumabor.


Patunay iyan na ang majority senators sa ‘Pinas ay mga pro-Duterte, boom!


XXX


MAY PAKIALAM ANG LAHAT NG PILIPINO KAYA IMBESTIGASYON NG ICI SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM DAPAT ILANTAD, HUWAG IKUBLI SA PUBLIKO -- Sabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi raw makikialam ang Malacañang sa desisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na closed-door hearings sa flood control projects scam.

Ibig sabihin na "hindi makikialam" ay aprub kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ikubli ng ICI ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam.


Ang lahat ng Pilipino ay may pakialam sa nabulgar na flood control projects scam dahil pera ng bayan ang kinulimbat ng mga kurakot, kaya dapat ilantad sa publiko ang imbestigasyon, huwag ikubli para walang makalusot sa mga sangkot sa pagbabakaw sa kaban ng bayan, period!


XXX


KOMITE NI CONG. RIDON ANG NAKATUKLAS NA MAY MGA SENADOR NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, KAYA DAPAT PAYAGAN NA NI SPEAKER BOJIE DY NA MAGSAGAWA ULI ITO NG IMBESTIGASYON -- Sana payagan na ni Speaker Bojie Dy ang House Infrastructures Committee ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon na muling magsagawa ng imbestigasyon sa mga sangkot sa mga maanomalyang proyektong pangontra sa baha.


Dapat isipin ni Speaker Dy na ang komite ni Cong. Ridon ang nakatuklas na may mga senador na sangkot sa anomalya nang ibulgar dito ni DPWH-Bulacan 1st, former Asst. District Engr. Brice Hernandez na nakatanggap ng kickback sa flood control projects scam sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, hanggang lumutang pa ang mga pangalan nina Sen. Chiz Escudero, former Senators Bong Revilla, Nancy Binay, resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Comm. Mario Lipana.


Kung hindi dahil sa komite ni Bicol Cong. Ridon, hindi malalaman ng publiko na may mga senador na sangkot sa flood control projects scam, kaya't sana iaprub na ni Speaker Dy na magsagawa uli ng imbestigasyon ang House Infrastructures Committee sa maanomalyang flood control projects ng DPWH, period!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 3, 2025



Boses by Ryan Sison


Kapag binayo ng bagyo ang ating bansa, ang unang iniisip ng mga tao ay ang kaligtasan, tirahan, at pagkain. Pero kasunod agad nito ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaya mahalaga ang ipinatupad ng Department of Trade and Industry (DTI), ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity matapos salantain ng Super Typhoon Nando at Severe Tropical Storm Opong. 


Sakop ng price freeze ang Cagayan, Masbate, Oriental Mindoro, Biliran, Romblon, at ilang bayan sa Ilocos Norte, Pangasinan, Samar, at Aklan. 


Ibig sabihin, dapat manatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin at produkto, at hindi dapat patawan ng mas mataas. 


Sa panahong hirap ang mga kababayan, hindi dapat abusuhin ang sitwasyon para lang kumita ng mas malaki. Sa Masbate, kahit pansamantalang nagsara ang ilang negosyo, karamihan sa palengke, groceries, at supermarkets ay nagbukas agad at muling bumalik ang normal na daloy ng mga mamimili. 


Tiniyak naman ng DTI na tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga distributor at retailer para hindi magkulang ang suplay. 


Kasabay nito, nagbabala rin ang kagawaran na mabigat ang parusa sa mga lalabag sa automatic price freeze na isa hanggang 10 taong pagkakakulong at multang P5,000 hanggang P1 milyon sa ilalim ng Price Act.


Ayon pa kay DTI Secretary Cristina Roque, ang itinakdang presyo ng DTI ay hindi puwedeng galawin. May mga monitoring team na ipinadala para bantayan ang galaw ng mga retailer at suppliers, sisiguraduhin na walang mananamantala at lahat ay sumusunod. 


Mahalaga ang hakbang na ito dahil hindi lang presyo ng produkto ang nakasalalay, kundi mismong kakayahan ng mga pamilya na bumangon. 


Sa gitna ng pagkasira ng tahanan, kabuhayan, at pangunahing pinagkukunan ng pagkain, dapat may katiyakan na hindi magiging hadlang ang mahal na bilihin sa pag-uumpisa ng panibagong kabanata ng buhay ng ating mga kababayan. 


Ang price freeze ay hindi lang teknikal na polisiya — ito ay proteksyon para sa mga Pinoy na nagsisimula muling itayo ang kanilang pamumuhay mula sa idinulot ng kalamidad. Sa panahon ng sakuna, ang gobyerno ay dapat maging sandigan, hindi magdagdag ng pasanin sa mamamayan. 


Nararapat lamang na higpitan ang pagpapatupad nito at parusahan ang sinumang susubok samantalahin ang kahinaan ng iba. 


Dapat lamang magmalasakit ang pamahalaan sa kanyang nasasakupan para makita ng taumbayan kung paano nito paninindigan ang karapatan ng mamamayan na mamuhay nang may dignidad kahit pa nasira ng kalamidad. 


Sa gitna o matapos ang unos, ang katarungan at pagkakapantay-pantay sa presyo ng bilihin ay malaking tulong para sa ating mga kababayan na magsisimulang bumangon mula sa mga pagsubok ng buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page