top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 6, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang pribilehiyo ay tamang ibigay sa mga totoong naglilingkod, hindi sa mga nagpapa-picture lang sa proyekto na mga opisyal ng gobyerno. 


Kaya naman ang desisyon ng Civil Service Commission (CSC) na bigyan ng civil service eligibility ang mga Sangguniang Kabataan (SK) official na nakatapos ng buong tatlong taong termino ay isang magandang hakbang. 


Ang hakbang na ito ay hindi parangal, kundi patunay na dapat ding may direksyon ang kabataang tumahak sa pampublikong serbisyo. 


Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500752, na epektibo sa Oktubre 4, 2025, ang Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE) ay maaaring makuha ng mga kuwalipikadong SK members, secretaries, at treasurers na nagsilbi nang buo sa ilalim ng Republic Act No. 11768 o SK Reform Act of 2015. 


Saklaw din ang mga nagsilbi noong 2018 hanggang 2022 na nakatapos ng kanilang

termino. 


Ang SKOE ay para sa first-level government positions, maliban sa mga trabahong may sariling board exams o ibang special eligibilities. 


Hindi kabilang dito ang mga SK chairperson dahil sila ay saklaw na ng Barangay Official Eligibility (BOE), na umiiral mula pa noong 2012. 


Nilinaw din ng CSC na ang mga bibigyan lang ng eligibility ay ang mga hindi kaanak hanggang ikalawang antas o second civil degree ng sinumang halal na opisyal sa kanilang lugar — isang paalala na hindi dapat maging negosyo ng pamilya ang serbisyo-publiko. 


Ayon pa sa kagawaran, maaaring mag-apply para sa SKOE ang mga kuwalipikadong opisyal simula Oktubre 4 sa regional o field office ng CSC na may sakop sa barangay kung saan sila nanunungkulan. Ngunit kasabay nito, malinaw na babala rin —anumang maling aplikasyon o pandaraya ay may katapat na pagbawi ng civil service eligibility.


Sa dami ng mga kabataang sumabak sa SK, hindi lahat ay masasabing seryoso sa kanilang tungkulin. Kaya marapat na ang gantimpala ay para sa mga tapat sa kanilang paglilingkod, at hindi sa mga gustong magka-certificate lang. 


Ang sertipikasyon na ito na kaakibat ng batas ay paalala na hindi natatapos ang pagiging lider sa barangay session hall — ito ay pagsisimula ng mas mabigat na responsibilidad. 


Kung seryoso ang kabataang opisyal sa serbisyo-publiko, ito na ang pagkakataon para patunayan na kaya nilang magtrabaho ng maayos, karapat-dapat sa loob ng gobyerno, at hindi lang sa harap ng kamera.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 6, 2025



ISSUE #368


Noong gabi ng Hunyo 26, 2008, isang karumal-dumal na trahedya ang naganap sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato. Si Nanay Lorna, 72-taong-gulang, ay walang kalaban-laban na inatake, sinaktan, at binato hanggang sa mawalan ito ng buhay. Ang akusado ay ang kapitbahay na si alyas “Tata.”


Sa kasong People v. Lanaja (Crim. Case No. 2491-xx, RTC Br. 39, Polomolok, South Cotabato, 28 Marso 2019, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Eddie Rojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Nanay Lorna, hindi nito tunay na pangalan, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Tata”, ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong Murder, kaugnay sa nabanggit na sinapit ni Nanay Lorna.


Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang katanungan: Sapat ba ang ipinakitang ebidensya ng panig ng prosekusyon upang idiin si Tata bilang salarin sa pagpatay kay Nanay Lorna?


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad ng hukuman.  Ayon sa information na isinampa, bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Hunyo 2008, sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato, may intensyong pumatay, umatake, bumugbog, at bumato ang akusado na si Alyas “Tata” kay Nanay Lorna, na isang 72-taong-gulang, habang ito ay walang kalaban-laban, walang armas, at walang kakayahang lumaban. Tinamaan ng mga malulupit na hampas at bato ang ulo at katawan ng biktima, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Dalawang saksi ang iniharap ng tagausig na sina Girly at Kapitan Tonton. 


Ayon kay Girly, narinig niya si Nanay Lorna na humihingi ng saklolo noong gabing iyon. Diumano ay nakita niya ang anino ni Tata na humarang sa kanyang daan. Gayunpaman, nang sumailalim sa cross-examination, nagbagu-bago ang kanyang salaysay, minsan buo ang kumpiyansa, minsan naman umaamin na madilim ang paligid at tanging anino lamang ang kanyang nakita.


Iginiit ni Girly na tulad kay Nanay Lorna, pamilyar din umano siya sa boses ni Tata na nagsabi na huwag makialam. Ayon kay Girly, dahil diumano sa narinig niyang banta mula kay Tata, siya ay kumabig pabalik hanggang sa mabalitaan na lamang niya kinabukasan ang pagkamatay ni Nanay Lorna. Si Kapitan Tonton naman ay nagsabi na umamin umano si Tata sa kanya, na siya ang may gawa ng pagpaslang. Ngunit ang umano’y pahayag na ito ay hindi naisulat, hindi pirmado, at hindi mismo nasabi ng akusado sa hukuman noong panahon ng paglilitis. Sa kabilang banda, matapos maikonsidera ang kabuuang ebidensya ng tagausig, napagdesisyunan ng depensa na hindi magharap ng ebidensya.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Rex Malcampo ng PAO-Polomolok, South Cotabato District Office, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Tata.


Sa kasong kriminal, ang pangunahing elemento ng krimen ay ang wastong pagkakakilanlan ng akusado. Dito, nabigo ang tagausig na patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa na si Tata ang salarin. Ang testimonya ni Girly ay hindi matibay, lalo’t umaasa lamang siya sa anino at kanyang aniya ay narinig na boses at hindi sa tiyak na pagkakakilanlan. Tulad ng itinuro sa People v. Avillano (269 SCRA 553), bagaman ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng boses ay katanggap-tanggap kung personal na kilala ng saksi ang akusado – ito ay dapat na categorical and certain. Sa kasong ito, hindi naging tiyak ang salaysay ni Girly.


Sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ang testimonya ng isang saksi ay dapat matatag at walang pag-aalinlangan. Ngunit dito, ilang ulit na nagpalit-palit ang bersyon ni Girly hinggil sa pagkakakilanlan kay Tata. Bagama’t pinapayagan ang voice identification kapag personal na kilala ang akusado, ito ay dapat malinaw at walang pasubali. Sa halip, gaya ng binigyang-diin ng korte, ang pagbabagu-bago ni Girly ng kanyang testimonya ay nagbunga ng kawalan ng katiyakan. Kaya’t isang “seed of doubt” ang nabuo laban sa tagausig.

 

Kaugnay sa People v. Manambit (271 SCRA 344), kapag ang isang saksi ay bigong maging consistent o kaya naman ay may pag-aalinlangan ang sagot sa mga mahahalagang detalye, gaya ng pagkakakilanlan ng akusado ay awtomatikong nagkakaroon ng pagdududa na pumapabor sa depensa.


Sa kabilang banda, ayon naman kay Kapitan Tonton, umamin umano si Tata na siya ang may-akda ng pamamaslang. Gayunpaman, kapansin-pansin na hindi ito naisulat, napirmahan, at hindi rin sumailalim sa cross-examination. Alinsunod sa jurisprudence, ang extrajudicial confession ay kailangan ng malinaw na boluntaryo, may abogado, at nasusulat. Subalit, wala kahit isa sa mga rekisitong ito ang napatunayan.


Hinggil sa nabanggit, ang sinasabing oral confession ni Tata ay hindi sapat. Ayon sa People v. Feliciano (58 SCRA 383), bagama’t hindi kailangang nakasulat ang lahat ng pag-amin, kailangang may katiyakan na ito ay kusa at walang pamimilit. Ang kawalan ng sworn statement sa kasong ito ay lalong nagpapahina sa ebidensya ng tagausig. Bukod pa rito, ang sinabi ni Kapitan Tonton tungkol sa umano ay pag-amin ni Tata ay maituturing na hearsay, sapagkat hindi mismo ang akusado ang nagpatotoo sa korte.


Panghuli, ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang mapatunayang maysala nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Ang bigat ng pagpapatunay ay nasa tagausig. Tulad ng pinagtibay sa Daayata v. People (807 Phil. 102), kung may makatuwirang pagdududa, ang hatol ay dapat tungo sa pagpapalaya o acquittal.


Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat, malinaw na nabigo ang tagausig na patunayan na si Tata ang pumatay kay Nanay Lorna. Ang hindi consistent o pabagu-bagong testimonya ni Girly, ang kahinaan ng umano ay pag-amin o confession, at ang kawalan ng tiyak na pagkakakilanlan ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa.


Ang kasong ito ay nagpapaalala na sa batas kriminal, hindi sapat ang anino, narinig, o sabi-sabi upang ituring na maysala ang isang akusado. Kailangang malinaw, tiyak, at lampas sa makatuwirang pagdududa ang ebidensya. Sa madaling salita, pinairal ng hukuman ang prinsipyo ng due process at presumption of innocence.


Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Nanay Lorna at ang muling paghilom ng sugat ng kanyang pamilya, patuloy nating pinanghahawakan ang pag-asa na sa takdang panahon, ang tunay na salarin ay mananagot at ang ganap na hustisya ay lubos na makakamtan.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 5, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Natabunan na nang todo ang isyu sa missing sabungeros.

Tulad sa flood control project scam, wala pa ring matibay na ebidensya laban sa mastermind sa pagkawala ng 34 sabungero.


----$$$--


SA totoo lang, walang “body of the crime” sa mga nawawalang sabungero.

Paano makakausad ang kaso — at sa totoo lang, tumahimik na ang lahat — DOJ at ang mismong mainstream media.


----$$$--


Sa flood control project scam -- ang “body of the crime”, sangkatutak at malilinaw ang ebidensya — dokumentado at aktuwal.

Pero, bakit hindi maituro at hindi tinutukoy nang lantaran ang “mastermind”?


-----$$$---


IYAN din ang problema sa graft and corruption, paano makakakuha ng matibay na ebidensya sa utak ng pandarambong?

Tulad sa missing sabungeros case, sumasandal ang mga imbestigador sa testimonya at physical evidence na ibibigay ng whistleblower.


----$$$--


SA aktuwal, mas malilinaw at matitibay ang ebidensya laban sa “whistleblower” na nangangarap na maging “state witness”.

Ibig sabihin, nais ng publiko na may “mahatulan batay sa ebidensya”, mas shortcut na kasuhan ang nagtatangka na maging “state witness”.


-----$$$--


MASELAN ang debate ng mga imbestigador dahil kailangan nilang magdesisyon sa dalawang bagay.

Una, kung mabilis na conviction, dapat ay kasuhan na lang ang potential state witness o whistleblower — dahil may matibay na ebidensya.

Ikalawa, gamitin ang state witness cum whistleblower laban sa hinihinalang utak — upang magkaroon ng prima facie at matibay na ebidensya!


-----$$$--


GAYUNMAN, mas mainam kung ang whistleblower at state witness laban sa mastermind -- ay hindi kasama sa mga “main suspects”.

Iyan ang pagkakaiba ng ex-Marine na lumantad sa Senado at kay Julie Patidongan na nais tumestigo laban sa utak ng krimen.


----$$$--


SI Patidongan ay hindi nalalayo sa mga ex-DPWH executive at mga kontraktor na nais maging state witness at whistleblower.

Pero, hindi dapat makaligtas ang mga “main suspect” sa kanilang pananagutan gamit ang pribilehiyo ng batas sa pagiging state witness.


---$$$--


ANG mabigat dito, kapag naabsuwelto ang mastermind na itinuro ng state witness sa pagdinig ng kaso.

Absuwelto na ang mastermind, absuwelto pa ang mga kasapakat.


----$$$--


ISANG magandang halimbawa rito ay ang kaso ni Janet Napoles na itinuro ng state witness na kanyang “dating tauhan”.

Absuwelto ang kanyang tauhan, pero nahatulan si Napoles.


-----$$$--


KAHIT ang salapi ay pondo ng gobyerno, isang pribadong tao — ang naging “mastermind” na taliwas sa esensiya ng kaso.

Paano magiging mastermind ang isang “private person” sa ninakaw na pondo ng gobyerno?


----$$$--


DAPAT nating suriin at unawain ang flood control project scam bilang “pondo ng gobyerno” — ang ninakaw.

Posibleng mahatulan din dito ay pribadong kontraktor, imbes ang mga opisyal ng gobyerno.


----$$$--


KAPAG bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno, dapat ang mastermind — ay opisyal ng gobyerno — dahil hindi maimamaniobra ang kulimbat — nang walang basbas ng mga talipandas sa pamahalaan.

Ang mga pribadong tao — ay manika at piyon lamang ng mga ‘mandarambong’ sa pamahalaan.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page