top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at bayarin ay isa sa mga dahilan kaya kumakapit ang iilan sa mga maling gawain para lang makaraos sa kanilang mga pang-araw-araw. Kung mangyayaring maalis o mabawasan ang buwis na kinakaltas sa taumbayan, isang maayos na hakbang ito para mamuhay ng sapat at guminhawa ang buhay ng bawat Pilipino.


Ito ang panukala ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na VAT Abolition Bill, na tila himala sa bulsa ng masa. Layunin nitong tanggalin ang 12% value-added tax (VAT) sa mga pangunahing produkto at serbisyo, na aniya’y pumapatay sa kakayahan ng mga Pinoy na kumita nang sapat at mamuhay ng mas marangal. 


Ayon kay Barzaga, matagal nang ginagamit ang VAT bilang universal tax na walang pinipili — mayaman, mahirap, estudyante, o walang trabaho. Ang problema, pare-pareho ang buwis, pero hindi pareho ang antas ng pamumuhay. Sa madaling sabi, parehong binubuwisan ang gutom at busog, kaya’t lalo lamang nalulubog sa hirap ang mga ordinaryong mamamayan. 


Tinawag niya itong regressive and unfair tax system na hindi na akma sa panahon kung saan halos bawat sentimo ay pinagpapaguran. 


Binigyang-diin din ni Barzaga na panahon na para sa “radical change” sa sistema ng pagbubuwis. Sa halip na patuloy na umasa ang gobyerno sa VAT, nais niyang palitan ito ng mas makatarungan at progresibong pinagkukunan ng pondo, mga buwis na mas babagay sa kakayahan ng bawat sektor ng lipunan. 


Dagdag pa niya, hindi dapat pinapasan ng mahihirap ang bigat ng gastusin ng gobyerno habang ang mga malalaking negosyo ay nakakahanap ng paraan para umiwas dito. 

Para sa kanya, ang VAT ay isang sistemang matagal nang kumakain sa kakayahan ng mga tao na mamuhay nang maayos.


Ang pag-alis nito, aniya, ay hindi lamang pagbawas sa tax, ito ay pagpapalaya sa bawat Pinoy mula sa pagkakalubog sa sobrang pagbubuwis. 


Marahil, oras na para pag-isipan natin kung kanino, saan talaga nakikinabang ang sistema ng buwis sa ating bansa. Dahil kung tunay na layunin ng pamahalaan ay maiahon ang bayan, dapat unahin ang mga nasa ibaba, hindi ang mga nasa tuktok. 


Ang pag-aalis nito ay maaaring maging simula ng isang ekonomiyang patas, kung saan hindi kailangang mamili muna ang isang pamilya sa pagitan ng kanilang pagkain at babayarang kuryente. 


Ang repormang ito ay hindi lang simpleng abolisyon ng buwis, kundi pagresolba ng kawalang-pantay sa ekonomiya.


Kung mangyari man ito, posibleng sa wakas ay maramdaman ng bawat Pinoy na ang gobyerno ay tunay ngang nasa kanilang panig, at hindi nakakiling sa pandarambong.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 7, 2025



Bistado ni Ka Ambo



Kinumpirma na ang pagbibitiw ni Sen. Ping Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee ng Senado.

Hindi siya nagtagal sa posisyon tulad ni Sen. Rodante Marcoleta.

Kumbaga, yung “ribbon”, nagkapunit-punit na.


----$$$--


HINDI malayong masibak din ang bagumbago ring Senate president na si Tito Sen.

Kailangan kasi na ibalik ang reputasyon ng Senado.

At hindi kayang iangat ito ng isang batikang komedyante.


-----$$$--

ISANG tampulan ng katatawanan ang buong Kongreso — Kamara at Senado.

Makakapal ang mukha.

Halos lahat sila ay tila umaamin sa iba’t ibang modus sa “paglalaro sa budget”—amendments, insertion, unprogrammed!


----$$$--


Nakaksulasok ang sitwasyon — lumilitaw na ang mga nag-iimbestiga — ay napapatunayang “sabit din sa kabulastugan”.


Ang ‘kabulastugan sa budget’ ay garapal — at iniyayabang nilang ito ay “walang nilabag” na batas.


-----$$$--


PINANINIWALAANG wala silang kuwalipikasyon sa pagiging mambabatas -- kongresista at senador -- dahil sila mismo ang nag-i-interpret ng batas; at sila rin ang humahatol sa kanilang aktibidad.


Mawalang galang po, hindi kayong mga mambabatas — kongresista o senador — ang hahatol kung “legal o hindi legal” — ang “paglalaro sa budget” — bagkus ay ang hukuman, hudikatura o ang mismong Korte Suprema.


-----$$$--


ANG trabaho ng mga mambabatas — ay gumawa ng batas at hindi ang “humatol” sa kaduda-dudang aktibidad.

Iyan mismo ang probisyon ng Konstitusyon.


----$$$--


ILANG beses nang sinabi ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon — ang paglalaro sa budget, gaya ng PDAF at DAP.


Pero, patuloy na “nilalaro” ang budget — at hinahatulan ang kanilang sariling kabulastugan — bilang “walang nilabag na batas”.


-----$$$--


MAY motibo ang ginagawang paglalaro sa budget — at ito ay mapapatunayan sa volume at laki ng halaga na kanilang iminamaniobra.

At mistulang nagpipiyesta ang mga buhong na naglalaway — habang nalulunod sa baha ang ordinaryong mamamayan.


-----$$$--


MAY nagsasabi na ang pagiging elected officials ay hindi kasinghulugan ng “matatalino o mahuhusay”, bagkus ito ay kasingkahulugan ng pandarambong na ang kulimbat ay ginagamit sa pag-impluwensya sa mga “bobotante”.

Ang mga “bobotante” ay mayorya — kaya’t ang nahahalal ay binabansagang “buwaya”!


-----$$$--


ANG tanong: May solusyon ba?


Nakayukayok si Juan nang sumagot: “WALA PO”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Hindi nagtagal ang pagsasama naming mag-asawa. Nang maghiwalay kami, nanghihingi siya ng danyos dahil sa sakit na naidulot sa kanya ng pagpapakasal sa akin, gayong hindi pa pala naipapawalang-bisa ang kasal ko sa naunang asawa. Hindi ko ito sinasadya dahil umasa at naniwala lang din ako sa dati kong asawa na naipawalang-bisa na ang kasal namin kasunod ng divorce decree sa ibang bansa. May habol ba talaga siya? – Maryo



Dear Maryo,


Una sa lahat, nagtatakda ang ating New Civil Code of the Philippines ng mga pamantayan para sa pagpapatupad ng mga karapatan at pagganap ng mga tungkulin ng isang tao:


ARTICLE 19. Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, and observe honesty and good faith.”


Kaugnay nito, kinikilala ng probisyong ito na kahit ang paggamit ng isang karapatan ay maaaring pagmulan ng ilang ilegal na gawain, kapag ginawa sa paraang labag sa mga itinakdang pamantayan at nagreresulta sa pinsala sa iba. Samantala, nagtatakda ang mga sumusunod na probisyon ng legal na remedyo para sa paglabag sa itaas na probisyon:


ARTICLE 20. Every person who, contrary to law, willfully or negligently causes damage to another, shall indemnify the latter for the same.


ARTICLE 21. Any person who willfully causes loss or injury to another in a manner that is contrary to morals, good customs or public policy shall compensate the latter for the damage.”


Ang mga legal na probisyong ito ay higit na tinalakay sa kasong Mary Elizabeth Mercado vs. Rene V. Ongpin, G.R. No. 207324, 30 Setyembre 2020. Tinalakay rito ng ating Korte Suprema, sa pamamagitan ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na kinakailangang mapatunayan ang malisya o bad faith upang mapanatili ang isang aksyon para sa pinsala o danyos batay sa Artikulo 19 ng nabanggit na batas:


For there to be a finding of an abuse of rights under Article 19, the following elements must concur: (1) there is a legal right or duty; (2) the right is exercised or the duty is performed in bad faith; and (3) the sole intent of the exercise or performance is to prejudice or injure another. It must be shown that the exercise of the right or performance of the duty was done with bad faith. In Dart Philippines, Inc. v. Spouses Calogcog:


Malice or bad faith is at the core of Article 19 of the Civil Code. Good faith refers to the state of mind which is manifested by the acts of the individual concerned. It consists of the intention to abstain from taking an unconscionable and unscrupulous advantage of another. It is presumed. Thus, he who alleges bad faith has the duty to prove the same. Bad faith does not simply connote bad judgment or simple negligence; it involves a dishonest purpose or some moral obloquy and conscious doing of a wrong, a breach of known duty due to some motives or interest or ill will that partakes of the nature of fraud. Malice connotes ill will or spite and speaks not in response to duty. It implies an intention to do ulterior and unjustifiable harm. Malice is bad faith or bad motive. xxx


Thus, the Regional Trial Court was in error when it held that the mere contracting of a second marriage despite the existence of a first marriage is, by itself, a ground for damages under Article 19 in relation to Article 20 or Article 21.”


Sa nasabing kaso, pinasyahan ng Korte Suprema na ang simpleng pagkontrata ng pangalawang kasal sa kabila ng pagkakaroon ng naunang kasal ay hindi sapat na batayan para sa mga pinsala sa ilalim ng Artikulo 19, kaugnay sa Artikulo 20 o 21 ng New Civil Code of the Philippines. Gaya ng nabanggit sa itaas, kinakailangang maipakita ng pangalawang asawa na may malisya o masamang motibo (bad faith) nang siya ay pakasalan, kahit kasal pa sa naunang asawa. 


Kaya naman, sa iyong sitwasyon, kailangan patunayan ng iyong pangalawang asawa na mayroong bad faith sa iyong parte bago siya makahingi ng danyos. Sa iyong parte naman, maaari mong maging depensa ang kawalan ng malisya o masamang motibo. Bagkus, umasa at naniwala ka lamang sa dati mong asawa na naipawalang-bisa na iyong kasal kasunod ng divorce decree na kinuha niya sa ibang bansa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page