top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NEVER LUMUTANG NAME NI SEN. BONG GO SA FLOOD CONTROL PROJECTS, AT PORKE KONTRA SA MAANOMALYANG P243B UNPROGRAMMED FUNDS, PILIT SIYANG IDINIDIKIT SA JOINT VENTURES PROJECT NG AMA AT MGA DISCAYA -- Sa tagal ng mga imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, House Infrastructure Committee at Independent Commission for Infrastructure ay hindi lumulutang ang pangalan ni Sen. Bong Go sa flood control projects, at porke sinabi lang niya na kontra siya sa P243 billion unprogrammed funds dahil ginagawa lang itong gatasan ng mga tiwali sa pamahalaan, ay pinag-initan na siya ng Marcos admin, na pilit nang idinidikit ang kanyang pangalan sa joint venture project ng kanyang ama at mga Discaya, kahit ilang beses na niyang sinabi na hindi siya nakikialam sa negosyo ng ama.


Ang pagkontra ni Sen. Bong Go sa P243B unprogrammed programs ng Marcos administration ay pagpapatunay na laban siya sa corruption, at porke tutol nga siya rito (unprogrammed funds) nireresbakan siya ng gobyerno, idinidiin siya sa proyekto ng kanyang ama at mga Discaya kahit wala naman siyang alam dito, tsk!


XXX


TILA GARAPALANG PINUPULITIKA NG MARCOS ADMIN ANG MGA TAONG PUMUPUNA SA CORRUPTION SA PAMAHALAAN -- May isang grupo sa Ilocos Sur ang nagsampa sa Ombudsman ng kasong plunder kay business tycoon, former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na may kaugnayan daw sa overpaying na P149.96 million sa isang municipal property sa bayan ng Narvacan, gayong ang market value lang daw nito ay P49.98M.


Tila garapalan nang pinupulitika ng Marcos admin ang mga pumupuna sa corruption sa pamahalaan. Unang tinarget si Sen. Bong Go na pumuna sa maanomalyang P243B unprogrammed funds, at ikalawa si Manong Chavit dahil sa pambabatikos sa mga katiwalian sa gobyerno, tsk!


XXX


LUPIT NG ICC, KAHIT PALA MAY SAKIT SI FPRRD KULONG PA RIN, HINDI PAPAYAGANG MA-HOSPITAL ARREST -- Inanunsyo ng International Criminal Court (ICC) na kahit daw mapatunayang may sakit at "unfit for trial" sa kasong crimes against humanity si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), ay mananatili pa rin daw itong nakakulong sa ICC detention cell.


Lupit pala ng ICC, kasi kung may sakit si FPRRD ay dapat i-hospital arrest na ito para mabantayan ng kanyang pamilya sa pagpapagamot, pero ang desisyon ng ICC judges kulong pa rin, tsk!


XXX


KAPAG HINDI PINA-STOP NI MAYOR RUFFY BIAZON ANG RAKET NA STL BAKA SA 2028 ELECTION, LABANAN SIYA NG KAALYADONG SI JAIME FRESNEDI SA PAGKA-ALKALDE NG MUNTINLUPA CITY -- Noong alkalde pa ng Muntinlupa City si Rep. Jaime Fresnedi ay walang small-town lottery (STL) ang nakapag-operate sa lungsod dahil ayaw nga ng dating mayor na may nangraraket sa kanyang mga kababayan, pero nang maging alkalde si Mayor Ruffy Biazon ay malaya nang nakapangraraket dito (Muntinlupa City) ang mga STL operators.


Dapat agad-agad ipa-stop na ni Mayor Biazon ang STL sa kanyang nasasakupan dahil kung dededmahin lang niya ito ay baka sa buwisit sa kanya ni Cong. Fresnedi kahit magkaalyado sila, ay labanan siya nito sa pagka-alkalde sa 2028 election, period!


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 21, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


Nagbibisikleta ang aking kapatid papasok ng paaralan nang bigla siyang nasagi ng isang matulin na sasakyan, dahilan upang siya ay tumilapon at mawalan ng malay. Mabuti na lamang at may mga taong tumulong sa kanya para madala siya sa pagamutan. Kapwa nakainom ng alak ang drayber at ang pasahero ng nasabing sasakyan. Kalaunan ay napag-alaman namin na ang naturang pasahero ay ang amo ng drayber at mismong may-ari ng nabanggit na sasakyan. Nakailang pasabi na ang aking kapatid na kinakailangan niya ng patuloy na gamutan dahil sa mga tinamo niyang pinsala sa katawan, ngunit binabalewala ito ng drayber at ng may-ari ng sasakyan. Kung kaya’t nais ng kapatid ko na maghain ng reklamong kriminal laban sa drayber at hiwalay na kasong sibil laban sa amo nito na may-ari ng sasakyan. Katwiran sa amin ng may-ari ng sasakyan na gumamit siya ng diligence sa pagpili ng kanyang drayber. Mayroong lisensya umano ang drayber, police at NBI clearance at iba pa, kung kaya’t wala umano siyang pananagutan. Tama ba ang kanyang depensa?

– Melchor



Dear Melchor,


Sa ilalim ng ating Batas Sibil, ang sinuman na makapinsala sa kanyang kapwa dahil sa kanyang akto o pagpapabaya, nang walang kasalanan o kapabayaan ng biktima at walang ganap na kasunduan sa pagitan nila, ay maaari na mapanagot sa pagbayad ng danyos para sa tinamo na pinsala ng biktima. Ito ay tinatawag na obligasyon mula sa quasi-delict. Alinsunod sa Artikulo 2176 ng New Civil Code of the Philippines:


“Art. 2176. Whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damage done. Such fault or negligence, if there is no pre-existing contractual relation between the parties, is called a quasi-delict and is governed by the provisions of this Chapter.”


Mainam din na malaman na hindi lamang ang tao na nakapinsala ang maaari na mapanagot sa quasi-delict. Bagkus, maaari rin mapanagot ang mayroong responsibilidad sa tao na nakapinsala; isa na rito ay ang amo o employer ng manggagawa na mayroong pagkakamali o pagpapabaya. Ganoon pa man, maaari na magsilbing depensa ng employer na siya ay gumamit ng ibayong sigasig ng isang mabuting ama ng pamilya upang maiwasan ang pinsala. Batay sa Artikulo 2180 ng ating New Civil Code:


“Art. 2180. The obligation imposed by Article 2176 is demandable not only for one's own acts or omissions, but also for those of persons for whom one is responsible. x x x


Employers shall be liable for the damages caused by their employees and household helpers acting within the scope of their assigned tasks, even though the former are not engaged in any business or industry. x x x


The responsibility treated of in this article shall cease when the persons herein mentioned prove that they observed all the diligence of a good father of a family to prevent damage.”


Sa sitwasyon na iyong naibahagi, iginiit ng amo ng drayber ng sasakyan na nakabangga sa iyong kapatid ang diumano’y kanyang diligence of a good father of a family upang makaiwas sa sibil na obligasyon. Subalit, kung ating susuriing maigi ang suliranin ng iyong kapatid, ang nabanggit na partido ay hindi lamang amo ng drayber na nakabangga sa iyong kapatid; bagkus, siya rin ang may-ari ng sasakyan na sangkot sa insidente at siya ay nakasakay rito nang mangyari ang insidente. Dahil dito, siya ay maaaring mapanagot sa ilalim ng Artikulo 2184 ng ating New Civil Code na malinaw na nagsasaad na sa mga sakunang sangkot ang sasakyan, mayroong iisang pananagutan o solidary liability ang may-ari ng sasakyan at ang drayber na nagmamaneho nito, maliban na lamang kung mapatunayan ng naturang may-ari na mayroon siyang ginawa na angkop na pagsisikap upang maiwasan ang sakuna:


“Article 2184. In motor vehicle mishaps, the owner is solidarily liable with his driver, if the former, who was in the vehicle, could have, by the use of the due diligence, prevented the misfortune. It is disputably presumed that a driver was negligent, if he had been found guilty of reckless driving or violating traffic regulations at least twice within the next preceding two months.” 


Kung iyong mapatunayan na nakainom din ng alak ang pasahero na may-ari ng sasakyan noong maganap ang aksidente ng iyong kapatid, masasabi na taliwas ito sa kanyang depensa na siya ay umakto nang may angkop na diligence upang maiwasan ang nangyaring sakuna. Dahil dito, maaari pa rin na siya ay mapanagot para sa mga pinsala na tinamo ng iyong kapatid.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 21, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Child development center (CDC) sa bawat barangay. Ito ang pinatitiyak natin sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong nagkaroon tayo ng pagdinig sa kanilang panukalang budget para sa taong 2026.


Mahalaga ang pagkakaroon ng CDC upang maparami pa natin ang bilang ng mga batang naka-enroll sa mga programa at serbisyo para sa Early Childhood Care and Development (ECCD). Saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education, social services development programs, at iba pang mga programa at serbisyo para sa mga batang wala pang limang taong gulang upang magkaroon sila ng matatag na pundasyon.


Batay sa nakalap nating datos, 3,810 barangay sa bansa ang wala pang CDC. Lumalabas din sa datos na 30% lamang ng 4.5 milyong batang may edad tatlo at apat ang kasalukuyang naka-enroll sa mga programa at serbisyo ng ECCD. 


Mahalaga ang papel ng DILG sa pagkamit natin ng layuning makapagpatayo ng CDC sa bawat barangay. Kung babalikan natin ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na isinulong ng inyong lingkod, nakasaad doon na ang secretary ng DILG ang magsisilbing ex-officio co-chairperson for Local Government Mobilization and Overall Implementation.


Itinakda ng batas ang mandatong ito sa DILG dahil ang ating mga local government units (LGUs) ang magiging responsable sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa ECCD. 


Kabilang sa mga magiging tungkulin ng mga LGUs ang probisyon ng mga pasilidad at mga resources para sa epektibong paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD. Magiging mandato rin sa mga LGUs ang paglikha ng plantilla positions para sa mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs), pati ang pagtiyak na may isang CDC sa bawat barangay.


May mga hakbang na tayong nasimulan upang matiyak na magkakaroon ng CDC ang bawat barangay. Matatandaan na noong nakaraang Mayo, P1 bilyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ang binigay sa 328 na mga low-income LGUs upang magkaroon ng mga CDC ang kanilang mga barangay. Ikinagalak natin ang hakbang na ito lalo na’t naaayon ito sa ating panukalang probisyon na naging bahagi rin ng Republic Act No. 12199: na pahintulutan ang paggamit ng LGSF sa pagpapatayo ng mga CDCs sa mga fourth at fifth-class municipalities.


Bagama’t malaking hakbang ang paglalaan ng pondo para sa mga munisipalidad na ito, kailangang ipagpatuloy natin ang ating pagsisikap hanggang magkaroon ang bawat barangay ng CDC. Kung magagawa natin ito, maaabot natin ang bawat batang wala pang limang taong gulang at mabibigyan natin sila ng mas matatag na pundasyon upang magtagumpay.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page