- Justine Daguno
- May 28, 2020

Sa mahigit dalawang buwang lockdown na ipinatupad sa bansa bilang paraan upang maiwasan at makontrol ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), marami sa atin ang aminadong hirap sa pagtulog o nakararanas ng weird sleeping routine.
Subukan man nating makatulog nang sapat o walo hanggang siyam na oras kada araw, hindi natin ito magawa dahil madalas ay kulang o sobra-sobra ang ating naitutulog.
Paliwanag ng mga eksperto, malaki ang epekto ng lockdown na nangyayari ngayon kaya nasisira ang sleeping pattern ng indibidwal.
Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan kung bakit karamihan sa atin ay nakararanas ng weird sleeping routine habang may lockdown:
Pagkatakot o nakararanas ng takot. Normal lamang na makaranas ng pangamba sa kasalukuyang sitwasyon natin. Pero ang pagkatakot na ito ay hindi dapat isinasawalang bahala. Imbes na i-deny ang takot na iyong nararanasan, tanungin ang sarili kung ano nga ba ang dahilan nito? Harapin ang
kinatatakutan at unti-unti itong solusyunan.
Sobrang stress. Tulad ng takot, hindi rin maiiwasang makaranas ng stress sa pagkakataong ito.
Maraming aspeto ang nakaaapekto kung bakit nai-stress ang tao. Marahil ay dahil sa trabaho o kawalan ng trabaho, kagustuhang gawin ang mga nakasanayang gawain o makalabas at iba pa. Ang frustrations na ito ay dahilan kaya sobrang nag-iisip at nai-stress ang tao na nagreresulta ng hirap sa pagtulog.
Pakiramdam na nawawalan na ng kontrol. Isa rin ang kawalan ng kontrol sa mga dahilan kaya nagugulo ang ating sleep pattern. Ayon sa eksperto, natural sa tao na masanay na nagagawa ang mga bagay na gusto at kailangan nito sa buhay, pero dahil sa lockdown ay nalimitahan ang mga ito.
Pansamantala ay pahingahin muna ang sarili o subukang baguhin ang mga nakasanayang gawin.
Masyadong nag-iisip ng mga bagay-bagay. Ang masyadong pag-iisip o overthinking ay malaking problema na talaga kaya hindi makatulog ang indibidwal—may lockdown man o wala. ‘Yun nga lang, lalo itong nati-trigger dahil batid natin na wala pang kasiguraduhan ang mga nangyayari sa ngayon. Payo ng eksperto, makabubuti kung maghihinay-hinay sa social media dahil malaki ang epekto nito sa mga naiisip ng tao.
Magkakaiba ang pagtanggap ng bawat isa sa kasalukuyang sitwasyon, pero ‘wag natin pahirapan ang ating sarili. Bagama’t mahirap, tingnan natin palagi ang bright side ng mga nangyayari. ‘Ika nga,
“Relax lang, take it slow”.






