- Nympha
- Jun 17, 2020

May pandemic ngayon at halos lahat ng pamilya ay nagsasama-sama sa isang bubong. Bawal lumabas dahil may nag-aabang na nakamamatay na COVID-19, kaya habang nasa bahay, iba-iba ang gustong gawin ng isa’t isa – mayroong nagkakalat ng gamit kahit may binubutingting na kung anu-ano, mayroong mahirap utusan at kahit simpleng paghuhugas ng pinggan ang gagawin, mayroong tumatakas para lumabas at makipagkita sa mga dabarkads, pasaway, ‘di ba? May nanonood ng T.V. na napakalakas ng volume, mayroong panay ang dakdak na nakakabingi na ang bibig sa walang kuwentang sinasabi. Habang si mister naman ay nagtatawag pa ng kapitbahay para makainuman sa bahay. Grabe nang stress ang mga ganyan, ‘Day! Puro pasaway! Kawawa naman si misis o si nanay.
Ito na yata ang pinakakunsumidong sandali sa isang maybahay na dati-rating tahimik habang ang lahat ay nasa trabaho o eskuwela.
Kahit paulit-ulit na sawayin at pagsabihan sa loob ng tatlong buwan na quarantine period ay sumisige pa rin. Sasagut-sagutin pa siya ng anak niyang tamad maghugas ng pinggan, ayaw siyang pakinggan ng isa na nakikinig ng napakalakas na musika. Pati ‘yung labas nang labas ng bahay kahit ipinagbabawal ay hindi niya masaway, lalo na si mister na ayaw pang paawat sa pag-inom kasama ang kapitbahay na sunog-baga rin.
Si “Aling Inday” ay elemento ng pang-aabuso, siya ang nagsisilbing co-dependent sa pamilya. Ang dependency ng pamilya ay masasabing adiksyon sa mga bagay na dumedepende tulad ng alak o iba pang bisyo.
Siya kasi ang taong mapagsuporta at mapamaraan, pero masasabing kunsintidora siya dahil hinihikayat niya ang mga anak at asawa na gawin ang mga bagay bagama’t ito ay bawal.
Ayon sa Lexicon of Psychiatry, Neurology and the Neurosciences, ang konsepto ng co-dependency ay ipinalit sa salitang “may kakayahan”.
Pero bakit nagiging co-dependent si misis maski alam niyang hindi na tama ang ginagawa ng mga anak at ni mister? Takot lang ba siya?
Sabi ng mga eksperto, ang mga taong nagiging co-dependent ay pala-asa dahil sa mga umiiral na patakaran sa loob ng bahay na habang lumalaon ay hindi na lumalago ang kanyang sarili.
Ano nga ba ang problema ni misis at dumarating na sa puntong ganyan ang buong pamilya? Heto ba ang dahilan?
Hindi dapat ikinukuwento ng bata sa iba ang problema ng pamilya dahil ang pag-eere ng ‘karumihan’ ay nakakahiya.
Hindi nagiging open ang damdamin ng bawat isa.
Nagkukulang sa pagmamalaki sa bawat isa kung may nagawang maayos at mabuti ang sinuman.
Mas madalas na ang bawat isa ay nagiging makasarili.
Kung ano ang sinasabi ng magulang ay hindi nasusunod.
Dapat kung ano ang nar’yan ay pagtiisan at hindi na maghanap ng kung anu-ano.
May mga anak na sa ganyang ugali nagsisilaki at hindi kayang lumutas ng problema dumating man ang krisis sa buhay.
ANG MGA UGALI NG TAO NA PALA-ASA NA DAPAT INGATAN. Sang-ayon sa mental health experts ang iba’t ibang epekto nito kay Aling Inday. Tanging mental health practitioner ang maaaring makaalam sa sintomas nito:
Bumababa ang pagpapahalaga sa sarili.
Lumalala ang pagkamahiyain.
Nawawalan ng pag-asa kahit puwedeng humingi ng tulong sa iba.
Nawawalan na siya ng tiwala.
Labis nang mapanghusga. May tendensiya na magsinungaling.
Nakadarama ng guilt.
Laging nag-aalala at nagkukulong. Nahihirapan na mailarawan ang nadarama ng sarili maging ng iba.
Wala nang kakayahang lumutas para sa pagbabago.
Kinukonsiderang bigo siya kapag hindi na niya makontrol ang sitwasyon.
Lagi na lang ibang tao ang inaasikaso sa halip na ang sarili.
Pakiramdam niya, kaya niyang paglingkuran ang mga taong pala-asa.
ANG KARAKTER NG MAGANDANG SAMAHAN. Dapat may kapangyarihan ang bawat isa na itindig ang istruktura ng relasyon. Ito ay ang respeto, tiwala, suporta, pagiging maaasahan, tumutulong sa mga responsibilidad, mag-partner sa kabuhayan, nag-uusap nang maayos, nagkakasundo, parehas ang turingan at hindi malupit sa isa’t isa upang mas maging masaya at hindi stressed ang maybahay.






