top of page
Search

May mga bata na mas nakakatulog nang maayos at nagkakaroon ng magandang panaginip kapag nababasahan sila ng mga aklat. Kahit na puro larawan lang ang laman ng aklat, may mga magulang na napakahusay gumawa ng sariling kuwento na kunwari ay mula sa aklat ay ikinatutuwa naman ng bata. May isang magkaklase, may dalang krayola si Elia nang dumating sa iskul habang si Ana naman ay nakipagpalit sa kanya ng marker. Pumayag si Elia pero nadiskubre niyang tuyo na ang marker. Nagreklamo si Elia sa kanyang guro at sabi'y madaya si Ana at saka ito napaiyak. "Gusto kong ibalik niya sa akin ang krayola ko" Sa ganitong punto, kailangan ng guro na pag-ayusin ang dalawa bagama’t nagkasundo nang magpalitan ng mga gamit. Kumuha ng aklat ang guro na may pamagat na A Bargain for Frances ni Russell Hoban. Bagama’t ang istorya ay tungkol sa basag na mga baso, ang mensahe ng patas na pagkakasundo ay hindi nawala sa mga bata. May hatid na instrumento ang aklat sa paghahayag ng lalim, halaga at aral sa buhay. Ang abilidad na rumesponde, magbahagi at lumikha sa istorya ay isa sa mainam na karakter ng isang tao. Ang utak kasi ng tao ay nakaprograma upang makasagap ng anumang pattern sa bawat daloy ng istorya at maaalala ito nang bata sa pangmatagalan. Nagreresulta sa magandang hubog ng kanyang pagkatao, ayon na rin sa magandang kuwento, parehong sa tunay at imahinasyon lang. Ang mga aklat na pawang may visual art at literatura na umaakit sa imahinasyon ng bata ay perpektong teaching tools sapagkat naglalaman ito ng malakas na emosyon na madarama ng bata. Sa buong kuwento niya, maipapalagay ang loob para mas madali siyang maka-move on, anuman ang dumarating na problema at nagagawan niya ng paraan. Dagdag pa rito, ang mga picture books ay may positibong pananaw at nag-iiwan ng pinakamahusay na impresyon at hindi makakalimutan ng mga bata sa kanilang memorya. Ang larawan sa aklat ay mas importante kaysa sa tuluy-tuloy na aksiyon sa telebisyon dahil mas malakas ang memorya niya sa pahina ng aklat at natatandaan niya ang mga aral dito hanggang sa kanyang pagtanda. Kapag tayo ay naglalahad ng kuwento hinggil sa isang pamilya, historical events, ang mga kasaysayan at istoryang ‘yan ay paraan upang matugunan ang mga memorableng sandali sa buhay at hindi malilimutang mga aral. Kapag mahusay ang magulang o guro sa pagpapatingkad ng kapangyarihan ng literatura at gagamitin ito sa tunay na buhay, iibayo ang positibong ugali ng mga paslit sa pagbabasa nang madalas, basta makapili lang ng angkop na aklat at mapasaya pareho ang bata at magulang o guro. Ang kainaman ng pagkahilig ng bata sa pagbabasa kapag nakakasabay magbasa ang bata at magulang pinapatatag nito ang tulay sa pang-unawa at kahalagahan ng pamilya. At habang nalilibang ang bata sa pagbabasa, magiging mahalagang gabay niya ito para maging tuluy-tuloy na makaugalian na niya ang pagbabasa at dito siya nakakapulot ng aral. Maingat na rebyuhin ang aklat. Alamin ang interes, edad at atensiyon ng bata. Alamin ang kanyang nais na basahin. Kausapin ang guro at obserbahan kung anong aklat ang ibinabahagi ng ibang magulang sa kanilang anak. Pumili ng aklat na pampamilya kung saan ang pangunahing karakter ay pareho ring edad ng bata. Ito ang makatutulong upang maunawaan sa kanyang pagsasalita na kailangan niya at umangkop sa kanya ang emosyon.

 
 

Hindi naman dapat na si Mommy ang palaging natatangi para sa mga anak. Kaya ‘Tay, ‘Pang, Papa at Dadi, suriin ang sarili kung natatangi ka bang ama sa iyong pamilya. 1. AKTIBO SA LAHAT NG BAGAY. Kapag masipag ang ama, asahang ang mga anak ay responsable rin, lalo na kung aktibo sa isang bagay na makabubuti para sa pamilya dahil nakikita ng anak na mainam kang ehemplo. Siya ang ama na bago pa magreklamo si misis ay agad na magpapalit ng diaper ng kanilang baby. Kapag napagsasabihan ni misis ay nakikinig siya. 2. TUMUTULONG SA PARTNER. Hindi siya palaasa na nagagawa lahat ni misis ang mas maraming obligasyon sa pamilya. Kung ano ang nalalaman ni misis sa pagpapalaki ng mga bata, dapat alam na alam din niya. Kung may mga dapat tiyagaing gawin ay sinisikap niyang matapos. Siya ang ama na hindi natatakot magtanong kung paano ang basic caregiving. Mas nakikita ang pagiging responsable niya sa oras na nanganak si misis. ‘Yun na ang kritikal na panahon na natuto na ng pag-aalaga at kumakalinga sa kanyang sanggol. 3. PROUD NA PROUD ‘PAG KASAMA ANG MGA ANAK. Magkaiba kung makipag-ugnayan ang ina at ama sa kanilang anak. Mas tensiyunado at mataas ang energy niya habang ang nanay ay may talent sa multitasking. Huwag mong isipin na balewala sa anak ang paglalaro n’yo ng basketball kumpara sa pagtuturo ni misis sa anak na babae ng pagluluto at gawain sa kusina. Makabuluhan ito dahil nakaukit na ito sa emosyon, isipan, excitement at katuwaan ng anak. Ang mga batang may amang pisikal na aktibo ay mas sumisikat at tagumpay sa pakikipagrelasyon sa iba pang bata. 4. DAPAT MAGING BUKAS LOOB SA MGA ANAK. Importanteng bukod sa pisikal na interaksiyon sa mga anak ay bukas ang loob mo sa kanila. Sa payo ni John Gottman, may-akda ng “The Heart of Parenting,” dapat ay sikapin ng ama na pakiramdaman ang kalooban ng anak bilang malasakit niya rito. Isipin niya kung ano ang dapat niyang gawin para available siya lagi kapag kailangan ng anak. 5. MAGING PARTNER, HINDI HELPER. Tradisyonal nang tagapagtrabaho ang ama at bagama’t siya ang modelong tagasuportang pinansiyal, ngayon ay may malaking papel na siya sa bahay kung saan naiiwanan sa kanya ang mga anak. Buung-buo siyang nagtataguyod, nakikihati ng responsibilidad sa gawaing bahay at aktibong nag-aalaga ng mga anak ay isang dakilang modelo na ito sa panahon ngayon.

6. MAGING LIBRE ANG ORAS, KAHIT TWICE A WEEK. Epektibong ama ka dahil humahalo ka sa desisyong involved sa usapin ang anak. Kapag ipinaubaya lahat sa misis, ibig sabihin ay unti-unti niyang binabasag ang kabuluhan niya sa buhay ng mga anak. Kapag hindi siya sumasama sa araw- araw na gawain, routines at aktibidad ng mga bata, lumalaki ang mga ito na hindi niya makikilala, dahil ‘yun ang panahon na kailangan ng intimacy na sensitibong dapat malaman ng ama sa mga ito. 7. MAY RESPETO KAY MISIS. Habang may malasakit na ama, iginagalang mo ang lahat ng paraan ng palakad ni misis sa pamilya, gayundin ang paggalang sa kanyang mga desisyon kung sakaling wala ka sa kanilang tabi. Habang lumalaki ang mga bata, hayaan silang maging bahagi ng proseso ng pagpaplano. 8. HANDA KANG MAKAUSAP. Kung hindi mo gusto ang sistema, dapat malaman ni misis. Alanganin man siya na ibahagi sa iyo ang pag-aalaga sa mga anak, huwag mong isipin na wala siyang tiwala at huwag magdamdam. Bigyan siya ng sapat na panahon na maipakita mo na seryoso ka at sinsero kang ibahagi ang antas ng pagiging magulang. 9. MAGMALASAKIT PA RIN KUNG NAGHIWALAY. Kahit mas lamang kay misis na mapunta ang kustodiya ng mga bata, maraming paraan upang maipagpatuloy ng ama ang kanyang aktibong relasyon sa mga anak. Pinakamahalaga na makausap sila kahit sa phone lamang, maka-chat o mas mainam ay makausap nang personal. Gawing makahulugan ang tiyempong pagsasama sa mga anak. Iwasan na magsumbatan at gamitin ang bata sa hinanakitan. Dapat na magbigayan at sumuporta ang magulang alang-alang na rin sa kalagayan ng mga bata.

 
 

Buhay, Pag-ibig at Pamilya

Yes, amigo at amiga! Bida ngayong araw ang ating minamahal at iginagalang na haligi ng ating mga tahanan. Siyempre, hindi pahuhuli pagdating sa mga katangian ang ating ama, tatay, tatang, itang, itay, papa, papang, daddy, dada at dad, iba't iba man tawag natin sa kanila, ngunit sa kabuuan ay may iisang pakahulugan. Naniniwala ba kayo sa kasabihang “Madali ang maging ama, pero mahirap magpaka-ama”?

Ang ama ay unang lalaki na nagmahal, sabik kang makita, mayakap at napakaraming plano pagdating sa panahon ng paglaki mo.

Para sa mga anak na lalaki, sila ang best buddy o bestfriend, kasama sa mga laro at gawaing pangmacho o pampapogi, samantalang sa mga anak na babae, sila ‘yung maalaga at malambing, subalit may mga pakikitungo o gawi rin sila na kadalasan ay hindi natin gusto.

Sabi nga nila, “Para ‘yan sa ikabubuti n’yo, mga anak”. Madalas nating hindi nabibigyan ng pagpapahalaga ang kanilang mga nagawa dahil na rin sa nakaugalian at hindi pagpapaliwanag nang maayos. Lahat ng sakripisyo ng ama ay hindi isang “obligasyon o parang hanapbuhay lamang”, pagpapasakit ito na hindi nabibigyang-pansin at tamang respeto para sa minamahal nating magulang. Alamin natin ang ilang katangiang malupit ng ating ama:

1. MAPAGMAHAL. Unang-unang katangian ng mabuting ama ay pagiging mapagmahal. Ang mapagmahal na ama ay mahal ang ina ng kanyang mga anak nang walang reserbasyon. Kung ano ang trato sa asawa, asahang higit pa ang pagmamahal na matatamo ng mga anak.

2. MATIYAGA. Ang matiyagang ama ay hindi lamang paghihintay at hindi pagsuko nang walang ginagawa, kundi isa ring pagtitiis nang may pagsisikap para sa kinabukasan at ikabubuti ng pinakamamahal na mga anak at pamilya.

3. MADISIPLINA. Mahalaga para sa mga anak ang pantay na disiplina at balanse para sa lahat kaya madalas ay istrikto ang tingin sa mga ama. Sila ang palaging nasasabihan na mayroong “tough love” dahil na rin sa hindi matitigatig na desisyon pagdating sa pagdidisiplina.

4. RESPONSABLE. Tinitiyak palagi ng responsableng ama na naibibigay niya ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya, lalong lalo na pagdating sa usaping kinabukasan at edukasyon ng mga anak.

Ilan lamang ‘yan sa katangian nila, subalit punumpuno ng emosyon at dedikasyon. Kaya mga amiga at amigo, suwerteng maituturing na kasama natin ang ating ama, lalo na sa mga ganitong panahon ng pagsubok dahil aalagaan at susuportahan nila tayo sa lahat ng plano at desisyon natin sa buhay.

Mabuhay at maligayang araw sa lahat ng ama!

Para sa anumang isyu, opinyon o problema na gus-tong i-share, mag-send sa e-mail na buhay.bulgar@ gmail.com o sumulat sa Buhay, Pag-ibig at Pamilya at ipadala sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page