- BULGAR
- Dec 17, 2022
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 17, 2022
“Simbang Gabi, simula ng Pasko sa puso ng bawat Pilipino.” Ito ang unang linya sa awit na isinulat ni Propesor Lucio San Pedro. Masigla at masayang awit ito. Isinulat para sa koro at siguradong panggising sa oras na karaniwang mahimbing pang natutulog ang lahat.
Kay tagal nang itinuro ni Padre Eduardo Hontiveros, Sj ito sa aming mga seminarista ng Seminaryo ni San Jose noong 1972, kadedeklara pa lang ng Martial Law. Habang kinakanta namin ang Simbang Gabi, naghahalo ang aming mga damdamin. Maaari bang paghaluin ang pagsasaya at pagpoprotesta?
Heto tayo ngayon, Simbang-gabi na naman kahapon. Naghalo ang saya at lungkot sa mga mulat na sa nagdaang limang dekada. Ako’y 16 years old nang pinag-aralan naming kantahin ang Simbang Gabi. Unang Pasko sa ilalim ng Batas Militar.
Kakaibang hamon ang maging masaya sa gitna ng kalungkutan; umasa sa gitna ng laganap na kalungkutan dahil sa mga nabasag na panaginip at naglahong pangarap. Noong nakaraang linggo, ipinagdiwang natin ang Linggo ng Rosas.
Sa ebanghelyo noong Huwebes, muling binanggit ni HesuKristo ang mahalagang papel ng kanyang pinsan na si Juan Bautista. “Pinauna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daan sa harap mo.” At natapos din ang mahalagang papel ni Juan sa buhay ng ating Panginoong HesuKristo. Walang sawa at takot niyang ipinahayag ang pagdating ng “Isang higit sa kanya, na hindi siya karapat-dapat kalagin ang mga tali ng kanyang pangyapak.” (Juan 1:27) At narinig ang tinig ni Juan na sumisigaw sa ilang, “Magsisi kayo’t talikdan ang inyong mga kasalanan dahil malapit nang maghari ang Diyos.” (Lucas 3:4)
Gigising nang siyam na gabi o madaling araw. Gigising at magbabantay, imumulat ang mga mata at sentido sa pagdating ng Panginoon. Babasagin ang lungkot at takot, maglalakad ng langkay-langkay. Ibabalik ang paggalang sa matatanda at sa iba. Magmamano sa kanila at gagalang sa iba. At higit sa pag-ibig sa sarili, muling paiiralin ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.
At ito ang ating pag-asa, na sa gitna ng nakamamatay na labis na pag-ibig sa sarili, dumarating at palaging dumarating ang himig ng Pasko, ang himig ng Pag-ibig ng Diyos, ang himig ng pag-ibig natin sa isa’t isa. Siyam na gabing gigising at maglalakad, langkay-langkay.




