- BULGAR
- Feb 13, 2023
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 13, 2023
Ilan kayang mga inosente, ngunit detinidong pinoy ang naghihintay nang wala sa mga piitan natin dahil halos nakalimutan na ang mga ito at sa simula ay walang anumang kakayahan o kakilala na maaaring asahan para umusad ang kanilang kaso? Hindi ba’t napakalaking pagkakasala ng estado ito? Sa halip na tulungan at ipagtanggol ang mga inosente ay pinabayaan na lang tumanda at literal na mabulok ang mga ito sa piitan upang pagbayaran ang kasalanan ng iba.
Inosente ba sina Juan Ponce Enrile, Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., Jose Eleazar, Maria Clara Lobregat at Augusto Orosa sa diumano’y pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya ng coco levy fund?
Sinu-sino ba ang mga akusado? Kilala ng lahat ang mga ito at alam ng lahat kung ano ang kanilang kaugnayan sa ama ng kasalukuyang presidente. Kaya ganu’n na lang ang buntong hininga ng dismayadong taumbayan na parang sirang plakang kinakanta sa iba’t ibang wika at tono ang umiiral na batas sa ating bansa: “Hindi kung ano ang alam mo o nagawa mo kundi kung sino ang kakilala mo ang higit na mahalaga sa ating bansa…”
Maghintay lang kayo at unti-unting malalantad ang malaking larawan ng binagong ayos, kulay, sangkap, daloy, kabuluhan, simula’t patutunguhan ng kasaysayan. Mayroon ngang nagtanong noong araw tungkol sa kasaysayan kung ano ito, mayroon bang tunay at obhetibong (hindi dinoktor at pinaglaruan) na kasaysayan? Ang sabi ng nagtanong, hindi ito ang tanong kundi, “para kanino ba sinusulat ang kasaysayan?” Para ba sa mga biktima o para sa mga nangbibiktima? Para ba sa mga maliliit na walang tinig o para sa malalaking nakabibingi at laging tinig nila ang naririnig.
Nagsalita ako noong taong 2000 tungkol sa krimen na naranasan ng isa sa aming mga kamag-anak.
Pinatay ng anak ng isang kilalang opisyal ang aking pamangkin noong ika-25 ng Setyembre 1975.
Walang ginagawa ang pamangkin ko kundi kumustahin at sunduin ang kanyang kapatid mula sa isang bahay, kung saan nagpa-party ang mga babaeng mag-aaral at lalaking mag-aaral sa dalawang kilalang eskuwelahan. Dalawang beses nagtanong tungkol sa kanyang kapatid na babae sa pamangkin ko ang anak ng kilalang opisyal. Noong unang pagkakataon, bandang alas-8:00 ng gabi, nagtanong ito kung kumusta na ang kanyang kapatid. Ang kausap nito ay ang anak ng kilalang opisyal na sa halip na hanapin ang aking pamangkin na babae, binantaan nito ang pamangkin kong nagtatanong na, “Umalis na at huwag nang babalik.” Noong alas-10:00 ng gabi, panahon nang sunduin at iuwi ng aking pamangkin ang kanyang kapatid, bumalik ito sa party.
Nang nag-doorbell siya, lumabas na naman ang anak ng naturang opisyal at nang makita niya ang aking pamangkin, nagalit ito at nakipagsagutan. Pagkatapos ng mainit na sagutan, pumasok ito ng bahay, kinuha ang baril ng kanyang bodyguard at lang binaril ang aking pamangkin sa noo.
Kagulat-gulat ang nangyari. Hindi agad namatay ang aking pamangkin. Naitakbo pa siya sa pinakamalapit na ospital at habang nakahilig ang ulong sugatan, lumalabas ang utak sa hita ng kanyang ina, paulit-ulit na sinasabi nito ang pangalan ng nagtangkang pumatay sa kanya.
Nangumpisal sa kanyang ina ang naghihingalong pamangkin ko. Sinabi nito kung sino ang bumaril sa kanya. Mabilis itong kumalat sa aming angkan, kaya hanggang ngayon ay hindi mabura-bura sa aming kamalayan ang pangalan ng anak ng mataas na opisyal na bumaril at pumatay sa aming kamag-anak.
Bunga ng pagsalita ko noong taong 2000, kinasuhan ako ng libel ng mag-ama — ang anak na pumatay sa aking pamangkin at kanyang ama na mataas na opisyal. Dahil hindi ako nakapagbayad ng piyansa, nang ako ay pumunta sa korte upang magtanong kung ano ang mangyayari sa akin, ang sagot ng korte ay, “Kung hindi kayo magbabayad ng piyansa, kailangan namin kayong ikulong,” at ganu’n ang nangyari. Nakulong ako dahil sa pagsabi ko na pinatay ng anak ng mataas na opisyal ang aking pamangkin. Nakalaya rin ako makaraan ng tatlong araw dahil nagbayad ng piyansa ang aking mga parokyano.
Pagkalaya ko, pabalik-balik ako sa korte nang siyam na taon hanggang sa na napawalang-bisa ang kaso.
Siyam na taon akong nagtiis na dumalo sa mga hearing ng kaso ko. Hindi ba, paglabag ito ng aking karapatan sa naturang “speedy disposition of cases”? Hindi basta-basta napawalang-bisa ang aking kaso, hindi tulad ng kaso ng mga naakusahan sa pakikialam sa coco levy fund. Sino sa amin ang may tunay na kaso o baka ang tanong, sino sa amin ang tunay na malakas?




