top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 19, 2023



Kampihan, takipan, kuntyabahan, siraan, intrigahan, tsikahan, hatian, porsyentohan, palakasan, gapangan, palit-ulo, kaliwaan, lagayan, laglagan, silipan, unahan, gulangan, bastusan, brasuhan…mga karaniwang pangyayari sa mga kanto at lansangan, at maging sa Kongreso at Senado, hindi na ito bago. Anuman ang tino ng mambabatas ay masisingitan o mauunahan ito kung siya ay tutulog-tulog at hindi marunong dumiskarte.


Isang hibang na kagubatan ang Senado animoy mga hayop na pumapatay at tumatambang sa mahihinang mga hayop. Ang tawag dito ng mga antropologo ay “Survival of the Fittest,” kumbaga, matira matibay sa Pilipino.


At ito ang abang kalagayan ng ating mga sangay ng pamahalaan ng Ehekutibo; Lehislatibo at Hudisyal. Matagal nang hindi nakikitaan ng disente, mahusay at maaasahang paglilingkod ang tatlong sangay ng pamahalaan. Sa halip, madalas-dalas pang sumingaw ang mga iskandalo at korupsyon na kinasasangkutan ng mga kagalang-galang na mambabatas. Bakit nagkaganito ang ating pamahalaan? Bakit nagkaganito ang marami sa ating mga pulitiko? Sa ebanghelyo sa araw na ito, ipinaliwanag ni Kristo sa kanyang mga alagad ang ibig sabihin ng paglilingkod at pagsunod sa Kanya.


“Una, kung nais mong sumunod sa Akin, itakwin mo ang iyong sarili at kunin ang iyong krus para sumunod ka sa akin.


Pangalawa, ang naghahangad na maliligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito.


Pangatlo, ano ang pakinabang ng tao makamit man niya ang buong mundo kung sarili naman niya ang mawawala?” (Marcos 8:34-9:1)


At ito ang tatlong hinihingi ni Kristo sa bawat alagad Niya.


“Una, ang pagkalimot sa sarili at ang pagbuhat ng sarili niyang krus.


Pangalawa, ang pagalay ng sarili para sa pamamahayag ng mabuting balita.


Pangatlo, ang pagkilala sa kaharian ng Diyos na ibang-iba sa kaharian ng tao sa mundo.”


Mayroon pa bang mambabatas sa Kongreso hanggang sa Senado na marunong sa tunay na paglilingkod? Kamakailan, mayroong gumawa ng panukala sa Kongreso na nagbibigay ng karagdagang pondo ang mga retiradong president. Maaaring gamitin ang pondo upang dagdagan ang bilang ng mga personal bodyguards kahit mayroon nang mga bodyguards ang mga dating presidente. Gayundin, mayroon na silang kung anu-anong mga pribilehiyo at hindi sila mahihirap.


Sa totoo lang, hindi maitatago sa mga tao ang kanilang kayamanan. Sana, agad nang tumanggi ang mga retiradong presidente at sabihing gamitin na lang ito ng higit na nangangailangan.


Noong nakaraang araw, naghain ng bagong panukalang-batas ang dating presidente na ngayon ay kongresistang Gloria Macapagal Arroyo. Inihain ni Arroyo kasama ang 18 kongresista ang House Bill 780. Sa panukalang-batas na ito, kinilala ng mga kongresista ang kahusayan ng nagdaang administrasyon.


Sabi nila, “Former President Rodrigo Roa Duterte’a presidency has ushered remarkable accomplishments brought about by his relentless campaign against illegal drugs, insurgency, separatism and terrorism, corruption in government and criminality, thus, making the life of every Filipino better, comfortable and peaceful.”


Dahil dito, kailangang protektahan ang dating pangulo laban sa isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC dahil sa crime against humanity o krimen laban sa sangkatauhan.


Hindi nakakagulat ang ginawa ng dating pangulo at kanyang mga kasamang kongresista.


Kailangang sila-sila ay magprotektahan, magkampihan at magtakipan. Napakaraming dapat nilang pag-aksayahan ng panahon higit pa sa pagsalag ng unti-unting nabubuong kaso ni dating Pangulong Duterte na binubuo ng ICC.


Samantalang, ang mga karaniwang mamamayan ay walang tunay na ayuda at proteksyon. At hindi ba, nasanay na rin ang mga kapatid nating mahihirap na hindi umasa? Hindi natin sila masisisi dahil sinanay sila ng mga pulitiko na tumanggap ng sari-saring ayuda sa anumang panahong mangailangan sa kanila.


Noong isang araw, nagsalita ang kalihim ng Department of Justice (DOJ). Sinabi nito, “They (ICC) are insulting us. We are improving our courts. We are building our capacity. We as a country we are doing what it takes to fix the system. Unless they want to take care of our Justice system and take over our country.”


Iniinsulto tayo ng ICC na gawin ang dapat at kayang gawin ng ating bansa. Napakatindi ng pananalita ng kalihim ng DOJ sa kanyang paggamit ng iniinsulto, ngunit ano ang pakiramdam ng mga pamilya ng libu-libong pinatay o namatay sa mga anti-drug police operations.


Nainsulto ba sila sa pananalita ng Kalihim ng DOJ? Ano ang pakiramdam ng mga namatayan sa madugong war on drugs? Mararamdaman ba nila ang pagmamahal at pagmamalasakit ng pamahalaan para sa kanila?


Nagmamahalan ba sila sa Kongreso at Senado? Higit sa lahat, mahal ba talaga nila ang mamamayan at ang mga pamilyang binawian ng mga maaasahang miyembro ng pamilya. Kung mahal nila ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs, tulungan nila at itigil na ang anumang salitang nakasasama ng loob.


Oo, nagmamahalan silang mga mambabatas, hindi ba, higit na kailangan nilang mahalin ang mga mamamayan?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 18, 2023


Isang linggo na lang, mabubuo na ng dating Senadora Leila De Lima ang anim na taon ng pagkakakulong sa Custodial Unit ng Kampo Crame. Nagsusunod-sunod na ang mga hearing sa Las Piñas Regional Trial Court kung saan inuulit ng mga tumestigo laban sa Senadora noong 2017 na hindi totoo ang kanilang mga akusasyon. Isang mahalagang testigo laban sa dating Senadora ay mula kay Rafael Ragos na nagsabing binigyan niya ng P5 milyon ang dating Senadora bilang kanyang parte sa kalakaran ng droga sa New Bilibid Prison, sa Muntinlupa. Wala nang maiharap na bagong ebidensya laban sa dating Senadora. Hirap na ring hawakan ng korte ang isang kaso na wala nang dahilan para imbestigahan at patunayan dahil wala nang ebidensya at sinumang maghaharap nito sa anumang korte para idiin, mahatulan ng may sala upang tuluy-tuloy na rin ang legal na pagpapakulong nito kung tunay nga itong may sala sa pagpapalaganap at pagbebenta ng droga.


Sa kabila ng kanyang pagiging inosente at patuloy na pagkakakulong, hindi nasiraan ng loob si De Lima. Kung tutuusin, labis na ang pinagdaanan ng inosenteng abogada na humawak na ng maraming mahahalaga at sensitibong mga posisyon sa pamahalaan mula Chair ng Commission on Human Rights, Secretary ng Department of Justice at Senadora ng Republika ng Pilipinas.


Nagkasakit na din siya sa piitan hanggang sa muntik na itong mapatay sa naganap na hostage taking sa Custodial Unit ng Kampo Crame. Tiniis nitong hindi masaksihan ang pagtatapos bilang abogado ng kanyang anak sa San Beda College, at hanggang ngayon ay tinitiis din niya ang pagkalayo sa kanyang mahal na ina, pamilya at mahal na bayang Iriga.


Ilang taon na ring hindi nakalahok si Leila sa taunaang prusisyon ng Biyernes Santo sa kanyang mahal na bayan ng Iriga. Nakita at damang-dama ko ang pananampalataya niya sa Panginoong Hesukristo at sa kanyang masigasig na paglahok sa buhay ng Simbahang Katoliko. Kahit minsan ay hindi ko narinig kay Leila ang paghina ng pananalig at pag-asa sa Diyos. Madalas pa nga nitong ibahagi kung paano niya lalong natututunang magtiwala, umasa at magmahal sa Panginoon sa gitna ng kanyang pagkakakulong at pagtitiis ng lahat sa buhay preso.


At ito ang sinasabi ng Ebanghelyo sa umagang ito:


“At tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, sinabi, ‘Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa Akin.


Sapagkat ang naghahangad na magliligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alang-alang sa Akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.’” (Marcos 8:34—9:1)


Hindi naging madali ang buhay ng dating Senadora. Namahayag, nagpasya, lumaban sa mali at tiwali, sa hindi makatarungan, hindi makatao at labag sa dangal at karapatan ng bawat tao. Hindi ito nagustuhan ng mga nakaraang presidente na hindi niya kinatigan sa kabila ng kapangyarihan ng mga ito. Tiyak kong nalalaman ng mabuting dating Senadora na pikon at benggador ang ilan sa mga nakaraang pangulo na nakatunggali niya, subalit, hindi siya tumiklop sa harap ng kanilang kapangyarihan. Gayundin, kahit nasa piitan ito, bilang Senadora ay hindi niya piniling manahimik para manatiling ligtas at malayo sa kontrobersiya. Magsasalita at magsusulat ito upang ipahayag ang kanyang paninindigan sa anumang pangyaryari. Madalas niyang sabihin ma hindi siya natatakot na ipaglaban ang totoo at tama at makakabuti sa kapakanan ng lahat. At dahil hindi siya natatakot, bukas-mata, isip, puso at diwa niyang tinanggap ang maaaring sukli o kapalit ng kanyang paninindigan.


Subalit niyayakap din namin ang laban ni Leila De Lima dahil laban din namin ang ipinaglalaban niya.


Ito ang dahilan kaya nagdiwang kami ng Misa Para sa Paglaya ni Leila, kahapon nang alas-10:00 ng umaga sa EDSA Shrine o Our Lady of EDSA Statue na hindi kalayuan sa People Power Monument. Maliban sa misa ,inilunsad din namin ang Signature Campaign to Free Leila de Lima na kakalap ng mga pirma ng mga sumusuporta sa kagyat na paglaya ng dating Senadora. Kakalapin ang mga pirma mula ika-17 ng Pebrero hanggang-ika 25 ng Pebrero 2023.


Free Leila de Lima now!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 15, 2023


Kaunti na ang nakakaalala sa nangyari noong ika-2 ng Agosto, 1968. Naalala ko pa ang mga yanig at ugong na nanggagaling sa ilalim ng lupa nang araw na ‘yun. Pakiramdam ko ay umuusog ang hinihigaan kong kama. Kasama ko sa aking kuwarto si Vincent, ang aking kapatid. Naalala ko pang sinabi ko sa kanya, “Vincent, nararamdaman mo ba?


Lumilindol yata.” “Oo nga, kuya, lumilindol,” sagot niya.


Mabuti na lang, yari sa kahoy ang aming bahay at walang nadisgrasya sa amin. Ngunit, kulang-kiulang sampung kilometro mula sa amin, gumuho ang Ruby Tower nang nagsimulang yumanig ang lupa nang alas-4:19 ng madaling-araw. Isang magnitude 7.3 na lindol na tinawag na Casiguran Earthquake ang naganap, 200 kilometro ang layo sa Maynila.

Ang lindol na ito ang dahilan ng pagkamatay ng mahigit 270 mamamayan na natabunan ng gumuhong Ruby Towers sa Doroteo Jose, Binondo, Manila, habang 268 ang natabunang buhay.


Nagtulungan ang 6,000 volunteers upang iligtas ang mga nasa ilalim ng gumuhong gusali. Dahil dito, nabuo ang National Committee on Disaster Operation, na pinagmulan ng kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.


Noong 1972, isinabatas ang Republic Act 6541 o An Act to Ordain and Institute a National Building Code of the Philippines upang tiyakin na sapat ang tibay at tatag ng disenyo ng anumang gusali upang hindi na basta-basta gumuho sa mga darating pang lindol.


Pagkaraan ng 55 taon, wala nang naganap na matinding lindol na bumuwis sa maraming buhay.


Subalit, nagdaan na rin ang ilang taon na halos linggo-linggo ay nagkakaroon ng mga earthquake drills sa buong Metro Manila dahil sa banta ng naturang ‘The Big One’.


Ano ang ‘The Big One’? Ito ang maaaring maganap na lindol na mayroong magnitude 7.2 mula sa West Valley Fault, na tumatakbo ng 100 kilometro sa anim na siyudad mula Taguig, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, Pasig, Makati at Marikina, na sakop din ang ilang bahagi ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan. Ayon sa pag-aaral, kapag nangyari ang Big One, hindi bababa sa 117,000 tahanan ang guguho at mawawalan ng bahay ang 1.2 milyon katao. Tinataya ring masisira ang ¼ ng mga gusaling pampubliko tulad ng mga ospital, paaralan, istasyon ng bumbero at pulis.


Natigil na ang mga earthquake drills. Nakatuon na tayong lahat sa mga pang-araw-araw na problema mula sa presyo ng sibuyas, itlog, gasolina at krudo, gayundin, sa pang-araw-araw na gastusin na halos hindi na makayanan ng napakadaming mamamayan.


Hindi na pinag-uusapan at pinaghahandaan ang Big One, subalit, kailangan nating makinig sa mga eksperto na nagsasabing, “Umasa sa pinakamaganda at paghandaan ang pinakapangit na pangyayari!” “Hope for the best and prepare for the worst!” Ito ang naging motto ng mahigit na 8,000 na rescue volunteers nang tamaan ang Taiwan ng magnitude 6.4 na lindol noong Pebrero 6, 2016. Mula 1901 hanggang 2000, tinamaan ang Taiwan ng 91 lindol, kung saan 48 sa mga ito ang kumitil ng mga buhay. Dahil dito, hindi na bago ang lindol sa Taiwan at natutunan na ng mga tao rito na paghandaan ang anumang sakunang maaring mangyari sa loob o labas ng naturang bansa.


Kayabinuo na rin ng Taiwan ang Cross-Border Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR).


Bakit natin tinitingnan muli ang usapin ng lindol sa labas at paligid ng Pilipinas? Una, dahil sa napakalaking trahedya ng 7.8 magnitude na lindol na naganap sa Antakya, Turkey na kumitil sa buhay ng libo-libong mamamayan. Pangalawa, dahil sa mahalagang tanong at usapin ng “Gaano tayo kahanda sa Big One na hindi pa nangyayari sa ating bansa?”


Napakaraming sakunang nangyayari sa ating bansa at madalas na lang tayong nagugulat at nagtatanong kung paano at bakit nangyari ‘yun? Bakit hindi tayo handa at hindi natin napigilang mangyari ‘yun? Madalas kong bigyang-pansin ang apat na P o 4Ps na humahagupit sa ating bansa at buong mundo. Anu-ano ang mga ito? Ang pandemya na dulot ng COVID-19, pulitika ng korupsyon, kasinungalingan, pandaraya at karahasan.


Ang panahon o climate change at global warming. Ang kapayapaan o peace na nanganganib dahil sa seryosong banta ng giyera.


Halos lahat ay bumalik na sa normal — trapik, pasyalan, gaming, pagdalo sa mga concert o performance ng mga paboritong banda at artista atbp. Parang walang nangyari at parang walang posibleng mangyari.


Subalit nagbago na talaga ang daigdig. Marupok na ang lahat at hindi na natin maaaring balewalain ang mga bantang nangyari at mangyayari. Magising na sana ang bawat isa bago pa mahuli ang lahat. Totoo at nakakamatay ang pandemya, pulitikang korup, panahong nagbabago at kapayapaang lubhang nanganganib.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page