top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 5, 2023



Hindi ko malilimutan ang mga taong 1996 hanggang 2003, pitong taon tayong naglingkod bilang Kura Paroko ng Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Sa napakaraming makukulay at matitinding kaganapan sa nabanggit na lugar, isa sa hinding-hindi ko malilimutan ay ang pitong naturang frat-related deaths o mga kamatayang kaugnay ang mga fraternity sa loob ng UP Diliman.


Kung pito ang namatay sa loob ng pitong taon, lumalabas na mayroong isang patay sa bawat taon.


Hindi ko malilimutan kung paano namin kinondena ang nakamamatay na karahasan ng mga frat mula ramble hanggang hazing. At dahil dito, taon-taong idinaos ng Inter-Fraternity Council ang Inter-Frat Truce o ceasefire sa harapan ng UP Chancellor. Paano ito idinadaos? Madalas nagkakaroon ng misa sa simbahan ng Banal na Sakripisyo na dadaluhan ng mga presidente ng lahat ng frat. Susundan naman ito ng isang seremonya ng pagsuko ng mga karaniwang armas na ginagamit ng mga frat sa kani-kanilang “hazing” ng mga neophytes o bagong nag-a-apply na miyembro o sa mga ginagamit sa rambol, away o sagupaan ng mga frat. Sa harap ng mga opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas, nasasaksihan ko ang paglabas at pagsuko ng mga tubo, bote, baseball bat, paddle atbp.


Totoong nakakapangilabot masaksihan ang pagsuko ng ganitong mga armas na pinagmumulan ng karahasan at kamatayan sa loob at labas ng bawat frat. At pagkatapos ay magkakaroon ng sumpaan ang lahat ng frat na ititigil na ang karahasang nakasisira at nakamamatay ng mga miyembro, gayundin ng kaayusan at kapayapaan sa loob ng UP Diliman. Maganda at solemn ang seremonya, ngunit hindi pa nakakalipas ang taon ay mayroon na namang mangyayari. Mauulit ang seremonya— ang misa, pagsuko ng mga armas, pangangakong ititigil ang karahasan at hindi na ito uulitin.


Malalim ang problema ng tradisyon at kultura ng karahasan ng maraming frat. Ibinubunga ng ganitong paggamit at pagpapairal ng karahasan para turuan ng katapatan at pagkakaisa ang mga kasapi ng frat. Malinaw na hindi maganda at hindi tamang panggalingan ng karahasan at pananakit ng mga frat, gayundin, mali ang pagtangkilik sa karahasan. Ngunit sa madalas na usapan namin ng mga frat, madalas talakayin ang negatibong epekto ng mga frat alumni. Kung malaking tao sa lipunan ang mga frat alumni at ito ang nagsusulong ng mga hazing, gayundin kung miyembro ng frat ang huradong humawak ng kaso ng fraternity, hindi malayong makompromiso ang kaso na hindi pabor sa biktima kundi sa nambiktima.


Nagkataon naman noong naka-front page sa karamihan ng mga pahayagan ang pagkamatay ni John Matthew Salilig, 24, nakiusap ang Alpha Phi Omega (APO), isang kilalang frat sa buong bansa na magmisa ako para sa kanila bilang pasasalamat para sa anibersaryo ng APO. Hindi malayong banggitin natin sa omeliya ang kaso ni Salilig.


Nagkataong ang ebanhelyo sa araw na ‘yun na mula sa Mateo 7:7-12 ay tungkol sa pagkatok at paghingi ng tulong sa Diyos:


“Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap at npagbubuksan ang kumakatok.”


Kumakatok tayo lagi sa puso ng Diyos at sa tamang panahon, sa paraang hindi natin inaasahan, sasagutin ng Diyos ang ating kahilingan. Ngunit, huwag din nating kalilimutan na kumakatok sa ating mga puso ang Diyos. Sa mga nagdaang taon, napakalinaw ng pagkatok ng Diyos sa ating mga puso. Matinding katok ang galing sa Diyos noong panahon ng pandemya. Ganundin noong panahon ng ‘tokhang’ o Extrajudicial Killings (EJK). Paano ba tayo tumugon sa pagkatok ng Diyos sa ating mga puso noong mga nabanggit na panahon ng matinding panganib? Maraming nagtago at umiwas nang husto at tila walang narinig na katok, at ‘ika nga, tila dedma ang naging tugon.


Isa na namang pagkatok mula sa Diyos ang nagaganap. Isa pang batang-batang lalaki ang namatay sa hazing. Kumakatok na naman ang Diyos, hindi lang sa puso ng mga miyembro ng iba’t ibang fraternity sa ating bansa kundi sa ating lahat.


Naririnig ba natin ang katok o nagbibingi-bingihan na naman ba ang marami sa atin?


 
 
  • BULGAR
  • Feb 27, 2023

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 27, 2023



“May pag-asa pa ba?”


Kaninong tanong ito, para sa mga hindi na nagtatanong dahil para sa kanila ay hindi na ito mahalaga? Sa mga naghihintay na iba ang magtanong para sa kanila? Sa mga ayaw na ng kumplikado at malungkot na buhay? Sa mga nasiraan ng loob dahil pakiramdam nila, sila ay niloko, dinaya at binastos? Sa mga nagsisimula nang maniwala na hindi rito ang sagot sa tanong kundi sa ibang bayan?


Hindi ko alam kung nasaan kayo ngayon sa ating kasalukuyang panahon. Madalas kong marinig mula sa mga grupo ng nakaupo at pakiramdam nila ay talagang sila ang nanalo ang mga katagang, “Tama na ang reklamo,” “Tama na ang pambabatikos,” “Talo na kayo at tanggapin n’yo ang pagkatalo,” “Ano pa ba ang pinaglalaban n’yo, hindi ba, mas magandang mag-move on na lang kayo?”


Sa kabilang banda, mayroon namang hindi nagbabago ang kanilang sigaw tulad ng, “Ang anak ay tulad ng kanyang tatay…Hitler, diktador, tuta ng kano!”


Mayroon din namang, “Wala nang makapagpapakilos sa atin kundi si Leni Robredo. Si Leni lang ang pag-asa natin, wala nang iba!”


Habang mula sa panig ng simbahan, mayroong nagsasabing, “Dasal lang ang pag-asa,” “Dasal lang ang ating sandata at Diyos lang ang makaliligtas sa atin at ang tanging magagawa natin ay magdasal sa Kanya.”


Kaya madalas ding idugtong ng ilan na hindi puwedeng pagsamahin ang pulitika sa pananampalataya. Kung ano ang sa gobyerno ay para sa gobyerno. Kung ano ang sa simbahan ay para sa simbahan. Naririnig natin ito sa Banal na Kasulatan, “Ibigay kay Cesar ang kay Cesar.


Ibigay sa Diyos ang sa Diyos.”


Dahil dito, medyo mahirap buuin ang nagkakaisang pananaw at pagtugon. Kung ano ang dami ng pananaw, siya ring dami ng tao, kaya kailangang magkaunawaan upang magtanggapan. Ngunit paano natin gagawin ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong ibalik ang nawalang kredibilidad ng nasirang administrasyon noong panahon ng EDSA Uno?


Malinaw na hindi madaling gawin ito dahil ang mga nakapuwesto ay may makinarya, pondo at teknolohiya. Malinaw na ang pananatili at pagtatanggol ng alaala ay nanganganib sa hayagang pagbaluktot at pagbura ng kasaysayan o tunay na nangyari na nasaksihan ng maraming Pilipino.


Maliban sa sistematiko at malawakang paninira, nar’yan din ang pagbura at pagbuo ng bagong kuwento at kasaysayan ng mga nakaupo. Ito ang tinatawag na “historical revisionism” o ang sistematikong pagbabago, pagbura, pagpapalit ng kuwento at kasaysayan.


“Hindi nangyari ang Martial Law!” “Hindi masamang tao si Pangulong Ferdinand Marcos!”


May mga naniniwala na isang bayani si Marcos Sr. at ang pruweba rito ay ang napakaraming medalya na tinanggap niya mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.


Mayaman ang mga Marcos at marami silang gintong nakatago. Kapag nailabas ang gintong ito at naipamahagi sa bawat mamamayan, uunlad ang ating bayan. Hindi bayani si Ninoy. Kailangan n’yong panoorin ang ‘Ninoy, Martyr o Murderer?’ Hindi raw siya katulad ni Marcos Sr. na hindi namatay para sa bayan at natuklasan nilang kabaligtaran ang katotohanan sa paulit-ulit na sinasabi niya tungkol sa kanyang ama.


Paano natin ipapamalas at ipapakita ang katotohanan, partikular ang katotohanan sa EDSA?


Kailangan nating magsikap na lumabas at makipag-usap sa lahat, lalo na ang mga susuporta sa laganap nang pagkakalat ng binabago, binaluktot na kuwento ng EDSA Uno o ang bagong kasaysayan ayon sa kasalukuyang administrasyon.


Kaya sa kabila ng maraming dismayadong mamamayan, itinuloy pa rin ng iba’t ibang grupo ang mga pagkilos sa ika-25 ng Pebrero. Dalawang lugar ang pinagdausan ng mga magkaugnay, ngunit magkaibang paggunita. Sa People Power Monument (PPM) sa Temple Drive (papuntang Mormon National Headquarters), naru’n ang mga grupong mayroong pananaw at mithiing pulitikal. Habang nasa EDSA Shrine naman ang mga grupong nananatiling malapit at kumikilos sa loob at labas ng kanilang pananalig sa Diyos.


Mayroon ding ikatlong puwersa noong ika-25 ng Pebrero. Ito ang hindi kasama sa pagdiriwang sa PPM, gayundin ang hindi sumama sa EDSA shrine at ito ang puwersa ng nakakaraming biktima ng sistematikong pagkalimot.


Sila ang kailangan nating paliwanagan na para sa kanila an gating hinihiling na ipaglaban ang buhay at mahalagang memorya ng EDSA.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 26, 2023



Taong 1976 nang marating ko sa kauna-unahang pagkakataon ang Tanay, Rizal. Isang taon ako sa Tanay, nagturo ako sa hayskul at kolehiyo sa San Ildefonso College na noon ay pinatatakbo ng mga RVM Sisters. Probinsyang-probinsya pa ang Tanay at pakiramdam ko ay ang layo nito sa kabihasnan kahit lampas lang ito nang 50 kilometro sa Metro Manila.


Gayunman, hindi ako nalungkot o nanghinayang dahil nasa probinsya ako. Ibang-iba ang lahat mula sa pagkain, klima at ang mga taong nakakasalamuha ko araw-araw. Du’n ko narinig sa kauna-unahang pagkakataon ang salitang ‘hane’. Kung mayroong nais bigyang-diin ang mga taga-Tanay, lumalabas ang salitang hindi mo maririnig saan ka man pumunta kundi sa Tanay.


“Nakatulog ka ba nang husto, hane?” “Masarap ang pagkain mo, hane?” “Maganda ang sayaw, kanta, at ang damit na suot ng asawa ng Mayor, hane?”


Ngunit, natuklasan ko rin na mayroong mga taong nakatira sa mga kabundukan ng Tanay na ibang-iba sa mga nakatira sa ibaba. Salamat sa mga estudyante ko na nakapagpatayo ng mga farm at bahay ang kanilang pamilya sa mga sitio sa kabundukan ng Tanay, narating ko na rin sa ang maraming magagandang tanawin sa mga bundok nito.


Narating ko ang Daraitan, Kuyambay, Kayabo, Santa Ines at napakarami pang mga sitio sa kabundukan ng Tanay. Sa kanuna-unahang pagkakataon, du’n ako nakakita ng mga lumilipad at dumadapong Kalaw, ilang sawang bitin pa ang nakita ko rin, bigla na lang susulpot ang mga matsing na magtatangkang mang-agaw ng pagkain, tubig na malinaw at hitik sa sari-saring isdang tabang. Magugulat ka na lang sa malalaking baton na tila hinagis ng mga higante kung saan-saan.


Ang hanging kay linis, kay tamis at kay lamig. Ito ang buhay sa bundok, ito ang buhay ng ating mga kapatid na Dumagat-Remontado na nagmamay-ari ng mga kabundukan ng Tanay.


At hindi lingid sa mga kapitalista at taong gobyerno ang likas na yamang nakalantad at nakatago sa mga bundok ng Tanay. Matagal nang pinag-iinitan ng mga taong korporasyon at taga-gobyerno ang kayamanan ng mga bundok ng Tanay. Mula noong araw, dito nila nakita at pinag-initan ang ginto ng tubig ng Tanay. Sumingaw na noon pa ang panukalang gumawa ng dam sa Laiban. Marahil kung walang tumutol, naging kongkretong istruktura na ang planong gawin ang Laiban Dam.


At dumating ang administrasyong Duterte at bilang umugong ang panukalang magtayo ng dam sa Daraitan na nakilalang Kaliwa Dam. Ano ang Kaliwa Dam at anu-ano’ng mga sitio na tinitirahan ng mga Dumagat-Remontado ang nanganganib na patagin at palubugin?


Mula sa liham kay Pangulong Bongbong Marcos ng iba’t ibang pamayanang Dumagat-Remontado, mababasa natin ang sumusunod:


“Kami po ang mga Katutubong Remontado na direktang apektado ng itatayong dambuhalang Kaliwa Dam. Kami po ang mga pamayanang ilulubog: Makid-ata, 43 pamilya; Daraitan, 1,261 pamilya ang iigahan; Yokyok, 52 pamilya, papataging lugar; Baykuran, 47 pamilya; na may kabuuang mahigit 6,000 populasyon at mahigit 1,400 pamilya.


Kasama namin ang iba pang mga pamayanang Dumagat-Remontado sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal na may-ari ng kabuuang 188,308 ektaryang lupaing ninuno na may dalawang Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT No. RO4-1208-097n (Nakar) at CADT No. R04-TAN-0709-130, Tanay na kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).”


Sayang at hindi ko nasamahan ang 260 Dumagat na nagsagawa ng alay-lakad mula Nakar hanggang Malacañang. Nadalaw ko lang ang ating mga kapatid na Dumagat-Remontado noong nakaraang Miyerkules ng tanghali sa Marikina Sports Stadium. At nang sumunod na araw, nakiisa ako ng pagdiriwang ng misa para sa mga Dumagat na nagsagawa ng alay-lakad, na pagkatapos ng misa at tutulak na ng tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), NCIP hanggang sa marating nila ang Malacañang at maipaabot ang kanilang liham sa pangulo.


Nang kinausap ko ang mga kapatid nating Dumagat sa Marikina Sports Stadium, kitang-kita ang hapo ng ating mga kapatid. Pinasalamatan ko silang lahat at pinaalala ko na taas-noong pasalamatan ang paggamit sa kanila ng Panginoon upang ipagtanggol ang kabundukan sa mga gahaman na korporasyon at ang kanilang mga protektor at kakuntyaba sa gobyerno.


Salamat din, Panginoon, sa pagkakataong makasabay ako sa lakad ng 260 Dumagat, tungo sa MWSS, Department of Environment and Natural Resources (DENR), NCIP at Malacañang.


Basbasan po Ninyo at pagpalain sila sa kanilang dakilang misyon na ipagtanggol ang Sierra Madre at ang kasalukuyang at parating pang mga kabataan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page