- BULGAR
- Mar 13, 2023
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 13, 2023
Mayroong dalawang mukha ang salitang ‘tradisyon’. Ang unang mukha nito ay maganda, marangal at makabuluhan. Ang pangalawang mukha naman ay pangit, hindi kagalang-galang at hindi maganda ang dating. Tingnan natin ang ilang magaganda, marangal at makabuluhang tradisyon.
Ang “mano po,” na dalawa ang tradisyon dito. Una, ang pagmamano sa kamay ng nakakatanda o kagalang-galang na taong may mataas at sensitibong tungkulin sa lipunan o anumang sektor nito.
Noong buhay pa si Jaime Cardinal Sin, likas na sa karamihan ng pari sa Arkidiyosesis ng Maynila ang magmano sa kanyang kamay. Bagama’t hindi sanay si Cardinal Sin na ino-opo ng mga pari, dahil wala silang salitang “opo” sa kanyang kinalakihang bayan sa New Washington, Aklan, malugod na tinatanggap niya ang aming pag-opo sa kanya.
Ang mga “Mahal na Araw,” na malapit na, kaya maraming uuwi sa probinsiya mula Miyerkules Santo pa lamang upang hindi mahuli sa mga iba’t ibang ritwal at tradisyon mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay. Matagal nang ginagalang at kinikilala ng pamahalaan ang tradisyong ito, kaya mayroong mahabang bakasyon mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Ngunit mayroon ding mga pangit na tradisyon, hindi kagalang-galang at masama ang epekto sa mamamayan at lipunan. Isa na rito ang “tongpats” o komisyon na ibinibigay at inaasahan ng mga taong nasa posisyon sa pamahalaan. Huwag na nating banggitin ang mga institusyong kilala sa pangungumisyon. Alam naman ng lahat kung gaano kasama ang sitwasyon, dahil sa halip na mapunta sa kapakanan ng mamamayan ay napupunta sa mga bulsa ng mga walang hiya at walang kabusugang mga komisyonero at komisyonera sa pamahalaan.
Ang isa pang pangit na tradisyon ay ang kinamumuhian, ngunit pinapalakpakan at pinakikinabangang mga ‘trapo’ o traditional politicians tuwing eleksyon at sa mga araw, buwan at taon pagkatapos ng eleksyon. Nasa mismong pangalan ng trapo ang tradisyon dahil sila ang mga traditional politicians sa lipunang Pilipino. Sila ang mga sumusunod at nagpapanatili sa pangit, hindi kagalang-galang at may masamang epekto na tradisyon ng pagsamba sa salapi at kapangyarihan ng pagkakaroon ng puwesto sa gobyerno.
Hindi lang sila isa kundi pami-pamilya at buong angkan na may hawak ng mga baryo, bayan, siyudad, lalawigan, Kongreso, Senado hanggang Malacañang.
Samantala, kamakailan ay isa pang pangit na tradisyon ang lumitaw sa isinagawang Senate investigation hinggil sa pagkamatay ng isang mag-aaral dahil sa hazing bilang pagtanggap sa mga bagong recruit na kasapi ng fraternity. At medyo nasamid na lang ako nang mabasa ko ang tanong ni Sen. “Bato” dela Rosa kina Tung Cheng Teng Jr. at Daniel Perry, na matataas na pinuno ng Tau Gamma Phi, ang frat na sinasalihan ni John Matthew Salilig, dahil aniya, “Why do you have to engage in hazing to join a fraternity? Is that necessary? It it really needed?”
Sagot naman ni Teng, ang Triskelion o pinakamataas na lider ng Tau Gamma Phi, “For me, maybe it’s not. But I was just following the tradition (of Tau Gamma Phi). I was afraid to comply because I might be subjected to DA (disciplinary action).”
At bakit ako nasamid? Alam din naman ng lahat kung ano’ng tradisyon ang umiiral sa Philippine National Police (PNP), kung saan nanggaling ang Senador na ganundin ang tradisyon na sinusunod sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Hindi natin malalaman kung ano ang eksaktong nangyayari, ngunit marami na tayong narinig mula sa mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay.
Noong Chief of Police ang Senador sa nakaraang administrasyon, gayundin nang siya ay may mataas na tungkulin sa Davao City noong alkalde pa lamang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi kaila sa marami ang mga naganap na ‘tokhang’ na bumuwis ng buhay ng marami. Hindi ba, isa ring maitim na tradisyon ito?
Ito ang malinaw na problema, may dalawang uri ng tradisyon— ang maganda, marangal at nagbibigay-buhay, at ang pangit, hindi marangal at pumapatay na tradisyon.
Nagsimula rin sa nakaraang administrasyon at nagpapatuloy hanggang ngayon ang tradisyon ng paggamit ng fake news sa pamamalakad ng pamahalaan. Napakalinaw kung bakit at kung paano pangit at nakamamatay ang ganitong tradisyon, na tulad ng hazing sa mga frats na dapat pinag-uusapan din sa Kongreso at Senado.
Pag-uusapan kaya ng Kongreso at Senado ang mga nakasasamang tradisyon? Saan pumapasok ang dalawang usapin ng Chacha-ConCon at Maharlika, maganda ba at kagalang-galang?
Kumikilala ba sa dangal at karapatan ng lahat at nagbibigay-buhay ang mga ito?
Ano kaya ang sasabihin ng mga karaniwang mamamayan na hindi nakikinabang at hindi pinakikinggan sa ganitong mga tradisyon?




