top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 27, 2023



Isa tayong arkipelago o kapuluan ng mga isla mula pinakamalaki hanggang pinakamaliliit Pitong libo at isandaang mga pulo o isla ang bumubuo sa ating bayan.


Saan ka man pumunta, hindi kalayuan ang tubig, tabang man o alat dahil tunay na napaliligiran tayo ng tubig. At ito ang hindi makakailang katangiang Pinoy, ang ating malapit sa tubig at pagiging likas na maka-tubig.


Maaalala pa natin ang Bapor Tabo sa nobelang El Filibusterismo ni Rizal. Sa kahoy na bapor o malaking bangka, nagtipon ang dalawang uri ng mga Pinoy. Sa itaas ng bapor matatagpuan ang mayayaman at may pinag-aralan o alta sociedad, habang sa ibaba naman ng bapor nagsisiksikan ang mga karaniwang tao, hayop at kargada.


Habang inilalarawan ni Rizal ang kaibahan ng kultura ng mayaman at mahirap, ito ay nagaganap sa bapor na marahang naglalakbay sa lawa ng Laguna patungo at pabalik ng Maynila. Habang ipinakikita ni Rizal kung paano nahahati ang dalawang klase ng tao dahil sa korupsyon at kulturang pumapanig sa mga nasa itaas at hindi sa mga nasa ibaba, naru’n ang bapor at ang tubig ng lawa ng Laguna de Bai.


Tiyak na malinis pa ang tubig ng Laguna de Bai nang panahon ng kabataan ni Rizal. Isang malayong panaginip na lang ito ngayong malala na ang pagkalat ng sari-saring polusyon at basura, hindi lang sa Laguna de Bai kundi saanmang may tubig, alat man o tabang.


Konektado sa lawa ng Laguna de Bai ang ilog Pasig na konektado naman sa Manila Bay.


Itim ang tubig sa Ilog Pasig dahil sa sari-saring polusyon na humalo na sa tubig ng ilog.


Una sa lahat, itim ito dahil sa langis na kumalat mula sa mga sari-saring sasakyang pandagat na bumabiyahe sa naturang ilog. Gayundin, dahil sa mga itinatapon na maruming tubig at kemikal mula sa mga pagawaan o industrial liquid waste. Itim ito dahil sa napakadaming pusali na isinusuka ang dumi at ihi ng tao mula sa hindi mabilang na palikuran ng mga bahay sa tabi ng Ilog Pasig.


Bumabalik na naman tayo sa usaping tubig dahil sa sakunang naganap noong isang buwan sa Mindoro. Dahil sa tumapong 800,000 litro ng langis mula sa MT Princess Empress sa karagatan ng Mindoro, nangingitim na rin ang dating malinis at malusog na tubig mula sa Mindoro hanggang sa Batangas at Palawan. Makikita rin ang buong mga bayan, baryo at lahat ng sangay ng pamahalaan, samahang sibiko at relihiyoso, business sector, mayayaman at mahihirap na nagtutulungang linisin at alisin ang langis na kumalat sa ibabaw at ilalim ng karagatan, na nagdadala ng malaking perhuwisyo sa kabuhayan, kalusugan at kapaligiran.


Nakakalungkot tingnan ang mga larawan at video ng mga pampang na maitim dahil sa langis. Nakatutuwa rin namang tingnan ang libu-libong mamamayang nagtutulungang linisin ang slick o langis na lumulutang-lutang sa ibabaw at dumidikit sa ilalim ng dagat.


Ang larawang ito ay muling nagpapaalala at nagpapakita ng ating malalim na kaugnayan sa tubig at malalim na pagkakaugnay sa isa’t isa. Ganito ang mga Pinoy, ang lahing galing sa tubig, ang lahing maka-tubig.


Ito marahil ang malalim na kahalagahan at hamon ng pagtagas at pagkalat ng langis mula sa MT Princess Empress na lumubog sa mga tubig ng Mindoro. Hindi pa nagtatagal ang krisis at iskandalo ng artipisyal na pagkawala at labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas, muling naramdaman ang kahalagahan ng sektor ng magsasaka na unang nagdusa sa pagtaas ng presyo ng sibuyas. Ganundin ang problema ng pagtaas ng presyo ng asukal na kasalukuyan ding iniimbestigahan sa Senado.


Nagsunud-sunod ang maraming isyung nakaapekto sa mga karaniwang mamamayan.


Malinaw ang sinasabi ng mga isyung ito sa mga tanim ng sibuyas at asukal sa lupa, langis na kumakalat sa tubig karagatan mula Mindoro hanggang Batangas at Palawan.


Lupa at tubig. Literal na lumalangoy sa karagatan ang diwa at espiritu ng mga Pinoy.


Literal ding inaararo ng mga kamay at bisig ang lupa at dito lumalabas ang pagiging malikhain ng maraming mamamayan.


Tuluy-tuloy ang mga imbestigasyon sa Senado. Nagsunud-sunod ang imbestigasyon mula sibuyas, hazing, hanggang sa pagtagas ng langis na sumisira sa malawak na tubig at lupa ng ating mga karagatan.


Malinaw kung sinu-sino ang maaaring sisihin, ngunit hindi na nag-aaksaya ng laway ang nakararami. Dumarami na ang sama-samang kumikilos upang ituwid ang mali at unti -unting pagbuklurin at pag-isahin ang dating kani-kanya.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 25, 2023



Pabalik-balik ang isyu ng International Criminal Court (ICC). Paulit-ulit na ring naririnig ang mga paliwanag at pagtatanggol ng mga opisyal sa kaso ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang dating hepe ng kapulisan na si Ex-PNP Chief at Sen. ‘Bato’ dela Rosa.


Ayon sa mga opisyal ng pamahalaan, bakit makikialam ang ICC kung wala naman silang dahilan gayung wala namang problema ang ating justice dahil ito ay maayos at mahusay ang takbo? Hindi natin kailangan ang panlabas na imbestigasyon sa kahit na sino sa ating bansa dahil kayang-kaya na ito ng ating mga korte. Ito ang kilalang prinsipyo ng “complementarity” na sinusunod ng ICC, at siyempre, paulit-ulit na rin nilang ginagamit ang argumento ng pag-alis ng pamahalaan bilang kasapi ng ICC noong ika-17 ng Marso 2018.


Subalit, dahil ayon sa patakaran ng ICC, ang epekto ng pag-alis ng isang bansa bilang miyembro nito ay magiging epektibo lamang, isang taon makaraan sa petsa ng pag-alis.


Kaya noong ika-17 lang ng Marso 2019 naging epektibo ang pag-alis ng ating pamahalaan sa ICC. Nangangahulugan ito na lahat ng naisamang mga reklamo laban sa mga diumanong “crimes against humanity” mula 2016 hanggang 2019 ay bahagi na ng pangkalahatang reklamo laban sa mga inaakusahan ng paglabag sa mga batas ng ICC.


At habang unti-unting natatabunan ng ibang mga balita ang kaso ng dating pangulo at PNP chief, bigla namang lumitaw ang utos ng ICC na arestuhin ang Pangulo ng Russia na si Vladimir Putin dahil sa mga kaso nito ng paglabag sa ICC. At siyempre, minaliit din ng Russia ang utos na galing sa ICC at nagpalabas pa ng banta na handa itong gumamit ng puwersang military upang ipagtanggol ang kanilang pangulo.


Alam ng lahat na hindi ganu’n kadaling isagawa ang imbestigasyon, lalo na ang pag-aresto sa sinumang mataas na opisyal ng anumang bansa. Sa mahigit dalawang dekada na ginagawa ng ICC ang trabaho nito, mahigit 40 ang nahainan ng kaso, kung saan karamihan sa mga ito ay opisyal sa iba’t ibang bansa sa Africa. Labing pito (17) na ang nakulong sa piitan ng ICC sa Hague, habang 10 na ang nahatulang may sala at apat ang napawalang-sala.


Sa Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes, ipinaliwanag ng Panginoong HesuKristo kung saan nanggagaling ang mga patunay sa kanya. Una, binanggit Niya ang patotoo ni Juan Bautista. Pangalawa, ang mga pinagawa sa Kanya ng Ama at pangatlo, ang mismong patunay ng Kanyang Ama (Juan 5:31-47).


Ang malaking balakid sa pagtanggap kay Kristo bilang tagapagligtas ay ang pagtakwil mismo ng mga tao sa anumang galing sa Kanyang Ama, na sa kabila ng mga pinasasabi at pinagagawa ng Ama sa Kanya para sila ay maniwala, patuloy nilang hindi pinakikinggan o pinaniniwalaan ang mga ito. Bakit? dahil papuri lang ng isa’t isa ang hangad ng tao at hindi ang papering galing sa Ama.


Sa omeliyang ibinahagi ko sa misa noong Huwebes, ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng patunay o pagsaksi. Magkakaroon lang ng bisa ang patunay kung ang nagpapatunay ay buo at totoo. Ang taong buo ay iisa ang salita at gawa, kung ano ang sinasabi ay kanyang ginagawa. Ang taong totoo naman ay walang anumang pagpapanggap at pagsisinungaling. Ang sinumang nais magpatunay ay nangangailangan, sa salitang Ingles, ‘integrity’ at ‘credibility’. Ang taong may integridad ay hindi na kailangang magsalita dahil kitang-kita ang kanyang tuwid at marangal na pagkatao sa kanyang ginagawa. Kung siya ay magsasalita man, nakita na ng marami ang kanyang sinasabi.


Kung siya naman ay magsasalita o mamamahayag, madali o lagi siyang pinakikinggan dahil hinding-hindi siya magsisinungaling, mambobola, magpapahanga kundi ang pawang katotohanan lang ang kanyang ipapahayag.


Ano ang epekto ng kasong inihain kaninuman ng ICC? Malaki ang mawawala sa kredibilidad at integridad ng mga may kaso rito. Maaaring sabihin ng mga opisyal ng pamahalaan ang anumang gusto nilang sabihin, ngunit napakalaking lamat at dungis ang nagbabantang dumikit o nakadikit na parang malaking mantsa o dungis sa reputasyon ng naturang opisyal.


Hindi lahat ay nakakasuhan ng ICC, ngunit ang sinumang makasuhan nito ay tiyak na makikilala at magiging mahalagang paalala— sino ka man, anuman ang iyong posisyon o kapangyarihan at kayamanan — kung ikaw ay kinasuhan, napakalaking hamon sa mga kinauukulan na patunayan na ikaw ay hindi nagkasala at hindi dapat magbayad sa iyong malulupit na ginawa laban sa iyong mga sariling kababayan.


Mayroon kayang kaba sa likod ng matatapang na banta at sari-saring legal na paliwanag ng mga opisyal na minamaliit ang ICC? Kung walang kaba, bakit kay daming dahilan upang tutulan at kutyain ang ICC?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 19, 2023



Noong Miyerkules, ika-17 ng Marso, 2023 sa Notre Dame de M’lang, North Cotabato, pagkatapos ng pag-awit ng Lupang Hinirang, panunumpa sa watawat at pagro-rosaryo ng 707 estudyante, itinanim namin ang kauna-unahang Pilgrim-Mission Cross sa Mindanao.


Simbolo ang Pilgrim-Mission Cross ng hamon, pananagutan at sakripisyong hinihingi ng pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano-Katoliko na sinimulan ng mga unang misyonero mula noong ika-16 ng Marso, 1521 hanggang kasalukuyan. Nakinig, nagdasal, nakiisa, at sama-samang nangarap ang lahat mula sa mga bulilit sa Kinder hanggang sa kanilang mga ate at kuya sa Grade 12, mga guro, madre at mga magulang.


Damang-dama ang kabanalan at kadakilaan ng hamon ng Pilgrim-Mission Cross of the next 500 years (2021-2521).


Pagkatapos ng pagtatanim ng Pilgrim-Mission Cross sa Notre Dame de M’lang, North Cotabato, tumungo naman tayo sa bahay at tanggapan ni Bishop Colin Bagaforo, Obispo ng Diocese ng Kidapawan. Dadalaw sana ako kay Bishop Colin, subalit nasa isang retreat house ito kasama ng mga pari para sa kanilang taunang “Lenten Recollection.”


Hindi sayang ang dalaw ko, palagi akong nagtutungo sa libingan ng kilalang martir ng panahon ng diktador at may-akda ng Batas Militar noong dekada ‘60 hanggang ‘80. Tuwing nasa Kidapawan ako, hindi maaaring hindi dumalaw sa puntod ng paring martir na si Padre Tullio Favali (PIME).


At habang tahimik tayong nag-aalay ng panalangin sa puntod ng naturang pari, lumapit sa amin si Padre Peter Geremia at sinariwa sa amin ang mga nangyari noong Abril 1985.


Ika-11 ng Abril, 1985, dumating ang magkakapatid na Norberto, Elpidio at Edilberto Manero sa Km 125 sa Bgy. Esperanza, Tulunan, Hilagang Cotabato. Hanap-hanap ng mga ito si Padre Peter Geremia, isang paring Italyano na masugid na sumusuporta sa mga Lumad sa pagtatanggol ng mga ito sa kanilang ancestral land laban sa lahat ng uri ng panghihimasok mula sa mga land grabbers hanggang sa mga magmimina, loggers, at iba’t ibang nagbubungkal at naghahakot ng sari-saring pagkakaperahang yamang lupa.


Balak nilang patayin si Padre Geremia at ayon din sa kanilang plano, sakaling hindi mapatay ang naturang pari, papatay din sila ng ibang paring banyaga bilang kapalit nito.


Ngunit, wala sa Tulunan si Padre Peter. Nang araw na ito, habang dumadalaw sa isang pamilya sa Bgy. Esperanza si Padre Tulio Favali, sinunog ng mga magkakapatid na Manero ang motorsiklo nito at pinagbabaril nang 23 beses, at pinagsisipa sa ulo sabay iwinasiwas ang sabog na utak nito bago ito pagpistahan. Totoo man ito o hindi, ito ang kumalat na istorya ng mga nakasaksi sa malagim na pagpatay kay Padre Tulio Favali.


Nahuli at nakulong si Norberto Manero na kilalang ‘Kumander Bukay’ ng grupong Ilaga, isang grupong vigilante na sinusuportahan ng militar nang panahong ‘yun para tugisin ang mga NPA.


Dalawampu’t tatlong taon nakulong si Norberto Manero, binigyan ito ni dating Pangulong Fidel Ramos ng presidential clemency, ngunit panahon na ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA), noong ika-25 ng Enero 2008 nang matupad ang pagpapalayang handog ni Pangulong Ramos. Hindi ito tinutulan ng simbahang Katoliko at ayon kay Padre Peter Geremia, isa sa mga unang ginawa ni Manero ay ang humingi ng tawad sa simbahan para sa kanyang nagawang krimen laban kay Padre Tulio Favali. “Patay na si Kumander Bukay. Tawagin n’yo na lang akong Nonoy,” ang binitiwang salita ni Manero, ayon kay Padre Geremia na saksi sa mga pangyayari.


Hindi tinutulan ng simbahang Katoliko ang pagbibigay ng presidential clemency kay Manero.


Matagal na rin ang 23 taong pagkakakulong dahil malinaw ang epekto nito kay Manero.


Bago kami naghiwalay ni Padre Geremia, nangako ako na palagi ko siyang ipagdarasal para ipagpatuloy ang kanyang pagtaguyod sa mga karapatan at kapakanan ng mga Lumad. Humingi rin ako ng panalangin sa paring itinuturing kong buhay na martir dahil sa kanyang walang sawang pagsaksi sa pagmamahal ng Diyos para sa mga napapabayaan at madalas apihing katutubo ng Mindanao, ang kanyang mahal na mga Lumad.


Salamat Padre Tulio at Fausto, at maraming-maraming salamat din, Padre Peter Geremia!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page