top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 17, 2023


Noong nakaraang Agosto 2022, ginunita ni Papa Francisco ang simula at katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Nagsimula ang WWII noong ika-1 ng Setyembre, 1939 at tumagal ito hanggang ika-2 ng Setyembre, 1945.


Ang dapat ibunga ng alaala ng WWII ay ang masigasig na pagtataguyod ng kapayapaan sa sarili, pamilya at panlipunan at pandaigdigang buhay. Madaling isipin ang pakikipagtunggali at pagwawagi sa kalaban, ngunit hindi kaya ganundin kadaling isipin at isagawa ang pakikipagkasundo at sama-samang pagtaguyod sa kapayapaan?


Sa gitna ng napakaraming isyu na hinaharap ng ating bansa, napapanahong tumigil tayo at tingnan ang isang napakaselan at napakahalagang usapin na hindi eksklusibo o namumukod-tangi sa ating bansa.


Mula nang lusubin ng Russia ang Ukraine noong ika-24 ng Pebrero, napansin na rin ng mundo ang tumitinding panghihimasok at pagbabanta ng Tsina sa iba’t ibang mga bansa tulad ng Taiwan at Pilipinas. Mapapansin na rin natin ang unti-unting pagpapakita ng suporta mula sa ibang bansa para protektahan ang mga bansang naaapektuhan na ng agresibong pagkilos ng Tsina sa himpapawid, karagatan at lupa.


Sa mga nakaraang araw ng linggong ito at sa mga nagdaang buwan, mayroong balita tungkol sa pagsasanib-puwersa ng ating bansa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement.


Nagsimula na ang maraming mga nagkakaisang ‘war drills’ ng mga sundalo sa nabanggit na dalawang bansa. Kasalukuyang nasa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang mga sundalong pinoy ng Philippine Army at Marines upang tumanggap ng pagsasanay sa mga sundalong Amerikano. Makikita sa harapan ng isang pahayagan ang pagpapakawala ng Javelin anti-tank weapon, o isang fire and forget missile system na gagamitin sa kauna-unahang pagkakataon ng mga sundalong Pinoy.


Nagmumukhang simple at inosenteng pagsasanay ang ginagawa ng mga sundalo ng dalawang bansa. Parang laro lang naman ang lahat ng ito, kaya ang ganitong mga pagsasanay ay tinatawag na ‘war games’.


Isang laro ba ang giyera, ito ba’y tulad ng anumang sikat na computer games na nilalaro ng mga kabataan ngayon? Kung mapapanood lang natin ang mga kinagigiliwang computer games na nilalaro ng mga kabataan ngayon, tiyak na masisindak tayo sa karahasan, dugo, walang tigil na patayan at gantihan ng mga magkatunggaling panig, at magugulat na lang tayo kung gaano tumatagal ang mga manlalaro nito.


Nakikilala ang mga larong ito bilang “Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) games.


Sinilip ko sa computer ang ilan sa mga pinaka-popular na MOBA at ilan sa mga ito ang Mobile Legends: Bang Bang, Ragnarok, Roblox at MIR4. Hindi na natin sinama ang napakarami pang ibang MOBA. Ito ay tanda ng lumalaganap na “digital war gaming” o larong giyera sa computer ng ating mga kabataan.


Dahil sa kasikatan ng MOBA, tila naging ordinaryong laro na lang ang giyera. At kung makikita natin ang mga larawan, video, artikulo o anumang balita tungkol sa kasaluyang balikatan o larong giyera ng mga sundalong Pinoy at Amerikano, tila hindi ganong ka-seryoso ang dating nito dahil sa laganap na pagtrato ng giyera bilang ordinaryong laro.


Ngunit hindi laro ang giyera at kapayapaan. Nang hanapin ko sa internet ang salitang ‘peace games’, lumabas ang SENSE o Strategic Economic Needs and Security Exercise, ito ay isang programang nilalahukan ng mga kawani ng gobyerno, non-governmental organization (NGO) at iba pa sa Estados Unidos upang maranasan ang bisa ng ‘pragmatic decision making’ o praktikal na pagpapasaya sa pagpapalaganap ng kapayapaan.


Hindi na natin hihimayin ang naturang 3-day peace game o ang tatlong araw na larong kapayapaan, sapat nang sabihin dito na mayroon naman palang ibang mapaglalaanan ng talino, oras, pera at lakas maliban sa giyera.


Kung mayroong mga Army, Marines, Navy, Airforce, mayroon ding mga Peace Institutes.


Personal kong nakilala ang ilang mga indibidwal at institusyong nagtutulak ng kapayapaan sa Pilipinas tulad ng Miriam Peace Institute at SILSILA. Noong mga taong naglilingkod tayo sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman, naroon ang Movement for Muslim Christian Dialogue na binubuo ng tatlong pamayanan— Katoliko, Protestante, at Muslim.


Habang lumalawig at lumalalim ang EDCA sa ating bansa, hindi ba’t napapanahon na ring kumilos ang mga tunay na naniniwala at nagmamahal sa kapayapaan upang pakilusin ang lahat, hindi lang upang labanan ang giyera, kundi higit sa lahat ay upang itaguyod, palaganapin at pagtagumpayin ang kapayapaan?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 15, 2023



Bandang hapon ng Miyerkules, ika-12 ng Abril, 2023 nang nagsimulang umambon.


Kakaiba ang hapong ‘yun, halos wala akong maalalang ambon o ulan na naganap sa buong Abril na kalagitnaan ng tag-init.


Madaling araw ng Huwebes, nagising na lang ako ng tigatik sa bubong ng kumbento.


Aba, umuulan, kay sarap sa pakiramdam. Maginhawa at puwedeng patayin ang electric fan. Nang araw na ‘yun, pabugso-bugso ang hangin at ulan na bumalot sa buong Kamaynilaan. Walang pasok sa Bicol Region, Calabarzon at Central Luzon.


Miyerkoles ng Muling Pagkabuhay nang nabuo ang naturang low pressure area (LPA) sa Camarines Norte at Sur at unti-unting gumapang sa mga lalawigan ng Quezon, Laguna at Rizal hanggang umabot ng Metro Manila. Makabuluhan at masaya ang nakaraang mga Mahal na Araw, ito ang kauna-unahang ligtas, walang anumang banta at pagbabawal na may kinalaman sa nakasanayan nating COVID-19 protocol.


Nakakatuwa at nakakabusog ng puso na tanggapin ang walang tigil na daloy ng mga taong nagbi-Visita Iglesia noong Huwebes Santo. Hindi lang namasyal, bagkus, tunay na nanalangin at nagpasalamat sa Diyos ang marami dahil sa unti-unting pagbalik ng lahat sa ligtas at normal na pamumuhay.


Ulan na walang masyadong hangin ang dumalaw sa bahagi ng Metro Manila. Kakaibang maglakad nang nakapayong noong Miyerkules ng hapon at buong araw ng Huwebes, subalit, iisa lang ang maririnig mo nang dumating si Amang, “Salamat po, Panginoon.


Maraming-maraming salamat po sa ulan.”


Hindi naman naging matinding bagyo si Amang, ngunit nagdala ito ng masaganang ulan na kailangang-kailangan ng natutuyot na mga halaman at puno. Gayundin, kailangan ang tubig-ulan ng mga baka, kambing at sari-saring hayop na binubuhay ng tubig. Oo, salamat po, Panginoon sa ulan.


Medyo hindi normal ang ulan sa buwan ng Abril, kaya tiyak na hindi pa ito ang simula ng tag-ulan at tiyak na babalik agad ang tindi ng init. Sa maraming lugar, makikita ang epekto ng labis na init na patuloy na tumitindi sa paglipas ng panahon. Ito na ang malinaw na epekto ng ‘Global Warming,’ o pag-init ng panahon na siyang bumabago na rin sa takbo ng panahon o nagdudulot ng ‘Climate Change.’


Sa nagdaang mga araw, mababasa at mapapanood ang pagkilos ng mga barko, eroplano, tangke de giyera sa dagat, hangin at lupa ng malalaking bansa.


Nakakabahalang tingnan at isipin ang posibilidad ng giyera rito sa ating parte ng Asya.


Tuluy-tuloy na ang giyera sa Ukraine at anumang panawagan sa mga pinuno ng Russia ay tila mga salitang bumabagsak sa mga saradong tainga.


Ngunit, sa totoo lang, matagal na ang kakaibang giyera na sinimulan ng malalaking bansa. Umiinit ang kapaligiran at nagbabago ang panahon dahil sa walang habas na pagsusunog ng krudo at coal para sa industriya ng malalaking bansang nag-uunahang gamitin at ubusin ang nanganganib nang likas yaman ng kaisa-isa nating tahanan. ‘Our Common Home’ ang tawag sa mundo na iisa nating tahanan, sa kalikasan ng mahal na Papa Francisco sa kanyang lihaw pastoral na kilala sa pangalang Laudato Si. Ito ang giyera ng pag-uunahan sa pagyaman, paglago ng pera at kapangyarihan.


Matagal na ang giyera ng kapangyarihan, gayundin ang laban sa kalikasan, at damang-dama na ang epekto ng dalawang giyerang ito sa buong mundo. Nababawasan na ang maaaring ibahaging likas yaman para pakainin at buhayin ang lahat sa mundong ito, gayundin ang tubig na hindi malayong pag-awayan din, pagkatapos pag-giyerahan ang krudo o enerhiyang nagpapatakbo sa industriya.


Salamat po, Panginoon sa ulan. Salamat po kay ‘Amang’. Nakakatuwa na ang pangalan ng unang bagyo sa taong ito ay ‘Amang’. Maaari na rin nating isipin na galing ito sa ating Diyos Amang nasa langit, na nagpadala ng Kanyang kaisa-isang anak na Hesukristo upang tayo ay tubusin.


Salamat, Amang sa ulan. Salamat o, Diyos Ama sa paalalang alagaan namin ang nanganganib nang kalikasan at kapayapaan sa mahal naming kalikasan at daigdig.




 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 3, 2023



Damang-dama na ang init ng hubad na araw. Kung mayroong awit tungkol sa “Liwanag ng Puting Buwan,” kailangang mayroong magsulat ng awit tungkol sa matinding init mula sa “Hubad na Araw.”


Kung ayaw pa ring pag-usapan ng pamahalaan ang mga malubhang epekto ng global warming na bunga ng climate change, ito na marahil ang magtutulak sa kanila na pag-usapan at gawan ng paraan upang mapigilan ang paglala ng pag-init ng mundo.


Nang lumuhod noong Biyernes ng umaga ang maliit na grupo ng mga nagbabantay at naniningil sa Comelec, nagpaalala ang lahat na mag-ingat sa matinding init na tiyak mararanasan ng lahat habang lumalapit ang tanghaling tapat. Ngunit, hindi natinag ang grupo na gawin ang hinihingi na panalangin at sakripisyo sa harapan ng Comelec.


Oo, mainit at patindi nang patindi ito, ngunit ganundin katindi at higit pa ang aming mga panalangin para tuluy-tuloy nang magising ang taumbayan sa iskandalo ng katiwaliang naganap noong nakaraang pambansang halalan.


Mainit na mainit ang panahon ngayon, ngunit hindi ganu’n ang damdamin at pananaw ng marami tungkol sa mga nangyayari sa ating bansa. Sunud-sunod na ang mga pangyayari sa mga nakaraang buwan na dapat magpaigting ng init ng damdamin, at magbukas sa kaisipan at kamalayan ng marami.

Nar’yan ang pagkakasangkot sa droga ng anak ni Department of Justice (DOJ) Sec. Boying Remulla. Hindi ito nahatulan at nakulong, madali itong nakalaya, hindi katulad ng libu-libong may kasong droga na nabubulok sa kulungan.

Kakalipas lang ng iskandalo ng biglang pagtaas ng presyo at kawalan ng sibuyas, na malinaw na bunga ng pagtatago at pag iimbak ng mga kartel.

Kakatapos lang ng isyu ng phaseout ng traditional jeepney na tinututulan ng maraming samahan ng mga operator at drayber ng dyip.

Nar’yan din ang pag-iwas ng pamahalaan sa kaso ng International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulo at kanyang batang naging senador.

Huwag nating babalewalain ang itinutulak na Charter Change o Chacha ng mga artistang pulitiko tulad nina Richard Gomez sa Kongreso at Robin Padilla sa Senado at ng kanilang mga kasamang bahagi ng political dynasties sa ating bansa.

Sa mas seryosong pandaigdigang antas, naru’n ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Estados Unidos at ating Republika para ipakita ang alyansang pantapat sa paglawak at pagsaklaw ng pamahalaang Tsina sa ating soberanya sa West Philippine Sea.


Kamakailan ay ang kaso ng pagpatay kay Gov. Roel Degamo ng Negros Oriental at ang patuloy na pagtatago ng pinaghihinalaang mastermind nito.

Nagmistulang maliit at pipitsuging isyu ang katiwaliang naganap noong nakaraang pambansang halalan sa magic ng hindi kapani-paniwalang pagpasok ng 20 milyong boto sa unang oras ng bilangan, samantalang kasisimula pa lamang ng pagsasara ng mga presinto at paghahandang kailangang isagawa bago makapagpadala ng mga boto mula mga Vote Counting Machines (VCM) patungo sa transparency server.


Marahil, sasabihin ng iba, “Bakit nag-iingay pa kayo, samantalang sampung buwan nang tapos ang pambansang halalan?”


Opo, sampung buwan na, ngunit noon pang Nobyembre 2022, nakiusap sina Eli Rio, Gus Lagman at Franklin Ysaac na ilabas ng Comelec ang transmission logs ng mga boto mula sa mga VCM. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin maipakita ang hinihingi ng tatlong magigiting na kababayan natin.

Hindi maipakita o ayaw ipakita? Mayroong ipinakita noong mga nakaaraang araw, ngunit hindi ito transmission log kundi reception log na walang pinagkaiba sa inilabas sa loob ng unang oras ng halalan. Walang ipinakikitang datos mula sa mga VCM na nagpadala mula sa mahigit 170,000 presinto noong nakaraang halalan.


Kaya hindi namin mapigilan ang aming sarili na isigaw sa harapan ng Comelec,“Ano’ng amoy ng Comelec?” Anumang pagtatago at pagtatakip ay mabubulgar at maaamoy din.


Malapit na ang mga Mahal na Araw, kailangang magtika at humingi ng tawad ang lahat.


Maliit o malaki man ay dapat lumuhod, humingi ng tawad at magbayad ng puri para luminis, hindi lang ang katawan, isip, budhi at kaluluwa kundi ang buong bansa.

Hindi lang Comelec ang hindi kaaya-aya ang amoy, hindi ito ang kailangang humingi ng tawad at magbalik-loob sa Diyos. Bagkus, lahat tayo ay kailangang manalangin, humingi ng tawad at magbalik-loob sa Diyos.

Ngayon natin kailangang makita ang mabigat na epekto ng kasalanang hindi hinihingian ng tawad at hindi pinagbabayarang puri, gulo, gutom, at kahirapan.


Napakaganda pa naman ng ating bansa, lalo na ang tunay na ugali ng mga Pinoy.


Kaya pala mainit ngayon, kailangan ang apoy para sunugin ang dumi, tunawin ang taba, linisin ang kalat.

O, banal na Espiritu ng Diyos, apoy ng liwanag at pagbabago, tulungan Niyo kaming tumanggap, magsisi, magbayad-puri at magbalik-loob sa inyo.


Mula Comelec hanggang sa lahat ng sangay ng pamahalaan, at sa lahat ng mamamayang Pilipino.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page