top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 1, 2023


“Pakatandaan ninyo: kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.” (Juan 6:52-59).


Ito ang pahayag ni Kristo na nag-iskandalo sa maraming Hudyo na hindi na naniniwala na siya ang Mesiyas na Anak ng Diyos. Malinaw ang pag-unawa ng marami sa mga salita ni Hesus na lumilikha ng maraming katanungan kung hindi iskadalo sa kanilang kalooban. “Paano nga namang kakainin namin ang laman niya at inumin ang dugo niya para magkaroon kami ng buhay?” Hindi kagulat-gulat ang ganitong pananalita sa mga hindi pa naniniwala at tumatanggap, hindi lang sa itinuturo ni Kristo kundi sa katotohanang ibinabahagi niya sa lahat ng naniniwala sa Kanya.


Kaya ipinadala ng Ama si Hesu-Kristo na kanyang anak ay upang makilala natin siya.


Kaya malinaw ang laging sinasabi ni Kristo na “Iisa ako at ang aking Ama.” “Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya.” Kaya kung tinatanggap nating lubos ang lahat na mula kay Hesu-Kristo ay “kakainin” at “iinumin” natin, hindi lang ang kanyang laman at dugo kundi ang mismong espiritu niya. Magiging isa tayo ng ating Panginoon dahil magiging bahagi natin Siya at tayo naman ay magiging bahagi Niya.


Sinabi rin ni Kristo, “Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo.” Ito ay lubhang mahalagang paalala na iwasan nating ‘kainin’ ang anumang hindi totoo.


Hindi ba, mayroong junk food o pagkaing laman tiyan lamang, ngunit puno ng mga sangkap na hindi maganda sa kalusugan tulad ng labis na asin, asukal, MSG, preservatives, artificial coloring, at maaaring may halong laman ng manok, baka, baboy o isda na pinataba sa pamamagitan ng mga artipisyal na sangkap na hindi rin makabubuti sa katawan.


Matatagpuan din natin ang ‘junk’ sa larangan ng entertainment. Mayroong mababaw na sine, drama sa radyo, babasahing mababaw at ika nga’y medyo bastos o talagang bastos din. At paano mo mapipigilan ang panonood at pakikinig ng kung anu-ano sa social media mula YouTube, Netflix, TikTok, Facebook atbp? Sino na ang tutulong na hindi tayo malulong sa hindi nakakatulong na uri ng kasiyahan o entertainment na nagmumula sa telebisyon, radyo, dyaryo, magazine at internet?


At sa mga nagdaang taon, nauso na rin ang ‘junk’ sa balita. Ito ang basurang balita na hindi totoo o ‘fake news.’ Napakalaganap na nito, lalo na sa social media. Napakaraming ‘trolls’ o bayarang tagapagpakalat ng pekeng impormasyon laban sa iba at pabor naman sa ilan.


Sa nakaraang pambansang eleksyon, pambihira ang naging takbo ng pagbabalita ng resulta ng bilangan na computer ang inasahang gumawa. Parang magic, parang hindi kapani-paniwala ang inilabas na bilang na pumunta sa nanalo at ang lumabas ding mga boto na pumunta sa mga natalo.


Mula noong Nobyembre 2022, nakilala ng marami sina General Eli Rio, Gus Lagman at Franklin Ysaac, na nakilalang ‘Truth and Transparency Trio’ o T3. Salamat sa tatlo, nagkaroon ng dahilan na mag-usap-usap muli ang mga nagulumihanan at nagulantang sa bilis ng pagpasok ng mga boto sa loob ng unang oras ng bilangan, kung saan umabot kaagad ng 20 milyong boto para sa nanalo.


Napakabilis ngunit napakaimposibleng mangyari nito dahil sa mga dapat munang unahing gawin at tapusin sa lahat ng mahigit 170,000 presinto sa buong kapuluan.


Papayagang bumoto ng mga Board of Election Inspectors ang mga nasa loob ng presinto, at magsasalita ang BEI chairman sa mga kinatawan ng mga partido at NGO watchers na pormal nang isasara ang mga presinto. Ita-type na ang command sa mga vote counting machine (VCM) na huminto na sa pagtanggap ng boto, at ilalabas ng mga VCM ang walong (8) print out ng mga tallies na maglalaman ng boto ng mga sumusunod na kandidato — 10 presidential; 9 vice presidential; 64 senatorial; 173 partylist. Aabutin nang 3 hanggang 4 minuto ang pag-print ng bawat isa sa 8 kopya, kaya aabutin nang 24 hanggang 32 minuto ang pag-print ng national tallies. Kung ganito ang kailangang gawin bago ipadala sa transparency servers ang mga nalikom nang boto sa unang oras, bakit sa loob ng isang oras ay 20 milyong boto na ang naipadala?


“Magic,” “Imposible,” “Kahang-hanga,” “Anyare?! Ang iba’t ibang reaksyon ng mga sumaksi sa kababalaghan ng unang oras ng bilangan mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-8:02 ng gabi nang ika-9 ng Mayo 2022.


Kaya nagbalik ang ilang mga grupo at indibidwal sa Comelec para magdasal at mag-alay ng misa.


Dumating at nagsalita pa si ex-Pampanga Gov. Among Ed Panlilio, kaya bago kami umalis sa harapan ng Comelec, ito ang aming mensahe at panawagan:


Kung pagkain ang resulta ng eleksyon, hindi ito makakain dahil panis na. Huwag niyo sanang pabayaang tumagal na hindi inilalabas ang katotohanan. Habang tumatagal, nagiging kahina-hinalang may itinatago kayo. Karapatan ng mamamayan na makita, mapag-aralan ang resulta at transmission logs ng nakaraang eleksyon. Gawin niyo na ang aming pakiusap. Tandaan ninyo ang sinabi sa Bibliya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32)


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 29, 2023


Bago na naman ang Chief Philippine National Police (PNP).


Ano kaya ang magagawa ni Gen. Benjamin Acorda Jr.? Matagal-tagal ko na ring sinusubaybayan ang ating kapulisan mula nang tawagin itong Metropolitan Command o MetroCom noong panahon ni Marcos Sr. Nasaksihan ng buong bansa ang nakakalungkot na kaunting akyat at madalas na pagbaba ng reputasyon ng ating kapulisan. Kung nakilala ang ating kapulisan noong panahon ng diktadurya bilang malaking “private army” ng Presidente at kanyang mga kaalyado at cronies, nakita rin naman natin ang pagsisikap ng ilang administrasyon na ibalik ang dangal at halaga ng ating kapulisan bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao at kapakanan ng mga karaniwang mamamayan.


Mula kay dating Pangulong ‘Cory’ Aquino hanggang kay Pangulong Fidel V. Ramos, mayroong pansamantalang pagganda ng pangalan o reputasyon ng ating kapulisan.


Ngunit, muling nagbago ang takbo ng istorya sa ilalim ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada at Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sa panahon ng EDSA Dos at naturang EDSA Tres. Anim na taon na naman ng unti-unting pagbawi ng reputasyon ng PNP sa ilalim ni ex-PNoy na dumaan din sa pansamantalang kadiliman na dulot ng trahedya ng SAF 44.


Subalit ibang-iba ang sinapit ng PNP sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ang tanong ng marami, ligtas ba tayo, mapagkakatiwalaan at maipagkakatiwala ba natin ang ating buhay sa kapulisang Pinoy?


Marahil ang administrasyong mayroong higit na malaking responsibilidad sa pagbulusok ng integridad at kredibilidad ng PNP ay ang nakaraang administrasyon. Sa dami ng mga biktima ng ‘tokhang’ na bahagi ng malawakang kampanya kontra droga, at inamin pa ng PNP na mahigit 6,000 biktima ng war on drugs, malaki ang nawala sa anumang pagganda o pagtaas ng reputasyon ng naturang ahensya.


Dahil sa napakaraming kaso ng extrajudicial killings (EJK) ng nakaraang administrasyon, na nakarating sa International Criminal Court (ICC), marami sa ating kapulisan ang napaghihinalaang sangkot sa madugong programa na bumuwis sa buhay ng maliliit, walang laban at inosenteng mamamayan. Sa halip na magbigay ang ating kapulisan ng pakiramdam ng proteksyon at kaligtasan, kabaliktaran nito ang nagmula sa kanila.


Ito ang minana ng kasalukuyang administrasyon, at ito ang kailangang harapin ng bagong PNP chief na si Gen. Benjamin Acorda Jr. Kakaupo lang ni PNP chief Acorda, na nangakong magkakaroon ng aggressive internal cleansing sa hanay na ating kapulisan, lalo na sa mga sangkot sa illegal drugs. Subalit, binigyang-diin din ng bagong hepe na naniniwala siyang mas maraming matino kaysa mga tiwaling pulis, aniya, “There were more good than rotten cops among the 228,000 police force.”


Hindi ko personal na kilala ang bagong PNP chief, ngunit sa simula ng kanyang maikling panahon ng paglilingkod hanggang siya’y magretiro sa darating na Disyembre (pagsapit niya ng 56 taong gulang), nais ko siyang ipagdasal at bigyan ng pagkakataon na tunay niyang linisin at unti-unting itayo ang bandera ng kanyang mga kasama. Ganu’n kahalaga ang matinong kapulisan para sa ating bansa. Paano na tayo uunlad bilang bansa kung ang mismong institusyon na may tungkuling protektahan at bigyan tayo ng katahimikan ay pagmumulan ng kabaliktaran nito?


Kung nililinis kuno ng PNP ng nakaraang administrasyon ang bansa sa mga mamamayang nagpapalaganap at nakikinabang sa ilegal na droga, sisikapin naman ng PNP ng kasalukuyang administrasyon na linisin ang hanay ng mga pulis na hayagang sangkot sa ilegal na droga.


Medyo maselang misyon ang kakaharapin ng kasalukuyang PNP chief, ngunit kung tapat at totoo ang kanyang mithiin, dapat ipagdasal at suportahan siya upang masimulan na muli ang pag-ahon ng kapulisan sa kumunoy ng masama at taliwas na reputasyon.


Dapat kaibigan at hindi kaaway ang tingin at turing natin sa kapulisan. Matagal akong tumira sa Hong Kong, kung saan ang mga pulis ay naglalakad nang dala-dalawa sa mga kalye ng Hong Kong na walang dalang baril, binabati sila ng mga tao at ganundin sila.


Kaibigan, kasangga at kasama sa mga lansangan, gusali, parke, mall, museum, tabing dagat, bundok, palengke, ospital at lahat ng sulok ng Hong Kong. Sa ngayon, unti-unti na ring nagbabago ang mukha ng kapulisan sa Hong Kong, hindi na masyadong nginingitian at ngumingiti sa mamamayan. Bakit?


Marami akong kaibigan sa Hong Kong na hinahanap din ang nakaraang panahon ng masaya at kaibigan ang kapulisan. Ganundin kaya tayo? May pag-asa pa bang bumalik sa dati ang tingin sa mga pulis sa Hong Kong? May pag-asa pa bang gumanda muli ang tingin natin sa kapulisan?


Tama si Gen. Acorda na kailangang manggaling ang paglilinis at pagbabago sa loob, ngunit higit ding epektibo na magparating ng positibong suporta ang mamamayan sa mga matinong pulis, na ayon kay Gen. Acorda ay higit kaysa sa tiwali at masasama.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 24, 2023


Eid al-Fitr, gabi ng Huwebes, Abril 20 hanggang gabi ng Biyernes, Abril 21 ang pormal na katapusan ng Ramadan.


Naaalala ko ang mga kaibigan kong Muslim na sina Wadya Esmula at Taja Basman na bahagi ng MMCD o Movement for Muslim Christian Dialogue na isinilang sa UP Campus noong dekada ‘90. Masaya at mabunga ang mga gawain ng nabuong kilusan na nagtataguyod ng pagpapalitan, pag-uusap tungo sa pag-uunawaan, pagkakaibigan at pagtutulungan ng mga Muslim at Kristiyano.


Tuwing Ramadan, naaalala ko ang masasayang araw ko sa UP Diliman sa bahay nina Bing at Wadya. Maliliit pa ang kanilang dalawang anak na babae. Naaalala ko pa ang tahanan nilang pinasaya ng mga nagtatakbuhang bata.


Medyo malaki na ang mga anak nina Anne at Taha, naaalala ko ang mga pagkakataong sinasama nila ang mga ito sa mga pulong at forum ng MMCD. Mayroon pang pagkakataong sumama sina Wadya at Taha sa pagtutulak ko ng Kariton ni Maria. Nang tanungin ko kung payag ba silang sumama sa pagtutulak para sa usapin ng Kapayapaan at pagtigil ng putukan sa ilang bahagi ng kapuluan kung saan nagsasagupaan ang mga sundalo at Muslim, hindi nagdalawang salita ang dalawang Muslim. Paliwanag nilang dalawa, kinikilala ng mga Muslim si Mariam o Maria, na ina ni Hesus. Hindi na namin naipagpatuloy ang aming pag-uusap tungkol dito. Mayroon lang pangako na palalalimin namin ang aming pag-uusap at pag-unawa kay Maria sa Islam at Maria para sa mga Kristiyano.


Maganda at mahalagang naging national holiday ang Eid al-Fitr, ngunit dapat lang din magkaroon ng pagsisikap na higit na mag-usap at magkaunawaan, magkatanggapan hanggang sa maging magkakaibigan ang mga Muslim at Kristiyano. Napakalaki ng magagawa ng mga kongkretong pagtatagpo at paguusap ng mga Kristiyano at Muslim.


Mula nang mangyari ang Marawi Siege noong ika-23 ng Mayo 2017, hanggang ngayon, hindi malinaw kung ano na ang nangyari sa mga taga-Marawi. Gayundin, kung ano na ang mga programang naipatupad ng gobyerno para ibalik ang kaayusan at kapayapaan ng Marawi.


Pagkatapos ng Marawi Siege, nakilala natin si Fr. Teresito ‘Chito’ Soganub, ang paring Katoliko na naging hostage kasama ng mahigit 100 guro. Mahirap ang pinagdaanan nina Fr. Chito at ang mga kasama niyang hostage. Sa kabutihang palad, noong ika-17 ng Setyembre 2017, ika-117 araw ng kanyang pagiging hostage, nakatakas si Fr. Chito. Tatlong taon makaraan ang Marawi Siege, noong ika-22 ng Hulyo 2020, binawian ng buhay si Fr. Chito habang siya ay natutulog. Atake sa puso ang dahilan ng pagpanaw niya.


Kahit papaano, naging kaibigan ko si Fr. Chito, naimbitahan ko pa siyang manatili sa aming bahay ng ilang araw. Nagkaroon kami ng pagkakataong magkuwentuhan at manalangin para sa kapayapaan sa Mindanao. Maliit man si Fr. Chito, napakalaki ng puso niya para sa pagmamahal sa Diyos at sa pagsulong ng dayalogo tungo sa kapayapaan. Tulad nina Wajah at Taha, malaki ang naituro sa akin ni Fr. Chito tungkol sa pagsulong at pagtaguyod sa kapayapaan.


Wala nang magagawa sina Wadya, Taha at Fr. Chito para sa kapayapaan, ngunit hinding-hindi mamamatay ang kanilang alaala dahil malalim at wagas ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng tunay at malalim na kapayapaan.


Noong isinusulat ko ang pag-alala at pagninilay na ito, nalungkot akong isipin na wala na ang aking mabubuting kaibigang Muslim. Wala na sina Wadya at Taha, wala na rin ang paring naging simbolo ng kapayapaan at kapatawaran pagkatapos ng madugo at mapanirang Siege of Marawi. Wala na si Fr. Chito Suganob.


Ngunit, nang subukan kong hanapin sa social media ang asawa ni Wadya o ang asawa at anak ni Taha, hindi ko na mahanap si Bing na asawa ni Wadya. Hindi ko rin mahanap si Anne, asawa ni Taha. Ngunit nabasa ko ang pangalang Tani, na naalala kong isa sa mga anak ni Taha. Nagpadala ako ng text na nagtatanong, “Anak ka ba ng mga kaibigan kong Taha at Anne?” Wala pang limang minuto nang natanggap ko ang kasagutan mula kay Tani, “Ako po ang panganay na anak nina Taha at Anne.” Tuwang-tuwa ako at pinadalhan ko agad ng mga text messages si Taha.


Malungkot man akong isiping wala na sina Wadya at Taha, nakataba ng pusong maka-teks si Tani.


Isang araw, alam kong magkakaroon ng pagkakataong muling pag-usapan, pagnilayan at pasalamatan ang Kapayapaan.


At ganito ang Islam, ang relihiyong ng Salaam o Kapayapaan. Naalala ko pa ang madalas naming batian nina Wadya at Taha na, “As-Salaam Alaikum,” at ang sagot na, “Wa-Alaikum-Salaam.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page