top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 14, 2023


Dumaan ang unang anibersaryo ng naturang Araw ng Dayaan noong Martes, ika-9 ng Mayo 2023. Marami-rami ang dumalo sa patuloy na pagbabantay, pagtatanong at paniningil sa Commission on Elections (Comelec) na isinasagawa ng iba’t ibang grupo at indibidwal noong Nobyembre 2022.


Habang nagmimistulang normal na ang pangkalahatang takbo ng buhay, tinibayan ng mga naroon ang kanilang paninindigang magbantay, magtanong, at maningil sa institusyong paulit-ulit napaghihinalaang hindi tapat sa mandatong ibinigay sa kanila ng taumbayan.


Hindi madali ang maging tunay na katoto. Ano ang ibig sabihin ng katoto? Ayon sa diksyonaryo, maraming ibig sabihin ang katoto — asawa, kapares, kapareha, kasama, kasamahan, kasamahang kawal, kaibigan, kasundo, kalaro, matalik na kaibigan, katalik, kaututang dila, amigo, tagatangkilik, kapanalig, at marami pang iba.


Kung titingnan mo ang salitang ‘katotohanan’, binubuo ito ng ‘katoto’ at ‘hanan’. Hindi ko tiyak kung ano ang pinanggalingan ng bahaging ‘hanan.’ Ang salitang pinakamalapit dito ay ang tahanan. Ano ang matatagpuan sa tahanan? Ang pagtahan, kapayapaan at kapahingahan sa magulo, mabigat at masalimuot na lipunan. Umuuwi tayo sa ating mga tahanan upang muling buuin ang tila pinagpira-pirasong pagkatao natin, at ganito ang katotohanan. Kung ang ‘totoo’ ay katoto pawang tahanan, ito ang magbibigay ng tunay na kapayapaan at kahinahunan dahil dito ay ligtas sa panganib at kapahamakan tulad ng matitibay na poste, bubong at pundasyon ng tunay na tahanan.


Kaibigan, katoto pa ba natin ang katotohanan? Ito ba ay parang tahanang nagbibigay sa atin ng kapayapaan o kalayaan sa samu’t saring panganib na laging nagbabanta sa buhay? Ito ang nakita ko sa mga naroroon sa harapan ng Comelec noong Martes.


Naroon ang mga kaibigan ng katotohanan na laging mananahan dito anuman ang mangyari.


Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nagtungo sa Comelec para samahan ang mga grupo at indibidwal na nagpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa sari-saring katiwaliang nagaganap dito. Hindi nagbabago ang mala-muog na pagtanggap ng Comelec, lalo na ng matataas na opisyal nito sa mga hinaing at panaghoy ng mga nagmamalasakit na taumbayan. Gayunman, nakakatuwa at nakakataba ng puso na makita, mapakinggan, at makadaupang palad ang mga tunay na katoto, mga tunay na kasamang hindi titigil na ipahayag at ipaglaban ang katotohanan. Mabuhay kayo, mga katoto. Mabuhay ang ating matibay at magandang tahanan… ang katotohanan!


Kasabay ng tuluy-tuloy na pagtalikod at pagdedma ng Comelec sa isinisigaw ng mga kaibigan ng katotohanan, nagbigay naman ng marahang babala ang World Health Organization (WHO).


Bagama’t totoong natapos na ang global public health emergency, Sinabi ni WHO Director General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus na hindi dapat magpabaya at balewalain ang patuloy na banta at panganib ng COVID-19.


Nakakatuwa rin noong gabi ng Martes nang magbahaginan ang mga pari ng Bikaryato ng Santo Niño ng Diyosesis ng Cubao, nagkataong uminog ang kuwentuhan at bahaginan sa mga personal na karanasan noong nakaraang pandemya. Nagbahagi kaming mga pari kung paano nagsikap na labanan, hindi lang ang panganib ng COVID-19 kundi ang paglaganap din ng takot na nagpapahina at pumaparalisa sa isip, diwa at paninindigang maglingkod at magtaya ng sarili.


Nakakatuwa kung paano naghanap ng paraan na ipagpatuloy ang paglilingkod sa kabila ng panganib.


Una, mayroong mga pari na hindi nagsara ng kanilang simbahan at patuloy na nagmisa kahit iilan lang ang nangahas na pumasok ng simbahan.


Pangalawa, may mga pari na patuloy na nagbahay-bahay habang dala ang santisimo

sakramento para basbasan at kung kinakailangan ay bigyang komunyon ang nangangailangan.


Pangatlo, mayroong mga pari na nagluto at namahagi ng pagkain sa mga wala o kulang nito.


Pang-apat, may mga pari na naghanap ng paraang magsuportahan sa gitna ng panganib at laganap na takot sa pandemya.


Panglima, ang lahat ng mga pagsisikap na nabanggit ay bahagi ng pagpapalaganap ng mensahe ng pag-asa na kailangang-kailangan sa gitna ng pananakot at paghihigpit.


Mapa-Comelec o COVID-19, kailangang patuloy pa ring magbantay, magtanong at maningil sa kalabisan o katiwaliang nagawa ng pamahalaang dapat higit sa lahat ay tumulong at magpatatag at magpalakas ng loob ng lahat, sa halip na manamantala sa mga natatakot at nanghihina.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 8, 2023


Nagsimula nang maghanap ng mga bagong makinang pambilang ng boto o vote counting machines o VCM ang Comelec bilang paghahanda nito sa 2025 midterm election.


Ayon sa balita, naghahanap ang Comelec ng mas mahusay na sistema ng pagbibilang ng boto na kombinasyon ng dalawang katangian ng kasalukuyang Optical Mark Reader technology at Direct Recording Electronic o touch screen capabilities.


Hindi ko na sisikaping ipaliwanag ang mga katangian ng bawat sistema ng pagbilang ng boto dahil nagsisimula nang magtanong ang marami kung ito nga ba ang kailangan natin, hindi lang para sa paparating na eleksyon kundi sa mga naganap nang mga eleksyon, lalo na ang nakaraang pambansang eleksyon na mag-iisang taon na bukas, Mayo 9, 2023.


Ngunit iginigiit ng Comelec na kailangan nang palitan ang 100,000 VCM dahil may depekto na ang mga ito. At ngayon pa lamang ay pinag-uusapan na ng Comelec ang bidding process o paghahanap ng highest bidder na makikipagpaligsahang makuha ang kontrata upang sila ang babayarang magpatakbo ng mga makinang pambilang ng boto.


Ang pag-a-upgrade ba ng mga makina ay solusyon sa problema o ito ang mismong problema?


Noong nakaraang taon, lumitaw ang tatlong magigiting na Pinoy na sina General Ely Rio; dating Comelec Commissioner na si Gus Lagman at ang businessman lider na si Franklin Ysaac.


Malaking bagay ang inilabas nila na lumikha ng malaking katanungan at duda sa isip, puso, diwa at kaluluwa ng maraming mamamayan. Tinanong ng tatlo kung paano nakapagbilang ang mga VCM nang mahigit 20 milyong boto sa loob ng unang oras ng bilangan pagkatapos isara ang mga presinto sa ganap na alas-7:00 ng gabi noong ika-9 ng Mayo 2022? Gayundin, paano nadoble ang nakuhang boto ng nanalong presidente at bise-presidente kumpara sa pambansang halalan ng 2016? Nanalo si Rodrigo Duterte na nakakuha ng 16 milyong boto, ngunit paano maipapaliwanag ang nakuhang 31 milyong boto ng nanalong Pangulo? Napakalaking bilang ng boto, kaya napakahirap paniwalaan.


Nagsimula nang magtanong at magalit ang mamamayan. Dahil dito, kailangang magkaroon ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang bansa. Sumang-ayon na ang mga kababayan nating taga-Estados Unidos at Canada. Kaya magtitipon-tipon ang mga pamayanang Pinoy sa iba’t ibang mga Konsulato sa Estados Unidos at Canada sa ika-8 ng Mayo ng hapon upang sabayan ang kilos-protesta na magaganap sa ika-9 ng Mayo 2023 sa ganap na alas-9:00 ng umaga sa harapan ng Comelec. Napagkasunduan ng iba’t ibang grupo na tawagin ang pagkilos na “Araw ng Pangdaraya.”


Tuluy-tuloy lang ang pangangalap ng mga ebidensya na magpapatuloy na ang pormal na pagsingil sa Comelec na ipaliwanag nang maayos ang tunay na nangyari sa bilangan sa pambansang halalan sa nakaraang taon. Nang suportahan ng retiradong sundalong si Col. Ordonio ang hiling nina Rio, Lagman at Ysaac na magpaliwanag ang Comelec at hindi pa rin natinag ang naturang institusyon, unti-unti nang umusad ang pagtatanong ng mga karaniwang mamamayan.


Lalo nang uminit ang lahat nang pagbantaan ni Ordonio na hahainan niya ng impeachment complaint ang limang Comelec commissioners na nagmadaling magbigay ng transparency logs, na pagkatapos suriin nina Rio at Ordonio ay reception logs pala.


Ngayong nagpahayag na ang Comelec ng kanilang intensyon na palitan at i-upgrade na ang mga VCM, malinaw na hindi ito sagot sa mga katanungan ng apat na magigiting na mamamayan.


Noong araw, sa panahon ng naturang industrial revolution, malaki ang naidulot na pag-unlad nang isilang ang ‘makina.’ Napakalaki ang naitulong ng makina na ginamit sa agrikultura at transportasyon, maging sa produksyon ng pagkain.


Nagpasalamat noon ang tao sa makina na sumailalim sa kapangyarihan ng tao. Ngunit, dumating at sinapawan na ng ‘digital age’ ang makina, at ngayon ay pinag-uusapan at pinaglalaanan na ng malaking salapi ang artificial intelligence o AI. Mayroong mas nakababahalang tanong, ang tao ba ang may kontrol pa sa makina o makina ang may kontrol sa tao?


Mayroong malaking tanong hinggil sa integridad at kredibilidad ng nakaraang eleksyon dahil sa kahina-hinalang ginawa ng makina. Kung maaaring dayain ng tao ang eleksyon, mas epektibo kung makina ang ginamit at patuloy pa ring gagamitin para kontrolin at tiyaking pabor ang bunga ng bilangan sa mga makapangyarihan at ayaw nang bumitiw sa kapangyarihan.


Sa mga ginagalang na Commissioners ng Comelec, kanina-hinala ang integridad at kredibilidad ng Smartmatic, ganundin ang sa inyo.


At ito ang dahilan kung bakit magkakaroon ng Araw ng Dayaan sa unang anibersaryo ng pambansang halalan bukas, Mayo 9.


Tara, makiisa kayo sa amin sa sagradong tungkuling hanapin ang katotohanan at ipaglaban ang katarungan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 7, 2023


Sampung taon na ang lumipas nang ipinadala ako ng mga Pransiskano sa kanilang misyon sa Bgy. Rizal, Santiago City, Isabela.


Kakatapos ko pa lamang ng isang taong paghubog sa nobisyado ng Juan de Plasencia sa Liliw, Laguna. Handang-handa akong maglingkod bilang bago, ngunit hindi na batang misyonerong Pransiskano. Ito ang ikaapat na pagpapadala sa akin sa iba’t ibang mission-areas ng mga Pransiskano. Naranasan ko nang maglingkod sa Palanan, Isabela; Bagong Sirang, Catanduanes, at Santa Ana, Cagayan. Punumpuno ako ng masasaya’t makabuluhang karanasan bilang baguhang misyonero sa mga nabanggit na lugar ng misyon.


Nang nagsimula akong maglingkod bilang misyonero sa Rizal, Santiago, Isabela, natuwa akong makilala ang mga kapatid ng kaibigan kong si Fr. Efren Musngi na nakilala ko noong 1983 sa Roma, Italya. Taga-Santiago City, Isabela si Fr. Efren, at kung hindi pa ako naging Pransiskano, hindi ko marahil mararating ang bayang ito. Nagpapasalamat ako sa sampung taon mula 2013 hanggang ngayon na higit kong nakilala si Fr. Efren dahil sa naging kaugnayan ko sa kanyang mga kapatid.


Subalit, wala nang hihigit pa sa 40 taong pagkakaibigan namin ni Fr. Efren nang maglingkod kami sa OFW Community ng La Salette sa Roma noong 1983 hanggang 1987. Noon ko naunawaan ang kahalagahan ng Ministry to Migrant Filipino Workers.


Salamat kay Fr. Efren Musngi at Fr. Steve Munar, ang dalawang misyonerong pari ng Kongregasyon ng Our Lady of La Salette, nagkaroon ng karagdagang yaman at kabuluhan ang aking pag-aaral bilang estudyanteng pari sa Roma noong mga taong ‘yun.


Biglang nabuhay ang lahat ng masasaya’t makabuluhang alaalang ito nang nakatanggap ako ng text message mula kay Bona, ang doktorang kapatid ni Fr. Efren bandang alas2:00 ng madaling-araw noong Lunes, ika-1 ng Mayo. Ginulat ako ng tunog ng aking cellphone at nang tingnan ko ito, nakita ko ang isang kandila na may katabing bungkos ng mga bulakalak at ang mga katagang, “Thank you dear Koyang for everything. You may now rest in God’s peace.”


Napabalikwas ako sa aking higaan at dahan-dahang binasa ang lahat ng nakasulat sa mensaheng galing kay Bona. Madalian kong tinawag si Bona na umiiyak pa at walang tulog makaraan ang ilang oras ng pagpanaw ng kanyang mahal na kapatid. Nakiramay ako kay Bona at nakiusap ako na ipaabot niya ang aking pakikiramay sa buong Pamilya Musngi.


Hindi na ako makatulog hanggang lumitaw ang araw noong Lunes. Nabuo agad sa aking isip at puso ang tumungo sa Santiago City sa lalong madaling panahon upang mag-misa at makiramay sa Pamilya Musngi. Kaya nagtungo tayo noong nakaraang Miyerkules ng gabi sa Santiago.


Sinakyan ko ang Victory Liner na biyaheng Cauayan City na daraan ng Santiago City.


Matagal-tagal nang hindi ako nakabiyahe patungong probinsya dahil sa pandemya.


Matagal-tagal na ring hindi ko nakikita ang bayan ng Santiago at ang maraming naging kaibigan ko roon nang ako ay naglingkod bilang Pransiskano. Matagal ko nang inasam-asam na makadalaw muli para sariwain ang magaganda’t makabuluhang araw ng aking buhay-misyonero, at dumating ang pagkakataon, malungkot na paglisan ng isang kaibigan.


Kakatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II) nang dumating ang mga unang misyonerong La Salette Fathers sa Pilipinas. Tinanggap nila mula sa mga Obispong Pilipino ang pamamastol ng lalawigan ng Isabela. Nagtayo ng mga paaralan at parokya sa Isabela ang mga unang La Salette Fathers. At isa sa pinakamahalagang hakbang ang pumili ng mga batang lalaki na magiging unang misyonerong Pilipinong paring La Salette.


At ang tatlong unang parish misyonerong Pilipino ay sina Padre Rutillo Malilin; Padre Fancisco Maliwat at Padre Efren Musngi. Wala na ang tatlong unang paring Pilipinong La Salette, ngunit naitanim na ng mga ito ang mga unang binhi ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.


Isa ako sa mga nakinabang sa binhing ito nang makilala at makasama ko sa paglilingkod si Fr. Efren. Palagi kong babalikan ang mabubungang pagtutulungan at suportahan ang mga pamayanang OFW sa Roma, ang mga pag-oorganisa ng mga programa ng pagtataas ng kamalayan ng mga OFWs doon hinggil sa kalabisan at pang-aapi ng pamahalaan ng nasirang diktador Ferdinand Marcos Sr., at ang walang sawang pamamahayag ng ebanghelyo ng katotohanan, kapayapaan, katarungan, at kaligtasan.


Paalam at salamat, Padre Efren Musngi —kaibigan at kuya sa pagka-pari, pagka-misyonero at pagka-Pilipino.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page