top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 23, 2023


Linggo ng dakilang kapistahan ng pag-akyat sa langit ng Panginoon ngayon.


Umalis ang Panginoon tulad ng Kanyang paulit-ulit na sinabi, ipinahiwatig at ipinaramdam sa Kanyang mga alagad.


Hindi Siya basta umalis. Malinaw sa pagbasa ng mga nagdaang araw kung paano inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga alagad sa mahalagang sandali ng kanyang pag-akyat sa langit at pag-alis sa piling nila. Tingnan natin ang mga sinabi ng Panginoon sa mga nagdaang araw:


Miyerkules: “Marami pa akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.” (Juan 16:12)

Huwebes: “Sandali at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” (Juan 16:16)

Biyernes: “Talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.” (Juan 16:20)

Sabado: “At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.” (Juan 16:23)


Hindi natin katulad ang ating Panginoon. Para sa Kanya, bahagi Siya ng panahon dito sa lupa, ngunit bahagi rin Siya ng panahon sa kabilang buhay. Marami Siyang sinasabi na hanggang ngayon ay hindi natin naiintindihan nang lubos dahil makitid ang ating pananaw at pag-unawa. Ito ang ibig niyang sabihin sa, “Marami pa akong sasabihin sa inyo, pero hindi ninyo masasakyan ngayon.” Madalas tayong magmadaling unawain ang mga pangyayari sa ating paligid, ngunit madalas tayong pumapalya sa pag-unawa. Iba rin ang ating pag-unawa at karanasan sa panahon.


Kaya sinabi rin Niya, “Sandali na lang at hindi na ninyo ako mapapansin. Sandali na lang din at makikita ninyo ako muli.” Para kay Hesus, iisa ang panahon: ang kahapon, ngayon at bukas. Ang lahat ay maikli sa Kanya, maski na ang mga daan-daan at libu-libong taon ay parang isang iglap lang sa kanya. Ngunit madalas tayong mag-isip, magsalita at kumilos na parang walang kamatayan at katapusan ang buhay natin sa mundo. At dahil ganito ang ating kapurulan sa pag-unawa ng maraming bagay sa buhay, nangako ang ating Panginoon na ipadadala Niya ang Kanyang espiritu at tutulungan tayong unawain ang lahat. Bagama’t nalungkot tayo nang husto sa Kanyang paglisan, nangako Siyang hindi niya tayo pababayaang mangulila.


Sa gitna ng malungkot na katotohanan ng pag-alis ng Panginoon, naalala ko ang sinabi ni Abraham Lincoln sa gitna ng mga mabibigat na suliraning hinarap niya na,“This too will pass.” Anumang nangyayari ngayon, masaya o malungkot, masarap o masakit, maganda o pangit, lilipas din ito. Ito ang naging matapang na sagot ni Abraham sa lahat ng mga pagsubok at hamon na kinaharap niya.


Hindi niya alintana ang sakit at bigat ng anumang tiisin siya. Ang mahalaga ay matutunan natin ang katapatan at pagmamahal sa ating Panginoon, anuman ang ating tinitiis at pinapasan, bagama’t hindi natin siya nakikita, hindi niya tayo pababayaan at kakalimutan.


Maaasahan ang Panginoon sa lahat ng araw. Kailangan natin ang patnubay at suporta ng Panginoon na laging kasama natin at hinding-hindi magbabago ang kanyang pakikitungo sa atin. Bagama’t laging maaasahan ang Panginoon, ibang-iba ang tao.


Nagulat at nagulantang na lamang ang marami sa balita na napalitan na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (ex-PGMA) bilang Senior Deputy Speaker at pinalitan ito ng isa ring Kapampangan na si Rep. Aurelio Gonzales.


Mayroon kayang nangyayari sa Kongreso na hindi natin nalalaman at hindi natin naiintindihan?


Ang sinabi ni Abraham Lincoln na, “Maski na ang sandaling ito ay lilipas,” kahawig ng kasabihan ni Kuya Kim na, “Ang panahon ay pawang weather-weather lang.”



Kay daming mga trapo, kay dami ng mga kinatawan ng malalaking dinastiya na pawang walang katinag-tinag, subalit nagulat na lang ang lahat sa balitang natanggal si dating Pangulong Arroyo bilang Senior Deputy Speaker. Tila hindi ito inaasahan, bakit, paano at hanggang saan makakarating ito? Ang ibinigay na opisyal na dahilan ng pagtanggal kay GMA sa mataas na dating posisyon nito ay upang bigyan siya ng panahong magpahinga dahil napakarami na niyang responsibilidad. Anuman ang tunay na dahilan, iisa lang ang malinaw na katotohanan. Ang lahat ay maaring matanggal, magkamali, mapalitan. Alam naman siguro ng lahat sa Kongreso ang madalas na marinig sa mga bibig ng marami na, “walang forever.”


Ngunit nauunawaan kaya ng marami ang mga pagbabalasang naganap noong nakaraang Miyerkules? Nauunawaan ba natin ang laro ng mga trapo? Ang laro nila na hindi tayo kasali?


Ngunit hindi laro ang pag-akyat ng Panginoon, hindi pabalat bunga lamang ang pangako Niyang ibibigay ang Kanyang espiritu sa atin. Hindi Niya tayo pinaglalaruan, lagi Siyang totoo, mabuti at dakila.


Hindi Niya tayo niloloko, lagi Niya tayong binabago. Pinalalaya Niya tayo, ngunit nais ba natin ito o mas gusto natin ang laro ng mga trapo?



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 22, 2023


Naaalala ko ang kakaibang pangalan ng dating Parokyang pinaglilingkuran ko sa Bgy. Pinyahan, Quezon City.


Boracay ang tawag sa isang sulok ng Pinyahan. Nang itanong ko sa mga taga-roon kung bakit Boracay ang pangalan ng kanilang lugar, nakangiting ipinaliwanag sa akin na ito ay isang bansag mula sa kaugalian ng maraming kalalakihan na naglalakad na walang pang-itaas. Kaya hindi kaila sa mga taga-roon ang pangitain ng maraming kalakahihan ang parang naglalakad sa puting buhangin sa tabing-dagat na punumpuno ng mga naliligong iskuryonista. Oo, tulad ng karaniwang makikita sa dalampasigan ng Boracay.


Wala na ako sa Pinyahan, ngunit sa nilipatan kong Parokya sa Bgy. Toro Hills sa Project 8, marami-rami ring kalalakihan ang naglalakad nang walang pang-itaas sa kalye ng mga sitio ng maralitang taga-lungsod. Malinaw ang dalawang dahilan ng paglaganap ng ganitong ugali.


Una, likas na ito sa mga lugar ng mga kapatid nating maralitang taga-lunsod. Pangalawa, sa sobrang tindi ng init, natural sa kalalakihan ang maglakad nang walang pang-itaas na damit. Dagdag na dahilan din ang pagtitipid dahil sayang ang mga bagong labang kamisetang kailangang palitan minu-minuto dahil sa walang tigil na pagpapawis dulot ng mainit na panahon.


Hindi ko alam kung ganundin ka-init ang usapin ng panahon at kahirapan. Hindi ko ito nakikita at nararamdaman sa mga panukalang-batas at desisyon na inilalabas ng pamahalaan. Hindi pa rin nagbabago ang pagkakatalaga ng Pangulo bilang Kalihim ng Agrikultura. Ngunit, hindi pa rin nararamdaman ang dapat na malinaw na positibong epekto ng kanyang paghawak ng pondo at kapangyarihan upang iangat ang kalagayan ng mahihirap na sektor na inaasahang magdulot ng kasaganaan sa batayang pangangailangan ng pagkain para sa lahat.


Malinaw ang papel sa kinakailangang puwersang manggagawa ng mga lunsod. Ngunit, ano ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka, mangingisda at mga kapatid nating katutubong nagbabantay at nagpapayabong sa likas-yaman ng kabundukan at kagubatan?


Naimbitahan tayong magsalita sa mga mag-aaral ng Inter-Congregational Theological Center (ICTC) noong Biyernes. Mga seminarista ng iba’t ibang kongregasyon ang mga nakinig sa munting panayam na pinamagatang “Buhay Pastoral: Nakikipagkaisa, Nakikilahok, Nakikipagmisyon Kasama ng mga Maralita.”


Hindi magsasaka, mangingisda, manggagawa o katutubo ang mga seminarista na balang araw magiging manggagawang simbahan (Church Workers). Subalit mahalaga sila sa pagbibigay ng suporta sa mga hirap, pinababayaan, pinagsasamantalahan at kadalasang sinasaktan pang sektor.


Mahalagang salita ang ‘solidarity.’ Nakilala ang kilusang o Unyong “Solidarnosc” (solidarity) ang pangalan ng kilusang sinimulan nina Anna Walentynowicz at Lech Walesa.


Nabuo ang naturang unyon sa Lenin Shipyard sa Gdansk, Poland. Umabot ng 10 milyon ang kasapi ng naturang unyon noong 1981. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na mga mapayapang kilos-protesta, tuluy-tuloy na pinahina ng Solidarnosc hanggang sa tuluyan nang nawala ang Partido Komunista sa Poland. Malaki ang naitulong ng Solidarnosc sa sunud-sunod na pagkawala ng mga pamahalaang komunista sa iba’t ibang bahagi ng Europa noong 1989.


Kumusta na ang iba’t ibang kilusang sektoral sa ating bayan? Ayon sa mga nag-organisa ng nakaraang martsa noong Mayo 1, masayang nagkita-kita sa kalye ang iba’t ibang kilusang manggagawa. Umabot nang mahigit 10,000 manggagawa ang nagmartsa upang hingin ang dagdag-sahod at proteksyon sa pag-oorganisa. Papansinin kaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hinihingi ng mga manggagawa? Anu-ano ang pagkilos ng ibang sektor, magsasaka, mangingisda, maralitang taga-lungsod, katutubo, mga migranteng manggagawang Pilipino, atbp?


Ang lakas ng mga kilusan at samahang sektoral ay ang pag-organisa. Kung mahusay at tuluy-tuloy ang pag-oorganisa, mananatiling matatag at epektibo ang hanay ng anumang sektor. Bagama’t humina na ang Solidarnosc sa Poland nang bumagsak ang pamahalaang komunista roon, mahalaga pa ring balik-balikan ang mahahalagang aral na naituro ng mahabang karanasan ng pagbubuo at pag-oorganisa nito.


Ipinagdiwang ng mga Obispong Pilipino kamakailan ang ika-50 taon ng pagbuo ng maliliit na Sambayanang Kristiyano (MSK) o Basic Ecclesial Communities (BEC).


Malinaw ang konteksto na pinagsimulan ng mga BEC o MSK. Nagsimula ang MSK o BEC noong dekada ‘60 at ‘70. Maaalalang naging Pangulo si Marcos Sr. noong 1965. Malinaw ang problema ng pulitika, karapatang pantao, hustisya at kapayapaan noong mga panahong ‘yun. Nakakalungkot na nagpapatuloy ang problemang nagsimula nang mahigit 50 taon, at kumplikado na ang problema dahil lumalala ang problema ng klima at panahon na binigyang-pansin ni Papa Francisco sa kanyang liham pastoral na “Laudato Si.”


Dagdag pa rito, ang tunay na banta ng giyera dahil sa paglusob ng Russia sa Ukraine at ang patuloy na paghamon ng Tsina sa Taiwan at mga kakampi nito. Pangatlo, ang patuloy na paghina ng mga institusyong demokratiko at paglitaw ng mga bagong pamahalaan at mga lider awtoritaryan tulad ng mga Duterte at Marcos.


Ngunit kung dapat pumili, kailangang bigyang-pansin ang lahat ng isyu ng panahon at kahirapan dahil ito rin ang magbubukas ng daan tungo sa kapayapaan at mas makatao at makatarungang pamamahala. Ito rin ang magiging simula ng pagtugon at pagtulong sa nakararaming naghihirap sa mundo.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 15, 2023


Sino si Judge Joseph Abraham Alcantara? Mula noong Biyernes, ika-12 ng Mayo 2023, nakintal sa aking isipan ang tatlong pangalan — Joseph, Abraham at Alcantara.


Dahil sa hinaba-haba ng panahon ng paghihintay sa pagsilip ng liwanag sa kaso ng dating Senadora Leila De Lima, sa wakas ay dumating ang araw na lubhang ikinagalak ng marami.


Acquitted o pinawalang-sala ang isa sa tatlong kaso ng nakakulong na dating Senadora. Maraming-maraming salamat, Judge Joseph Abraham Alcantara.


Mula nang makulong ang Senadora noong ika-17 ng Pebrero 2017, habang sinusubaybayan ng marami ang kanyang kaso, iisa lang ang madalas nating marinig, “Wala yatang pag-asang makalaya ang si Senadora Leila De Lima!” “Bulok na talaga ang ating sistema ng katarungan.”


“Hawak na ng mga trapo ang lahat, mula barangay hanggang Malacañang, mula Piskalya at Regional Trial Courts hanggang Korte Suprema.”


Habang negatibo ang pananaw at damdamin ng marami, ibang-iba ang maririnig mula kay Senadora Leila De Lima. Kahit minsan, hindi ko siya narinig na nagsabi na walang pag-asa, walang mangyayari, at bulok ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Sa halip, lagi siyang puno ng pag-asa, pagtitiwala, pananampalataya, pagmamahal sa Diyos, bayan at maging sa mamamayang hindi lang naniniwala sa magandang kinabukasan ng bansa kundi kumikilos, nagsasakripisyo at nagtataya para rito.


Noong nakaraang Biyernes, sa hindi inaasahang pagkakataon, nabasa ko sa aking mobile phone ang istorya ni Jakub Karlowicz. Nilakad ni Jakub mula Hilagang Poland hanggang Fatima, Portugal. Binagtas niya ang 3,500 milya at tinawid ang 10 bansa sa loob ng 220 araw. Kahanga-hangang misyon at tagumpay ito ng isang 23-anyos na lalaki.


Ngunit sa patuloy kong pagbabasa, ibinahagi ng lalaki na, “Hindi ang layo ng nilakad, ang lakas ko ang kakaiba kundi kung paano nag-umapaw ang pagmamahal, pagkakalinga ng mga taong hindi ko kakilala. Nagpasya ako bago pa magsimula ang aking paglalakbay, pilgrimage na hindi magdala ng anumang salapi o credit card. Wala akong dalang kahit na ano. Dala ko lang ang damit na suot ko at walang pamalit, at higit sa lahat, dala ko ang aking rosaryo. Patron ko si Santo Juan Bosco na deboto sa ating mahal na inang Maria.


Tinulungan ako ng Mahal na Inang Maria sa buong paglalakbay. Hindi niya ako pinabayaan.


Wala akong kailangan na hindi napunuan. Ibinigay niya ang lahat sa akin.”


Nakarating si Jakub sa Fatima, Portugal noong ika-24 ng Pebrero 2023. Nagulat ako nang nabasa ko ang detalyeng ito, at hindi pa nagtatagal nang sunud-sunod ang pagtunog ng aking mobile phone sa pagdating ng mga mensahe at paulit-ulit kong nabasa ang, “Acquitted, acquitted, acquitted!”


“Ano, acquitted si Senadora Leila De Lima?” Oo nga, acquitted ang Senadora. Maraming salamat, Panginoon. Nagmadali kong hinanap ang balita sa Google, at lumabas ang pangalan ni Judge Joseph Abraham Alcantara.


Nakita ko ang koneksyon sa istorya ni Jakub Karlowicz at Senadora Leila De Lima. Mula Pebrero 24, 2017 hanggang ika-12 ng Mayo 2023, nabuo ni Senadora Leila De Lima ang humigit kumulang 2,263 araw ng pagkakakulong o anim na taon, dalawang buwan at 12 araw.


Mula sa kanyang pagkakakulong, hindi man siya tumawid ng 10 bansa, mahigit dito ang mga bansang tumawid ng mundo at nagtungo sa Pilipinas na naghahangad na dalawin ang Senadora.


Hindi man siya naglakad ng 3,500 milya, libu-libong oras ng panloob na paglalakbay, peregrinasyon o paglalakbay ng isip, diwa, puso at kaluluwa ang kanyang ginawa araw-araw mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng umaga kinabukasan. Tuwing pinaaalis ng kulungan ang mga bisita at staff niya, nag-iisa siya, walang telebisyon, computer, cellphone, at anumang koneksyon sa labas. Natutunan na niyang magbasa ng bibliya, magnilay at manahimik habang taimtim na nagdarasal. “Opo, Father, napakalaking biyaya ng kulungan. Sa katahimikan ng aking ganap na pag-iisa, natuklasan, nakilala at naging higit na matalik kong kaibigan ang ating Panginoong Diyos, at natuto rin akong laging magdasal ng rosaryo.”


Nang humupa na sa aking puso ang pagsasaya at pagdiriwang, naramdaman ko ang malalim na katahimikan. Naunawaan ko rin na hindi lang si Jakub at Senadora Leila ang naglalakbay kundi ang bawat Pinoy at Pinay na naghahanap sa Diyos, katotohanan, katarungan at kalayaan. Hindi iba si Leila, tayo rin si Leila, at puwedeng sabihin ng bawat isa sa atin na, “Ako si Leila! Si Leila ako!”


Salamat, Judge Joseph Abraham Alcantara. Alam naming maraming katulad mo sa ating mga korte. Huwag kayong matakot o magdalawang-isip dahil maraming magtatanggol sa inyo sa paggawa ninyo ng tama at mabuti. Narito kami tulad ng aming walang sawang pagsuporta kay dating Senadora Leila De Lima at higit sa lahat, narito at nagbabantay, sumusubaybay, nagpapaalala sa ating lahat na ang Panginoong Diyos ng katotohanan, katarungan, kalayaan at pag-asa.


Muli, maraming salamat, Judge Joseph Abraham Alcantara. Salamat sa paninindigan, sakripisyo at pananampalataya, Senadora Leila De Lima!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page