top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 12, 2023


Malaya pa ba tayo? Malinaw para sa mga rebolusyonaryong Pinoy ang sagot sa tanong na ito noong panahon ng mga Kastila. Halos lahat ay hawak ng mga dayuhang mananakop. Hawak nila ang pamahalaan. Hawak din nila ang simbahan. Hawak ng pamahalaan ang ekonomiya, edukasyon, komunikasyon, kalusugan at ang bawat aspeto ng buhay ng mamamayan.


Mahigit 300 taon mula nang ipagdiwang ang pinaka-unang misa noong ika-31 ng Marso 1521, hanggang magsimulang sumuri, mag-aral, mag-usap-usap at mag-organisa ang iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino.

Una narito ang kapariang Pilipino tulad nina Padre Jose Burgos na namahayag para sa “Pilipinasyon ng Kapariang Pilipino”. Pangalawa, nagkaroon na rin ng mga mag-aaral na Pilipino na nag-ibang bansa at nag-aral sa Europa kung saan nahihinog na ang mga kaisipang demokratiko at liberal. Pangatlo, unti-unti na ring sumisibol ang mga makabagong mamamayan na nagsisimula nang magtanong tungkol sa mga mahahalagang usapin tulad ng wika, kasarinlan at kalayaan.

Mayaman ang kasaysayan ng rebolusyon laban sa España. Mayroong iba’t ibang panig sa kasaysayan na may kani-kanilang pananaw at ibinibigay na kabuluhan sa mga pangyayari.


Mahahati ang panahon ng rebolusyon sa apat: bago, habang nagaganap, pagkatapos at kinabukasan. Marami nang rebolusyong naganap sa ating bansa. Rebolusyong laban sa mga Kastila; rebolusyong laban sa mga Amerikano; giyera laban sa mga Hapon at ang sari-saring rebolusyong laban sa mga sariling mamamayan na umabuso, umapi, nagtaksil sa sariling bayan at mga mamamayan.

Kung ating susuriin ang bawat administrasyong nabuo o 'ika nga’y nahalal pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII), makikita ang unti-unting pagsibol ng kamalayan bilang bansang Pilipino na humaharap sa iba’t ibang balakid. Bunga ng mahabang pagkakasakop ng España, napakaraming mamamayan na naging bahagi ng paboritong sektor ng mga mananakop. Kaya’t isinilang ang tinatawag na mga Ilustrado na hanggang ngayon ay makikita sa uri ng pulitika ng ating bansa. Galing ang mga Ilustrado (nakapag-aral) sa Principalia, ang sektor ng mga namumunong pinili ng mga Kastila, tulad ng mga Gobernadorcillo, Tenientes de Justicia at ang mga Cabezas de Barangay.

Madalas tanungin ng marami kung ano ang mas matinding problema, ang pananakop ng banyagang makapangyarihan o ang pananakop ng sariling kababayan?

Galing si Jose Rizal sa mga Ilustrado kaya siya’y nakapag-aral sa España. Kaya niyang makipagtalastasan sa mga Kastila sa kanilang sariling wika. Dahil dito, sanay si Rizal na makipag-usap at makipagpalitan ng kuro-kuro kaninuman, maski na sa mga Kastilang mananakop ng ating bansa. Noong simula hanggang katapusan ng kanyang buhay, handang hanapin ni Rizal ang pulitikal at mapayapang pamamaraan ng pagbabago.


Subalit, lubhang natakot ang mga Kastila sa kapangyarihan ng matalinong isipan ni Rizal. Mula nang isulat ni Rizal ang kanyang mga nobela, na kumalat sa mga Ilustrado, hindi malayong ikinalat naman ng mga ito sa iba, unti-unting namulat ang marami sa mga kalabisan at katiwalian ng mga namamahalang Kastila, sampu ng mga katapat nito sa simbahan.

Sa marami nang naisulat na mga pag-aaral sa kasalukuyang lipunang Pilipino at ang mga sari-saring problemang hinaharap nito, malinaw ang walang tigil na paglaganap ng kultura at istrakturang nagsimula noon pang panahon ng mga Kastila.

Sino nga ba ang may hawak ng poder sa ating bansa? Tawag natin sa kanila ay mga TRAPO na nagmula sa mga dinastiya na siyang may hawak sa lahat ng sangay ng pamahalaan at ang bawat antas ng pamamahala at pagkakahati-hati ng lipunan mula sa sentro ng kapangyarihan pababa sa mga namamahala sa mga institusyon; at sa mga iba’t ibang legal na paghahati-hati ng poder at nasasakupang mga mamamayan: Malacañang; probinsiya (Gobernador at mga mayor) hanggang sa mga barangay.

Matindi ang hawak ng mga kasalukuyang Principalia at Ilustrado sa kani-kanilang poder at teritoryo. Kaya’t kapag maririnig natin ang mga balita hinggil sa nangyayari sa pulitika at sa mga pulitiko, pare-parehong pangalan ng mga kilalang pamilya ang ating maririnig.


Bakit? Ang mga pangalang naririnig natin ay bunga pa ng sinaunang istraktura ng Principalia-Ilustrado sa ating bansa. Mula noon (panahon ng mga Kastila) hanggang ngayon malusog pa rin ang kapangyarihan ng mga dinastiya sa lipunan.

Malaya pa ba tayo? Hindi na tayo direktang kontrolado ng mga Amerikano ngunit, kalat na kalat na ang panghihimasok ng Tsina. Bakit kaya pro-China ang nakaraang administrasyon? Bakit malapit ang pakikitungo ng kasalukuyang presidente sa Tsina at sa mga namumuno rito?

At bakit parang bukas na bukas ang presidente sa mga Amerikano?

Hindi natin hayagang makikita, maririnig at maiintindihan ang pakikitungo ng Amerika; Tsina at ang iba’t ibang demokratikong bansa sa atin. Maraming mga naturang “closed door negotiations”. Sila-sila lang sa itaas ang nag-uusap at malinaw na hindi tayo kasama.

Sa mga usaping maselan at mahalaga tulad ng Maharlika Intelligence Fund; West Philippine Seas at ang pakikitungo ng Pilipinas sa mga Amerikano (laban o kontra sa Tsina); ChaCha; ang paggipit sa inosenteng dating Senadora Leila De Lima at marami pang iba, malinaw na malinaw kung sinu-sino ang nag-uusap at nagdedesisyon. Hindi tayo. Hindi ang mga batayang sektor, ang mga karaniwan at mahihirap na mamamayan.


Malinaw na malaya silang gumamit ng pondo at poder ng pamahalaan… para sa kanila at hindi para sa atin…

Puwede ba ‘yun? Malaya sila at tayo hindi?


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 11, 2023



Kasalanan pa ni dating Senadora Leila De Lima kung bakit hindi ipinagkaloob sa kanya ang kanyang “Petition for Bail”.

Ayon kay DOJ Secretary Boying Remulla, dahil pinili pa ni Sen. De Lima na ilaban ang kanyang pagiging inosente sa halip na makiusap na palayain siya dahil sa mga “makataong dahilan” (humanitarian reasons), tulad ng kanyang mga karamdaman at iba pang dahilan.


Pinalalabas pa ni Remulla na naging “mayabang” ang mga abogado ni De Lima sa kanilang pagpapakita na mahina ang ebidensya laban sa senadora (…they wanted to show off. They wanted to send the message that they can take on the case. It’s like shooting yourself on the foot).

Dumalo ako noong nakaraang Lunes sa paglilitis sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 ni Judge Romeo Buenaventura. Wala akong nakitang pagyayabang o pagmamalaki ng mga abogado ni De Lima. Wala silang ibang sinasabi kundi ang dati na nilang pahayag na siyang naging batayan din ng pag-absuwelto sa ex-senator sa dalawang nauna at kaugnay na kaso.


Maaalala kung paano inabsuwelto ni Judge Joseph Abraham Alcantara si De Lima noong nakaraang buwan. Masayang balita ito sa napakaraming matibay ang paniniwala na walang batayan o walang tunay na ebidensya ang kaso ng pagkakasangkot sa droga ng dating senadora.

“May pag-asa pa ang hustisya sa Pilipinas,” ang maririnig mo sa maraming naroroon sa Muntinlupa Regional Trial Court nang ilabas ni Judge Alcantara noong ika-12 ng Mayo ang magandang balita ng pag-absuwelto kay De Lima. Parang ulan sa mahabang tag-init ang ganitong mga desisyon. At tulad ng ulan sa bumabagsak sa tigang na lupa, biglang sisibol ang mga damo, halaman at iinom din ang maraming uhaw na hayop.

Iba ang naging reaksyon ng marami sa desisyon ni Judge Buenaventura. “Anyari? Paano nabaliktad ang mga pangyayari? Bakit malakas na naman ang ebidensya na sangkot talaga sa droga ang dating Senadora Leila De Lima?”

Nag-iiba na naman ba ang ihip ng hangin o bumabalik lang sa dati? Ilang linggo lang pinalasap ang halimuyak ng hangin ng katarungan at kalayaan. Mabilis na bumalik na naman sa dating katotohanan na kaduda-duda pa rin ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Hindi ebidensya ang mahalaga. Hindi ang pagiging inosente ang mahalaga kundi kung sino ang kakampi o kalaban mo. Inaasahan sana ng panig ng dating senadora na magiging iba ang kasalukuyang presidente dahil hindi naman ito naging katunggali sa anumang paraan ng nakakulong na senadora. Pagkakataon na sana ng kasalukuyang pangulo na pumanig sa katotohanan at hayaan na lang ang tunay na hustisya ang umiral.

Ayon kay Judge Buenaventura, “Wala namang malubhang sakit (serious or life threatening health condition)”. Dagdag pa ni Buenaventura na hindi naman nakasama sa kalusugan ng ex-senator ang “hostage taking” na naganap noong Oktubre 2022 (not injurious to her health or did not endanger her life).

Hanggang kailan pa titiisin ng dating senadora ang panggigipit at ang maling paggamit ng ating bansa? Hanggang kailan pa niya kailangang umasa at maniwalang may mabuti at tamang mangyayari sa kanyang kaso?


Ngunit hindi kilala ng lahat ang Diyos ng katotohanan, katarungan at kalayaan. Maraming hindi kinikilala ang tunay na Diyos. Sa halip, maraming sumasamba sa mga diyus-diyosan ng kapangyarihan, kayamanan at katanyagan.

Sa nakaraang anim na taon, tatlong buwan at sampung araw, naging guro ng dating senadora ang kalaliman ng pag-iisa, at kadiliman at kalamigan ng mga rehas at matataas na pader ng piitan, na nilatagan pa ng apat hanggang limang linya ng barb wire. Dito sa tila malupit at marahas na pagbawi ng kalayaan at mga karaniwang pribilehiyo at karapatan ng mga malalayang mamamayan, natuklasan ni De Lima ang tunay na Diyos.

At hindi ang mga korte ang magpapalaya kay De Lima kundi ang Panginoong Diyos na kanyang nakilala at nagpakilala sa kanya sa gitna ng panggigipit at ang ‘di makatarungang paggamit ng batas at ng buong makinarya ng pamahalaan laban sa kanya.

Bahagi ng pamahalaan ang mga korte, tulad ng korte ni Judge Alcantara. Hindi man siya o sinumang hurado ang hindi magpalaya sa dating Senadorang Leila De Lima, naririyan lang ang tunay na Hukom na hawak-hawak ang tunay, banal at walang-hanggang kapangyarihan.

Nakakulong man si Senadora Leila De Lima, mas malayo, mas malalim at mas malawak ang kanyang pananalig at pagmamahal sa Diyos at sa kanyang mga pagpapala, pangarap (para sa lahat) at pangako at katuparan ng mga ito sa buhay ng lahat.

Mahirap mang tanggapin ang desisyon ni Judge Buenaventura, hindi tayo mawawalan ng pag-asa at panghihinaan ng loob. Ang kagulat-gulat ang madalas bukambibig ni dating Senadora Leila De Lima:

“Noon pang simula ng lahat, hindi ako nabali at basta umaasa at sumunod sa kalooban Niya. Noon pang simula ng aking pagkakakulong kumbinsido na ako na isang araw, lalaya na din ako. Tiyak kong lalaya ako dahil nasa panig ko ang katotohanan, ang Diyos at ang marami pang mga opisyal at kababayan na naniniwala at nagtitiwala sa akin at alam kong maraming-marami na kayo!!!”

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 5, 2023


Talagang unti-unting bumabalik ang multo ng kahapon. Nagsimula ang lahat nang nagtagumpay ang planong ilibing ang hindi bayani sa Libingan ng mga Bayani. Kung makapaglalakad nga lang ang patay, saan kaya ito magtutungo? Ang patay ba ang may gusto o ang mga buhay na kailangang gamitin ang patay para sa kanilang mga pinapangarap at pinaplano ang kinibo pa ang malaon nang patay at madalia’t palihim na inilipat ito sa hindi niya karapat-dapat na himlayan.


Mabuti na lang at tila kakampi ng patay ang buhay na ang kinagigiliwang salita ay “patay, patay, patay…kill, kill, kill”.


Kailan nga ba naging ordinaryo ang pagpatay at ang karahasang pumapatay?


Masaganang-masagana noon ang mga pang-aabuso sa mga naninindigan at lumalabang mamamayang Pilipino. Kung tutuusin, noon pang panahon ng kanyang ama nagsimula ang kaugalian ng pananakot, pagpapahirap at pagpatay. At sino ang naging kumbinyenteng instrumento ng 'di makataong programang ito? Eh di ang sektor na may lakas at kapangyarihang gumamit ng lakas, hindi upang labanan, kundi ipagtanggol ang mga sariling kababayan.


Ito ang naging malungkot na kasaysayan ng kinikilalang mga alagad ng kapayapaan at kaligtasan ng bansa mula sa panloob at panlabas na karahasan. At dahil kinasangkapan ang mga ito ng pamahalaang desperadong manatili sa puwesto, nabaliktad ang tungkulin at mandato ng mga ito.


Sa halip na ipagtanggol ang mga mamamayan sa panlabas at panloob na karahasan, sila mismo ang naging bukal ng takot, karahasan, panggigipit at pagpatay.


Marami ring ipinakikita at pilit na iniuulat na masagana, tulad ng pagkain. Masagana ang pangunahing pagkain ng mga Pinoy at Pinay. Masaganang-masagana ang bigas. At ito ang nilalayon ng programa ng nasirang diktador na kanyang tinawag na Masagana 99.


Mawala na ang lahat huwag na huwag lang mawawala ang bigas dahil ito ang pagkain ng isip, puso, diwa, kaluluwa at katawan ng bawat mamamayan. Maski na magdildil sa asin basta’t merong kanin na pagdidildilan. Huwag mawawala ang kanin at lahat ay mananatiling maayos at mapayapa.


Hindi tayo naiiba sa ating mga kapitbahay sa Timog Silangang Asia. Napakahalaga ng bigas para sa Vietnam, Indonesia, Thailand, Malaysia, Singapore, Hong Kong, Tsina atbp.


Maaalala ng marami kung bakit sumikat ang Pilipinas sa matagumpay na paghuhubog na ibinigay ng International Rice Research Institute (IRRI) sa mga eksperto sa agrikultura, partikular sa pagtatanim at pag-ani ng palay. Dahil sa IRRI, naging sentro ang Pilipinas ng pag-aaral at pananaliksik sa pagpapahusay ng produksyon ng palay na matibay sa sari-saring problema ng klima, hayop at kung anu-ano pa sa Timog Silangang Asia.


At ang isang malinaw na pangarap ng IRRI ay ang tulungan ang bawat bansa sa parteng ito ng mundo na maging matatag sa pansariling pagtatanim, pagpapalaki at pag-ani ng palay. Lokal na produksyon at hindi ang pag-aangkat ng bigas ang kailangan. Tayo ay malinaw na agricultural bilang bansa, dapat naging malalim ang pagsasanay, paghuhubog at pagkilos nating lahat para sa kakayahan para sa pansariling produksyon ng bigas ang ‘self-sufficiency in rice production'.


Nakakapagtaka lang ang mga ginawa ng mga nakaraang administrasyon hinggil sa produksyon ng bigas. Sa halip na pagsikapan ang lokal na produksyon, nauwi na lang sa pag-angkat ng bigas ang programa ng pamahalaan. Ganito ang naging programa ng nagdaang administrasyon sa pamumuno ni Carlos Dominguez III sa kanyang programang “agricultural importation” na nagpahamak sa libu-libong nagtatanim ng palay; mais at tubo; nagpapalaki ng baboy, baka at manok.


Ano ang mas madali? Mag-angkat o magtanim ng palay? O baka ang mas magandang itanong ay “Ano ang mas malaki ang kikitain? Ang mag-angkat o magtanim ng sariling palay?”


Malinaw sa mga maliliit na magsasaka ang kahalagahan ng pagtatanim ng palay sa sariling lupa.


Ngunit, ano ba talaga ang mahalaga sa ating mga mambabatas? Sa ating mga pulitiko?


Magkaiba ba ang pananaw at pagpapahalaga ng dalawang sektor na ito: karaniwang magsasaka at mga makapangyarihang mambabatas?


Madali kayong magbitiw ng salita tungkol sa produksyon ng palay o pera, maging Masagana 99 man ito o Maharlika Investment Fund.


Sa totoo lang, kayo lang ang nag-uusap at hindi kasama ang mga batayang sektor na higit na apektado ng maganda o pangit, tama o maling polisiya ng gobyerno.


Huwag n'yo laging isipin na madadaan n'yo sa mabilisan at palihim na maneobra ang lahat. ‘Wag n’yong isipin na nakalimutan na ng lahat ang inyong ginawang paglilibing ng hindi bayani sa Libingan ng mga Bayani!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page