top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 17, 2023


Halos nakalimutan na ng marami si Jun Lozada na nagpaliwanag sa tongpats. Whistle blower si Jun Lozada na nagbunyag ng milyun-milyong kinikita umano ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa mga malalaking kontrata sa mga mayayamang bansa tulad ng China.


Sino ang pangulong ibinunyag ni Jun Lozada. Ano’ng nangyari sa naturang pangulo?


Noon mga panahong iyon, nauso ang katawa-tawang istorya ng “hospital arrest” o ng pagkakakulong sa ospital ng mga malalaki, matataas, mayayaman at “matatalino” o matutuso. Dahil naunang pinagbigyan si Erap sa kanyang matagal na “house arrest” eh, ‘di kailangan ding pagbigyan si Gloria sa kanyang pakiusap na ma-“hospital arrest.”


At mas maganda pa ang “no arrest” sa mga nagtatakipan at nagkokontiyabahan na pare-pareho naman ang ginagawang kabulastugan sa pamahalaan. Ilan ba ang nakulong dahil sa kasong plunder o ang pagnakaw ng mula P50 milyon at higit pa?


Naalala ba ninyo ang dalawang artistang senador na nagbakasyon sa Crame Custodial Unit?


Nakakulong nga ngunit parang hindi nakakulong dahil sa mga pribilehiyong tinatamasa ng mga ito bilang mga “VIP” o “very important prisoners.”


Habang merong mga nakukulong na hindi sinlakas tulad nila na mula noon hanggang ngayon ay nakakulong pa rin. Tuluy-tuloy pa rin ang sentensya ng sikat na Janet “Pork Barrel Queen” Napoles. Ano na rin ang nangyari kay Atty. Gigi Reyes, na dating Chief of Staff ni Juan Ponce Enrile? Siyam na taon siyang nakulong dahil sa pagpuslit umano nito ng Priority Development Assistance Fund o PDAF (dating pork barrel) sa mga peke o “ghost” projects ng mga NGO na pinaboran ng kanyang boss na nagkakahalaga ng P 172.8 milyon. Kalalabas lang sa kulungan ni Gigi matapos ang 9 na taon, samantalang mahigit isang taon lang nakulong ang boss niya sa Philippine National Police General Hospital sa Kampo Crame. At nang lumabas ito, ang binitiwan pang salita ay, “Hospital arrest was like heaven.”


Parang langit nga ang buhay ng maraming mga malalaking opisyal sa gobyerno sa loob ng ospital na kanilang kulungan. Ang galing-galing naman at napakasuwerte nila. Bakit ba?


Samantala, sa naging talumpati noong ika-3 ng Hulyo, 2023 sa Flag Raising Ceremony ng Philippine National Police sa siyudad ng Baguio, nabanggit ni Mayor Benjamin Magalong ang lumolobong utang ng ating pamahalaan.


Ayon kay Magalong, tumataginting na P14 trillion. Ilang zero po ito? Para sa ating karaniwang mamamayan, mga numero lamang ang lahat nang ito. Hinding-hindi natin makikita, mahahawakan, matitikman o mapapakinabangan ang ganito karaming salapi. Ngunit, iba ang istorya pagdating sa mga opisyal ng gobyerno.


Aniya, buhay na buhay pa rin ang kultura ng pork barrel, maski na ito ay ipinatigil na ng Korte Suprema noong ika-19 ng Nobyembre 2013.


Siyempre maraming paraan para buhayin at panatilihing buhay ang “langit ng mga pulitiko.” At ito na nga ang walang kamatayang 20, 25, 40 hanggang 50% komisyon ng mga nakapuwesto sa bawat proyektong pirmahan, isulong at itulak ng mga ito.


Kitang-kita ito ng mayor ng Baguio. Nakakaapat nang may kinasuhan ang mayor ng Baguio dahil sa korupsyon. Kinasuhan ni Magalong ang Baguio City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways noong nakaraang Pebrero dahil sa maling paggamit umano nito ng P88 milyon sa paggawa ng isang tulay. At ito rin ang ikinababahala ni Senador Koko Pimentel sa ipinagkaloob na P544 bilyon na “lump sum allocations” sa DPWH.


Ayon sa pamahalaan, ang naturang halaga ay mapupunta sa Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gap o SIPAG na P104.82 billion; sa Basic Infrastructure Program o BIP na P52.45 bilyon; Network Development Program na P113,09 bilyon; sa Bridge Program na P21.09 bilyon; sa Flood Management Program na P109 bilyon at sa Asset Preservation Programs na P86.18 bilyon.


“Saang distrito at barangay mapupunta itong bilyung-bilyong alokasyon?” tanong ni Pimentel.


May maganda sigurong itanong: “Magkano talaga sa P 544 bilyon ang mapupunta sa bulsa ng mga opisyales?”


Tiyak na mangungutang na naman si P-BBM. Pero, lahat ba ng inuutang ng Pangulo at ng kanyang administrasyon ay napupunta sa taumbayan? Siguro meron ding sagot d'yan si Mayor Magalong.


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 10, 2023


Pahanon ng graduation ngayon at kung may graduation siguradong merong Baccalaureate Mass.


Ganu’n ang nangyari sa aming parokya noong nakaraang Biyernes nang umaga. Nakatutuwa ang humigit-kumulang na 600 Grade 6 ng Toro Hills Elementary School na nagtapos na dumalo sa misa.


Tulad ng lahat ng mga misa para sa mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan, medyo isang hamon ito sa mga pari ang ingay at likot ng mga bata, bago, sa simula, habang at gitna hanggang katapusan ng misa.


Sa simula ng aking omeliya, tinanong ko ang mga bata, “Marunong ba kayong mag-lato-lato?” Maingay na sigaw ang sumunod: “Opo!”


Muli akong nagtanong, “Sino sa inyo ang nagla-lato-lato?” At mas maingay pang sagot: “Ako po!” Lahat ng mga Grade 6 ang sumagot.


Sana lang bago natapos ang school year ay merong guro ang nakaisip ng malikhaing paggamit ng lato-lato para sa mas epektibong pag-aaral ng mga bata.


Samantala, ang ebanghelyo ng umagang iyon ay tungkol sa pagtawag ni Kristo kay Mateo. Isang maniningil ng buwis si Mateo. Kilala siyang mahusay mangupit sa nakokolekta nitong buwis.


Hindi naiiba si Mateo sa mga katumbas nito sa kasalukuyang lipunan. Kaya’t hindi siya kinagigiliwan at pinagkakatiwalaan ng mga tao. Ngunit nang makita siya ni Kristo, tinawag niya ito: “Mateo sumunod ka sa akin.” At sumunod nga si Mateo.


Nagpunta si Kristo sa bahay ni Mateo, kung saan nakipagsalong kumain at kuwentuhan si Kristo sa ibang maniningil ng buwis at mga Publikano. Nagtanong ang mga Pariseo sa mga alagad ni Kristo: “Bakit kumakain kasama ng mga makasalanan ang guro ninyo?”


Narinig ni Kristo ang pinag-uusapan ng mga Pariseo at sinabihan ang mga ito: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit.” Nagpatuloy si Kristo at sinabi rin nito, “Awa ang gusto ko, ‘di handog.” (Mateo 9:9-13)


Makasalanan si Mateo at nakikita ng mga tao ang mga ginagawa nito. Ngunit, nakikita naman ni Kristo ang hindi nakikita ng tao. Nakikita ni Kristo ang puso o kalooban ni Mateo. At sa kabila ng hindi magandang reputasyon nito, batid ni Kristo ang bahaging malinis na puso ni Mateo.


Meron pang naiiwang puwang na bukas sa tinig ng Diyos, bukas na makinig sa Panginoon. Hindi ganap na bingi at manhid ang kaluluwa ni Mateo. Meron pang bahaging malinis at bukas sa Espiritu ng Diyos. Ang bahaging ito ang kinausap ni Hesus habang ang bahaging ito ang nakarinig at sumunod kay Kristo.


Maraming manhid at hindi na nakikinig sa tinig ng Diyos. Ganito karamihan sa mga pulitiko mula noon hanggang ngayon. Kapag maraming pera, may kapangyarihan at malawak na koneksyon, parang diyos na ang pakiramdam.


Kaya binigyang-diin ko sa mga batang magtatapos ng Grade 6, ang kahalagahan ng pakikinig.


Ganito ang nangyayari sa ating bansa dahil wala nang totoong nakikinig. Sino ba ang nakikinig sa namumuno sa ating pamahalaan? Nakapuwesto sila, ngunit hindi nangangahulugan na pinakikinggan at sinusunod sila ng mga mamamayan. Kung ganito na ang tingin natin sa mga namumuno, ano ang kahahantungan?


Gusto ng pamahalaan na pakinggan natin sila subalit hindi sila tunay na nakikinig sa mga maliliit at ordinaryong mga mamamayan.


Ang mga inosente ay dapat lang palayain. Pero, ano ang ginagawa ng mga korte at prosekusyon?

Palpak ang bagong slogan ng “Love the Philippines” ngunit bakit itutuloy pa rin ito ng administrasyon?


Hindi makatarungan umano ang Maharlika Investment Fund subalit, pipirmahan pa rin ito para maging batas.


May batayan ang mga kaso laban sa dating pangulo na iniimbestigahan ng International Criminal Court, ngunit patuloy na iginigiit ng Department of Justice (DOJ) na hindi na natin kailangan ang ICC dahil matino at gumagana naman daw ang ating sistema ng katarungan.


Nanalo na tayo sa desisyon ng United Nations na hindi legal ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, pero hindi pa rin ganoong kalakas ang pagtutol ng pamahalaan sa tuluy-tuloy na panghihimasok sa ating karagatan ng mga barko ng Tsina.


Nakikinig ba ang pamahalaan sa taumbayan? Ang mga nasa gobyerno ay nabingi na rin kaya sa lakas ng ingay ng lato-lato, TikTok at sa lumalaganap na mga Marites mula sa itaas hanggang ibaba?


Kung hindi sila sanay makinig sa taumbayan, huwag nating masamain kung hirap ding makinig sa gobyerno ang taumbayan.


Hindi gawa-gawa ang hinaing ng mamamayan. Baka iba ang mga opisyal na tinig na nagtatanggol at nagpapaliwanag para sa Malacañang.


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 9, 2023


Ano ang pagmamahal? Naituturo, naiuutos ba ito? Likas ba ito sa bawat nilalang? Paano ipapaliwanag ang iba-ibang uri ng pagmamahal? May pagkakatulad ba ang mga ito? Mga tanong na dapat nating sagutin.


May iba-ibang klase ng pagmamahal. Ito ay pagmamahal sa Diyos, bayan, kalikasan, pamilya, asawa, anak, kaibigan, nobya, kapwa at mahihirap. Mayroon ding pagmamahal sa katotohanan, katarungan, sa mga inosenteng biktima ng inhustisya, mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, sa sariling kultura, kasaysayan, kagandahan at kalinangan, sa lahat ng mga bagay, gawain at lugar.


Ganito kalawak ang pagmamahal. Hindi ko pa inilista ang ibang mga bagay o halaga na maaaring mahalin. Baka mapuno lang ang pahinang ito ng mahabang listahan ng kung anu-anong puwedeng mahalin.


Malawak, malalim, mahalaga at kumplikado ang pagmamahal. Tila madaling pag-usapan ngunit kayhirap unawain sa pamamagitan ng mga salita, kataga o kaisipan. Sabi nga ng mga pilosopo noong araw, merong mga bagay na ganu’n kahalaga at kalalim na mas mabuti pang pagnilayan at tingnan ng tahimik kaysa pag-usapan.


Bakit kaya inabot ng labis-labis na pagbatikos at paglait ang inilunsad na slogan ng Department of Tourism? Ano ang problema ng “LOVE THE PHILIPPINES”?


Ang pinakamadalas na naririnig at nababasa ay hindi puwedeng iutos ang pagmamahal.


Anuman, sinuman ang mahalin ninuman ay napakapersonal at masasabi rin nating banal o sagrado. Talagang napakapersonal at napakabanal para sa marami ang inang Pilipinas. Dahil napakarami nitong simbolo tulad ng ating bandila, mga bayani, kasaysayan, kultura o kalinangan na sumasagisag sa isang malalim, at ‘di madaling ipaliwanag at isalarawang katotohanan, ito ang ating pagmamahal para sa ating inang bayan.


Samantala, nais kong ibahagi ang naging karanasan ko sa nagdaang 51 taon, mula 1972 hanggang kasalukuyan. Anu-ano ang mga nangyari na nagbigay sa akin ng pag-unawa at pagkilala sa nararamdaman at naiisip tuwing biglang pumapagitna sa mga usapan ang pagmamahal, pagtataya at pagsasakripisyo para sa inang bayan.


Dalawang karanasan ang tumulong sa aking unawain ang hiwaga ng pagmamahal sa ating bansa.


Una, sa nakaraang 51 taon (1972 to 2003), totoong-totoo ang paghahanap at pamamahayag sa katotohanan.


Pangalawa, ang iba’t ibang sakripisyo at pagtataya na tunay na naging lubhang mapanganib.


Sa tuluy-tuloy na pakikibaka para sa katotohanan, hindi naging madali at naging ligtas ang pagpapahalaga, lalo na ang pagtatanggol sa ating mahal na bansa.


Paano mo mamahalin at ipagtatanggol ang ating bansa kung napaliligiran tayo ng mga lingkod bayan na sa totoo lang ay mga lingkod sarili?


Ilang presidente ng Pilipinas ang nagpanggap at nagsinungaling makuha lang nila ang kanilang gusto.


Kung hindi totoo at mas madalas magpanggap at magsinungaling ang pinuno, napakahirap paniwalaan at sundin ang anumang sinasabi o pinapagawa nito sa mga mamamayan.


Isang halimbawa ang tingnan natin mula sa nakaraang administrasyon. Kung hindi matino ang namumuno, anumang sabihin nito ay kayhirap pagkatiwalaan at paniwalaan.


Noong Hunyo 2016, kasisimula pa lamang ng naturang pangulo nang biglaan at patagong nangyari na isinagawa ng mga tauhan. Nalaman na lamang ng marami na nailibing na pala ang labi ng nasirang presidente at diktador sa Libingan ng mga Bayani.


Sa aking pakiwari, ito na ang hudyat ng unti-unting pagbaluktot ng kasaysayan sa pamamagitan ng paggamit ng lakas, salapi at kapangyarihan dahil na rin sa kagustuhang itago ang katotohanan.


Samantala, sa mga balita noong nakaraang Huwebes, hindi babaguhin at mananatili ang kontrobersyal na slogan. Susuportahan pa rin ni Pangulo Bongbong Marcos, ang inilabas ng Department of Tourism sa ilalim ng kanilang chair na si DOT Sec. Christina Garcia Frasco.


Sa rami ng mamamayang hindi nagustuhan at hindi tinanggap ang slogan ng “Love the Philippines”, tuloy pa rin ito.


Malinaw na hindi nakikinig at walang pagpapahalaga sa katotohanan. Malinaw na hindi nakikita ang kaugnayan sa taumbayan at inang bayan. Malinaw na tama at malakas ang katuwiran ng marami na hindi maaaring iutos at ipilit ang pag-ibig. Ano pa nga ba ang maaasahan mo sa hindi nagpapahalaga sa katotohanan at sa sakripisyo ng mga nagmamahal sa inang bayan?


Sige Love the Philippines pa more!!!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page