top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 23, 2023


Tiyak na tulad ng marami, 'di tayo makakapasok ng Batasan para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Kaya’t heto ang munting pagninilay na aking ambag.


Hindi na kailangan ang mga conquistadores mula sa España o ang mga Amerikano at Hapones na kasunod ng mga ito. Hindi na rin kailangan ang mga taga-Tsina na lulan ng sari-saring barkong pangisda o nananakot sa ating West Philippine Sea.


Oo, malaking problema silang mga mananakop mula sa labas, ngunit paano na ang mga mananakop mula sa loob? Hindi mo sila masasabihang, “Umalis kayo sa bansa namin at amin ito”.


Ang mabilis nilang isisigaw, "Narinig nating sinabi ni Kristo: 'Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay'” (Mateo 10:36).


Ito ba tayo, na ang kaaway ng Pilipino ay ang kanyang sariling kababayan?


Opo, Panginoon, naririto na sila. Hindi sila iba. Kapatid. Kababayan. Kadugo. Kalahi namin sila.


Subalit, iba sila. Mahilig sila sa pera. Pera, hindi para sa masa kundi para sa mga Maharlika?


Mahilig silang mangulay at magtangi… pulahan, dilawan. Ngunit kayumanggi naman kaming lahat.


Kinukulong, kinakasuhan, binabastos nila ang mga naninindigan at namamahayag tulad nina Leila De Lima at Maria Ressa.


Ipinagmamalaki pa nila ang mga korteng gumagana raw at maaasahan. Kaya’t pananakop daw ang pag-imbestiga ng ICC.


Mahilig silang magsalita, mangako, magpagawa ng mamahaling logo na nagsasabing Mahalin ang Pilipinas. Bago ito! Kami pa ang uutusan nilang magmahal? Hindi maiuutos ang pagmamahal. Ito ay isang biyaya at wagas na pasya.


Sa Inyo galing ang tunay na pagmamahal. Ipinakita N'yo ito sa Inyong pawis at dugo, sa paglilingkod at pagpasan ng krus ng aming kasalanan at karuwagan.


Tulad N'yo Panginoon, kami ay inuusig, kinukulong, pinapahirapan, ninanakawan, niloloko, binebenta, ginagamit at kung maisipan pa ay pinapatay.


Hindi taga-labas ang mga mananakop. Sila’y mga mambabatas; mga hurado at heneral na mga pulis at sundalo; mga matataas, mangangalakal at makapangyarihang hawak at pag-aari ang halos lahat.


Magso-SONA sa Lunes ang Tagapagsalita nila. “Bagong Pilipinas”, ibabandera niya.


Tulad ng Bagong Lipunan ng kanyang ama o ang paboritong salitang “Love” ng kanyang ina, hindi na bago ang Bagong Pilipinas o Love the Philippines. Luma na ang mga multo ng kahapong nagkukubli sa mga mababaw na logo ngayon.


Luma na ang pulitika ng salapi at kapangyarihan. Luma na ang hustisyang nabibili, mga huradong nababayaran. Luma na ang pananakot at pagpatay. Luma na ang pandaraya, luma na ang Comelec na lalong pinaluma ng Smartmatic. Luma na ang pagwasak at pagsalaula sa kalikasan at pagkalakal nito sa mga korporasyong gahaman at dayuhan.


Naririyan ang mga lumang pamilyang kapit-tuko sa puwesto mula baryo hanggang kapitolyo, mula barangay hanggang Malacañang.


Oo, Panginoon, luma na ang pananakop mula sa loob. Ngunit, salamat sa laging buhay, sariwa’t wagas na pagmamahal sa Inang Bayan.


Ang pagmamahal sa Inyo Panginoon at sa aming Inang Bayan ang magtitiyak na laging merong bago at mananatiling bago, tulad ng pamamahayag at pagtatanggol sa katotohanan; paghahanap at pagpapalaganap ng kapayapaan; pagtatanggol sa dangal at karapatan ng bawat tao; pagsulong sa katarungan lalo na para sa maliliit at mahihirap; pagkalinga at pagtatanggol sa kalikasang tinawag ng Papa na tahanan ng lahat; pagkalinga sa mga maliliit, mga batayang sektor at mga kapatid nating katutubo; ang pagtayo at pagtutol sa mga mananakop sa labas at higit sa lahat sa mga mananakop sa loob.


Hindi silang mga taksil at sinungaling ang dapat magsabing mahalin ka Inang Bayan. Tanging ang mga tunay at wagas na magmahal lamang ang may karapatang magsabi nito.


Silang pumili sa gawa higit sa salita. Silang nag-alay ng pawis, dugo at luha, silang mga bayani ang mga tinig ng mga tunay na anak ni Inang Bayan; sila at hindi siya ng mga Maharlika ang aming pakikinggan, at hindi ang "Huwad na Bago" at ang "Malansang Pag-ibig" ng mga mananakop.


Minsan may nagsabing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala…


Tula ito ng isang tindero ng ratan at pamaypay, isang taong maliit at hamak, ngunit tinanggap niya ang biyaya at siya’y nagpasyang ialay sa Inyo Dakilang Ama at sa Inyo Mahal na Ina, ang bawat patak ng pawis, dugo at luha... Oo, Pilipinas, Aming Ina… Mahal na mahal ka namin.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 22, 2023


Titigil na naman ang lahat para pakinggan ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng ating bansa.


Dahil katatapos lang niya ng mahigit isang taon sa panunungkulan bilang pangulo, isang mahalagang bahagi ng SONA ay ang mga nagawa at natapos sa loob ng 365 araw.


Naalala ba n'yo ang kanyang mga ipinangako noong simula ng kanyang pamumuno?


Una, ibaba ng P20/kilo ang presyo ng bigas.


Pangalawa, ipagpatuloy ang polisiya ng “Build, Build, Build” ng nakaraang administrasyon.


Pangatlo, magtatayo ng “Center for Disease Control and Prevention” at “Vaccine Institute”.


Pang-apat, ipagtatanggol niya ang soberanya ng ating bansa sa anumang bansang nagtatangkang manghimasok dito (ngunit hindi niya binanggit ang Tsina).


Panlima, bubuo ng “six year comprehensive infrastructure plan” at walang bahagi ng bansang pababayaan at lilinisin ang basurang plastic, dahil ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang pinakamalaki sa “plastic pollution”.


At sa gitna ng mainit na paghihintay, wala siyang sinabi tungkol sa mga sumusunod:


Una, walang sinabi tungkol sa Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN).


Pangalawa, tahimik din tungkol sa Freedom of Information (FOI).


Pangatlo, tahimik tungkol sa “Drug War” ng nakaraang administrasyon at sa kaso ng ilang mga matataas na opisyal sa International Criminal Court (ICC).


Pang-apat, tahimik din tungkol sa Bangsamoro Peace Process.


Panlima, tahimik tungkol sa mga kaso ng korupsiyon na sangkot ang ilang miyembro ng kanyang pamilya.


Pang-anim, wala ring binanggit tungkol sa Press Freedom.


Pampito, mahina at hindi malinaw ang programa tungkol sa kapaligiran, sa harap ng “Climate Change” at “Global Warming”.


Mas itinutulak ang “mitigation” (mabawasan ang panganib) kaysa “prevention” (tanggalin ang panganib).


Pangwalo, hinggil dito, bukas siya sa pagbubukas ng matagal nang sinarang "Bataan Nuclear Power Plant" o ang paggamit ng enerhiyang nukleyar.


Samantalang ang mga nabanggit ay ang mga ipinangako ng Pangulo, ang mga sumusunod ang mga nangyari:


Una, tuluyan nang hindi ipinagkaloob ang pagbalik ng prangkisa ng ABS-CBN.


Pangalawa, sa simula, binigyan ng pagkilala ang mga pro-administration vloggers bilang tagapagbalita tungkol sa Pangulo.

Pangatlo, ang pagdiin kay Maria Ressa ng Rappler sa kasong cyber-libel.


Panlima, ang tuluy-tuloy na “red tagging” ng mga aktibista, dyornalista at sinumang namamahayag laban o kritikal sa administrasyon. Walang binanggit tungkol sa “press freedom” sa kanyang unang SONA.


Pang-anim, sa gitna ng kahirapan ng marami, nasaksihan ang mga video at larawan ng maluhong mga party na ginanap pagkatapos ng halalan. Ang pagdalo ng ilang miyembro ng pamilya Marcos sa mamahaling konsyerto sa Madison Square Garden sa New York; at ang Grand Prix sa Singapore.


Pampito, sa usapin ng kahirapan, kinuha pa rin ng Pangulo ang natanggal (disbarred, unanimous vote ng Korte Suprema) na dating Atty. Larry Gadon bilang “adviser o Poverty Alleviation".


Pangwalo, pinirmahang batas noong nakaraang Martes (Hulyo 18, 2023) ang MAHARLIKA Investment Fund sa kabila ng maraming negatibong komentaryo at oposisyon dito.

Pansiyam, walang positibong pagsuporta sa malinaw na walang basehang kaso ng dating Senadora Leila De Lima.


Pansampu, ang pagbigay pansin at gastos sa paggawa ng mga logo na binatikos at tinatakwil ng marami tulad ng “Love the Philippines” ng Department of Tourism at ang kontrobersyal na logo ng PAGCOR.


Punong-puno ng iba’t ibang brand ng mga produktong ibinebenta ang mga grocery at supermarket. Napakahalaga ng “brand” dahil kung matagumpay ito, mabibili ito at yayaman ang may-likha at may-ari ng brand. Magugulat ka sa dami ng iba’t ibang brand ng “junk food” sa pagpasok mo sa mga convenience shops sa mga gasolinahan. Sa simula, hindi mo alam kung ano sa mga ito ang bibilhin mo. Ano ang gagawin mo kundi ang subukan ang iba-ibang brand hanggang matuklasan mo ang gusto mo.


Mababaw ang pagpili batay sa “brand”. Dahil sa katakot-takot na “advertising” o patalastas, nagiging popular ang mga produktong hindi masyadong maganda sa kalusugan.


Hindi lang PAGCOR at Department of Tourism ang gumawa ng bagong branding.


Sumunod din noong nakaraang Lunes ang bagong brand o “rebranding” ng Malacañang o opisina ng pangulo.


“Bagong Pilipinas” ang brand ng Pangulo. Ano ang Bagong Pilipinas? Sa Ingles: Bagong Pilipinas is governance characterized by principled, accountable and dependable government reinforced by unified institutions of society, whose common objective is to realize the goals and aspirations of every Filipino.”


Ang ganda: ang Bagong Pilipinas ay pamumunong maaasahan, may paninindigan at walang itinatago na pinatatatag ng buong mga institusyon na sinisikap tuparin ang mga pangarap ng bawat mamamayan.


Bago ba ang Bagong Pilipinas? Maaalala ng marami ang Bagong Lipunan ni Marcos Senior. Maalala rin ang Love Bus ng Nanay noong mga unang taon ni Marcos Senior.


Hindi rin bago ang Love the Philippines. Luma na rin ang Maharlika dahil ito ang nais ipalit na pangalan ni Marcos Senior sa ating mahal na bansang Pilipinas.


Pagkaraan ng isang taon, hindi ang kababawan ng bagong “brand” o “branding” ang hinahanap ng taumbayan. Hinahanap ng bawat isa ang malalim at tunay na pagbabago na nagpapahalaga sa mithiin ng marami at hindi ang sa iilan.


Tama ang “grade” na binigay ni Marcos Junior sa kanyang unang taon. “Incomplete” daw.


Tumpak dahil walang bago kundi pagbabalik sa dati ang maraming mga programa. Tila may multo akong nakikita at nararamdaman… ang multo ng kahapon na nagtatago sa iba’t ibang palayaw nito ngayon.


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 18, 2023


Marami ang isinasagawa ngayong commencement exercises o graduation sa mga unibersidad, kolehiyo, high school at elementarya.


Punumpuno na naman ang mga malls at kainan dahil sa kaliwa’t kanan ang paghahanda para sa nagtapos na mga anak at kamag-anak.


Napakasayang maramdaman ang kagyat na bunga ng pagtatapos ng “degree” sa kolehiyo o unibersidad dahil hindi magtatagal, ang mga nagsipagtapos ay makatatagpo ng trabaho na angkop sa kanyang pinag-aralan.


Subalit, para sa ibang nagsipagtapos, hindi ganoon kadaling maghanap ng trabaho sa mga panahong ito. Meron din kasing mga natapos na kurso sa kolehiyo na mahirap makatagpo ng hanapbuhay.


Isa pa rito, ang katotohanan na napakaraming nadiskubre ang kanilang tunay na propesyon at bokasyon hindi sa paaralan, kolehiyo o unibersidad kundi sa internet.


Ilang kabataan ang natuto nang maghanapbuhay sa internet. Salamat sa lockdown na bunga ng pandemya. Maraming natutong gamitin at samantalahin ang bisa at kapangyarihan ng digital technology.


Dahil din sa lockdown, nauso ang work from home. Puwede naman palang magtrabaho sa bahay at hindi na bumiyahe pa papuntang trabaho.


At maraming mga bagong husay at kakayahan na hindi sa iskuwela o paaralan na natutunan.


Dahil dito, maraming nagtatanong kung ano pa nga ba ang kahalagahan o gamit ng edukasyon?


Dalawa sa masipag at matiyagang manggagawa sa aking parokya ang nagtapos ng hayskul ng K to 12 noong nakaraang Biyernes. Ang isa ay natapos ng hayskul sa edad na 28 taong gulang. Ang pangalawa naman ay nagtapos ng hayskul na halos edad 25.


Kung tutuusin medyo matanda na ang mga manggagawa kong nagsipagtapos ng hayskul. Tila nasa edad na silang magsisimula ng kolehiyo. Ngunit, tama bang isipin na pambata lamang ang pag-aaral?


Noong tayo ay naglilingkod pa bilang kapelano ng mga mag-aaral, guro at manggagawang Katoliko sa Unibersidad ng Pilipinas, hindi ko makalimutan ang pagtatagpo namin ng isang matandang lalaki. Pagkatapos ng misa ko, araw ng linggo sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman, nilapitan ako ng isang matandang lalaki na may pakiusap, “Paki-bless po Father ng mga ballpen at ballpen ko. Kukuha po ako ng UPCAT (ang college entrance test ng UP Diliman).


Nagulat ako, hindi sa tanong kundi sa taong nagtatanong. Tinanong ko ang tila matanda nang lalaki kung ilang taon na siya. Ngumiti ito at sumagot na, “75 lang po padre.” At sinusugan na din niya ng paliwanag kung paano siya nagtiyagang magtrabaho bilang janitor ng isang paaralan sa high school, at naisipang ipagpatuloy ang kanyang naudlot na pag-aaral sa hayskul.


Pinayagan siya ng mga guro at administrasyon ng eskuwelahan hanggang sa nakapagtapos siya ng high school sa edad na 75.


Nang tanungin ko siya kung ano ang nag-udyok sa kanyang ipagpatuloy ang kanyang high school sa kabila na matanda na siya, sinagot niya ako ng, “Naniniwala akong maaari pa rin akong matuto at maging mahusay sa isang larangan na ipagkakaloob ng edukasyon.”


Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa pag-aaral ng lolong iyon ngunit, matindi ang paniwala ko sa matandang estudyante na magtatagumpay at maaabot niya ang kanyang pangarap.


Malayung-malayo ang edad 75 sa naturang lolo at ang mga manggagawa kong magsisimula ng edukasyon sa kolehiyo na 28 at 25-anyos. Ngunit, iisa lamang ang mithiin ng tatlo – matuto, lumago at makapaglingkod nang mas maayos.


Ang 28-anyos na manggagawa ko ay nangangarap na kuhanin ang kursong Accountancy. Ang isa pang manggagawa naman na dahil mahilig itong bumutingting ng mga sirang appliances at anumang gumagamit ng kuryente, hindi nagtagal at nag-aral na rin ito ng “electrical” sa TESDA at tinapos ito.


Masaya ang dalawa kong manggagawa, hindi lang dahil natapos nila ang high school kundi dahil nagbunga ang kanilang pagsisikap na maging “edukado” na higit sa anumang pagtatapos. Hindi kasi lahat ng nagtatapos ay naging edukado at patuloy pang palalalimin at palalawakin ang ibig sabihin nito.


Maraming magtatapos na lubos ang pasasalamat dahil sa mabungang proseso ng kanilang edukasyon. Wala sa edad ang pagkakaroon ng magandang edukasyon kundi sa pagnanais na matuto at umunlad.


Napakahalaga ng edukasyon sa bawat isa sa atin. Katulad ng tatlong naibahagi ko sa inyo, sinikap nilang hugutin at palutangin ang natatagong galing at kakayahan nila na tunay na galing sa Diyos. Ang pagkilala na ang husay at talino ay nagmula sa Panginoon, kasabay ng natutunan sa mga naging pag-aaral ang siyang tunay na edukasyon na makakamit. Ito ay higit pa sa graduation o diploma na matatanggap ninuman.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page