top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 6, 2023


Itinakda ni Papa Juan Paolo II ang “Youth Jubilee” (Taon ng Kabataan) noong 1984.


Ito ay bahagi ng “Jubilee Year” 1983-1984. Kaugnay din nito, ang itinakda ng United Nations ng Year of the Youth noong 1985.


Ang pinakaunang World Youth Day (WYD) ay ginanap sa Roma, Italya noong 1986. Mula noon hanggang ngayon, tuwing ikalawang taon ginaganap ang World Youth Day, kung saan noong Enero 10-15,1995, unang ipinagdiwang ang WYD sa Pilipinas.


Nasa edad 75 si Papa Juan Paolo II, nang dumalo siya sa WYD Manila noong 1995. Ito ang ikalawang pagdalaw ni Papa Juan Paolo II sa ating bansa habang ang pinakauna ay noong 1981.


Huling pagbisita naman ng Papa sa ating bansa ang WYD 1995 dahil sa pumanaw siya noong Abril 2, 2005.


Ang pagselebra ng WYD ay mayroong tatlong pangunahing kadahilanan. Una, para ipagdiwang at bigyan ng tiwala ang mga kabataan. Pangalawa, para bigyan ang mga kabataan at ang iba na magsagawa ng banal na paglalakbay (Pilgrimage). Pangatlo, para magkaroon ng pagtitipon ang buong pamayanang Katoliko.


Ipinapakita ng mga Papa ang kahalagahan ng mga kabataan mula kay Juan Paolo II na hinirang nang santo ng Simbahang Katoliko hanggang kay Papa Benecto XVI at ang kasalukuyang Papa Francisco.


Bagama’t humigit-kumulang isang linggong pagdiriwang lang ang WYD na ginaganap ngayon sa Lisbon, Portugal, ang libu-libong delegasyon ng mga kabataang Katoliko mula sa iba’t ibang bansa ay napakahalaga para sa simbahan.


Hindi lamang ang simbahan ang nagpapahalaga sa mga kabataan. Matagal na nating naririnig ito mula sa ating pambansang bayani. Malinaw ang kahalagahan ng mga kabataan para kay Dr. Jose Rizal na minsan nagsabing, “Ang kabataan ang kinabukasan ng bayan.”


Noong 1879, sa edad na 19 isinulat ni Rizal sa Unibersidad ng Santo Tomas ang tulang, “A La Juventud Filipina” (Sa Kabataang Pilipino). Nanalo ito ng unang gantimpala sa tula na itinaguyod ng Liceo Artistico Literario. Sa tulang ito natin unang maririnig ang paghanga ni Rizal sa kanyang mga kabata. At ito ang unang taludtod ng tula:

Itaas ang iyong

Malinis na noo

Sa araw na ito,

Kabataang Pilipino!

Igilas mo na rin ang kumikinang mong

Mayamang sanghaya

Magandang pag-asa ng Bayan Kong Mahal!

Naniniwala si Rizal sa mga kabataan ng kanyang panahon at siyempre, malaki at matatag din ang paninindigan niya sa kanyang sarili.


Malalim ang pagtingin ng ating pambansang bayani sa kanyang lahi, kasaysayan at kultura nito. Alam at pinapahalagahan niya ang kakaiba at bukod tanging katangian, maging ang kakayahan ng lahing Pilipino, lalo na ng mga kabataan.


Malinaw din kay Rizal na hindi dapat mawala ang tiwala, pagmamahal at pagtatanggol sa kadakilaan at karangalan ng ating lahi.



Kaya para sa kanya, huwag mong balewalain kung sino ka. Huwag kang mangopya at tumingin sa iba. Tumingin lagi sa iyong loob at sa kalooban ng iyong lahi dahil napakarami mong makikita. Ang kabataang Pilipino ay tunay na maipagmamalaki.


Nasabi ni Rizal ito noon sa mga kabataan ng kanyang panahon dahil siya mismo ay nasa gayung katayuan. Sa panig ni Papa Francisco at ng dalawa pa na nauna sa kanya, sina Santo Juan Paolo II at Papa Benedicto, kailangan nila at ng buong simbahan na bumaba, bumabad, makinig at makipag-usap sa mga kabataan ng buong mundo.


Hindi dapat tumingin, sumuri at mamahayag ng masama sa ibang tao, lalo na ng mga kabataan na hindi sinisikap na alamin ang tunay na nangyayari sa kanila at kung paano nila tingnan, unawain at tugunan ito.


Merong diwa ng pagmamadali at kakulangan ng panahon. Pero, tila napag-iiwanan na ang maraming institusyon ng mga kabataan. Bakit? Maghihintay ba ang mga kabataang maunawaan sila ng mga institusyon, kasama na ang mga simbahan at iba’t ibang relihiyon?


Kaya, sa katapusan ng tula ni Rizal sa mga kabataan ng kanyang panahon, kailangan ang masigasig na paghayo habang malawak din ang sasaklawan nito.


Totoong babalik ang mga kabataang dumalo sa WYD 2023 sa kani-kanilang bansa at babalik silang tumatakbong taglay ang bagong ningas ng apoy ng pagtanggap at pag-unawa sa mga balitang ‘di maluluma (ang Ebanghelyo ng Panginoong Hesu-Kristo).


Sa ganang akin, handa ba tayong hindi lang makinig at makipag-usap ngunit tumakbo at maglakad ding kasama ng ating mga kabataang tumatakbo nang tungo sa kinabukasan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 31, 2023


Hanggang madaling-araw noong nakaraang Biyernes, rumaragasa pa rin ang paalis nang hangin at ulan ng Bagyong Egay.


Bandang alas-3 ng madaling-araw ay bumubuhos pa rin ang ulan at naisip kong, matutuloy ba ang ‘Debosyon ng Huling Biyernes’ at tuloy rin ba ang ‘Misa ng Masa’ para sa inang bayan sa harapan ng COMELEC?


Mabuti na lang at tumigil na ang ulan bandang alas-5 ng madaling-araw dahil hindi ko na sasabihan ang mga karaniwang dumadalo sa ‘Debosyon ng Huling Biyernes’ na huwag pumunta.


Rain or shine, marami o kaunti ang dumalo, ang mahalaga ay magkaisa sa panalangin para sa inang bayan, at lalo na para sa COMELEC na nababalot ng makapal na ulap ng hinala at hiwaga, ayon sa pahayag ng TNTrio na sina Franklin Ysaac; Gus Lagman at Eliseo Rio.


Mahigit isang taon na ang nakararaan naganap ang pambansang halalan, Mayo 2022.


Nakaisang taon na ang mga nahalal na mga local at national candidates, kabilang na ang presidente at bise presidente. Nakadalawang State of the Nation Address (SONA) na rin ang Pangulo ngunit, wala pa ring sagot habang wala pang linaw kung ano talaga ang totoong nangyari noong nakaraang halalan.


Dahil dito, itinalaga ng ilang mga mamamayang nagmamalasakit na magtungo sa Plaza Roma sa harapan ng COMELEC tuwing huling Biyernes ng buwan upang manalangin at magprotesta sa patuloy na ‘di pagsagot ng mga opisyal ng kagawaran sa mga katanungang inihain sa kanila.


Dumaan ang 5 buwan na patuloy na dumadalo ang maraming mamamayan sa ‘Debosyon ng Huling Biyernes’ sa harapan ng COMELEC.


Nitong Biyernes ng alas-8:30 ng umaga, sinimulan namin ang pagdasal ng rosaryo, ang misteryo ng Galak (Joyful) at Hapis (Sorrowful). Bandang alas-10 ng umaga, nagkaroon naman ng pagdiriwang ng Banal na Misa. Salamat kay Padre Noel Gatchalian SVD sa kanyang pakikiisa sa amin.


Kumukulimlim na nang magsimula ang misa, pero tuloy lamang kami. Pagkatapos ng ebanghelyo ay inumpisahan ni Padre Noel ang omeliya saka bumuhos ang ulan. Nabulabog ang lahat lalo na kaming nasa likod ng altar.


Kailangang ikubli ang lahat sa ulan, mula sa malaki at maliliit na ostia, ang alak na nasa kopa at ang mga banal na libro, ang leksyonaryo (mga pagbasa mula sa luma at Bagong Tipan) at Misal (ang ritwal ng misa at mga panalangin). Ilang minuto rin ang lumipas bago nagkaroon ng sapat na payong sa altar para ikubli ang lahat sa ulan.


Nagpatuloy si Padre Noel sa kanyang omeliya. Kahit na meron siyang gamit na mikropono, sa lakas ng ulan halos hindi namin siya marinig. Gayunman, tahimik ang lahat upang makinig sa mensahe.


Tuloy din ang paliwanag ni Padre Noel tungkol sa talinghaga ng paghahasik ng binhi sa iba’t ibang lupa. Tila nakikinig ang lahat sa tinig ng pari, pati na ang hangin at ulan.


Katulad ng panalangin natin, ang makinig, magmasid, dumama ang lahat-lahat na may pagkamangha at tuwa. Nang matapos ang omeliya ni Padre Noel, unti-unti na ring tumigil ang ulan. Nakapagdiwang kami ng misa nang maayos at may kabuluhan.


Dumako na kami sa liturhiya ng Eukaristiya. Binasbasan na ang tinapay at alak. Inawit ang ‘Ama Namin’, ‘Ang Kordero ng Diyos’ at pumila na ang lahat ng mangungumonyon.


Maayos, makabuluhan, malalim ang karanasan ng lahat sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.


Pagkatapos ng huling panalangin at bago ang huling pagbabasbas sa mga tao, nagsalita ako nang kaunti.


Binanggit ko ang tema ng unang pagbasa: ang Sabat. Kailangan ang pahinga, pasasalamat at pagbibigay puri sa Diyos isang araw sa bawat linggo.


Isa sa dapat ipagpahinga ng marami ay ang paggawa ng masama, tulad ng pagsisinungaling, pangdaraya, pagnanakaw at panlilinlang ng nakararaming masa.


Habang ako’y nagpapaliwanag lumapit ang isang pulis at pinagsabihan ako, “Pinalilipat po kayo ng isang opisyal ng COMELEC sa Liwasang Bonifacio.” Nagpanting ang aking tainga at mabilis kong sinabihan ang pulis, “Hindi po ako susunod sa COMELEC na ilipat ang misa sa Liwasang Bonifacio.”


Para sa amin, ang misa at ang COMELEC ay naririto sa Intramuros. Wala ang COMELEC sa Liwasang Bonifacio.


Dahil dito, malakas kong sinabi sa COMELEC, “Takot po ba kayo sa Diyos at sa katotohanan?


Hindi kami maaaring itaboy sa Liwasang Bonifacio. Para sa inyong lahat din po ang misang ito.”


Isang “public space” at public park ang Plaza Roma. Ang nais namin ay gawin ang pinaniniwalaan namin habang ipinagdarasal din namin ang lahat ng mga opisyales ng COMELEC.


Sa huli, naging maayos at makabuluhan ang naging debosyon namin, sa patnubay ng Panginoon.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 30, 2023


Taong 1970 noon sa seminaryo ni San Jose, third year high school kaming mga nangangarap na maging pari balang-araw.


Isang paring may lahing Basco (mula Barcelona sa España) ang nagtitiyagang turuan kami ng soccer football. Hindi namin makakalimutan si Padre Juan Sanz Sj. Maliit ngunit matikas at matapang itong si Padre Juancho. Hindi puwedeng patingin-tingin lang kami. Maliit man o malaki, malambot man o hindi, gusto man o ayaw, lahat ay kailangang tumakbo, habulin at sipain ang bola.


Kung magkakasipaan sa pagtira sa bola, okey lang at hindi ito kasalanan dahil bahagi lamang ito ng larong soccer football. At isa sa hindi ko malilimutang karanasan bilang batang seminarista, ang nakapaglaro ako ng football dahil tumakbo, hinabol at sinipa ko ang bola na kung saan-saan napunta. Dito ako nadulas, nasugatan at nagkapasa-pasa. Ganito ang mundo ng soccer football gaya ng paghahanda namin sa tunay na mundo.


Kaya natuwa ako nang mabalitaan ko ang panalo ng Women’s Football Team natin laban sa mga Kiwi (New Zealand Women’s football team) noong nakaraang Martes, Hulyo 25.


Marahil, hindi lang ako kundi lahat ng Pinoy ang humanga at nagpasalamat sa galing at gilas nina Olivia Mc Daniel at Sarina Bolden. Salamat sa mahusay na pag-goalee ni Olivia. Salamat sa “winning header” ni Sarina.


Malinaw na malinaw ang panalo ng ating bansa sa laro nito laban sa New Zealand. Kapag patas ang labanan, talagang may laban. Kapag hindi, anuman ang gawin mo maski na obvious na nanalo ka, puwede ka pang matalo, mapahamak at mapahiya dahil hindi patas ang laban.


Nasungkit natin ang panalo laban sa New Zealand noong nakaraang Martes lamang habang noong Lunes, naganap naman ang isa pang mala-zarzuelang larawan ng labas at loob, ng pormal at opisyal at impormal at natural. Masasabi kong hindi football ang nangyari noong nakaraang Lunes, ngunit matuturing din itong laro, o baka mas magandang tawagin na palabas.


Samantala, sumama ako sa martsa ng mga iba’t ibang grupong may kani-kanyang isinisigaw at inilalaban.


Mula sa mga dyip na “No Phase Out” ang hiyaw hanggang sa karamihang, “No to Maharlika” masaya’t masigasig ang sigaw at martsa ng magkahalong masa at mga propesyunal. Walang pagtatangi at walang mataas o mababa. Pantay-pantay ang lahat na naglalakad sa kalye mula Philoco hanggang Tandang Sora-Commonwealth Crossing.


Mahinahon at magalang ang kapulisan. Gano’n din ang mga raliyistang nagmamartsa. Tanong ko sa isang opisyal ng PNP, “Ilan po ang mga pulis na nagbabantay sa amin?”


Sumagot itong, “Humigit-kumulang pitong libo po.” Napangiti ako at nagsabing, “Baka po mas marami pa ang pulis kaysa amin.” Saka kapwa kaming ngumiti at nagkaintindihan.


Mapayapang pamamahayag ito na ginawa ng iba’t ibang grupong nagmamahal sa ating bayan.

Kung gano’n sa labas, pano naman ang sitwasyon sa loob ng Batasan?


As usual, bihis na bihis ang lahat. Nakapatadyong ang mga kababaihan habang naka-barong naman ang mga kalalakihan.


At itatanong na naman ng media sa mga babae, “Sino po ang designer ng inyong damit?” At muling maririnig ang pangalan ng mga sikat na designer ng mga rumarampang pulitiko sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.


Doon sa loob ng Batasang Pambansa, Kongreso ng Pilipinas, maririnig na naman ang mga ulat ng ginawa, gagawin at planong gawin ng mga kumakatawan na tila dalawa ang pinaglilingkuran. Una ang pormal at opisyal na mandatong paglingkuran ang lahat ng kanilang mamamayan. Pangalawa, ang ‘di pormal at patago umanong agenda na paglingkuran ang sariling interes ng pamilya at partido.


At dito, sa pangalawang pakay o agenda, malinaw na hindi na patas ang labanan. Hawak na nila ang batas, pondo, makinarya, bangko, kapulisan at kung anu-ano pa. Ngunit, hindi lang isa o dalawa, o isang Bolden at Mc Daniel, kundi libu-libong mga nagmartsa, na handang lumaban at hindi lang makipaglaro sa mga hindi patas lumaban.


Nagkita-kita at nakinig sa isa’t isa sa isinagawang SONA ng taumbayan. Buo ang pusong mananalo tayo, at panalo na nga tayo. Kahit pa walang pera, walang ternong barong at patadyong, hindi aircon at walang pork barrel. Dahil mas marami tayong nagmamahal, hindi lang sa sariling pamilya at partido, at handang ipaglaban ang bansang minamahal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page