top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 14, 2023


Kagagaling ko lang sa isang maikli ngunit makabuluhang dalaw sa bansang Vietnam.


Sobrang ikli ang tatlong araw ngunit sa rami ng nakita, nakausap, narinig at naranasan, nagkaroon ako ng higit na personal na pagtingin sa mga bagay na pawang mga malalayo at ‘di mahalagang usapin.


Kay layo na ng taong 1975. Malapit-lapit nang mag-40 taon ang katapusan ng Vietnam War.


Nasa ikaapat na taon ng kolehiyo kami sa seminaryo. Pitong taon pa ang layo ng aming ordinasyon sa pagka-pari. Ngunit, ang laman ng mga balita noong panahong iyon ay ang paglusob ng mga Vietcong sa Saigon at sa iba’t ibang bahagi ng South (Timog) Vietnam.


Ika-30 ng Abril, 1975 nang lusubin ng mga North Vietnamese Army ang Palasyo ng Presidente ng South Vietnam at tuwirang tinapos na ang giyerang sinimulan noong 1969, sa simula ng pamumuno ni Pangulong Richard Nixon sa Estados Unidos.


Inakala ni Nixon na magiging maikli at mabilis ang katapusan ng giyera laban sa Hilagang (North) Vietnam. Gagamitin niya ang malalaking B 52 eroplano upang bombahin ang mga kampo ng Hilagang Vietnam sa Cambodia. Sinundan ito ng pakikipag-usap ng National Security Adviser Henry Kissinger kay Le Duc Tho, miyembro ng Politburo ng Partido Komunista ng Hilagang Vietnam.


Subalit, mali ang akala ni Nixon. Habang tumatagal at sa kabila ng patuloy na pambobomba sa Vietnam, lalong tumitindi at tila mas tumatapang pa ang mga kaaway.


Inisip na rin ni Nixon na palakasin ang militar ng Katimugang Vietnam (South Vietnamese Army) sa pamamagitan ng programang tinaguriang “Vietnamization.”


Noong nakaraang Miyerkules, nadalaw ko ang Cu Chi Tunnels. Ito ang kilalang mga tunnel na may kahabaan ng mahigit 400 kilometro na hinukay ng mga mamamayan ng Timog Vietnam at ng mga Vietcong upang labanan ang mga puwersa ng Estados Unidos.


Dito makikita ang pagkakaiba ng naturang “Conventional Warfare” at ng kilalang “Guerilla Warfare” na nagpanalo sa mga taga-Vietnam laban sa mga sundalong Amerikano.


Napakaraming sinira at pinatay ng mga bomba ng Amerikanong hinulog ng kanilang B 52 bombers. Lahat ng uri ng bomba, iba-ibang laki at iba-iba ang bisang pumatay, sumunog at sumira ng tao, gusali, tulay, kalye at anumang nakatayo sa ibabaw ng lupa.


Ito lang ang magagawa ng mga bomba, pumatay at sirain ang nasa ibabaw ng lupa.


Ngunit, ano ang laban ng mga bomba, baril at sundalong nasa ibabaw ng lupa sa mga mala-dagang sundalong mamamayan ng Vietnam?


Marami ang mga sundalo, eroplano, armas at bomba ng mga sundalong Amerikano pero matindi ang tiyaga at pagmamahal ng mga mamamayan ng Vietnam sa kanilang bansa. Bagaman hati sa dalawa ang bansang Vietnam sa hilaga at timog, ang hilaga sa ilalim ng mga komunista at ang timog sa ilalim naman ng demokratikong Vietnamese, ay hindi masyadong malinaw ang pagkakahati. Sa mga maliliit na bayan at maliliit na mamamayan na iisa ang salita, ang kultura at relihiyon (karamihan ay Buddhist), mas madaling mag-usap at magkaisa laban sa isang kaaway.


Sino nga ba ang kaaway? Habang pinapanood namin ang mga dokumentaryo ng Vietnam War, madalas na magbabala ang aming tour guide: “Be careful what you see and hear, there are two sides, you are now watching one side.” Hindi ko kaagad naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng aming tour guide. Pero habang tumatagal, naging malinaw sa akin na isa siya sa marami kong nakasalamuhang ayaw tawaging Ho Chi Minh City ang Saigon. Napakinggan at naramdaman ko ang malalim na sinasabi nila tungkol sa matanda at malalim na kasaysayan at kultura ng dating Vietnam na ang isang sentro ay Saigon.


Doon ko nabatid at naunawaan na hanggang ngayon, hindi pa tapos ang giyera. Nahati ang Vietnam sa dalawa. Ang hilaga ay kasama ng mga bansang komunista (Russia at Tsina) habang ang timog ay kasama sa mga bansang demokratiko. Gayunman, magkakamag-anak, magkakapatid, magkababayan ang hilaga at timog. Sa mukha, sa balat, sa malalim at matagal nang kasaysayan, iisa sila.


Hindi ba ganoon din tayo? Iisa ang mga Pilipino, pero bakit merong tinatawag na mayaman at mahirap? Nasa poder, malapit sa poder, walang poder at malayo sa poder.


Iba ang karanasan at pananaw ng dalawa. Tila mayroon ding dalawang bayan na kinabibilangan ng mga mamamayan. Tulad ng mga taga-Vietnam na nagtatanong, hindi rin naiiba ang sa natin.


Kailan at paano magiging isa ang pangarap na inaasam ng mga mamamayan? Ang pangarap na magkaroon ng tahimik at masaganang pamumuhay.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 13, 2023


“Bihirang bahain ang bayan naming Malabon noong araw.


Noong maliit pa ako at nag-aaral sa isang paaralan na nasa mismong bayan ng Malabon, buhay na buhay pa ang kilalang “Letre” at “Lambingan Bridge” na kumukonekta sa Sangandaan at Tugatog.


Bakit kumokonekta? Dahil ang magkabilang panig ng Letre at Lambingan Bridge ay mga palaisdaan.


Tuwing umaga na magbubukang liwayway pa lamang, sinasalubong kami ng masayang araw at ng mga langay-langayan at tagak na lumilipad patawid ng daan galing sa magkabilang panig ng malalawak na palaisdaan.


Tuwing umuulan, malakas man o mahina, walang problema ang labasan ng tubig dahil naririyan ang mga palaisdaan. Ngunit, hindi nagtagal at unti-unting naglaho ang mga tagak at langay-langayan dahil sa unti-unting pagpalit ng lupa sa tubig ng mga palaisdaan. Ano ang dahilan? Ang “mega-mega project ng First Lady ni Ferdie na tabunan ang mga palaisdaan at likhain ang kanyang “Dagat-Dagatan Reclamation Project.”


Salamat sa project na ito at kung dating walang baha sa Malabon, ngayon ay laging meron na.


Hindi ko alam kung anong uri ng pag-aaral ang isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources noon. O baka naman hindi “environmental impact assessment” ang ginawa kundi “feasibility study” o kung paano makikinabang ang kung sinuman sa naturang proyekto.


Ngunit, ika nga “water under the bridge” na ang usaping ito.


Anumang ngawngaw ang gawin ninuman ay wala nang magagawa at wala nang mababago. Sorry Malabon, “Baha is there to stay!”


At ano ang naroroon sa lugar na merong kakaibang tunog na ninakaw ang malalim at mala-kalikasang pangalan ng isang mahalagang bahagi ng Malabon, ang mahal naming Letre at Lambingan Bridge?


Mula Letre at Lambingan Bridge, naroroon na ang pawang malarong salitang “Dagat-Dagatan.”


Oo, malarong-malaro talaga ang salitang ito dahil nawala na nga ang aming dating kapirasong paraiso ng malawak na tubigan at daluyan ng tubig ulan. Tuluyang nawala, sinira at ‘ninakaw’ na ang Letre at Lambingan Bridge.


Ano naman ang nangyayari ngayon sa karatig-bayan ng Malabon, ang mga bayan ng lalawigan ng Bulacan?


Unti-unting sinasapit na po ng mga kababayan nating taga-Bulacan ang baha na ngayo’y bahagi na ng araw-araw na pamumuhay ng mga taga-Malabon!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 7, 2023


“Papatayin ng sigarilyo ang aking kapatid!” Ito ang naging pahayag ko nang kinasuhan ko ang isang kilalang gumagawa ng sigarilyo na siyang naging paboritong “brand” ng sigarilyo ng aking kapatid na nagkasakit at namatay sa kanser noong Disyembre 1, 2004.


Bandang Abril ng taong 2004 nang sinamahan ko ang aking kapatid sa Regional Trial Court ng Makati upang sampahan ng kaso ang Philip Morris, Philippines.


Mula nang matutong magsigarilyo ang aking kapatid, naging paborito na nito ang nasabing brand. Humigit-kumulang 20 taon na nagsigarilyo ang aking kapatid hanggang nagpasyang tumigil ito alang-alang na rin sa kanyang pamilya, ang kanyang misis at dalawang anak.


Mabuti na lang at nakuha pa niyang tumigil dahil nang magkaroon siya ng kanser ito ay nasa Stage 1B pa lamang. Paliwanag ng kanyang mga doktor na bagama’t matagal nang tumigil sa paninigarilyo ang aking kapatid, matagal na ang 20 taon para mag-iwan ng makapal na deposito ng “tar” (alkitran) mula sa bawat hitik (usok ng sigarilyo) na pumapasok sa kanyang baga. At hindi ganoon kadaling tanggalin at linisin ang baga ng dumikit na tar.


Maraming doktor at mga anti-tobacco groups ang natuwa sa hakbang naming magkapatid na sampahan ng kaso ang naturang kumpanya ng sigarilyo. Masaya’t masigasig ding tumulong ang opisina ni Atty. Frank Chavez sa aming adbokasiya. Sayang nga lang at humina, hanggang sa namatay ang aking kapatid at hindi ko na nasusugan pa ang sinimulan kong laban sa kumpanya na naging dahilan ng pagkakaroon ng kanser at kamatayan ng aking kapatid.


Mabuti na lang at mayroong mga grupo tulad ng kina Dra. Maricar Limpin na isinulong ang pagpapatupad sa Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization noong 2005. Dahil sa sinimulang ito, unti-unting nagkangipin sa laban ang iba’t ibang grupo at indibidwal sa patuloy na paggawa at pagbebenta ng sigarilyo.


Damang-dama sa mga sandaling ito ang epekto ng mga bagong batas na nagtaas ng buwis sa paggawa at pagbenta ng sigarilyo.


Nabawasan nang malaki ang bilang ng nagsisigarilyo dahil sa kamahalan nito.


Sa ganang akin, salamat na lang at kung hindi, tuloy pa rin ang pagdami ng mga may sakit at mayroong sari-saring problema dahil sa bisyo ng paninigarilyo. Nakatulong din ang mga “graphic anti-tobacco warnings” o ang mga pangit na larawan ng mga kanser sa bibig, lalamunan at mukha.


Kaya lang, kataka-taka at kamangha-manghang tingnan kung paano pikit-mata o dedma ang mga bumibili ng mamahaling pakete o kaha hanggang mga ream ng sigarilyo.


Anumang pangit ng nasa harapan ng kaha ng sigarilyo parang walang napapansin o nakikita ang bumibili nito.


Samantala, noong Pebrero 2000, ilang linggo bago magsimula ang lockdown, namatayan din kami ng kaiskwelang pari na taga-Bulacan at Pampanga. Mula nang kami ay maging magkaklase hanggang sa naging pari ay hindi na tumigil ang aming classmate na napakahusay kumanta kaya siya ang nataguriang “Singing Priest” ng Bulacan, at ng Pilipinas. Namatay sa “atake ng puso” ang aming mahal na kaiskwela sa murang-murang edad na 63. Nabanggit ko ito dahil sa tila pareho ang paboritong sigarilyo niya at ng aking kapatid na namatay sa kanser.


Sa nagdaang mga araw, nagkaroon ng palitan ng kuru-kuro ang dalawang ahensya ng pamahalaan. Nagpahayag ang Department of Health (DOH) pagkatapos hikayatin ni USEC. Ceferino Rodolfo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pamahalaan na gawing “prime investment location for manufacturing.” Nasabi niya ito kaugnay ng posibleng pagtaas ng konsumo sa mga “Heated Tobacco Products” o HTP.


Magugunita kung paano tumindi ang kampanya ng mga Transnational Tobacco Companies o TTCs sa produksyon ng higit na bagong produktong nicotina at tabako.


Isinilang noong panahong iyon ang mga “e-cigarettes” o kilala rin sa “electronic delivery systems o ENDS at ang mga “heated tobacco products” o HTPs at ng mga “snus” at “nicotine” pouches. Ito ang itinuturing ng mga TTCs na kanilang mga Next Generation Products o NGPs.


Salamat naman sa DOH na nagbabala, hinggil sa negatibong epekto ng pagpapalabas ng mga iba’t ibang bagong produktong may nikotina at tabacco ay “magbubunga ng pangmatagalang pabigat sa ekonomiya sa anyo ng mga seryosong isyung pangkalusugan at kamatayang bunga ng paninigarilyo” (long term economic burden in the form of serious health issues and deaths caused by smoking).


Para naman sa ating pamahalaan, huwag sanang magbulag-bulagan sa taginting ng pera, samantalang alam nating pagkain ang mas mahalaga kaysa sa posibleng lason ng sigarilyo, na higit na kailangan ng ating mga kababayan ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan kaysa sa bisyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page