top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 26, 2023


Magdiriwang ng ika-20 taong kaarawan ang Diyosesis ng Cubao sa darating na Lunes, Agosto 28, 2023.


Itinatag ang Diyosesis ng Cubao ni Santo Papa Juan Pablo II noong Hunyo 28, 2003. Dati ay isang distrito lang ang Cubao sa malawak na Arkidiyosesis ng Maynila sa ilalim ni Jaime Cardinal Sin.


Bahagi ito ng tinatawag na Quezon City South, samantalang ang North Caloocan at Novaliches ang bumubuo ng Quezon City North.


Ang obispo ng Quezon City South (Cubao) nang ito ay nagsimula noong Marso 15, 2002 ay si Obispo Socrates Villegas. Subalit nang likhain ni Papa Huan Pablo II ang bagong Diyosesis ng Cubao noong Hunyo 2003, ang naitalagang unang obispo nito ay si Honesto Ongtioco.


Pormal na naitatag ito bilang bagong diyosesis, sa ilalim ng kanyang unang obispo noong Agosto 28, 2003. Naroroon sa Immaculate Conception Cathedral, Lantana, Cubao ang mga kaparian, relihiyoso at layko sa mahalagang araw na iyon.


Puno kami ng sigla at pag-asa bilang bagong diyosesis. Handa kaming harapin ang sari-saring hamon bilang simbahang naglilingkod sa Diyos at sa Inang Bayan. Napakarami nang nangyari sa nakaraang 20 taon.


Katatapos lang ng EDSA Dos nang mapalitan ni Gloria Macapagal-Arroyo si Erap Estrada.


Nagkaroon din ng “Withdrawal of Support ng 10 kasapi ng gabinete ni Arroyo na nakilalang Hyatt 10 noong Hulyo 8, 2005 bunga ng iskandalong ‘Hello Garci’ na narinig sa isang “voice tape” si Pangulong Arroyo na nakikipag-usap kay COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano tungkol sa mga botong ipinangako nito lalo na sa Mindanao.


Sa kabila ng iskandalong ‘Hello Garci’ na nagbunga sa isang impeachment complaint laban kay Arroyo, hindi ito pumasa sa Senado at Kamara na ang nakararami ay mga sumusuporta kay Arroyo. Hindi rin nakasuhan si Arroyo at Garcillano dahil ganu’n din ang sitwasyon sa mga korte.


Malaking krisis sa moral ito sa Simbahang Katoliko dahil sa sistematikong pagpapatahimik sa mga namumuno rito. Sistematikong korupsiyon ang tila ginamit ng administrasyon ni Arroyo sa pamamagitan ng mga “regalong” regular na ibinibigay sa mga obispong handang tumanggap nito.


Nahati at humina ang simbahan dahil dito.


Mula kay Arroyo hanggang sa sumunod na tatlong Presidenteng Noynoy, Duterte at ngayon Marcos, tila ang pinakanegatibong epekto ng “sistematikong korupsiyon” ay nagpatuloy ang kapansin-pansin na katahimikan ng karamihan ng namumuno sa Simbahang Katoliko.


Napakalaking hamon ito ngayon sa Simbahang Katoliko, hindi lang sa Cubao kundi sa lahat ng diyosesis sa buong bansa, ang muling magsalita at maging tapat sa kanilang ministry ng pamamahayag o ng ministry ng pagiging propeta.


Nasa 36 na taon na makaraan ang pagpapaalis sa tinaguriang ‘Pangulong Diktador’, habang nakabalik ang anak nitong junior. Merong malaking katanungan ngayon kung paano nangyari ito sa kabila ng napakalinaw na popularidad ng kalaban at lider ng oposisyon noon na si Leni Robredo.


Merong isa pang malinaw na propeta na patuloy na nagtitiis ng hindi makatarungang pagkakakulong. Malapit nang mag-7 taong nakakulong ang dating Senadora Leila De Lima.

Ang kanyang paninindigan at katapangan ay tunay na kahanga-hanga.


Malinaw sa paliwanag sa mga magulang, mga ninong at ninang ng mga batang bibinyagan na tatanggapin ng mga bata ang tatlong hamon at misyon ni Kristo. Habang ipinapahid sa noo ng bata ang Chrism o langis na magtatatak ng espiritu ni Kristo sa kaluluwa ng bata, idinadasal ng pari na sana’y lumaki ang bata na tapat sa pagiging hari, pari at propeta ni Kristo.


Hindi lang ang mga obispo, pari, relihiyoso at layko ang hinirang na mamamahayag ng katotohanan ng Mabuting Balita. Ang lahat ay merong pananagutang mamahayag.


Sana, magising at magsalita na ang lahat sa ika-20 kaarawan ng Diyosesis ng Cubao.


Sana, hindi lang ang Cubao kundi ang lahat ng diyosesis, lahat ng Kristiyano at mamamayan ay magising, manindigan, magsalita at palayain na ang ginigipit at kinukulong na katotohanan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 22, 2023


Apatnapung taon na pala nang pinaslang ang itinuturing na martir na si Ninoy Aquino.


Naaalala ko pa ang mga pangyayari noong araw na iyon. Abalang-abala ako sa paghahanda para sa pag-alis ko patungo sa bagong “assignment” mula kay Jaime Cardinal Sin.


“Gusto kong mag-aral ka sa Roma para magturo sa ating seminaryo ng San Carlos sa Guadalupe, Makati.” Ito ang utos at pakiusap sa akin ng mahal na Cardinal noong mga panahong iyon.


Hindi naging madali para sa akin na tanggapin ang utos ng Cardinal dahil sa lubhang mabigat ang kalagayan ng ating bansa noon. Ayaw kong umalis dahil nais kong tumulong para maghanap ng paraan na matapos na ang pang-aabuso at pagmamalabis ng mga namumuno sa pamahalaan sa ilalim ng tinaguriang “Pangulong Diktador” at mga alipores nito.


Subalit, hindi ako maaaring sumuway sa utos ng Cardinal. Bagong pari pa lamang ako noon at malinaw na malinaw ang pang-unawa ko sa tungkulin at pananagutan ng bagong pari na magtiwala at sumunod sa kanyang Obispo na kailangan niyang ituring bilang ama.


Mabigat din ito sa aking kalooban dahil damang-dama ko ang pinagdaraanan ng taumbayan. Labing-isang taon mula nang ideklara ang Batas Militar (Martial Law) noong ika-21 ng Setyembre 1972. Napakarami nang nangyari, mga nawala, tinortyur, sinalvage, pinatay at itinapon na lang sa mga palayan, ilog, kabundukan o kung saan-saan.


Hinawakan at hinigpitan ang media, binawal ang mga pagtitipon habang mabilis na kinakasuhan ang anumang pagtitipun-tipon na tinatawag na “illegal assembly.”


Sobrang luho ng mga nakaupo habang sobrang hirap ng mga isang kahig isang tukang mga manggagawa, mangingisda at magsasaka.


Maraming nagpaalila bilang mga DH o “domestic helper” sa ibang bansa. Ito at iba pang nagpapabigat sa pakiramdam ng mga mamamayan sa mga buwan sa bandang dulo ng taong 1983.


At kasabay ng lahat ng ito, sa halip na makiisa sa pakikibaka ng aking mga mahal na Kababayan, ako ay naghahandang umalis para mag-aral sa ibang bansa. Nang biglang nabalita ang pagdating ni Ninoy Aquino.


Alam ng karamihan na darating ang kilalang senador na kalaban ng nakaupong pangulo.


Batid din ng marami na merong seryosong banta sa buhay ng senador sakaling bumalik ito sa bansa at hindi siya ligtas kaya mas mabuting huwag na siyang umuwi pa.


Subalit, buung-buo na ang kanyang kalooban. Napagpasyahan na niyang itaya ang lahat sampu ng kanyang buhay para sa kalayaan ng mahal niyang bansa.


Sa mga salita ni Ninoy noon, malinaw ang kanyang kahandaan para sa anumang panganib. Ito ang kanyang isinulat bago siya bumaba ng eroplano para salubungin lang pala ang kamatayan.


“I am prepared for the worst, and have decided against the advice of my mother, my spiritual adviser, many of my tested friends and a few of my most valued political mentors.”


Sa mga binitiwang salita ni Ninoy, marapat nating pagnilayan at buong kababaang-loob na ibahagi ang kanyang naging buhay na puno ng kadakilaan, kabayanihan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.


Una rito, malinaw ang pagmamahal ni Ninoy sa kanyang bansa. Maaga itong nagsilbi bilang manunulat, journalist, reporter dito at sa ibang bansa.


Pangalawa, mahal niya ang katotohanan. Ito ang pinakalaman ng anumang pag-uulat at kanyang pamamahayag.


Pangatlo, alam niya ang kahalagahan ng matino, marangal at ma-prinsipyong pulitika.


Bago siya naipatapon sa Estados Unidos, nakulong muna si Ninoy dahil sa kanyang matapang na pagtuligsa sa anumang katiwalian ng pamahalaan, partikular noong panahon ng “Pangulong Diktador”.



Pang-apat, madasalin at higit pang naging madasalin si Ninoy sa kulungan. Malalim at matatag ang kanyang pananampalataya sa Diyos, kay Kristo at sa Inang Maria. Kitang-kita ito sa kanyang araw-araw na debosyon sa Santissimo Rosaryo.


Panlima, ang katapangang itaya ang lahat para sa kanyang paninindigan at pananampalataya. Sa mga huling sandali bago siya binaril, mahinahon at seryoso si Ninoy kahit alam niya ang panganib habang inihanda na niya ang sarili para harapin ang sukdulang banta ng kamatayan.


Pang-anim, tiyak akong sinadya ni Ninoy na ibigay ang sariling buhay para magising ang maraming natutulog na Kababayan. Sa pangyayaring iyon, humantong ang lahat sa mapayapang People Power Revolution.


Salamat Ninoy. Maraming, maraming salamat. Ngayong nagawa mo na ang nais mong gawin, samahan mo kaming gawin ang dapat naman naming gawin.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 21, 2023


Isa lang ang damdaming namamayani sa burol at prusisyon papuntang libingan.


Dalamhati o matinding lungkot dulot ng pagkakahiwalay ng pumanaw na minamahal at nagmamahal. Wala nang buhay ang dating kamag-anak, kaibigan, kasama, kapitbahay na masigla, masaya, makulit at puno ng pag-asa. Lumisan na at tumigil nang maging mabunga’t mapaglihang bahagi ng buhay at ng kasaysayan.


Ngunit, maaari ring puno ng saysay at halaga ang libing. Depende ito sa inihahatid sa hantungan at kung sinu-sino ang nakikipaglibing.


Noong ika-16 ng Agosto, 2017, napatay si Kian de los Santos sa edad na 17. Makaraan ang isang linggo, libu-libo ang nakipaglibing kay Kian, ang unang nakilalang batang biktima ng “tokhang”. Napakahaba ng pila ng mga tao maging sa burol at prusisyon patungo sa libingan ni Kian.


Hindi lang libing ni Kian, kundi ang marami pang aspeto ng kanyang buhay at kamatayan ang nagbigay ng bigat, kulay at halaga o “saysay” sa murang buhay ng binatilyo.


Kaya’t hindi lang lungkot at dalamhati ang naghatid kay Kian. Inihatid din siya ng matinding paghahanap at pagkauhaw sa katotohanan at katarungan.


Nagsimula na noong mga panahon ng 2016, ang pagpapalaganap ng “fake news” o ang nilikhang kasinungalingan (manufactured lies) hanggang matapos ang termino ng dating presidente. Nagkaroon na ng bagong hanapbuhay na hindi nakakatulong sa pag-ahon ng lipunan sa kadiliman ng kasinungalingan, propaganda at ang sistematikong pagkontrol at pagpapahina na media.


Kasabay ng “death squads” na imported mula Davao, ang mga trolls na bumubuo ng mga naturang “Troll Farms” na daan-daang mga binabayarang magkalat ng paninira, panlilinlang at pagbabaluktot ng katotohanan o ng kasaysayan.


Ito ang tinatawag sa Ingles na “historical revisionism” o ang pagbabago o pagrerebisa ng kasaysayan. Isa ring uri ito ng pagpatay. Habang pinalalaganap ang kasinungalingan at unti-unting pinapatay o binubura ang katotohanan, unti-unti ring namamatay ang kaluluwa ng tao, ng mga mamamayan at ng inang bayan.


Kaya ganoon kahalaga ang prusisyon tungo sa libingan ni Kian. Hindi lang si Kian ang inililibing kundi ang lahat ng pinatay at pilit pang pinapatay upang pahinain ang kamalayan para sa buhay at kalayaan, at palakasin ang pagsunod, pagsang-ayon at pagsabay sa opisyal at makapangyarihang agos na hindi nag-iisip, sumusuri at namamahayag.


Simula pa lamang ng “tokhang”, ang opisyal na programang war on drugs ng nakaraang administrasyon. Isang paalala at hamon ang prusisyon para huwag kalimutan at balewalain ang nangyari sa binatilyong si Kian na pinatay umano ng mga pulis katulong ang kanilang mga “assets.” Hinding-hindi maaaring palampasin ang ganitong kalabisan at krimen lalo na kung ito ay gawa ng mga alagad ng batas na inaasahan ng lahat na poprotektahan at ipagtatanggol.


Nagkataong inilibing noong nakaraang Huwebes, ang isa sa mga kasong kinasasangkutan ng kapulisan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.


Mukhang nagbago na ang direksyon ng kasalukuyang administrasyon. Hindi na ang programang labanan ang droga kundi ang programa na labanan ang kagutuman at kahirapan. Marahil, ito ang dahilan kung bakit hinawakan ng Pangulo ang Kagawaran ng Agrikultura at nilagdaan ang Maharlika Investment Fund sa kabila ng malawakang pagtutol dito ng marami.


Nagulat na lamang ang marami nang naulit na naman, ang eksenang naging ordinaryo at pang-araw-araw noong nakaraang administrasyon.


Araw-araw ang tokhang, ang pagkatok at paghanyo o pakiusap na magbago na at iwanan ang droga. Madalas na kasunod ng tokhang ay ang pagbaril umano sa kinatok at dinalaw na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.


Ngunit, walang kinalaman sa droga ang dalawang binatilyo lulan ng bangka sa dagat ng Navotas.


At dahil hinahanap ng kapulisan ng Navotas ang isang suspek sa pagpatay, mabilis na pinagpasyahan ng mga ito na isa sa dalawang binatilyo sa bangka, ay ang kanilang hinahanap.


Sinasabing ito ang dahilan ng pagbaril kay Jemboy na tumalon sa tubig at sinundan pa ng putok ng baril na tumawa sa ulo nito.


Mabuti’t mabilis ang grupong Paghihilom na magpadala ng mga abogado sa pamilya ni Jemboy. Hawak na ngayon ng mga abogado ng IDEALS (Human Rights NGO). Aalamin ng mga lawyer kung sinu-sino pa ang mga pulis na dapat kasuhan maliban sa anim na pinangalanan na sa imbestigasyon.


Kasabay ng pag-iimbestiga at pagbuo ng kaso laban sa mga tunay na salarin, naroon ang pagtutok sa kultura ng karahasan at sa pagmamaliit, pagbalewala sa buhay.


Kung si Kian ang naging simbolo ng tahasang pagbalewala at pagpaslang sa buhay noon, si Jemboy naman ang simbolo ng kamalayan at kultura na ang karahasan, pagpatay at pagbalewala sa buhay.


Patay na at kapwa nang inilibing sina Kian at Jemboy. Ngunit, ano kaya ang epekto nito sa ating mga buhay at mga naiwanan?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page