- BULGAR
- Sep 17, 2023
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 17, 2023
Ipinagdiwang ng aking ama na si Carlos Evangelista Reyes ang kanyang ika-100 kaarawan.
Halos 13 years nang hindi namin kapiling ang aming Tatay Carling na pumanaw noong Nobyembre 9, 2010.
“Napakabilis ng panahon,” ang karamihang sinasabi lalo na ng mga namatayan at bigla na lang matatauhan na isa, lima, 10 taon o higit pang wala na ang kanilang mahal sa buhay. Ganyan ang panahon na madalas nating balewalain. Ganito natin higit na malalaman na hindi natin pag-aari ang panahon dahil sa tatakbo, uusad ito ng sarili na wala tayong magagawa.
Subalit, meron tayong importanteng magagawa hindi upang pigilin ang panahon kundi para pigilan ang pagkalimot o ang pag-aksaya ng mahalaga at bumubuhay na alaala.
Noong nakaraang Biyernes, tinipon natin ang ilan sa matatalik na kaibigan ni Tatay Carling sa aming bahay sa Malabon. Nag-alay ako ng banal na misa para sa aking yumaong ama at sama-sama naming ginunita ang kabutihan at kadakilaan ng aking mahal na ama.
Matagal na naglingkod siya bilang kaagapay ng mga naging kura-paroko ng aming parokya.
Wala itong hindi dinaluhan at sinuportahang gawain ng simbahan.
Inasahan, pinagkatiwalaan, sinandalan at naging tunay na sandigan ng munting Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus ang kanyang abang-lingkod na si Carling.
Sa aking omeliya sa misa, ibinahagi ko ang tunay na kayamanang kaloob ng aking ama hindi lang sa amin kundi sa buong pamayanan ng aming parokya.
Una rito, hindi importante sa aking ama ang pagkilala at pag-alala sa kanya at sa mga ginawa niya. Higit na mahalaga sa kanya ang maglingkod at tumulong.
Maraming hindi nakakaalam kung paano noon pang dekada 60, kasama ang aming kura-parokong si Padre Antonio Benedicto, plinano, tinayo at tinapos nila kasama ang ilan pang mga masisipag na parokyano ang simbahan ng aming parokya.
Hindi naghangad ng anumang pagkilala ang aking ama para sa kanilang nagawa at naiambag para sa parokya. Walang makikitang anumang tanda o “marker” saanman na nagsasabi kung sinu-sino ang nagsimula ng Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus at ng magandang simbahan nito. Hindi man alam o nakalimutan na ng mga tao ito, ang mahalaga’y ginawa at inialay sa Diyos Amang lumikha at tumubos ng lahat.
Pangalawa, hindi siya nasilaw sa pera. Hindi niya pinanghinayangan ang pag-aambag ng pera sa sari-saring pangangailangan ng simbahan.
Ganu’n din siya sa maraming lumapit sa kanyang humihingi ng tulong pinansyal.
Napakarami niyang pinahiraman ng pera. At ang reklamo ng nanay ko, “Nagpapautang nga ngunit hindi naman naniningil!”
Kaya nang mamatay si Tatay Carling, napakaraming nangutang na parang bulang biglang naglaho. Tiyak ko, ang mahalaga sa aking ama ay hindi ang magpautang at maningil kundi ang tumulong. Magbayad man o hindi, ang importante sa kanya ay ang tumulong at hindi sambahin ang salapi.
Pangatlo, salamat at meron kaming bahay na napapaligiran ng mga puno at halaman na pawang magandang hardin na nasa labas at malayo sa siyudad.
Ito ba ang pamana ng aming ama sa amin, ang halos wala nang natirang salaping tinanggap niya noong siya’y magretiro na unti-unting naglaho’t nawala sa kamay ng mga taong kanyang natulungan?
Ano ang pinakamahalagang pamana ni Carlos Reyes bilang anak, kapatid, asawa, ama at lider ng isang pamayanan? Hindi pera. Hindi ari-arian. Hindi pangalang kinikilala at dinadakila.
Ngayong ika-100 kaarawan ng yumao kong ama, ang kanyang pinakamahalagang pamana ay ang mga iniwanan niyang mabuti at magandang halimbawa. Makikilala siya ng mga malalapit sa kanya, una, sa kanyang pagmamahal at paggalang sa kanyang mga magulang at lahat ng nakatatanda.
Pangalawa, sa kanyang malalim na pagkilala at pagmamahal sa Diyos na sentro ng lahat ng kanyang ginagawa.
Pangatlo, sa kanyang walang sawang pagkawanggawa.
Pang-apat, sa kanyang wagas at tahimik na paglilingkod at pagbibigay ng sarili hanggang sa kanyang pagtanda at kahit sa pagkakasakit.
Panlima, sa kanyang galak at kahinahunan na bumubuklod sa pamayanan. Kilalang “life of the party” at kung tutuusin tunay na “light and life of the community” o ilaw at buhay ng pamayanan ang aking ama.
Pang-anim, sa pagiging mabuting ama at kaibigan ng marami. Mapagkaibigan, mabuting kausap at magandang pakinggan si Tatay Carling dahil kilala siya rito ng lahat.
Pangpito, sa gitna ng mga kontrobersiya, hindi nanigaw, gumamit ng mabibigat at nakakasakit na salita ang aking ama. Tunay na instrumento siya ng kapayapaan at daluyan siya ng biyaya at buhay ng Diyos para sa lahat.
Hindi dapat mabura at makalimutan ang mga yapak ng mga dakilang matandang yumao na. Mabuting balikan ang istorya ng kanilang buhay at hindi lang pasalamatan kundi pag-aralan, tularan at pagyamanin sa buhay ng mga naririto pa ang kanilang napakagandang mabuting halimbawa.




