top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 24, 2023


Dumalaw ako nitong Biyernes sa isang kaibigang matanda.


Ang una niyang sinabi sa akin ay, “Father, mag-face mask ka!” Tinanong ko naman siya kung bakit at sinagot niya ako ng, “Pumutok na naman ang Bulkang Taal at nagkalat ng “vog” (smog from volcano).


Matagal-tagal na rin at naalaala ko ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong Hunyo 15, 1991.


Dalawampu’t dalawang taon na ang dumaan mula nang pumutok ang Mt. Pinatubo.


Matindi at tunay na malubha ang pinsalang iniwan ng bulkan. Hindi lang usok kundi buhangin o “ash fall” ang matagal na nagdulot ng perhuwisyo sa napakaraming bayan sa Zambales, Pampanga, Bulacan hanggang Maynila.


At ngayon, muli na namang nararamdaman ang epekto ng pag-aalburoto ng isang bulkan na hindi kalayuan sa Maynila. Sa totoo lang, madalas-dalas nang nagpaparamdam ang Bulkang Taal sa mga bayan na pumapalibot dito.


Marahil, magandang gamitin ang pagkakataon ng muling pagsabog ng Bulkang Taal para palalimin ang panawagan ng Santo Papa na ipagdiwang ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation, mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 4. Bagama’t ilog ang ginamit na larawan at tema ng Panahon ng Paglikha, hindi maihihiwalay ang bundok at bulkan sa usaping tubig at ilog. Paulit-ulit ngang pinaaalala ng mga dalubhasa sa ekolohiya na “magkakaugnay ang lahat.”


At sa kabila ng buhay na buhay at damang-dama ang babala ng kalikasan, parang bulag, manhid o walang pakiramdam at walang pakialam ang marami, lalung-lalo na ang mga kumpanya at malalaking korporasyon na iisa lang ang interes, ang kumita nang malaki.


Nagulat na lang ako noong umaga ng Huwebes nang lapitan ako ng isang babae na nakiusap na suportahan ko sila sa kanilang laban sa isang korporasyon na balak magtayo ng dam sa kanilang bayan ng Pakil.


Ikinuwento ng isang residente ng Pakil ang tungkol sa $1.1 billion Ahunan Hydropower Project na nagbabantang putulin ang naturang “supply ng natural spring water mula sa Sierra Madre”.


Kaya siguro binuo ng mga mamamayan ng Pakil ang Mamamayan Nagmamahal sa Pakil (Manapak). Hinihingi ng mga Pakilenyo na itigil lahat ng gawaing nasimulan at nagpapatuloy sa Mt. Ping-as na itinuturing na banal ng mga Pakilenyo.


Ang mga “partner” na may-ari ng proyekto ay ang bilyonaryong si Enrique Razon ng Prime Metro Power Holdings Corp. at JBD Water Power Inc. Nilalayon ng dalawang partner ang lumikha at maglabas ng 1,400 megawatt ng kuryente para sa Luzon grid.


Malawak ang sasakuping lupa ng proyekto. Nasa 299 na ektarya na sasakop sa mga barangay ng Bano, Burgos, Rizal at Taft. Lubhang ikinatatakot ng mga Pakilenyo ang pagkasira ng mga bundok, pagkawala ng matitirhan ng ilang pamilya, pagtuyo ng tubig at ang pagkasira ng mga lugar na mayroong kahalagahang pang-sining at relihiyon.


Nakatutuwa ang dedikasyon ng lider-layko na kumausap sa akin at humingi ng tulong para tutulan ang naturang proyekto. Inanyayahan niya ako sa kilos-protesta na magaganap sa mga darating na araw sa bayan ng Pakil.


Maaaring sabihin ng ilan na nag-aaksaya lang ng panahon, pera at lakas ang lahat ng mga dumalo sa rally na sa tingin ng mga ito ay tila dayaang naganap sa COMELEC sa nagdaang halalang pambansa.


Bumabalik na naman ang bukang bibig ng marami na, “Pare-pareho lang sila” habang wala tayong magagawa. Ngunit, hindi ganu’n mag-isip ang lahat ng naroroon sa rally noong nagdaang Huwebes.


Marami ring nagsasabing, “Hindi kami katulad ng mga umayaw at napagod na”. At sinasabi rin nila na, “Marami pa tayong magagawa”. Ganitung-ganito ang pananaw at paninindigan ng mga Pakilenyong nakipag-usap at nag-anyayang tumulong ako sa kanilang krusada.


Bagama’t may kalayuan sa mga bundok ng Pakil, Laguna, ang nag-aalburotong Bulkang Taal, iisa lang ang mga bulkan na ito sa ilalim ng lupa. Tunay na tunay ngang magkakaugnay ang lahat.


Dahil sa parehong magkakaugnay ang problema sa COMELEC, ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal at ang nanganganib na kabundukan ng Pakil na nais na baguhin ng isang mayamang kumpanya. Ang mga ito ay maituturing na bagong banta ng pagkasira ng ating kalikasan.





 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 23, 2023


Sampung taong gulang pa lang ako noong 1965 nang napakinggan ko ang kuwentuhan at palitan ng kuru-kuro ng aking ama at ng kanyang mga kapatid tungkol sa eleksyon noon.


Ang kalat na slogan noon ng bagong kandidato ay, “STOP MAC, GO MARCOS!”


Matatapos na ang unang termino ni Pangulong Diosdado Macapagal na gustong tumakbo para sa isa pang termino na pinapayagan sa lumang Saligang Batas. Hindi naman masamang pangulo si Macapagal ngunit malinaw na merong kakaibang dating ang kalaban nito sa katauhan ni Ferdinand Edralin Marcos.


Naaalala ko pa ang mga katangian ni Marcos na pinag-uusapan at sinusuri ng aking ama at ng aking mga tiyuhin. “May pangarap si Marcos!” Sabi pa nila, matapang at may paninindigan.


Magaling magsalita sa Ilokano at Tagalog, at lalo na sa Ingles. Hindi kailangang may basahin, mabilis itong lumikha ng talumpati sa kanyang ulo at ito ay mabilisang gawing mahusay na talumpati. May malinaw na “vision” o pangarap ito para sa bayan. Ang mga ito at marami pang ibang katangian na hindi ko na maalala dahil sa tagal na ng mga pangyayari.


Nanalo si Marcos at naramdaman ang kakaibang buhay sa ilalim ng mahusay na bagong batang presidente. Sa unang apat na taon ni Ferdinand Marcos, maaalala ang maraming tila maka-masang programang nilikha ng bago at batang pangulo. Naririyan na ang Masagana 99 at ang Samahang Nayon. Malinaw na natuwa naman ang aking ama at kanyang mga kapatid sa unang taon ni Marcos.


Nag-umpisang magbago ito lalo na sa kalagitnaan ng pangalawang termino nito.


Nagsimula na ang mga kilos-protesta sa mga huling taon ng dekada sesenta (1960) hanggang sa simula ng dekada setenta (1970).


Madalas ang mga rally sa Plaza Miranda at Mendiola. Nangyari na rin ang First Quarter Storm sa UP Diliman sa pagtayo ng mga barikada sa mga pasukan ng UP Diliman.


Buhay na buhay ang mga alaala ko sa mga unang taon ng dekada 70, ng mga rally, lalo na ang mismong pagdeklara ng Martial Law o Batas Militar sa Pilipinas.


Hindi ako naging miron, na mahusay manood at walang gawin sa mga nangyayari sa paligid.


Natutunan ko at sinikap kong kumilos sa tatlong antas ng naturang “rebolusyonaryong pagkilos” na binubuo ng “Above Ground,” Middle-Ground at Underground. Ang pinakamahirap at pinaka-delikado ay ang underground.


Nabatid kong merong mga armadong sangay ang ilang mga kilusan. At ito na nga ang pinaka-delikadong sangay dahil nakikipagsagupaan umano ito sa ating mga sundalo at kapulisan.


Napakalungkot ng mga panahong iyon dahil sa hidwaan at madugong labanan na kinasasangkutan ng mga magkakapatid, magkakalahing mamamayan.


Nagpatuloy ito hanggang sa naganap ang mitsa ng mapayapang rebolusyon ng EDSA.


Noong Agosto 21, 1983, umuwi si Ninoy Aquino at binaril ito sa Tarmac ng Manila International Airport.


At mula noon hanggang sa mga araw ng Pebrero 23, 23 at 25, 1986, natapos ang 21 taon ng diktaduryang Marcos at ng lahat ng mga cronies at kasama nito.


Ngunit, matiyaga ang mga pinatalsik at sa tingin ko ay naging pabaya ang mga nagpaalis.


Malaking gulat na lang ng marami nang mabilisan, biglaan at gulatang nanalo raw ang anak ng tinaguriang diktador. Mabilis ding pinanumpa ito sa dating Kongreso, kaya’t mabilisan ding ipinapatupad nito ang sari-saring programang pabor sa kanila at sa mga kakampi. Happy na naman sila tulad ng dati noong buhay pa ang kanilang ama.


Noong nakaraang Huwebes, bilang paggunita sa Setyembre 21, ang Martial Law, naganap ang iba’t ibang pagkilos. At sa COMELEC sa misang inialay, hinikayat na magnilay at manalangin ang lahat para basagin ang pagkalimot, kababawan at kapabayaan.


Hindi sakit ng mga Pinoy ang pagiging makakalimutin, mababaw at pabaya. Sistematiko at sinadyang kinokondisyon at tinuturuan ang lahat na kumalimot, maging mababaw at pabaya.


Tila, unti-unting binabago at binubura ang kasaysayan para wala o ibang-iba na ang maaalala ng mga mamamayan.


Patuloy din na ineengganyong gumamit ng mga iPad, cellphone at computer para mag-TikTok, mag-reels at mahumaling sa medyo mababaw at parang walang tunay na laman ang mga pinapanood at pinag-uusapan.


Patuloy din ang pagkakalat ng kaisipan at pag-uugaling naniniwala na “pare-pareho lang ang lahat ng kandidato.” Patuloy din ang pagkumbinsi sa lahat, lalo na sa mga maliliit at kapos na “wala naman tayong magagawa para baguhin ang sitwasyon”.


Subalit, hindi namin tinatanggap ang ganitong pananaw kaya’t aming isinisigaw na hindi pare-pareho ang mga Pilipino. Dahil maraming mulat at matino na handa nang kumilos.


Hindi rin totoong wala na tayong magagawa. Sa tulong ng Diyos, napakaraming magagawa, lalo na kung kasama Siya at ang Kanyang banal na basbas at pag-aalaga sa atin.




 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 18, 2023


Hindi mahilig sa maraming salita si San Francisco ng Assisi. Kaya isa sa naging tanyag na sinabi niya ay, “Ipahayag ang Ebanghelyo at kung kinakailangan gumamit ng salita!”


Malinaw sa sinasabi rito na hindi sa pamamagitan ng salita, kundi una ang gawa o pagkilos na magiging paraan ng pamamahayag ng mabuting balita.


Kadalasan, makikitang nananalangin at nagseserbisyo sa mga mahihirap, lalo na sa mga ketongin si San Francisco. Ang paglilingkod na may wagas na pagmamahal, pagmamalasakit sa kapaligiran ang higit niyang pinahahalagahan kaysa sa mahahabang mga sermon, panayam at talumpati tungkol sa pag-ibig sa kapwa at pakakawanggawa.


Ito ang paliwanag sa akin ni Padre Cris Pine OFM, kung bakit nais nilang maglinis ng ilang bahagi ng estero sa Barangay Bahay Toro. Aniya, bahagi ito ng pagsunod nila sa panawagan ni Papa Francisco sa pagdiriwang ng Panahon ng Paglikha o Seasons of Creation, padaluyin ang kapayapaan, katotohanan at katarungan ng Diyos na tulad ng malinis at malusog na ilog.


Humigit-kumulang 50 mag-aaral ng Inter-Congregational Theological Center o ICTC, isang institusyon na humuhubog tungo sa pagpapari ng mga seminarista ng iba’t ibang seminaryo at kongregasyon ang nakasama sa naturang gawain. Hindi hayagan ang paglilinis ng ilang metrong estero na kanilang ginawa, ang mahalaga ay may naiambag sila para sa pagprotekta sa kalikasan.


Samantala, kung titingnan natin ang kasalukuyang krisis sa bigas, makikita natin ang kahalagahan ng produksyon ng palay. Laging problema ang sobra o kulang na tubig para sa mga palayan.


Kapwa pumapatay sa palay ang kakulangan o kalabisan ng tubig. Hindi lang palay o anumang halaman, puno o sangkap ng kalikasan ang apektado ng tubig, gayundin ang mga hayop, ibon, isda at siyempre mga tao. Ikamamatay ng lahat ang kakulangan o kalabisan ng tubig. Maaari ring ikamatay ang maruming tubig, na patuloy na pinadudumi hanggang sa maging lason mula sa mga pabrika at polusyon mula naman sa mga kabahayan.


Ito ang kauna-unahang pagkakataong magtutulungan sa Barangay Bahay Toro ang simbahan at barangay. Tunay na napakagandang konsepto itong sinimulan at ipinamana ni Jesse Robredo sa kanyang binuong UBAS o ang Ugnayan ng Barangay at Simbahan. Napapanahong maganap ang gawaing ito ilang linggo bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.


Magandang alamin sa pamamagitan ng mga forum kung sinu-sino ang “luntian” o maka-kalikasan sa mga kandidato. Napakahalaga ng pagiging luntian ng mga kandidato sa SK at barangay.


Kasabay ng ilang mahahalagang programa na dapat masiglang isinusulong ng barangay tulad ng kalusugan, kabuhayan, kapayapaan at edukasyon, napakahalagang bigyang diin ang kalikasan.


Totoong nagsimula na sa mga tahanan, paaralan at barangay na tutukan ang edukasyon ng mga mag-aaral sa elementarya at hayskul. At ang tinatawag na pagsasaluntian ng edukasyon na kabahagi ang lahat ng mga sektor at institusyon para maging ganap at tunay na nagmamahal, gumagalang, nagproprotekta at nagtataguyod sa kalikasan.


Napapanahon ang pagsasagawa ng paglilinis ng mga estero sa Barangay Bahay Toro.


Kasabay nito ang Pista ni Maria, Ina ng Dalamhati noong Biyernes, Setyembre 15, 2023.


Kung merong pitong dalamhati si Maria, tiyak na may pito ring dalamhati si Inang Kalikasan at si Inang Bayan.


Kung pag-uusapan ang dalamhati ni Inang Kalikasan, masasabing ang pinakauna rito ay ang kawalan ng pagmamahal at respeto para sa kanya ng mga tao.


Noong isang araw, nagkaharap at nagkapalitan ng salita sina Senadora Risa Hontiveros at Bise Presidente Sarah Duterte. Masusi ang pagtatanong ni Senadora Risa kay VP Sara, na kalihim din ng Department of Education, sa budget ng kagawaran.


Sa huli, nanawagan si VP Sara na aniya, “Irespeto siya ni Senadora Risa Hontiveros.”


Ikinagulat at ikinatuwa naman ng marami ang naging sagot ni Senadora Risa na, “Hindi Respeto ang hinihingi ng taumbayan kundi ang pagiging tapat at totoo”.


Malaking pondo na binubuo ang Intelligence Fund ang hinihingi ni VP Sara para sa kagawarang hawak niya. Hindi kaya mas magandang ilagay ang perang iyon sa pag-aalaga sa kalikasan kaysa aksayahin at hindi alam kung saan gagamitin ang pondong iyon? Marahil, tama si Sen. Risa na hindi respeto kundi tapat at totoong paglilingkod ang kailangan.


Ito rin ang hinihingi sa atin ng Inang Kalikasan na ipinakikiusap din ni Papa Francisco, kasabay ng pagdiriwang natin ng Panahon ng Paglikha (mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 4, 2023) ang pagrespeto sa ating kalikasan.


Hinihingi ng Inang Kalikasan ay tapat, totoo at malawakang gawa at pagkilos sa pag-aaruga, pagprotekta at pagpapayabong ng kalikasan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page