top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 07, 2023


Nakausap ko ang isang kaibigang pari na buong siglang ibinahagi ang kanyang tuwa sa nangyari sa harapan ng opisina ng Commission on Elections (COMELEC) noong nakaraang Setyembre 21, kasabay ng 51st anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law o Batas Militar sa Pilipinas.


Punumpuno ang Plaza Roma, mula umaga hanggang pasado alas-12 ng tanghali ng araw na iyon.


At iyon din ang pinakamaraming nagtipun-tipong indibidwal sa harapan ng COMELEC.


Ang isang kakaibang dahilan na nagparami ng mga dumalo sa mga regular na misa sa nasabing venue ay ang paglulunsad ng grupong STORM o September Twenty One Reform Movement na binubuo ng mga matataas na retiradong opisyal ng Philippine Army at Philippine National Police.


Isa sa kanila, ang unti-unting nakikilalang si General Eliseo Rio na kasama sina Gus Lagman at Frank Ysaac ay naglabas ng natuklasan nilang anomalya ng nakaraang pambansang halalan noong Mayo 9, 2022.


Ayon sa kaibigan kong pari, kumalat sa social media ang mga positibong reaksyon sa maraming mga mamamayan na humanga sa mga matatandang heneral at iba pang matataas na opisyal ng Army at kapulisan na hindi inalintana ang kanilang edad o kondisyon, at sa halip ay piniling lumantad at manindigan laban sa mga katiwalian umanong naganap sa COMELEC kasabwat daw ang SMARTMATIC at nababanggit na ring negatibong kontribusyon ng PPCRV.


Madali kong sinang-ayunan ang punang ito dahil sa namalas kong mga pangyayari mula Marso hanggang Setyembre (7 buwan) ng taong ito.


Medyo malungkot at hindi ganoon karami ang mga kabataan ngunit laging marami at tila parami pa nang parami ang mga nakatatanda. Kakaiba nga ang pagtitipong naganap sa harapan ng COMELEC noong Setyembre 21. Pawang “reunion” ng mga miyembro ng EDSA UNO Army.


Marami akong narinig na batian ng mga matatagal nang hindi nagkikita mula pa noong EDSA UNO (Pebrero 22-25, 1986).


Maririnig mo na nagsasabing, “Salamat at buhay ka pa at buhay pa tayo.” “Mabuti at hindi ka pa umaayaw at handa ka pa ring lumaban.” Madalas-dalas ko ring marinig ang, “Never Forget, Never Again!” At napakarami kong mga kaibigan noong mga panahong iyon na lumitaw din.


Ibang-iba na ang mga anyo naming lahat dahil puti ang buhok ng karamihan. At meron ding mangilan-ngilang wala nang buhok.


Alam kong busy lang ang mga kabataan dahil karamihan sa mga ito ay nag-aaral pa at malaking bahagi ng mga ito ang nagtratrabaho naman. Ngunit, marami-rami rin sa kanila ang nakaalis na ng ‘Pinas na medyo bumaba ang moral at nawalan ng pag-asa sa ating bansa, at tuluyan na ring nawalan ng tiwala sa pinaniniwalaan nilang “oposisyon.”


Pero, marami ring mga kabataang nakipag-usap sa mga matatanda na natuwa at lumakas ang loob dahil sa mga nakatutuwa at nakatataba ng kaloobang mga kuwento nina kuya at ate, tito at tita, lolo at lolang aktibista.


Maganda pala ang mga karanasan ng mga nabuhay na sa panahon ni Marcos Senior.


Ibang-iba ang kuwento nila sa pinalalabas na kagandahan at kabutihang dulot ng Martial Law ni Marcos Senior.


Ibang-iba pala ang katotohanang kinukuwento ng mga naranasan ito kaysa sa mga sadyang nagbabago at nagpapalit sa tunay na nangyari sa pamamagitan ng sistematikong “rebisyonismo” o pagbabago ng kasaysayan.


Merong pagkakaiba, ang basta tumanda at may pinagkatandaan. Lahat ay tatanda ngunit hindi lahat ay may katatandaan. Hindi pinipili ang pagtanda ngunit pinipili ang pagkakatanda. Ang mga nagsisikap na panatilihing buhay ang alaala sa totoong nangyari, sa tunay na karanasan at hindi lang ang narinig o nabasa ay may kinatatandaan. At tatanda man sila ngunit hindi hihigupin ang kanilang diwa at gunita ng itim na kawalan ng pagtalikod sa katotohanan (black hole of forgetting).


Hindi kasalanan ang makalimot o maging makakalimutin dahil sa edad. Ngunit, malaking kasalanan ang piliing kumalimot o tanggapin pa ang baluktot, binaluktot na bersyon ng kasaysayan.


Kung sa bagay, merong malaking pananagutang magkuwento at magbantay ng tunay na kasaysayan ang mga matatandang naranasan ang Martial Law ni Marcos Senior. At mabuting nagsisimula na muling magkita-kita at matulungang sariwain muli ang mga karanasan at kuwentong naranasan noong mga nagdaang panahon.


Parang mitsang may sinindihan ang pagtitipon sa Plaza Roma noong ika-21 ng Setyembre 2023. Binuhay ng mga buhay na buhay na matatanda ang sariwang-sariwang gunita o alaala. Kaya nga mga ate, kuya, tita, tito, lola at lola kayo ang pag-asa ng bayan.


Huwag ninyong kakalimutan ang kasaysayan. Ikuwento ninyo ito sa amin at tulungan din kaming alalahanin ang wagas at tunay na kasaysayan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 04, 2023


Noong nakaraang Biyernes ay Last Friday Devotion sa COMELEC at nagkataong Pista ng mga Arkanghel na huling Biyernes din ng Setyembre.


Ginunita at pinarangalan ng Simbahan ang tatlong Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel at San Rafael.


Sa mga napag-aralan ng mga bata sa kanilang Katekismo, ang mga anghel ay ang tagapaghatid ng “Presensiya” ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga anghel, higit nating nararamdaman at nararanasan ang banal at mahiwagang pagdalaw at pakikiisa ng Diyos sa ating lahat.


Napakaraming kuwento tungkol sa mga anghel lalo na sa Lumang Tipan. Gaya na lang ng ilang beses nakipag-usap ang mga anghel kay Abraham. Hatid ng mga anghel ang mga mahahalagang mensahe ng Diyos kay Abraham. Makikita natin ito sa Genesis 18.


Sa ginanap na Last Friday Devotion ay naroroon kami sa Plaza Roma sa kabila ng daan sa harap

ng pasukan ng COMELEC. Mula roon nagdasal kami ng rosaryo at nag-alay ng banal na Misa.


Pitong buwan na kaming nagtutungo sa COMELEC. Ginagawa namin ito tuwing huling Biyernes, walang palya na nagdarasal kami at nag-aalay ng Misa.


Iba-iba ang dami ng mga nakikiisa. Iba-iba ang panahon. Minsan mainit, minsan umuulan. Ilang beses pang bumuhos na pawang unos ang masaganang biyayang handog ng langit. Walang tanungan kung tuloy o hindi. Dahil hindi mawawala ang panatang sinimulan habang mahalagang tuluy-tuloy ang pagbabantay at paglilinis ng Last Friday Devotion.


At malinaw noong nakaraang Biyernes, kung sino talaga ang nagbabantay at naglilinis.


Instrumento lang ang mga mamamayang naroroon. Sa pagninilay namin ay sumagi sa isipan namin ang mga tanong na, ‘Nasaan ang tatlong arkanghel? Sa labas ba o loob ng COMELEC?’


Bilang mga mensahero ng Diyos, walang makakahadlang sa mga anghel. Walang pader na makapal o muog na mataas ang makakahadlang sa kanilang banal na misyong magparating ng mensahe ng Diyos.


Nasa loob ang mga arkanghel at meron silang kani-kanyang tungkulin. Babantayan ni San Miguel ang lahat ng mga taga-bantay. At unti-unting tuturuan nito na bantayan ang mga posibleng abuso at katiwaliang magaganap.


Babantayan ni San Gabriel ang pitong Commissioners na sina George Garcia (chairman); Socorro B. Inting; Marlon Cosquejo; Aimee Ferolino; Rey Bulay; Ernesto Maceda Jr; at Nelson Celis. At titiyaking ginagawa ng mga ito ang tungkuling bantayan ang “Electoral Process” na binubuo ng mga tao, makinarya at pamamaraan upang siguruhing tama at tapat ang pagbibilang ng bawat balota na naglalaman ng boto ng bawat mamamayan.


Mapipigilan ba ng mga anghel ang anumang anomalya at katiwaliang maaaring gawin ng sinuman sa pitong Commissioners tulad ng pagpigil ng anghel kay Abraham na huwag patayin ang kanyang anak na si Isaac? Puwede ngunit, depende sa puso ng mga namumuno sa COMELEC.


Bukas at dalisay ang puso ni Abraham. Lagi niyang hinahanap at pinakikinggan ang tinig at kalooban ng Diyos. Malinaw sa taumbayan kung sino ang dapat pakinggan at sundin ng mga Commissioners at ng buong COMELEC. Subalit, totoo pa bang pinakikinggan ng pamahalaan ang taumbayan? Sino nga ba ang tunay na pinakikinggan ng mga namumuno sa ating pamahalaan?


Babantayan naman ni San Rafael ang mga mamamayan na matagal nang nahihirapang lumaya sa sakit ng ating pulitika. Nasanay na ang maraming umasa sa sari-saring pabuya at ayuda na galing sa mga “padrinong pulitiko.” Mula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang ngayon, nananatiling magandang palamuti ang mga batas para lang masabing merong totoong demokrasyang umiiral sa ating bansa. Ngunit, bakit hindi mapalit-palitan ang mga gobernador, mayor at kapitan ng barangay? Bakit paulit-ulit na lang ang mga pangalan ng mga senador at kongresista?


Gayunman, natitiyak ng lahat na hindi mawawala ang mga anghel sa loob ng COMELEC.


Tiyak din ng lahat na meron at merong mga kawani ng COMELEC na may malinis na puso at matuwid na kaisipan na hindi man kayang gawin ang nararapat sa ngayon, balang araw sila ang maaasahang instrumento ng katotohanan, katarungan at kalayaan ng bansa.


Ngunit, ang gawain ng tatlong arkanghel ay hindi natatapos sa kanila. Ang bawat mamamayan ay munting anghel din na dapat magbantay, mamahayag ng katotohanan at maging instrumento ng paghilom ng sakit ng pamahalaan at taumbayan.


Sa aklat ni propeta Ezekiel 28:18 mababasa kung ano ang nangyari kay Lucifer. Kung paano nahulog mula sa trono ng kabutihan at karangalan si Lucifer at naging Satanas, na nakasaad, “Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan…”


Tunay ngang mabigat ang laban dahil hindi lang ang mga anghel ng liwanag ang kumikilos sa mundo. Naririto rin ang mga maituturing na “anghel ng kadiliman.” Hindi pa rin tapos ang laban ng mabuti at masama, ng katotohanan at kasinungalingan. Sa loob at labas ng COMELEC naroroon ang dalawang uri ng anghel.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 02, 2023


Minisahan ko noong nakaraang Huwebes ang yumaong Dona Detera.


Nasa 40 taong gulang lang si Dona, na mayroong anim na anak sa pitong ama.


Ang mga nakatatandang anak niya ay may kani-kanilang buhay na. Ngunit, mayroong mga maliliit pang anak si Dona. Paano mabubuhay ang mga ito, kung wala sa mga naging lalaki sa buhay ni Dona ang sumusuporta sa kanya?


Nag-iisa lamang si Dona. Hanggang sa nagkasakit at namatay ito, nag-iisang nagtrabaho ang nanay ng anim na bata.


Matagal na naglabada si Dona hanggang sa sinubukan nitong mangalakal, na nauwi rin sa ganitong hanapbuhay.


Kasama niya ang dalawang pinakabatang anak na sina Edna, 11, at Babylyn, 9. Noong simula ay kasa-kasama pa ng dalawang batang babae ang kanilang ina. Sa mga nagdaang buwan, masyado nang humina si Dona dahil sa sakit nitong tuberculosis o TB.


Ayaw uminom ng gamot o magpatingin sa doktor ang maysakit na ina hanggang sa naiwanang walang kasamang matanda ang dalawang bata sa pangangalakal.


Kinausap ko sina Edna at Babylyn tungkol sa kanilang pangangalakal. Kapag maganda ang kanilang pangangalakal, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon, ay kumikita sila ng P200. Ngunit, kung hindi naman ay nakakapag-uwi sila ng P100.


Pinagkakasya rito ni Dona ang isang kilong bigas sa buong araw para sa apat na bibig.


Bumibili siya ng hotdog at dila-dila sa halagang P50, habang pinatatagal ito ng dalawang araw. Pagkatapos ng misa, kinausap at tinanong namin si Jhona, ang panganay na anak ni Dona, kung ano ang plano nito para sa kanyang mga maliliit na kapatid. Kukunin ni Jhona ang mga kapatid niyang sina Rico at Edna, at aampunin naman ng isang kapitbahay si Babylyn.


Pinasalamatan ko si Dona dahil sa sinikap niyang itawid sa hirap at gutom ang kanyang mga anak.


Hindi siya nagreklamo, bagkus lubos na nagtiis para lang buhayin ang mga maliliit na supling.


Para sa ating mga mambabasa, tunay na mahirap damhin ang nararanasan ng mga lubhang mahihirap. Kapag nakita mo ang mukha at katawang nakaratay ni Dona, na lubog ang pisngi, sapat nang marinig mo ang nagsusumigaw na mensahe nito. Parang ganito ang sinasabi, “Tiniis ko ang kahirapan, ang kasalatan at kakulangan sa lahat dahil mahirap ako. Ordinaryo na sa akin ang gutom, mas sanay akong tiisin ang gutom kaysa kumain nang kaunti. Tiniis ko ang pagod at hirap ng mahabang oras na nag-iikot sa mga basurahan ng mayayamang subdibisyon at ang mga tapunan sa gilid-gilid ng kung saan-saang mga kabahayan. Sanay akong kumita nang kaunti at pagkasyahin ito. Walang bukas para sa akin at hindi ako nagpaplano dahil ang ngayon lang ang mahalaga. Ito ang aking buhay. Sinasabi ng mga pari, “mahal ng Diyos ang mahihirap!” Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi ko rin batid kung alam ng mga pari ang maging mahirap. Ang alam ko lang ay mahirap ako”.


Siguro ay naitanong din niya sa sarili na, parusa ba ito ng Diyos? Mayroon bang Diyos na nagmamahal sa lahat? Bakit may mayaman at mahirap? Sino sa kanila ang mas mahal Niya?


Maaaring dumating din sa kanyang buhay na wala na siyang panahong unawain ang kung anu-anong sinasabi tungkol sa kanila. Wala na ring panahon na suriin pa niya kung totoo o hindi ang mga pangako sa kanila ng pamahalaan. Tatanggapin niya ang anumang iabot, ayuda, regalo, blow-out, suhol, lagay at iba pa dahil pare-pareho lang ito sa bawat araw na kailangang tumawid sa hirap at gutom.


Para sa kanya, ito ang ibig sabihin ng ‘isang kahig, isang tuka’ at ito ang buhay ng isang mahirap.


Kasama ko ang ilang mga parokyano na nagsusulong ng Maliit na Pamayanang Kristiyano o ng Basic Ecclesial Communities sa Ingles.


Nagpapasalamat ako sa Diyos na mayroong mga parokyanong bumababa at nakikiisa sa buhay ng mga maralita. Hindi ako o sila man ay mahirap. Hindi namin alam ang kumain ng hotdog at dila-dila araw-araw.


Ngunit, nagsisikap itong maliit na bahagi ng simbahan na makinig, tumulong at maglakbay, na nangangarap na hindi lang paikut-ikot ang buhay ng mga maralita.


Mayroong hindi mahirap na pinipiling alamin ang tunay na nangyayari at pinagdaraanan ng mga mahihirap nilang kapatid.


Unti-unting nagkakakilala ang mga mayayaman at mahihirap na hanggang sa nagbabahaginan ang dalawa.


Totoong hindi maghihirap ang marami sa aming pamayanan, ngunit hindi sila lumalayo o umiiwas sa mga mahihirap. Sa halip ay nakikiisa, bumubuo ng sambayanang nananalangin, kumikilos, nangangarap nang sama-sama.


Sila na nagiging malapit habang nagkakaalaman hindi lang kung ano ang laman ng kani-kanilang bulsa, kundi ang laman ng puso ng bawat isa.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page