top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 22, 2023


Akala ng mundo na napakasama at napakapangit ang nagaganap na giyera na sinimulan ng Russia sa Ukraine.


Matagal-tagal na ring nakikita ang kabayanihan ng pamumuno ng presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy. Mahigit nang isang taong ipinagtatanggol ni Zelenskyy ang kanyang bansa. Mula noong Pebrero 24, 2022, madalas na mapapanood at mapapakinggan si Zelenskyy hindi lang ng kanyang mga kababayan kundi ng buong mundo. Madalas ding maihambing si Zelenskyy kay David, at ang Russia na ang presidente nitong si Vladimir Putin kay Goliath.


Anumang laki ni Goliath na kagaya ng Russia ay hindi matitinag at hindi patatalo ang maliit na David. Ganu’n kaya ang mangyayari sa dulo ng giyera ng Ukraine vs. Russia?


Bigla namang pumasok ang girian ng mga dambuhalang bansang China at Estados Unidos sa usapin ng West Philippine Sea, na sabi ng China batay sa mga matatandang mapa at dokumentong hawak nila ay pag-aari raw nila ito. At habang lumalalim ang sagupaan ng army ng Ukraine at Russia, tumitindi naman ang pangamba ng marami sa mga nangyayari sa Timog Silangang Asya (South East Asia).


Halos linggu-linggo merong mga balita tungkol sa ‘di magandang salubungan ng Coast Guard ng China at ng Pilipinas. Panay banta ang ipinararating ng China hinggil sa panghihimasok ng mga barkong Pinoy sa bahagi ng dagat na pag-aari raw nila, ayon nga sa mga lumang mapa at dokumentong hawak nila.


Natapos na sana ang kontrobersiyang ito kung kinonsidera lang ng nakaraang administrasyong Duterte ang pahayag ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Seas, na sa Pilipinas ang kasalukuyang teritoryo na ginagalawan ng kanyang mga barkong pribado at komersyal sampu ng mga bangka at barkong pangisda.


Sa kasawiang palad, tila bumigay ang nakaraang administrasyon sa China sa sinasabi nitong sa kanila na pumapaloob sa 9-Dash Line. “Wala akong magagawa kung gusto nilang pumasok sa mga karagatang sabi nila ay kanila. Ano ang magagawa nating mga maliliit at mahihina. Hindi natin kaya ang kapangyarihan ng China.” Ganito ang madalas sabihin ng pangulo na nagbanta noong bagong presidente pa lang siya, na magdyi-jetski siya sa mga isla na sinasakop ng China para magtanim ng bandila ng Pilipinas.


Ngayong iba na ang administrasyon, iba na ang pananalita ng nakaupong presidente.


Iginigiit naman nito ang karapatan at soberanya ng ating bansa laban sa pananakop ng China. Ano na ba ang nangyayari? Mabuti naman at ganito ang pananalita ng kasalukuyang pangulo. Pero, nakapagtataka na iba ang kanyang posisyon hinggil sa WPS.


“Atin ito ayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas.”


Bakit iba ang pahayag ng nakaraang administrasyon at tila kabaligtaran naman ang sinasabi ng kasalukuyang presidente at ng kanyang administrasyon? Batay ba sa pulitika o batay sa katotohanan ang pananalita ng dalawang presidente?


Sa mga nagdaang araw, habang dumarami ang patay sa dalawang panig ng Hamas at Israeli, maririnig natin ang dalawang pananaw -- ang panig ng Israel at ng Palestine.


Mabilis ang palitan ng galit ng dalawang grupo, ngunit sa totoo lang napakalalim ng problema ng giyera at kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine, at ng mga bansang kumakampi sa magkaibang panig.


Ngunit, nabasa ko ang nakakatuwang isinulat tungkol sa giyera ng mga sundalong Hamas at ng mga Israeli ng isang dating kaeskwela ko sa seminary, “Haping-hapi raw ngayon sina Putin at Xi Jin Ping dahil nabaling ang pansin ng U.S. sa Middle East at naisantabi ang Ukraine at Taiwan.


Parte ng gulo ngayon sa Holy Land doon po din ako sa payo ni Lolo Kiko (Pope Francis) na “Fraternity” ang pairalin (kahit pa man medyo romanticize na idea) dahil nga iisa ang pinanggalingan, si amang Abraham.”


Panganay ‘yung mga Hudyo, ikalawa lang tayong mga Kristiyano, at huli ang mga Muslim na meron daw pinakahuling propeta na nagpauso ng dahas sa pagpapalaganap ng bersyon ng kanilang sampalataya. Siyempre ang mga Hudyo ang paniniwala nila, dahil panganay, sila ang paborito. At tayo naman, paniwala nating naririyan na ang Panginoong Hesus bago pa si Abraham. Kaya kung may dalawang grupo man na nagsisigawan sa iba-ibang lugar, maka-Israel at maka-Palestine, tayo marahil ang sigaw natin ay “Kapatiran!”


Idinaraan sa bala, bomba, tangke, eroplano at barkong pandigma ang pakikipaglaban, ngunit merong mas malalim at mas masalimuot na digma na mahirap makita, mahirap maabot. Ito ang digma o giyera ng kalooban, ng laman ng puso na hindi ganu’n kadaling maabot habang napakadali ring saktan at sirain.


Mula rin sa isa pang kaeskuwela, “Magandang pakinggan si Matrisyahu, Matthew Paul Miller, isang Jewish Reggae singer. Sa Haifa, tinuruan niya ng 3,000 Muslim at Hudyo na kantahin ang ‘One Day’. Natutunan nilang kantahin at pag-isang himigin sa tatlong magkaibang wika ang One Day. Ang resulta ay isang konsyertong pinagdiwang ang kakaibang pagkakaisa at kagandahan sa higit pa sa lahi, paniniwala at pagkakaibang pulitika”.


Posible pala ang pagkakaisa at pagkilala sa kagandahan kung bubuksan natin ang ating puso sa pagtanggap sa iba o sa kapwa. Kakaibang giyera ito at kung tutuusin mas madaling gawin at pagtagumpayan. Gaano kahirap bang buksan ang puso para tanggapin tayo at tunay na maging magkakapatid?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 15, 2023


Maraming nangangarap na magsagawa ng “Banal na Paglalakbay” o Pilgrimage sa banal na siyudad ng Herusalem.


Sa hindi inaasahang kauna-unahang pagkakataon, narating ng limang paring estudyante sa Roma ang Herusalem noong taong 1986, pagkatapos na pagkatapos ng mapayapang People Power Revolution.


Sa tuwa ni Jaime Cardinal Sin, kinausap niya kaming limang mga mag-aaral na pari ng Arkidiyosesis ng Maynila na magpunta sa Herusalem upang magdasal at magpasalamat sa Diyos sa mapayapang katapusan ng 21 taon ng pamumuno ng diktadurang si Pangulong Ferdinand Marcos.


Nagkaroon ng pangalawang pagkakataong dumalaw sa Herusalem noong taong 2000, nang bumuo ng “Pilgrimage to the the Holy Land” ang mga parokyano ng Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman sa pamumuno ng dating UP President Jose Abueva.


At ang panghuling pagkakataon ay noong Nobyembre ng nakaraang taon, nang inanyayahan tayo ni Padre Emmanuel “Pong” del Rosario na Samahan at tulungan siya sa binuo niyang Pilgrimage to the Holy Land. Kakaiba ang pinakahuling dalaw natin sa Herusalem dahil namatay ang paring nag-anyaya at dapat kasama ko sa naturang paglalakbay.


Wala tayong plinano sa tatlong nadaluhang “pilgrimage”. Lahat ay maituturing kong biyaya ng Diyos na hindi inaasahan ngunit ipinagkaloob bilang grasya para sa pagpapalalim at pagpapalakas ng pananampalataya sa Panginoong Hesus Kristo.


Hindi madali at hindi laging ligtas maglakbay patungong Herusalem. Tila may laging nagtatagong banta dahil sa napakahaba nang kasaysayan ng pagtutunggalian ng dalawang bansa na Palestine at Israel. Walang tigil na nagkikiskisan sa lupang may matagal nang kasaysayan ng pagsasagupaan sa pagitan ng dalawang bansa.


Tingnan natin ang ilang mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng pagtutunggalian sa pagitan ng dalawang bansa.


1917: Natapos ang World War I. Ibinigay ng Ottoman Empire sa Inghiltera ang Palestinia.


Bahagi ito ng pangako ng Inghiltera sa Balfour Declaration na magkakaroon ng tahanan ang mga mga Hudyo sa Palestinia (a national home for the Jewish People).


1920-30: Dahil sa pangako ng Inghiltera at sa nagsisimulang pag-uusig ni Hitler sa mga Hudyo sa Alemanya, nagkaroon ng malawakang pagdating ng mga Hudyo sa Palestinia.


Ito ang simula ng tuluy-tuloy na paglalabanan ng mga puwersang Arabo ng Palestinia at ng mga Israeli forces sa mga bagong sakop na bahagi ng Palestine.


1947-48-United Nations: nagdeklara na magkakaroon ng dalawang Estado, isang Estadong Arabo at isang Estadong Hudyo. Ilalagay ang Herusalem sa ilalim ng United Nations. Tinutulan ito ng mga Arabong Palestino.


Mayo 15, 1948: Israel declaration of Independence. Ito ang simula ng Israeli-Arab war kung saan limang bansang Arabo ang lumahok para tutulan ang pagbuo ng bagong Estado ng Israel. Ito ang simula ng malawakang pag-alis (exodus) ng mga Palestino sa kanilang lupa. At mula noon nagsimula ang matinding pagtatalo sa lupa ng dalawang bansa.


1948-1967: Nahati ang Palestine sa tatlong bahagi, ang teritoryo ng Israel, ang West Bank at ang Gaza Strip. Nanatiling hawak ng Egypt at Jordan ang West Bank at Gaza Strip hanggang 1967.


Ang West Bank ay lupang may laking 2,200 square miles na napapaligiran ng Israel at Jordan.


1967: Six Day War. Makaraan ang patuloy na kiskisan sa pagitan ng Egypt at Israel, nagsimula ang Six Day War. Pagkatapos ng giyera ng anim na araw, napunta sa Israel ang mga dating lupang hawak ng mga Arabong Palestino, ang West Bank, East Jerusalem, Gaza, Sinai Peninsula at ang Golan Heights, dating hawak ng Syria. Dahil dito, nagpatuloy ang paglikas ng mga Palestino sa mga lupa na dati sa kanila.


1987: Unang Intifada o pag-aaklas ng mga Palestino.


1993: Natapos ang giyera nang pirmahan ang Oslo Accords nina Yitzak Rabin, Presidente ng Israel at Yasir Arafat, lider ng Palestine Liberation Organization.


2000 - Pangalawang Intifada: Napunta sa Palestine ang pamamahala ng West Bank at Gaza Strip.

2005: Umalis ang mga Israeli sa Gaza Strip at binitiwan ang kontrol dito.


2006: Nanalo sa eleksyon ang Hamas upang tuluyan nang kontrolin ang Gaza Strip.


2007: Tuluyang sinakop ng Hamas ang Gaza Strip. Dahil dito, sinimulan ng Israel ang Blockade laban sa Gaza Strip. Nagsimula rin ng matinding paghihigpit sa pagpasok ng anuman, sinuman at supplies tulad ng tubig, kuryente at pagkain sa Gaza Strip.


Ayon sa United Nations, 81% ng populasyon sa Gaza ay mahihirap, 63% ay may matinding kakulangan sa pagkain, na ang “poverty rate” ay nasa 46% at maraming walang matinong suplay ng tubig at kuryente.


Mula 2008 meron nang humigit-kumulang 6,400 Palestino at 300 Israeli ang namatay.

2008: Israel, isinagawa ang Operation Cast Lead.


2012: Israel, isinagawa ang Pillar of Defense.


2014: Israel, isinagawa ang Protective Edge Operation.


2023, October 7: Ang paglusob ng Hamas sa Herusalem. Libu-libo na ang mga nasasawi sa makabilang panig ng Israel at Palestine. Nanganganib din ang pakikialam ng iba pang mga puwersa gaya ng Hezbollah ng Lebanon.


Tumitindi na rin ang iringan sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea ng Philippine Coast Guard at ang mga barkong pandigma ng China.


Inaakala’t kinatatakutang magkaroon ng seryosong sagupaan ang mga puwersang Tsina laban sa mga puwersang ka-alyado ng Estados Unidos. Ngunit, biglang sa Gitnang Silangan ay sumabog ang mga missiles at bomba sa Israel at Gaza na sinimulan ng mga Hamas. Mahirap maging mahinahon sa magkabilang bahagi. Panay banta ang binibitiwan ng dalawang bansa.


Sana, sa halip mga bomba at bala mula sa iba’t ibang panig, magkaisa na lamang ang lahat sa panalangin, pakikipag-usap at higit sa lahat sa pakikinig sa bawat isa.


Mailap nga ang kapayapaan, at mas madaling lumusob at gumanti, gamit ang mga mahuhusay na pamatay.


Ngunit, hindi natin kailangan na piliin ang mga paraang pumapatay lamang. Mas dapat na piliin natin ang mga pamamaraang ituturo ang pakikinig, paglilingkod, pakikipag-usap at pagpapalaganap ng kapayapaan.


Mahaba na ang kasaysayan ng giyera sa pagitan ng Israel at Palestine.


Para sa mga mamamayan ng Pilipinas, marapat na ibahin natin ang ituturo sa mga kabataan. Sana ay higit na pag-aralan at ituro sa kanila maging sa lahat, ang mga pamamaraan ng pagkakaisa. Sa halip na giyera ang pagtuunan ng pansin, sana ay itaguyod natin ang tunay at wagas na pagkakasundo at sama-samang pagsusulong ng kapayapaan.


Napakalayo man ng Herusalem at ng Gaza sa atin, ngunit, napakaraming naniniwalang buhay na buhay ang pag-asa dahil buhay ang ating Diyos!





 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 08, 2023


Marahil kaunti na lang ang nakakaalala ng mga katagang “Je Suis Charlie”.


Kumalat ang mga salitang ito matapos ang nangyaring “Islamist Terrorist Attack” sa “Charlie Hebdo,” isang French Satirical Magazine na naglabas ng artikulong ikinagalit ng maraming Muslim.


Ika-7 ng Enero 2015 nang inatake ang opisina ng Charlie Hebdo na ikinamatay ng 12 katao.


Mabilis nabuo ang mga katagang “Je Suis Charlie”, bilang pakikiisa sa mga mamamahayag na pinatay. At naging panawagan din ito ng Karapatan ng Malayang Pamamahayag.


Noong nakaraang araw, ipinagdiwang natin ang National Teachers’ Day.


Kumusta na ba ang ating mga guro? Masaya ba sila? Sapat ba ang kanilang suweldo?


Maayos ba ang kalagayan ng kanilang pagtuturo, maayos na classroom, maliwanag, mahangin, tahimik at may sapat na kagamitan para sa epektibong pagtuturo? Sapat ba ang panahon nila para sa mahusay, epektibo at makataong pagtuturo? Hindi ba sila overworked ngunit underpaid?


Ayon sa isang article na ang titulo ay “Teacher Poverty Leads to Learning Poverty” (cf Anna Cristina Tuazon, Safe Space, PDI, September 28,2023, p. A8), merong ulat ng World Bank na nagsasabing pagkatapos ng pandemya ay mararanasan natin sa Pilipinas ang 91% “learning poverty.” Makikita ito sa datos na nagsasabing siyam sa bawat 10 estudyante ng Grade 4 at Grade 5 ang hindi kayang unawain ang simpleng pangungusap sang-ayon sa kanilang edad at abilidad.


Ayon din sa artikulo, kailangang tingnan ang mga nangyayari ngayon sa Department of Education (DepEd) na maaaring hindi nakakatulong sa epektibong pag-aaral, pagkatuto na bunga ng epektibong pagtuturo.


Bumuo naman ng bagong curriculum na tinatawag na MATATAG K-10 na nagbawas ng mga subjects sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga subject. Dahil dito, maaaring bumabaw ang pag-uunawa ng mga mag-aaral dahil hindi mabibigyan ng sapat na panahon tulad ng dati ang maraming aralin.


Binanggit din ang ibang mga dahilan na nakakabawas sa husay ng pagtuturo tulad ng “kabuhayan ng pamilya, kalusugan at kakulangan ng mga kagamitan sa pagtuturo.


Titser ang aking ina at nakita ko ang kanyang araw-araw na hirap at pagpupunyagi bilang guro sa Lakandula Elementary School sa Tondo, Manila.


Sabay-sabay niyang ginagawa ang paghahanda ng lesson plan para sa susunod na araw, pag-prepare ng aming kakainin, mga uniporme, baon, at iba pa. Kasama na rin dito ang paghahanda ng mga kailangan ng aming ama na nagtatrabaho din araw-araw. Parang superwoman ang nanay namin. Ngunit sa totoo lang, hirap na hirap siya araw-araw, pero tuloy pa rin sa pag-aasikaso.


Noong isang araw ay naglabas ng pahayag si Bise-Presidente Sara Duterte, bilang tugon sa mga kritisismo laban sa kanyang confidential and intelligence fund. Sabi nito, “Makinig kayo sa lahat ng sinasabi sa palibot ninyo at tandaan ninyo, kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”


Wow naman! Confidential funds equals kapayapaan. Kalaban ng confidential funds, kalaban ng kapayapaan, kalaban ng bayan ang kahulugan para sa kanya.


Sa ating Bise-Presidente, hindi kapayapaan ang isyu rito kundi malinaw na naka-focus kayo sa pagkakaroon ng confidential at intelligence funds na napakalaki at nagagamit ng mga ahensyang hindi nangangailangan nito. Hindi ba’t ang trabaho ninyo bilang kalihim ng DepEd ay tutukan ang learning poverty ng mga mag-aaral at ang teacher poverty na malaking hadlang sa epektibong pagtuturo ng ating mga guro? Dapat sigurong mas pagtuunan ninyo ng pansin ang mga ito kaysa anumang bagay para maresolba ang mga problema sa DepEd.


Samantala, ang inaasam-asam na paglaya para sa dating Senadora Leila De Lima ay nalalapit na. Kaya nagtipun-tipon muli noong nakaraang Sabado, ang mga lumalaban para sa paglaya ng inosenteng si dating Senadora Leila, kung saan naipakulong na tumagal ng halos pitong taon.


Mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, nagdasal ng rosaryo at nag-alay ng misa para sa paglaya ni Leila ang mga kaibigan, kamag-anak at supporters niya sa People Power Monument. Dasal naming, Our Lady of the Most Holy Rosary – La Naval de Manila Pray for Us as we Pray “Free Leila Now!!!”



 
 
RECOMMENDED
bottom of page