top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 1, 2023


Dumaan na ang Nurses Week mula ika-6 hanggang ika-12 ng Mayo 2023.


Ang napiling tema nito ay “Nurses Make a Difference Anytime, Anywhere, Always”.


Sayang ang nagdaang pagdiriwang ng Nurses Week dahil hindi tulad ng maraming mahahalagang pagdiriwang, halos hindi naramdaman ang linggo ng mga nars.


Meron din akong napansin sa tema ng Nurses Week ng taong ito. Bakit hindi inilagay sa tema ang salitang Pilipino, na sa halip na “Nurses Make a Difference Anytime, Anywhere, Always” ay ginawa sanang Filipino Nurses Make a Difference. Iba talaga ang mga Pinoy nars dahil walang bansang hindi hinahangaan ang mga nars natin.


Kaya, kahit natapos na ang Nurses Week, nagulat na lang ako nang pakiusapan ako ng isang ospital sa loob ng parokyang aking pinaglilingkuran na mag-alay ng misa para sa kanilang mga nars.


Naging malinaw sa akin kung bakit ako naanyayahang magmisa para sa mga nars dahil tulad ng ibang mga ospital, kulang na kulang na ang mga nars at talagang kailangan nila.


Kaya sa maraming ospital, dahil kinakapos ng mga nars ay patung-patong ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga ito.


Masaya ang diwa ng misang inialay naming lahat noong nakaraang Miyerkules, October 25.


Nagpasalamat ako na naririto pa ang mga lisensyadong nars at nakukuha pa nilang pigilan ang pag-alis patungo sa ibang bansa, kung saan nais nilang maglingkod bilang mga nars.


Ngunit, alam kong panahon lang ang makapagsasabi kung kailan sila aalis dahil buo na rin sa kanilang kalooban ang umalis ng bansa. Mas madaling itanong sa mga nars kung bakit nila nais umalis pero mahirap namang itanong kung ano ang makapipigil ng pagpunta nila abroad sa halip na manatiling naglilingkod sa kanilang sariling bansa.


Pagdating ng mga nars natin sa ibang bansa, meron nang naghihintay na trabaho sa kanila sa iba’t ibang mga ospital. Silang lahat ay nagtapos sa “Schools of Nursing”. Kung gaano ang pangangailangan ng mga nars na Pinoy abroad ay dito rin sa atin. At siyempre dahil mas malaki ang kanilang sahod kaysa atin mas pinipili nilang magtrabaho sa ibang bansa.


Higit sa pag-aaral ng mga nars ay likas na kakayahan din nilang mag-alaga ng mga pasyente.


Isa pang may mataas na demand para sa mga Pinoy ay ang “care-giving” o pag-aalaga sa mga may sakit at matatanda.


Para naman magkaroon ng higit na partisipasyon ang pagdiriwang ng misa, tinanong ko ang mga nagsimbang nars kung ilan sa kanila ang mananatili at maglilingkod dito hanggang sumakabilang-buhay. Halos walang kamay na nagtaas. Merong isa at marami na ang dalawa na parang nahihiya pang itaas ang kanilang mga kamay.


Batid natin na halos 95% ng mga nagtatapos ng Nursing sa ating bansa ang matagal nang may planong mangibang bansa. At sa kabila ng ganitong nakalulungkot na kalagayan sa ating mga nars, tila walang ginagawa ang ating pamahalaan para baguhin ang ganitong sitwasyon.


Kamakailan, iminungkahi ni Congressman Marvin Rillo na itaas ang sahod ng mga nars mula P36,619 sa P63,997 o itaas ng 75% ang kasalukuyang sahod ng ating mga nars sa bansa. Ngunit, ang mga nars lang ba ang nangangailangang itaas ang kanilang sahod?


Sa totoo lang, muling nabubunyag ang kababawan o kawalan ng tunay at epektibong pagmamahal at pagkalinga ang gobyerno sa ating mga nars.


Sa gitna ng krisis ng mga libu-libong nars na nag-a-abroad at nagpapahina sa ating mga ospital, naisipan naming likhain ang MSED o ang Ministry for the Sick, Elderly and Dying.


Bagama’t hindi nito mapapalitan ang mga nars, malaking bagay na turuan ang mga parokyano na tumulong sa pag-aalaga ng mga matatanda at maysakit. At tiyak kong hindi lang ang aming parokya ang naghahanap ng mga pamamaraang tumugon sa krisis ng sapat na health workers gaya nars, medtech, midwife at siyempre mga doktor.


Malaking bagay ang pagkakaroon ng magandang suweldo sa ating mga nars para hindi sila mag-ibang bansa. Magiging madali rin ito kung mayroon talagang totoo at wagas na pagmamahal at pagkalinga hindi lang para sa mga nars kundi sa lahat ng propesyon at sektor ng lipunan.


Kung maingat nating titingnan ang pambansang sitwasyon, hindi lang ang mga nagtapos ng Nursing ang nag-iibang bansa kundi ang malaking bahagi ng populasyon ng mga kabataan.


Higit sa pera, naghahanap ang marami ng pag-asa. Dapat sigurong simulan nating pagandahin ang sahod at mga benepisyo ng ating mga nars. Mag-umpisa man sa maliit ay unti-unting lalaki ang bilang habang mapipigilan na rin na mangibang bansa ang karamihan ng mga Pinoy.



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 30, 2023


Nagkita-kita muli ang mga naturang Josefinos o ang mga nag-aral sa San Jose Seminary, isang matandang institusyong hawak ng mga Hesuwita.


Nasabi kong matanda na dahil nagsimula ito bilang paaralan ng mga batang lalaki sa pangalang Colegio de San Jose noong Agosto 25, 1601. Merong 13 estudyanteng lalaki ito sa simula.


Sa mga nagdaang panahon, mula sa paaralan para sa mga lalaki, ito ay naging seminaryo o eskwelahan na humuhubog sa mga lalaking nagnanais maging pari.


Maraming kilalang mga pari, obispo at cardinal na nagtapos sa Seminaryo ni San Jose tulad nina Bishop Teodoro Bacani, Bishop Honesto Ongtioco, Cardinal Orlando Quevedo at Cardinal Luis Antonio Tagle.


Marami-rami na ring mga paring nagtapos sa San Jose na naglingkod sa iba’t ibang diyosesis dahil ang mga seminaristang nag-aaral sa San Jose Seminary ay galing din sa mga diyosesis sa iba’t ibang lalawigan, siyudad at munisipyo sa buong bansa.


Mahalagang bigyang pansin din ang makulay at makabuluhang paglalakbay ng Seminaryo ni San Jose sa iba’t ibang sulok ng kamaynilaan. Mula sa unang kinalagyan ng San Jose sa La Ignaciana, Santa Ana, Manila, kung saan din nag-aral si Dr. Jose Rizal, lumipat ang Seminaryo ni San Jose sa Intramuros na ngayon ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Mula Maynila lumipat ang San Jose sa Manila Central University (MCU). Makikita sa MCU ang lumang mga dormitoryo at kapilya na ginamit ng mga Hesuwita at Josefino. Mula MCU, lumipat naman ang San Jose sa tinatayuan ngayon ng Quezon City Medical Center o QC-Med sa Project 8. Nakatutuwa at nasa loob ng parokyang pinaglilingkuran ko ang QC-MED na dating Seminaryo ni San Jose.


Noong nakaraang mga araw nadalaw ko ang tahanan ng pumanaw na National Artist na si Frank Sionil Jose at Tessie, ang kanyang mabuting asawa na pumanaw na rin ilang buwan pagkatapos pumanaw ni Sionil.


Nagkausap kami ni Tonet, ang kanilang panganay na anak, at sa aking gulat at tuwa nang paalis na ako ng kanilang tahanan, nagtanong si Tonet, “Magagamit ba ninyo ito Father?” Ipinakita sa akin ni Tonet, ang isang matandang kalis, ang kopang nilalagyan ng alak na nagiging dugo ng ating Panginoon sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasbas ng pari sa loob ng misa. “Bakit mo ibinibigay sa akin ang kalis na ‘yan, Tonet?” tanong ko sa kanya. Sagot ni Tonet, “Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin sa kalis dahil hindi naman po kami pari”. Nang tingnan ko ang kalis, nabasa ko ang mga sumusunod na kataga sa Latin:


“Gratias Agamus Domino. March 15, 1963. From San Jose Seminary. To Our Beloved Alumnjus Msgr Jose N. Jovellanos on his Golden Sacerdotal Jubilee.”


Isa sa pinakaunang kilalang alumnus ng San Jose si Msgr. Jovellanos. Matagal itong naging kura sa Paroko ng Simbahan ng Santo Niño, Tondo. At napakalaki ng utang na loob ng mga tagaroon sa matagal nang yumaong Msgr. Jovellanos. Nang itinatayo kasi ang simbahan ng Santo Niño de Tondo, tila napakalaki ng personal na ambag ni Msgr. Jovellanos. Ayon pa nga sa kanyang apo sa pamangkin na si Tonet, “Merong mga kamag-anak si Msgr. Jovellanos na nagalit dito dahil sa pagbenta nito ng kanilang lupa para gamitin sa pagpapatayo sa naturang simbahan”.


Nasa harapan ko ngayon ang kalis ng banal at kilalang Msgr. Jose Jovellanos na isa sa dalawang naging pari noong 1907 o mahigit nang 100 taon. Isang napakaganda’t napakahalagang regalo ang tinanggap ko sa pamilya ni Sionil, partikular kay Tessie na tila apo sa pamangkin ni Msgr. Jovellanos.


Habang pinagmamasdan ko ang kalis, naalaala ko ang nalalapit nang ika-42 taon ng aking pagiging pari. Napakarami nang nangyari mula noon at napakaraming pagsubok at paghihirap na dinaanan ng ating simbahan at bansa. Iisa ang sinasabi ng kalis sa lahat ng pari. Tuwing itinataas namin ito sa bawat misa, amin ding itinataas ang aming mga sarili bilang alay o handog kasama ni Kristo na ating Diyos at sa kanyang bayan.


Sa magulo at lubhang masalimuot na mundo, nawa’y ang lahat ng mga Josefino, lahat ng pari sa buong bansa at sa mundo, sana ay maging instrumento ng katotohanan, katarungan, pagmamahal at higit sa lahat kapayapaan ng Diyos.


Maraming salamat sa Seminaryo ni San Jose, sa mahal nating mga gurong Hesuwita na hinubog kaming magmahal at maglingkod sa Diyos at sa kanyang bayan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 23, 2023


Malapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Gaano ba kahalaga ito? Kailangan ba nating makialam at makilahok dito?


Noong Martes ng gabi, kausap ko ang isang ‘senior citizen’. Tinanong ko sa kanya kung boboto ba siya sa darating na BSKE. Sagot ni lolo, “Matagal na akong hindi bumoboto.


Sayang lang ang aking boto. Wala ka naman talagang mapagpipilian dahil karamihan ng mga kandidato ay hindi paglilingkod ang dahilan ng pagtakbo. Dalawa lang ang pagpipilian ng kandidatong tatakbo, pera o paglilingkod. Mahirap maghanap ng kandidatong hindi pera ang dahilan sa pagtakbo sa barangay man o national elections”.


Sabi naman ng isa pang lola, “Para sa akin dapat i-abolish na ang Sangguniang Kabataan Elections. Kay bata-bata pa ay natututo nang maging korup. Wala naman silang ibang nakikitang modelo kundi ang mga tumatakbong kapitan at kagawad.”


Sa kabila ng makukulay at pawang kaluha-luhang mga talumpati ng mga kandidato, makukutuban mo ang totoo sa hindi totoo. Mahalaga pa ba talaga ang katotohanan at katapatan? Ilan talaga sa mga kandidato ang may wagas at marangal na layunin na tunay na maglingkod? Alam at nakikita naman ng mga kabataan kung anong uri ng lider ang meron tayo ngayon mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa Malacañang.


Mabuti na lang at hindi naman ganito kadilim ang pananaw ng marami bagama’t marami na talaga ang dismayadong-dismayado sa mga naganap na at magaganap pang eleksyon.


Anupaman ay hindi namin aaksayahin ang pagkakataong tulungang mag-isip at pumili pa rin nang maayos sa darating na BSKE sa Oktubre 30, 2023.


Kaya naganap ang isang Candidates Forum para sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo (Our Lady of Perpetual Help) noong nakaraang Sabado, Oktubre 21.


Inanyayahan ang mga kandidato para sa Sangguniang Kabataan na dumalo sa misa ng alas-7 ng umaga. At mula alas-8:00 ng umaga hanggang bandang alas-12 ng tanghali ay isinagawa namin ang Candidates Forum para sa tatakbong SK Chairman at ang mga tatakbong SK Councilors.


Sinikap naming anyayahan ang mga kabataang dumalo para ipakita sa kanila ang kahalagahan ng pakikilahok at pagpili ng nararapat na kandidato mula sa kanilang hanay.


Gaano ba kahalaga para sa kabataan ang pakikilahok, pakikialam at pagtataya sa pulitika? Ano nga ba talaga ang tingin ng mga kabataan sa ating pulitika?


Marami akong nakausap na kabataan noong nakaraang pambansang halalan. Marami sa mga ito ang naniwala kay Leni Robredo bilang kanilang pag-asa. Madalas kong marinig sa kanila na papangit na nang papangit ang ating pulitika. Anila, mula sa mga naunang pangulo hanggang sa kasalukuyang administrasyon, parang nakulong na tayong lahat sa pulitikang walang lalabasan at tila walang pag-asa. Nakapasok na nang husto ang mga trapo at sa tingin ko ay hawak na nila ang lahat ng institusyon para siguraduhing hindi na sila matitinag sa kanilang posisyon.


Umasa rin ang marami na si Leni ang mananalo upang makalabas na tayo sa kulungan ng trapo at sama-samang baguhin ang pulitikang may malubhang sakit.


Sa antas ng Barangay Elections, malinaw na malinaw ang pagkilos ng trapong pulitika.


Nahahati pa rin ang mga grupo ng mga kandidato sa SK at Barangay, ayon sa mga kampong nag-aagawan ng poder sa antas ng pambansang pulitika. Anumang ingat ng mga kandidatong itago ang kanilang kulay, makikita at maaamoy mo naman kaagad kung ano ito.


Natatandaan ko sa aming parokya, nagsisimba noon ang yumaong dating Senador Nene Pimentel. Napakaganda ng kanyang pangarap para sa mga barangay. Ayon sa kanya, “Ang barangay ang pangunahing nagpaplano at nagsasagawa nito. Ang mga barangay ang bumubuo ng mga “development projects” at mga programa at nagpapatupad ng mga polisiya at gawain ng pamahalaan sa kanyang nasasakupan. Direktang ipinaaabot din sa mga tao ang mga serbisyong galing sa pamahalaan.”


Isang munting pamahalaan ang barangay. Kung matino ang Barangay Council, matino ang magiging takbo ng buhay sa barangay.


Sana nga, mabigyan ng tunay na kapangyarihan ang mga barangay para pagandahin at ayusin ang buhay ng mga tao na bumubuo rito. Ngunit, huwag sana maging mga tau-tauhan lang ang mga opisyal ng barangay ng mayor, congressman, senador hanggang presidente.


Tanda ko rin na mismong si Pimentel ang nagsabi noong Abril 13, 2008 na i-abolish na ang Sangguniang Kabataan dahil hindi naman ito nagiging instrument para palahukin ang mga kabataan sa pagbuo ng mga “development programs” sa barangay.


Marahil, nakita at naamoy na rin noon ng butihing senador kung paano nagiging tau-tauhan ang mga opisyal ng SK ng Barangay Captain, mayor, congressman, senador hanggang presidente ng bansa.


Napakalaking hamon ito na kailangang baguhin, linisin at palitan ang pulitikang trapo.


Dapat nating hanapin ang susi upang makalabas at lumaya na tayo sa kulungan ng trapong pulitikal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page