top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 11, 2023


“Hinay-hinay basta kanunay!” Isa ito sa wikang Cebuano na magandang payo at “slowly but surely” ang katumbas naman sa Ingles.


Sa karaniwang pag-unawa ang ibig sabihin nito ay hindi kailangang magmadali basta’t tuluy-tuloy at matiyagang ginagawa ang isang bagay matatapos at matatapos ito.


Ngunit, iba ang pakahulugan nito kapag tiningnan natin ito sa “punto de vista” o sa pananaw ng pananampalataya. Magtatagumpay tayo sa anumang gawin natin mabilis man o mabagal kung gagawin natin ito ng buong tiwala sa Diyos. Kung kikilalanin natin na ang anumang ginagawa natin ay nagsisimula, nagpapatuloy at matatapos sa tulong at pagpapala ng Diyos ay magaganap at matatapos ito.


Matagal-tagal na mula nang nabuo ang konsepto at plano ng LakaRun 500 o ang pagtatanim ng 500 “Pilgrim-Mission Crosses” para sa susunod na limang daang taon. Bandang Agosto ito ng 2019, ilang buwan pa bago tumama ang COVID-19 sa buong mundo.


Doon sa studio ni Willy Layug, ang kilalang iskultor ng Betis, Pampanga, napag-usapan ang pag-uukit ng kakaibang krus na sasagisag sa hamon ng bagong ebanghelisasyon sa susunod na 500 taon. Sa loob ng dalawang taon, sa darating na Marso 2021 magli-500 taon na mula nang dumating ang mga Kastilang Misyonero na nagtanim ng unang krus sa Cebu at nagdiwang ng unang misa sa isla ng Limasawa sa lalawigan ng Leyte.


Ipinaliwanag natin kay Willy na bagama’t matatapos na ang unang 500 taon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Hesus Kristo, nakita na rin natin ang napakaraming mabuting nagawa sampu ng mga pagkakamali at pagkukulang ng Simbahang Katoliko sa bansang Pilipinas.


Oo nga’t tayo lang ang nag-iisang bansang Kristiyano sa bahaging ito ng mundo, napapaligiran tayo ng mga bansang laganap ang mga matatanda at malalaking relihiyon ng Islam, Buddhism, Hinduism. Mahalagang itanong kung lumulutang ang kakaibang tatak at pagkakakilanlan ng ating pagiging Kristiyano sa gitna ng mga bansang may ibang paniniwala.


Totoong Kristiyano ang karamihan sa mga mamamayan ng ating bansa, ngunit ano ang naidulot nito sa takbo ng ating pamahalaan at sa pag-uugali at kalidad ng partisipasyon ng karamihan ng mamamayan? Ano ang masasabi natin sa kaugnayan ng pananampalataya at pulitika sa buhay ng mga namumuno at pinamumunuan? Bakit laganap ang korupsyon, karahasan, panlilinlang at pananamantala sa lahat ng antas at sangay ng lipunan? Bakit sa kabila ng kayamanan mula sa likas yaman hanggang sa talino at galing ng mga mamamayan ay laganap at lumalala pa ang kahirapan at kagutuman?


Kaya’t napag-usapan din namin ni Willy ang problema ng mahina at mababaw na pag-uunawa at pagsasabuhay ng pananampalatayang Kristiyano. Talagang naitanim ang unang krus sa Cebu, ngunit naitanim ba ito nang husto sa isip, puso, diwa at buong pagkatao ng mga tumanggap nito?


Kaya’t naging malinaw ang tunay na larawan at hamon ng ebanghelisasyon at katekismo sa mga darating na panahon, at sa susunod na 500 taon.


Dahil mahina at mabuway ang krus ng pananampalatayang Kristiyano ngayon, naisip namin ang panawagang, “Replant the Cross, Replant the Faith”. At dahil hindi maganda ang nangyayari sa ating bansa sa hindi magandang pamamahala naidagdag natin ang “Rebuild the Nation”. Kaya ang buong panawagan ay, “Replant the Cross! Replant the Faith! Rebuild the Nation!


Ganu’n nga ang naipaliwanag na hamon at misyon ng susunod na 500 taon sa pamunuan at mga residente ng Pope Francis Village sa baryo Diit, Tacloban City noong nakaraang Lunes, Nobyembre 6 at sa mga lider ng mag-aaral ng Visayas State University, Baybay, Leyte noong nakaraang Miyerkules, Nobyembre 8.


Pagkatapos ng paliwanag at palitan sa mga biktima ng Yolanda at sa mga batang mag-aaral, ipinagkaloob ang dalawang Pilgrim-Mission Cross of the Next 500 Years. Ilalagay ang isang krus sa tamang lugar sa gagawing bagong simbahan sa loob ng Pope Francis Village. Ilalagay naman sa isang nararapat na bahagi ng simbahan ng Holy Spirit sa tabi ng Visayas State University, Baybay, Leyte.


Ito ang naging tahimik ngunit makabuluhang paggunita na may pagtugon at pananagutan sa ika-10 anibersaryo ng Bagyong Haiyan o Yolanda.


Marami at malaki na ang pagbabago sa siyudad ng Tacloban at sa maraming bahagi ng kabisayaan makaraan ang 10 taon. Ngunit, sa kabila ng panlabas na pagbangon, paano na ang kalooban, pagkatao, pananaw, pag-uugali at lalim ng pananampalataya at pagmamahal sa Diyos at bansa ng bawat mamamayan?


Mas mahirap at malinaw na mas mahalaga ang paghuhubog at pagbuo ng bago at angkop na pagkatao, pagka-Kristiyano at maka-Diyos at pagka-Pilipino ng bawat mamamayan. Hindi madali ito ngunit kung magsisimula at magtitiyaga nang walang sawa at pagpapabaya, ito ay ating magagawa. At huwag kalimutang matatapos at magagawa ang lahat, hinay-hinay basta kanunay!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 6, 2023


Kausap ko ang isang kaibigang doktor na tumatanda na tulad ko.


Nagkabahaginan kami ng mga karanasan at ng aming kasalukuyang kalagayan at napabuntong-hininga na lamang siya at sinabi, “Ang hirap tumanda sa Pilipinas!”


Nakausap ko naman ang isang kaibigan na nag-imbita sa aking misahan ang kamamatay na asawa ng kanyang kaeskwela sa hayskul. Nagulat na lang ako sa kanyang naging bukang-bibig,


“This is the best time to die!”


Tinanong ko siya kung para sa akin ba ang kasasabi lamang niyang kaisipan. Sagot niya sa akin, “Hindi, para sa ating lahat ito. Bakit? Dahil ang gulo na ng mundo. Parang malapit na itong magunaw. Ayaw kong maranasan ang giyera na nagaganap na sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Suwerte nga ang mga namamatay ngayon at hindi na nila mararanasan ang giyera at anumang pangit na mga pangyayaring nagbabantang maganap sa mundong ito.”


Hindi aksidente ang mga umabot sa aking kaisipan at pananaw na, kayhirap tumanda sa Pilipinas at ngayon ang pinakamagandang panahong mamatay, dahil napapaligiran tayo ng mga panganib at banta na hindi humuhupa dahil mukhang hindi rin natututo at tumitino ang marami sa atin. Mula sa mga pinuno hanggang sa mga pinakamaliit na pinamumunuan ng mga ito.


Tatlong taon na mula nang kumalat ang COVID-19 sa buong mundo at milyong buhay ang ibinuwis nito. Sampung taon naman sa darating na Miyerkules, Nobyembre 8, 2023 ang anibersaryo ng Bagyong Haiyan o Yolanda na pumatay ng libu-libo sa kabisayaan lalo na sa Tacloban, Leyte. Tinatayang 6,300 ang namatay at mahigit na 1,500 ang nawawala. Mahigit limang daang bilyong piso ang pinsalang dulot ng bagyo sa pagkasira ng mga gusali, tulay, kabahayan, palayan, palaisdaan, mga pagawaan at sari-saring kabuhayan.


Sa pahayag ng pamahalaan, ang magiging tema ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng Yolanda sa Miyerkules ay ‘Pasasalamat’.


Pasasalamat sa mga tumulong na mga International Organizations, NGOs (local at international) at lahat na tumulong sa mga biktima ng trahedya.


Salamat at buhay pa tayong lahat para magtulungan ngayon. Ngunit paano tayo magtutulungan?


Ano ang puwede at dapat nating gawin?


Merong sagot dito ang 40 na naglakad mula Maynila hanggang Tacloban, “Climate Justice!”


Dapat magbago na ang takbo ng buhay mula sa mga malalaking korporasyon kasama at kasabay ang mga malalaking bansa. Malubha na ang init at usok na galing sa mga makinang sumusunog na sari-saring maruming enerhiya. Bunga ng pagbago ng temperatura ng mundo ang Bagyong Yolanda.


Ayon nga sa mga dalubhasa, lalo pang lalala ang mga bagyo dahil nagbago na ang takbo ng klima sa daigdig na pinabayaan at inabuso ng lahat.


Maaari pang baguhin ang palalang sitwasyong ito. Ngunit, kailangan ang radikal na pagbabago ng takbo ng buhay at kailangan ang seryosong pagkilos na magsisimula at palalaganapin ng pamahalaan. Kailangang ibaba ang carbon emissions o mga usok galing sa mga makinang sumusunog ng krudo, gasolina at anumang nagpapakawala ng sobrang usok at init sa mundo.


Ang Estados Unidos at Tsina ang dalawang pinakamalaking gumagamit ng maruming enerhiya na mula sa pagsunog ng krudo, coal at iba pang pinagmumulan ng polusyon at labis na init na may epekto sa pagbabago ng klima.


Marami na dapat natutunan ang buong mundo, lalo na ang ating mahal na bansa, sa pamumuno ng ating mga lider, sampu ng mga mamamayan pagkaraan ng 10 taon ng Yolanda.


Sapat nang dahilan ito para maglakbay tayo sa Tacloban para sa ika-10 anibersaryo ng Yolanda.


Samantala, tila dadalo ang Pangulo sa okasyon. Tila maraming mga lokal at internasyonal na NGO ang dadalo. Baka meron pang lumabas na kakaibang mga pananaw, panukala at mga kongkretong gagawin o ginagawa na tungo sa makatotohanan at epektibong pagkilos laban sa mga ugat at sanhi ng Bagyong Haiyan o Yolanda.


Baka magkaroon ng pag-amin sa mga maling pananaw na nagbubunga ng maling mga polisiya na nagbubulgar sa katigasan ng ulo at kayabangan ng mga walang pagtanggap sa mga malinaw na leksyon ng Yolanda.


Makikita natin kung totoong may dahilang magpasalamat kung merong malalim na pagbabagong magaganap tulad ng pagbabawas ng sasakyan sa kalye, tunay na regulasyon sa anumang paninira sa kalikasan mula sa legal at ilegal na pamumutol ng puno at pagmimina, pangingisda saan man lalo na sa mga lugar na ipinagbabawal ng DENR at BFAR, pagku-quarry ng mga bundok, ilog, dagat maging para sa lokal o internasyonal na pangangailangan.


Sana meron na ngang lalim at tunay na pagbabago na makikita sa kakaibang pamamalakad ng pamahalaang lokal at sa pakikiisa ng mga mamamayan. Sana, merong higit pa at kakaiba kaysa sa pagbalik sa dating buhay na parang hindi nangyari ang Yolanda.


Kung hindi, kung walang pagbabago sa pananaw, pag-uugali, pamumuhay at pamamalakad ano ang dahilan at kabuluhan ng pasasalamat?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 5, 2023


Pebrero, 2006, naroon tayo sa isang mahirap na bayan ng China. Sinubukang magtrabaho bilang gurong OFW na nagtuturo ng “English as a Foreign Language.”


Hindi mahirap maghanap ng trabaho sa anumang bahagi ng China ang sinumang marunong magsalita, magbasa at magsulat ng Ingles. Masigasig na naghahangad ang maraming mga kabataang Tsino na matuto ng Ingles dahil mahalagang hakbang ito kung nais nilang makapag-aral o makapagtrabaho sa ibang bansa. Napakagandang pagkakataon din para sa atin na magbabad sa ibang kultura upang matutunan ang mayamang buhay na merong kinalaman ngunit nananatiling ibang-iba sa ating sariling buhay bilang mga Pilipino. Tiyak na marami tayong makikitang koneksyon sa relihiyon, kasaysayan, wika, pagkain, pulitika, agham, ekonomiya at iba pa ng Tsina.


At totoo namang maikli ang isang taon upang magkaroon ng malalim at malawak na pag-unawa sa kabuuan ng buhay ng mga kapatid nating Tsino.


Ganunpaman, nakita at naranasan ko ang kakaibang pananaw at pamumuhay ng mga mamamayang Tsino na masasabing kanilang bukal ng lakas, karunungan at pag-asa.


Bago pa dumating ang mga Kristiyanong misyonero, laganap na sa Tsina ang mga matatandang relihiyon ng Budismo; Confucianismo, Daoismo at Hinduismo. Dahil sa mga relihiyong ito, malakas ang paggalang at pagkilala ng mga taga-Tsina sa pamilya at sa mga ninuno (Confucianismo); sa daloy ng kalikasan (Daoismo); sa lakas ng mahinahon at nakasentrong isip at kamalayan (Budismo) at sa malalim na pagkilala sa mga enerhiya ng katawan, diwa at espiritu ng tao na bukal ng mabisa, mahaba at masayang pamumuhay (Hinduismo).


Subalit, nakita ko rin ang trahedya ng naturang “Cultural Revolution” ni Mao Zedong.


Ang mahaba ngunit sistematikong pagbaklas ng impluwensya ng pananaw, kultura, relihiyon ng matandang Tsina na binubuo ng mga nabanggit na nating mga iba’t ibang relihiyon at paraan ng pamumuhay. Mula na rin sa mga kuwento ng mga naging tunay na kaibigan na nagtapat ng kanilang naranasang panghihina dulot ng pagsupil ng matanda, sinauna at katutubong pananaw at paraan ng pamumuhay ng kanilang mga ninuno.


Totoong napakayaman at napakamakapangyarihan ng China ngayon, ngunit merong malalim na kulang. Merong pananaw at pamamalakad ng pamahalaan na hindi nagpapalalim at nagbibigay buhay sa malalim at katutubong diwa, espiritu at kultura ng tunay at sinaunang Tsina.


Marahil ganu’n din ang masasabi natin tungkol sa mga katunggali ng Tsina tulad ng Estados Unidos at ang ibang kanluraning bansa. Ganu’n din ang masasabi natin tungkol sa Russia at sa kasawiang palad, tila ganyan din ang sitwasyon ng ating mahal na bansang Pilipinas.


Sa ibinahagi nating pagninilay sa Misa noong nakaraang Nobyembre 2, 2023, Pista ng mga Kaluluwa, ipinaliwanag ko ang pagkakaiba ng kaluluwa sa espiritu. Ang kaluluwa ay ang prinsipyo ng buhay, ang kakayahang mag-isip, dumama at magpasya. Ngunit ang espiritu ay ang pinakamalalim na bahagi o ang buod ng ating pagkatao na ating tulay sa Diyos. Ang espiritu lang ang maaaring makipag-ugnayan sa Diyos at ganu’n din ang Diyos sa atin. Kapwa mahalagang alagaan at kalingain ang kaluluwa at espiritu.


Sa kasalukuyang mundo, labis ang pagpapahalaga sa pisikal, laman o katawan. Lahat ng pangangailangan pati na ang luho at bisyo ay ibinibigay sa katawan o laman. Kaya sabi ng isang author, si Beb Janisch, meron na ngayon sa mundong gutom ng kaluluwa o “soul hunger.” Nakikita ang gutom ng kaluluwa sa mga problema ng katawan at isipan, sa mga problema ng relasyon, sa kawalan ng kabuluhan at direksyon.


Marami sa mundong busog na busog ang katawan at sila’y laging naniniyak na merong labis na salapi, kapangyarihan, koneksyon, ari-arian at anumang nagbibigay ng “kapal” ng “dating” sa mundo ng personalidad, pangalan, yaman at kapangyarihan. Hindi ba ito ang pinakadahilan ng maraming giyera? Hindi ba’t mas madaling gumamit ng dahas at manakit ng kapwa kapag gutom ang kaluluwa?


Lalong lumalala ang gutom ng kaluluwa dahil sa giyera ng Russia at Ukraine, ganu’n din ng tumitinding giyera ng Israeli at Hamas. At ang namumuong kiskisan sa pagitan ng Taiwan, Pilipinas at Tsina at mga kani-kanyang kakampi sa parteng ito ng mundo.


Sa halip na tugunan ang mga tunay at malalalim na gutom o pangangailangan ng sangkatauhan ang mga kani-kanyang interest ang isinusulong lalo na ng mga malalaki at makapangyarihang bansa.


Gutom na gutom na hindi lang ang kaluluwa ng bawat tao kundi ang mismong kaluluwa ng mundo, ng kalikasan at ng sangkatauhan. Kaya’t nanawagan ang Santo Papa noong nakaraang Biyernes na manahimik, manalangin at mag-ayuno para gisingin at anyayahan ang lahat na pakainin at painumin at pawiin ang tunay na gutom at uhaw na pinagmumulan ng giyera at lahat ng karahasan sa mundong ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page